Kung Paano Mapasusulong ang Kakayahang Makipag-usap
KARANIWAN ba ay madali para sa iyo na makipag-usap sa iba? Para sa marami, ang isipin lamang na makipag-usap, lalo na sa isang hindi nila kakilala, ay nagdudulot ng agam-agam. Ang gayong mga tao ay maaaring mahiyain. Maaaring sila’y nag-iisip: ‘Ano ang ipakikipag-usap ko? Paano ko pasisimulan ang pag-uusap? Paano ko maipagpapatuloy ito?’ Ang may kompiyansa, palakaibigang mga tao ay baka may tendensiyang mangibabaw sa isang pag-uusap. Maaaring ang maging hamon sa kanila ay ang pagsalitain ang iba at matutong makinig sa kung ano ang sinasabi. Kaya tayong lahat, mahiyain man o palakaibigan, ay nangangailangang patuloy na maglinang sa sining ng pakikipag-usap.
Magsimula sa Tahanan
Upang mapasulong ang iyong mga kakayahang makipag-usap, bakit hindi magsimula sa tahanan? Ang nakapagpapatibay na pakikipag-usap ay makatutulong nang malaki sa ikaliligaya ng pamilya.
Ang pinakapangunahing susi sa gayong pakikipag-usap ay ang taimtim na pagmamalasakit sa isa’t isa. (Deut. 6:6, 7; Kaw. 4:1-4) Kapag tayo ay nagmamalasakit, tayo ay nakikipag-usap, at tayo ay nakikinig kapag nais ng ibang tao na magsalita. Ang isa pang mahalagang salik ay ang pagtataglay ng bagay na kanais-nais sabihin. Kung mayroon tayong regular na programa ng personal na pagbabasa at pag-aaral sa Bibliya, marami tayong maaaring ibahagi. Ang matalinong paggamit ng buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw ay makapagpapasigla sa pag-uusap. Sa maghapon, marahil ay nagtamasa tayo ng kasiya-siyang karanasan sa paglilingkod sa larangan. Maaaring may nabasa tayong bagay na nakapagtuturo o nakatatawa. Dapat nating gawing kaugalian na ibahagi ang mga ito sa kaayaayang pag-uusap ng pamilya. Ito’y makatutulong din sa atin sa pakikipag-usap sa mga tao sa labas ng pamilya.
Pakikipag-usap sa Isang Estranghero
Maraming tao ang nag-aatubiling pasimulan ang pakikipag-usap sa isa na hindi nila kilala. Subalit dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawa ng marubdob na pagsisikap upang matuto kung paano makikipag-usap upang maibahagi sa iba ang mga katotohanan ng Bibliya. Ano ang makatutulong sa iyo upang sumulong sa larangang ito?
Ang simulaing nakasaad sa Filipos 2:4 ay mahalaga. Pinasisigla tayong ituon ang mata, “hindi lamang sa personal na kapakanan ng [ating] sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” Isipin ito sa ganitong paraan: Kung hindi mo pa nakikilala ang tao, minamalas ka niya bilang isang estranghero. Ano ang magagawa mo upang maging palagay ang kaniyang loob? Ang isang matamis na ngiti at palakaibigang pagbati ay makatutulong. Subalit may higit pang kailangang isaalang-alang.
Maaaring nagambala mo ang kaniyang iniisip. Kung tinatangka mong ipakipag-usap sa kaniya kung ano ang iyong iniisip nang hindi isinasaalang-alang kung ano ang iniisip niya, magkakaroon kaya siya ng mabuting pagtugon? Ano ang ginawa ni Jesus nang makatagpo niya ang isang babae sa isang balon sa Samaria? Ang kaniyang isip ay naroon sa pagkuha ng tubig. Sinimulan ni Jesus ang pakikipag-usap sa kaniya salig doon, at di-natagalan iyo’y naging isang masiglang espirituwal na pag-uusap.—Juan 4:7-26.
Kung ikaw ay mapagmasid, mauunawaan mo rin kung ano ang maaaring iniisip ng mga tao. Ang tao ba ay mukhang masaya o malungkot? Siya ba’y may-edad na, marahil ay may kapansanan? May nakikita ka bang katunayan na may mga bata sa tahanan? Wari bang ang tao ay maykaya sa materyal o siya’y nagpupunyagi upang magtamo ng mga pangangailangan sa buhay? Ang mga dekorasyon ba sa tahanan o personal na alahas ay nagpapahiwatig ng relihiyosong impluwensiya? Kung isinasaalang-alang ng iyong pagbati ang ganitong mga bagay, maaaring malasin ka niya bilang isang tao na kapareho niya ang interes.
