Paano Mo Pinakikitunguhan ang mga Di-Pagkakaunawaan?
ARAW-ARAW tayong nakikitungo sa iba’t ibang personalidad. Kadalasang ito’y nagbibigay sa atin ng kagalakan at bagong mga pananaw. Kung minsan, pinagmumulan din ito ng mga di-pagkakaunawaan, na ang ilan ay seryoso samantalang ang iba naman ay maliliit lamang na di-pagkakasundo sa ating pang-araw-araw na buhay. Anuman ang dahilan ng mga ito, kung paano natin pinakikitunguhan ang ating mga di-pagkakaunawaan ay nakaaapekto sa atin sa mental, emosyonal, at espirituwal na paraan.
Ang paggawa ng kung ano ang nasa ating kapangyarihan upang malutas nang maayos ang mga di-pagkakaunawaan ay makatutulong sa pagtatamasa natin ng isang mas malusog na buhay at mas mapayapang kaugnayan sa iba. Isang sinaunang kawikaan ang nagsasabi: “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan.”—Kawikaan 14:30.
Totoo rin ang kabaligtaran nito: “Gaya ng lunsod na nilusob, na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.” (Kawikaan 25:28) Sino sa atin ang nagnanais na maging mahina sa pagsalakay ng maling mga kaisipan na maaaring magpangyari sa atin na kumilos nang hindi wasto—mga pagkilos na maaaring magdulot ng pinsala sa iba at sa atin? Ganiyan nga ang magagawa ng di-mapigil at galít na mga pagtugon. Sa Sermon sa Bundok, iminungkahi ni Jesus na suriin natin ang ating saloobin, na maaaring makaimpluwensiya sa paraan ng ating pakikitungo sa anumang di-pagkakaunawaan na mayroon tayo sa iba. (Mateo 7:3-5) Sa halip na tayo’y maging mapamuna sa iba, dapat nating isipin kung paano natin mapauunlad at mapananatili ang pakikipagkaibigan sa mga may iba’t ibang pangmalas at pinagmulan.
Ang Ating Saloobin
Ang unang hakbang upang malutas ang isang inaakala o tunay na di-pagkakaunawaan ay kilalanin na tayo ay madaling magkaroon ng mga maling kaisipan at mga saloobin. Ang Kasulatan ay nagpapaalaala sa atin na tayong lahat ay nagkakasala “at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Isa pa, maaaring isiwalat ng pagkaunawa na ang pinagmulan ng ating problema ay hindi ang ibang tao. May kaugnayan dito, isaalang-alang natin ang karanasan ni Jonas.
Sa ilalim ng tagubilin ni Jehova, si Jonas ay nagtungo sa lunsod ng Nineve upang mangaral tungkol sa nalalapit na paghatol ng Diyos sa mga maninirahan nito. Ang maligayang resulta ay na nagsisi ang buong lunsod ng Nineve at nanampalataya sa tunay na Diyos. (Jonas 3:5-10) Nadama ni Jehova na ang kanilang nagsisising saloobin ay karapat-dapat sa pagpapatawad, kaya pinatawad niya sila. “Gayunman ay lubhang di-kalugud-lugod iyon kay Jonas, at siya ay nag-init sa galit.” (Jonas 4:1) Nakagugulat ang tugon ni Jonas sa awa ni Jehova. Bakit magagalit si Jonas kay Jehova? Marahil, naging buhos na buhos si Jonas sa kaniyang sariling damdamin, anupat naiisip niya na masisira ang pangalan niya sa komunidad. Hindi niya napahalagahan ang awa ni Jehova. Sa mabait na paraan, hinayaan ni Jehova na maranasan ni Jonas ang leksiyon na tumulong sa kaniya na baguhin ang kaniyang saloobin at makita ang nakahihigit na kahalagahan ng awa ng Diyos. (Jonas 4:7-11) Maliwanag na ang saloobin ni Jonas ang kailangang baguhin, hindi ang kay Jehova.
Kung minsan ba ay kailangan nating baguhin ang atin mismong saloobin tungkol sa isang bagay? Si apostol Pablo ay nagpapayo sa atin: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Ano ang ibig niyang sabihin? Sa isang bagay, hinihimok niya tayo na maging makatuwiran at makitungo sa ibang mga Kristiyano taglay ang matinding paggalang at dignidad. Kasangkot dito ang pagkilala na ang bawat indibiduwal ay may pribilehiyo sa malayang pagpili. Si Pablo ay nagpapaalaala rin sa atin: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Kaya, bago pagmulan ng hidwaan ang mga di-pagkakaunawaan, makabubuting isaalang-alang kung ang atin mismong saloobin ay nangangailangang baguhin! Dapat tayong magpagal upang mapaaninaw ang kaisipan ni Jehova at mapanatili ang kapayapaan sa iba na talagang umiibig sa Diyos.—Isaias 55:8, 9.
