Ang Mensahe na Dapat Nating Ipahayag
SI Jehova ay nagbigay sa atin ng isang pananagutan at isang dakilang pribilehiyo, sa pagsasabing: “Kayo ang aking mga saksi, . . . at ako ang Diyos.” (Isa. 43:12) Tayo ay hindi basta mga mananampalataya lamang. Tayo ay mga saksi na hayagang nagpapatotoo sa mahahalagang katotohanan na nasa kinasihang Salita ng Diyos. Ano ang mensahe na iniatas sa atin ni Jehova upang ipahayag sa ating kapanahunan? Ito ay nagtutuon ng pansin sa Diyos na Jehova, kay Jesu-Kristo, at sa Mesiyanikong Kaharian.
‘MATAKOT SA TUNAY NA DIYOS AT TUPARIN ANG KANIYANG MGA UTOS’
MATAGAL pa bago ang kapanahunang Kristiyano, sinabi ni Jehova sa tapat na si Abraham ang tungkol sa isang paglalaan para pagpalain “ng lahat ng bansa sa lupa” ang kanilang sarili. (Gen. 22:18) Kinasihan din niya si Solomon upang isulat ang hinggil sa pangunahing kahilingan na nakaatang sa lahat ng mga tao: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Ecles. 12:13) Subalit paano matututuhan ng mga taong naninirahan sa lahat ng mga bansa ang tungkol sa mga bagay na ito?
Bagaman palagi nang may mga taong naniniwala sa salita ng Diyos, ipinahihiwatig ng Bibliya na ang masinsinang pangglobong pagpapatotoo na aktuwal na magpapaabot ng mabuting balita sa lahat ng mga bansa ay inilaan para “sa araw ng Panginoon.” Ito ay nagsimula noong 1914. (Apoc. 1:10) Hinggil sa panahong ito, inihula ng Apocalipsis 14:6, 7 na isang mahalagang proklamasyon sa ilalim ng patnubay ng anghel ang isasagawa “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” Sila ay hihimukin na: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” Kalooban ng Diyos na ang mensaheng ito ay maipahayag. Pribilehiyo natin na makibahagi sa gawaing iyon.
“Ang Tunay na Diyos.” Noong ipahayag ni Jehova na, “Kayo ang aking mga saksi,” iyon ay sa isang situwasyon na noo’y pinagtatalunan ang isyu ng Pagka-Diyos. (Isa. 43:10) Ang mensahe na kailangang maipahayag ay hindi lamang na ang mga tao ay dapat magkaroon ng relihiyon o maniwala sa isang diyos. Sa halip, sila ay kailangang bigyan ng pagkakataon upang matutuhan na ang Maylalang ng langit at lupa ang siyang tanging tunay na Diyos. (Isa. 45:5, 18, 21, 22; Juan 17:3) Tanging ang tunay na Diyos lamang ang maaasahang makapanghuhula ng kinabukasan. Pribilehiyo nating ipaliwanag na ang katuparan ng salita ni Jehova noong nakaraang panahon ay nagbibigay ng matibay na saligan para magtiwala na ang lahat ng kaniyang ipinangako para sa hinaharap ay magkakatotoo.—Jos. 23:14; Isa. 55:10, 11.
Sabihin pa, ang marami sa mga binibigyan natin ng patotoo ay sumasamba sa ibang mga diyos o nag-aangking walang sinasambang diyos. Upang may makinig sa atin, maaari tayong magsimula sa isang bagay na doo’y magkapareho ang ating interes. Maaari tayong makinabang mula sa halimbawang nakaulat sa Gawa 17:22-31. Pansinin na bagaman si apostol Pablo ay mataktika, buong-linaw niyang sinabi na magsusulit ang lahat ng tao sa Diyos na siyang Maylalang ng langit at lupa.
Paghahayag sa Pangalan ng Diyos. Huwag kaliligtaang ipakilala ang pangalan ng tunay na Diyos. Mahal ni Jehova ang kaniyang pangalan. (Ex. 3:15; Isa. 42:8) Nais niyang malaman ng mga tao ang pangalang iyan. Pinangyari niyang mapasulat sa Bibliya ang kaniyang maluwalhating pangalan nang mahigit sa 7,000 ulit. Pananagutan natin na ipabatid ito sa mga tao.—Deut. 4:35.