Kung hindi mo nakakaharap ang may-bahay nang mukhaan, marahil ay naririnig mo lamang ang kaniyang tinig sa likuran ng isang nakakandadong pinto, ano ang maaari mong isipin? Ang tao ay maaaring natatakot. Maaari mo bang gamitin iyon upang pasimulan ang pakikipag-usap sa pintuan?
Sa ilang dako maaaring posible na maakay mo ang isang tao sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng pagsasabi sa kaniya ng ilang bagay tungkol sa iyong sarili—ang iyong pinagmulan, kung bakit ka naroroon sa kaniyang pintuan, kung bakit ka naniniwala sa Diyos, kung bakit ka nagpasimulang mag-aral ng Bibliya, at kung paano nakatulong sa iyo ang Bibliya. (Gawa 26:4-23) Mangyari pa, kailangang gawin ito taglay ang unawa at may malinaw na tunguhin. Ito naman ay maaaring magpakilos sa tao na magsabi sa iyo ng ilang bagay tungkol sa kaniyang sarili at kung paano niya minamalas ang mga bagay-bagay.
Sa ilang kultura, ang pagkamapagpatuloy sa mga estranghero ay isang kaugalian. Maaaring anyayahan ka kaagad ng mga tao na pumasok at maupo. Kapag ikaw ay nakaupo na, kung magalang mong kukumustahin ang kalagayan ng pamilya at taimtim na pakikinggan ang tugon, ang may-bahay ay maaari ring matamang makikinig sa sasabihin mo. Ang ibang mga tao ay nagpapakita ng matinding interes sa mga panauhin, kaya ang panimulang mga pagbati ay maaaring gumugol ng higit na panahon. Sa ganitong paraan, maaaring makita nilang magkapareho kayo sa ilang bagay. Ito ay maaaring umakay tungo sa isang kapaki-pakinabang na pag-uusap sa espirituwal.
Kumusta kung maraming tao sa inyong lugar ang nagsasalita ng mga wika na iba kaysa sa iyo? Paano mo maaabot ang mga taong ito? Kung pag-aaralan mo ang kahit na simpleng mga pagbati sa ilan sa mga wikang iyon, madarama ng mga tao na ikaw ay interesado sa kanila. Ito ay maaaring magbukas ng daan para sa higit pang pag-uusap.
Kung Paano Ipagpapatuloy ang Pag-uusap
Upang maipagpatuloy ang pag-uusap, maging interesado sa iniisip ng isang tao. Himukin siyang ipahayag ang kaniyang sarili kung gusto niyang gawin iyon. Ang mga tanong na piniling mabuti ay makatutulong. Ang punto-de-vistang mga tanong ang pinakamabuti sapagkat ang mga ito ay karaniwang pumupukaw ng higit pa kaysa sa pagtugon lamang ng oo o hindi. Halimbawa, pagkatapos banggitin ang isang problema na ikinababahala sa lokal, maaari kang magtanong: “Ano sa palagay mo ang naging sanhi ng kalagayang ito?” o “Ano sa palagay mo ang remedyo?”
Kapag ikaw ay nagtatanong, matamang makinig sa tugon. Ipakita ang iyong tunay na interes sa pamamagitan ng salita, ng pagtango, ng pagkumpas. Huwag kang sasabad. Taglay ang bukas na isip, isaalang-alang kung ano ang sinasabi. “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Sant. 1:19) Kapag ikaw ay tumutugon, ipakita na talagang pinakikinggan mo kung ano ang sinasabi.
Gayunman, kilalanin na hindi lahat ay sasagot sa iyong mga tanong. Ang ilang tao ay tumutugon lamang sa pamamagitan ng pagtataas ng mga kilay o ng isang ngiti. Ang iba ay magsasabi lamang ng oo o hindi. Huwag masisiphayo. Maging matiyaga. Huwag subuking igiit ang pakikipag-usap. Kapag ang isang tao ay handang makinig, gamitin ang pagkakataong ibahagi ang mga maka-Kasulatang punto na nakapagpapatibay. Pagsapit ng panahon, maaaring malasin ka ng tao bilang isang kaibigan. Kung gayon, marahil ay mas malaya niyang ibabahagi sa iyo ang kaniyang mga iniisip.