Ang Ating Pamamaraan
Isip-isipin ang dalawang bata na nag-aagawan sa iisang laruan, ang bawat isa’y palakas nang palakas ang paghila sa layuning makuha ito. Maaaring kasama pa sa pag-aagawan ang galít na mga salita hanggang sa wakas ay bumibitiw sa paghawak ang isa o may isang namamagitan.
Sinasabi sa atin ng ulat sa Genesis na narinig ni Abraham ang isang pagtatalo sa pagitan ng kaniyang mga tagapag-alaga ng kawan at niyaong sa kaniyang pamangking si Lot. Si Abraham ang unang lumapit kay Lot at nagsabi: “Pakisuyo, huwag magpatuloy ang anumang awayan sa pagitan natin at sa pagitan ng aking mga tagapag-alaga ng kawan at ng iyong mga tagapag-alaga ng kawan, sapagkat tayong mga lalaki ay magkakapatid.” Determinado si Abraham na huwag magkaroon ng anumang hidwaan na sisira sa kanilang kaugnayan. Sa anong halaga? Handa siyang isakripisyo ang kaniyang pribilehiyong pumili bilang mas nakatatandang lalaki; handa siyang magparaya sa isang bagay. Pinahintulutan ni Abraham si Lot na pumili kung saan niya gustong dalhin ang kaniyang sambahayan at mga kawan. Pagkatapos ay pinili ni Lot para sa kaniyang sarili ang luntiang dako ng Sodoma at Gomorra. Sina Abraham at Lot ay naghiwalay nang mapayapa.—Genesis 13:5-12.
Upang mapanatili ang mapayapang kaugnayan sa iba, handa ba tayong kumilos sa espiritu na katulad ng ginawa ni Abraham? Ang ulat na ito ng Bibliya ay nagbibigay sa atin ng isang magandang huwaran upang tularan kapag nakikitungo sa isang di-pagkakaunawaan. Si Abraham ay nagsumamo: “Huwag magpatuloy ang anumang awayan.” Ang tunay na hangarin ni Abraham ay magkaroon ng isang mapayapang kalutasan. Tiyak na ang paanyayang iyon na panatilihin ang mapayapang mga kaugnayan ay tutulong upang isaisang-tabi ang anumang di-pagkakaunawaan. Saka nagtapos si Abraham sa pagsasabing “sapagkat tayong mga lalaki ay magkakapatid.” Bakit mo isasakripisyo ang gayong mahalagang kaugnayan dahil lamang sa personal na kagustuhan o pagmamataas? Pinanatili ni Abraham ang malinaw na pagtutok ng pansin sa kung ano ang mahalaga. Ginawa niya iyon taglay ang paggalang sa sarili at dangal, at kasabay nito ay binigyan ng dignidad ang kaniyang pamangkin.
Bagaman bumabangon ang mga kalagayan kung saan maaaring kailanganin ang isa na mamagitan upang malutas ang isang di-pagkakaunawaan, mas makabubuti nga kung ang bagay na ito ay lulutasin nang pribado! Hinihimok tayo ni Jesus na gumawa ng unang hakbang upang makipagpayapaan sa ating kapatid, na humihingi ng tawad kung kinakailangan.a (Mateo 5:23, 24) Mangangailangan ito ng kapakumbabaan, o kababaan ng pag-iisip, subalit si Pedro ay sumulat: “Magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Ang paraan ng pakikitungo natin sa mga kapuwa mananamba ay may tuwirang kaugnayan sa ating kaugnayan sa Diyos.—1 Juan 4:20.
Sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, maaaring hilingin sa atin na ipagparaya ang isang karapatan upang mapanatili ang kapayapaan. Marami sa nakikisama ngayon sa mga Saksi ni Jehova ay napasama sa sambahayan ng tunay na mga mananamba ng Diyos sa nakalipas na limang taon. Anong laking kagalakan ang naidulot nito sa ating mga puso! Ang paraan ng ating paggawi ay tiyak na nakaaapekto sa mga ito at sa iba pa sa kongregasyon. Ito ay isang mabuting dahilan upang maingat na pakaisipin ang ating pinipiling libangan, paboritong aliwan, sosyal na mga gawain, o trabaho, na isinasaalang-alang kung paano tayo minamalas ng iba. Maaari kayang magkaroon ng maling pagkaunawa sa anumang paggawi o pananalita natin at sa gayo’y makatisod sa iba?