Ang pag-asa ng buong sangkatauhan na mabuhay sa hinaharap ay depende sa pagkilala nila kay Jehova at pagtawag sa kaniya taglay ang pananampalataya. (Joel 2:32; Mal. 3:16; 2 Tes. 1:8) Subalit, karamihan sa mga tao ay hindi nakakakilala kay Jehova. Kasama na rito ang malaking bilang ng mga nag-aangking sumasamba sa Diyos ng Bibliya. Kahit na mayroon silang Bibliya at nagbabasa nito, maaaring hindi pa rin nila alam ang personal na pangalan ng Diyos dahil sa inalis ito mula sa maraming makabagong salin. Nalaman lamang ng ilang tao ang pangalang Jehova dahil sa ipinagbawal sa kanila ng mga pinuno ng kanilang relihiyon na gamitin ito.
Paano natin maipakikilala sa mga tao ang pangalan ng Diyos? Wala nang mas mabisa pa kaysa sa pagpapakita nito sa kanila sa Bibliya—sa kanilang sariling kopya kung posible. Sa ilang salin, ang pangalang iyon ay lumilitaw nang libu-libong ulit. Sa iba naman, maaaring lumilitaw lamang ito sa Awit 83:18 o sa Exodo 6:3-6, o ito ay masusumpungan sa isang talababa ng Exodo 3:14, 15 o 6:3. Sa maraming salin, ang kahaliling mga ekspresyon, tulad ng “Panginoon” at “Diyos,” ay inililimbag sa kakaibang tipo kapag ang teksto sa orihinal na wika ay nagtataglay ng personal na pangalan ng Diyos. Sa mga salin na doo’y lubusang inalis ng makabagong mga tagapagsalin ang personal na pangalan ng Diyos, baka kailangan mong gumamit ng isang mas matandang salin ng Bibliya upang ipakita sa mga tao kung ano ang ginawa ng mga tagapagsalin. Sa ilang lupain ay maaari mong ipakita ang banal na pangalan sa relihiyosong mga himno o sa mga titik na inukit sa isang pampublikong gusali.
Maging para roon sa mga sumasamba sa ibang mga diyos, ang Jeremias 10:10-13 sa Bagong Sanlibutang Salin ay maaaring gamitin nang mabisa. Hindi lamang nito binabanggit ang pangalan ng Diyos kundi malinaw na ipinaliliwanag din kung sino siya.
Huwag itago ang pangalang Jehova sa likuran ng mga katawagang gaya ng “Diyos” at “Panginoon,” tulad ng ginagawa ng Sangkakristiyanuhan. Ito’y hindi nangangahulugan na ang pangalan ay kailangang gamitin sa pasimula ng bawat pag-uusap. Dahil sa maling akala, maaaring putulin ng ilang tao ang pag-uusap. Subalit kapag nailatag na ang saligan para sa pag-uusap, huwag umiwas sa paggamit ng banal na pangalan.
Kapansin-pansin na ginagamit ng Bibliya ang personal na pangalan ng Diyos nang mas madalas pa kaysa sa pinagsama-samang bilang ng paggamit nito ng mga katawagang “Panginoon” at “Diyos.” Magkagayunman, hindi sinikap ng mga manunulat ng Bibliya na ilagay ang banal na pangalan sa bawat pangungusap. Ginamit lamang nila ito nang natural, kusa, at may pagpipitagan. Iyon ay isang mabuting huwaran na dapat sundin.
Ang Personang Ipinakikilala ng Pangalan. Bagaman ang pagkakaroon ng Diyos ng isang personal na pangalan sa ganang sarili ay isa nang mahalagang katotohanan, iyan ay pasimula pa lamang.