Habang nakikipag-usap ka sa mga tao, paghandaan ang hinaharap na mga pagdalaw-muli. Kapag ang tao ay nagbangon ng ilang tanong, sagutin ang ilan sa mga iyon subalit mag-iwan ng isa o dalawa para sa susunod ninyong pag-uusap. Imungkahi na ikaw ay gagawa ng pagsasaliksik, at pagkatapos ay ibabahagi ang resulta sa kaniya. Kung hindi siya magbangon ng mga tanong, maaaring wakasan mo ang inyong pag-uusap sa pamamagitan ng isang tanong na sa palagay mo ay kukuha ng kaniyang interes. Imungkahing talakayin ito sa susunod na pagdalaw. Saganang mga ideya ang masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, at sa mga bagong labas ng Ang Bantayan at Gumising!
Kapag Kasama ang mga Kapananampalataya
Kapag may natagpuan kang isang Saksi ni Jehova sa unang pagkakataon, ginagawa mo ba ang unang hakbang upang kayo’y magkakilala? O nagsasawalang-kibo ka na lamang? Ang pag-ibig sa ating mga kapatid ay dapat na magpakilos sa atin upang kilalanin sila. (Juan 13:35) Paano ka magsisimula? Maaaring sabihin mo lamang ang iyong pangalan at itanong naman ang pangalan ng iyong kausap. Ang pagtatanong sa kaniya kung paano niya natutuhan ang katotohanan ay karaniwan nang aakay sa isang kapana-panabik na pag-uusap at tutulong sa iyo upang kayo’y magkakilala. Bagaman ang sinasabi mo sa kaniya ay hindi lumalabas na parang matatas, ang iyong pagsisikap ay nagpapahiwatig sa kaniya na may pagmamalasakit ka sa kaniya, at iyon ang siyang mahalaga.
Ano ang makatutulong sa isang makabuluhang pakikipag-usap sa isang miyembro ng inyong kongregasyon? Magpakita ng tunay na interes sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Ang pulong ba ay katatapos lamang? Magkomento sa mga punto na nakita mong makatutulong. Ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa inyong dalawa. Maaari mong banggitin ang isang punto na kawili-wili mula sa bagong labas ng Ang Bantayan o Gumising! Hindi ito dapat gawin bilang pagyayabang o pagsubok sa nalalaman. Gawin ito upang ibahagi ang bagay na nasumpungan mong lubhang kasiya-siya. Maaaring ipakipag-usap mo ang isang atas ng sinuman sa inyo sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at magpalitan ng mga ideya kung paano ito magagampanan. Maaari mo ring ibahagi ang mga karanasan mula sa ministeryo sa larangan.
Mangyari pa, ang ating interes sa mga tao ay kadalasang umaakay sa pag-uusap hinggil sa mga tao—ang mga bagay na kanilang sinasabi at ginagawa. Ang pagpapatawa ay maaaring maging bahagi rin ng ating pananalita. Ang atin bang sasabihin ay makapagpapatibay? Kung isasapuso natin ang payo ng Salita ng Diyos at nauudyukan tayo ng makadiyos na pag-ibig, ang ating pananalita ay tiyak na magiging nakapagpapatibay.—Kaw. 16:27, 28; Efe. 4:25, 29; 5:3, 4; Sant. 1:26.
Bago tayo magtungo sa ministeryo sa larangan, tayo ay naghahanda. Bakit hindi maghanda ng isang kapana-panabik na balita upang ipakipag-usap sa mga kaibigan? Habang ikaw ay nakababasa at nakaririnig ng mga bagay na kapana-panabik, tandaan ang mga punto na nais mong ibahagi sa iba. Sa kalaunan, marami kang maiipon nito na mapagpipilian. Sa paggawa nito ay mapalalawak mo pa ang iyong sasabihin nang higit pa kaysa pagkokomento lamang tungkol sa pang-araw-araw na rutin ng buhay. Higit sa lahat, ang iyo nawang pananalita ay magpatunay kung gaano kahalaga ang Salita ng Diyos para sa iyo!—Awit 139:17.