Si apostol Pablo ay nagpapaalaala sa atin: “Ang lahat ng bagay ay kaayon ng batas; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. Ang lahat ng bagay ay kaayon ng batas; ngunit hindi lahat ng bagay ay nakapagpapatibay. Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:23, 24) Bilang mga Kristiyano, tayo ay talagang nababahala kung paano natin mapauunlad ang pag-ibig at pagkakaisa ng kapatirang Kristiyano.—Awit 133:1; Juan 13:34, 35.
Nakapagpapagaling na mga Salita
Ang mga salita ay may malakas na epekto sa ikabubuti. “Ang kaiga-igayang mga pananalita ay bahay-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.” (Kawikaan 16:24) Ipinakikita ng salaysay hinggil sa kung paano naiwasan ni Gideon ang isang posibleng labanan sa mga Efraimita ang katotohanan ng kawikaang ito.
Tinawag ni Gideon, na lubhang sangkot sa pakikidigma laban sa Midian, ang tribo ni Efraim upang tumulong. Gayunman, nang matapos ang digmaan, ang Efraim ay bumaling kay Gideon at nagreklamong mainam na hindi niya ipinatawag sila sa pasimula ng labanan. Binabanggit ng ulat na “buong tindi silang nakipagtalo sa kaniya.” Bilang tugon ay sinabi ni Gideon: “Ano ba ang ginawa ko ngayon kung ihahambing sa inyo? Hindi ba ang mga paghihimalay sa Efraim ay mas mabuti kaysa sa pamimitas ng ubas sa Abiezer? Sa inyo ngang kamay ibinigay ng Diyos ang mga prinsipe ng Midian na si Oreb at si Zeeb, at ano na ang nagawa ko kung ihahambing sa inyo?” (Hukom 8:1-3) Sa pamamagitan ng kaniyang mahusay ang pagkakapili at mahinahong pananalita, naiwasan ni Gideon ang maaari sanang naging isang kapaha-pahamak na digmaan ng mga tribo. Yaong kabilang sa tribo ni Efraim ay maaaring may problema dahil sa pagpapaimportante-sa-sarili at pagmamataas. Gayunman, hindi iyan pumigil kay Gideon sa pagsisikap na magkaroon ng isang mapayapang resulta. Magagawa rin ba natin ang gayon?
Maaaring sumidhi ang galit ng iba at magpangyaring sila’y mapoot sa atin. Kilalanin ang kanilang mga damdamin, at sikaping maunawaan ang kanilang mga pangmalas. Maaari kayang sa ilang paraan ay may nagawa tayo na ikinagalit nila? Kung gayon, bakit hindi aminin ang bahagi natin sa paglikha ng problema at ipakita na ikinalulungkot natin na tayo’y nakaragdag sa problema. Maaaring maisauli ng ilang pananalitang pinag-isipang mabuti ang nasirang kaugnayan. (Santiago 3:4) Ang ilan na nayayamot ay maaaring nangangailangan lamang ng ating mabait na katiyakan. Binabanggit ng Bibliya na “kung saan walang kahoy ay namamatay ang apoy.” (Kawikaan 26:20) Oo, ang mga salitang maingat na pinili na binigkas sa tamang espiritu ay maaaring ‘pumawi ng galit’ at nagiging isang kagalingan.—Kawikaan 15:1.
Iminumungkahi ni apostol Pablo: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Totoo na hindi natin maaaring kontrolin ang damdamin ng iba, subalit magagawa natin ang ating bahagi upang itaguyod ang kapayapaan. Sa halip na pasailalim sa atin mismong di-sakdal na mga pagtugon o niyaong sa iba, makakakilos tayo ngayon upang ikapit ang mga simulain na lubhang nakasalig sa Bibliya. Ang pakikitungo sa mga di-pagkakaunawaan sa paraan na itinuturo sa atin ni Jehova ay magbubunga ng walang-hanggang kapayapaan at kaligayahan para sa atin.—Isaias 48:17.
[Talababa]
a Tingnan ang mga artikulong “Magpatawad Mula sa Inyong Puso” at “Maaari Mong Matamo ang Iyong Kapatid,” sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1999.
[Larawan sa pahina 24]
Iginigiit ba natin ang pagkakaroon ng mga bagay sa ating paraan?
[Larawan sa pahina 25]
Si Abraham ay nag-iwan ng mainam na halimbawa ng pagpaparaya upang malutas ang isang di-pagkakaunawaan