Programa Para sa Pagpapasulong ng Kakayahan Bilang Isang Tagapagsalita at Isang Guro
IKAW man ay bata o matanda, lalaki o babae, ang kursong ito ay makatutulong sa iyo upang mas mapasulong mo ang kakayahan sa pagpapahayag ng iyong sarili taglay ang mabuting epekto at upang ikaw ay maging isang higit na kuwalipikadong guro ng Salita ng Diyos.
Ang mga atas para sa mga nakatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay gagawin ng tagapangasiwa sa paaralan. Sa susunod na tatlong pahina, masusumpungan mo ang iyong personal na talaan ng payo. Ang mga numero sa unahan ng iba’t ibang punto ay katumbas ng mga aralin sa sumunod na mga pahina. Sa mga araling iyon ay masusumpungan mo ang isang paliwanag kung ano ang nasasangkot sa pagpapakadalubhasa sa mga aspektong ito ng pagsasalita at pagtuturo at kung bakit mahalaga ang bawat isa. Masusumpungan mo rin ang nakatutulong na giya kung paano maisasagawa ang inirerekomenda.
Ang iba’t ibang mga kulay sa talaan ng payo ay nagpapahiwatig kung aling punto ang kapit para sa mga atas na nagsasangkot ng (1) pagbabasa sa tagapakinig, (2) isang pagtatanghal kasama ng dalawa o higit pang tao, o (3) isang pagpapahayag sa kongregasyon. Ang tagapangasiwa sa paaralan ang mag-aatas sa iyo ng puntong pasusulungin mo. Mas mabuting pasulungin ang isa lamang punto sa bawat pagkakataon. Makikinabang ka sa pagsasagawa ng iminungkahing mga pagsasanay sa katapusan ng atas na aralin. Kung maipakita mo na matagumpay mong naikapit ang payo sa itinakdang aralin, aatasan ka ng iyong tagapayo sa panibagong punto.
Kung ang iyong atas ay gagampanan bilang isang pagtatanghal, mangangailangan ka ng isang tagpo. Isang listahan ng mga tagpo ang lumilitaw sa pahina 82, subalit hindi ka limitado sa listahang ito. Maaaring irekomenda ng iyong tagapayo na subukin mo ang isang partikular na tagpo upang magkaroon ka ng karanasan, o maaaring ipaubaya niya sa iyo ang pagpili.
Ang pagbabasa ng aklat na ito at pagsasagawa ng mga pagsasanay kahit na hindi ka naghahanda ng mga atas sa paaralan ay makatutulong nang malaki sa iyong pagsulong. Marahil ay masasaklaw mo ang humigit-kumulang isang aralin sa bawat linggo.
Gaano ka man katagal nang nakikibahagi sa paaralang ito, o nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, may dako pa rin para sa pagsulong. Makinabang ka nawa nang lubusan mula sa edukasyong inilalaan sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.