Upang ibigin si Jehova at tawagin siya taglay ang pananampalataya, kailangang makilala ng mga tao kung anong uri ng Diyos siya. Nang ipakilala ni Jehova ang kaniyang pangalan kay Moises sa Bundok Sinai, higit pa ang Kaniyang ginawa kaysa sa ulitin lamang ang salitang “Jehova.” Itinawag-pansin niya ang ilan sa Kaniyang namumukod na mga katangian. (Ex. 34:6, 7) Iyon ay isang halimbawa na dapat nating tularan.
Ikaw man ay nagpapatotoo sa mga taong bago pa lamang nagiging interesado o nagpapahayag sa kongregasyon, kapag nagsasalita ka ng tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian, ipakita kung ano ang ipinahihiwatig ng mga ito hinggil sa Diyos na gumawa ng gayong mga pangako. Kapag binabanggit ang kaniyang mga utos, idiin ang karunungan at ang pag-ibig na ipinakikita ng mga ito. Linawin na ang mga kahilingan ng Diyos ay hindi nagpapahirap sa atin kundi, sa halip, ang mga ito ay dinisenyo upang makinabang tayo. (Isa. 48:17, 18; Mik. 6:8) Ipakita kung paanong ang bawat pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova ay may isinisiwalat tungkol sa kaniyang personalidad, sa kaniyang mga pamantayan at sa kaniyang layunin. Itawag-pansin ang pagkatimbang na namamalas sa paraan ng pagpapakita ni Jehova sa kaniyang mga katangian. Hayaang marinig ng mga tao ang pagpapahayag mo ng iyong sariling damdamin hinggil kay Jehova. Ang iyong pag-ibig kay Jehova ay makatutulong upang maantig ang gayunding pag-ibig sa iba.
Ang apurahang mensahe para sa ating kapanahunan ay humihimok sa lahat ng mga tao na matakot sa Diyos. Sa pamamagitan ng ating sinasabi, dapat nating pagsikapang mapukaw ang gayong makadiyos na pagkatakot. Ang pagkatakot na ito ay isang kapaki-pakinabang na pagkatakot, isang pagkasindak kay Jehova, isang matinding pagpipitagan sa kaniya. (Awit 89:7) Lakip dito ang kabatiran na si Jehova ang kataas-taasang Hukom at na ang ating mga pag-asang mabuhay sa hinaharap ay depende sa pagtatamo natin ng kaniyang pagsang-ayon. (Luc. 12:5; Roma 14:12) Kaya, ang gayong pagkatakot ay nilalakipan ng matinding pag-ibig sa kaniya at, samakatuwid, isang marubdob na pagnanais na paluguran siya. (Deut. 10:12, 13) Ang makadiyos na pagkatakot ay nagpapakilos din sa atin na kapootan ang masama, sundin ang mga utos ng Diyos, at sambahin siya taglay ang sakdal na puso. (Deut. 5:29; 1 Cro. 28:9; Kaw. 8:13) Ito ay nagsasanggalang sa atin laban sa pagsisikap na maglingkod sa Diyos samantalang umiibig sa mga bagay ng sanlibutan.—1 Juan 2:15-17.
Ang Pangalan ng Diyos—“Matibay na Tore.” Ang mga tao na tunay na nakakakilala kay Jehova ay nagtatamasa ng malaking proteksiyon. Ito’y hindi lamang dahil sa ginagamit nila ang kaniyang personal na pangalan o naitatala ang ilan sa kaniyang mga katangian. Ito’y dahil sa inilalagak nila ang kanilang pagtitiwala kay Jehova mismo. Tungkol sa kanila, ang Kawikaan 18:10 ay nagsasabi: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.”
Gamiting mabuti ang mga pagkakataon upang himukin ang iba na magtiwala kay Jehova. (Awit 37:3; Kaw. 3:5, 6) Ang gayong pagtitiwala ay nagpapakita ng pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. (Heb. 11:6) Kapag ang mga tao ay ‘tumatawag sa pangalan ni Jehova’ dahil sa alam nila na siya ang Pansansinukob na Soberano, umiibig sa kaniyang mga daan, at lubos na naniniwala na ang tunay na kaligtasan ay maaaring manggaling lamang sa kaniya, kung gayon—tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos—sila ay maliligtas. (Roma 10:13, 14) Habang tinuturuan mo ang iba, tulungan silang makapaglinang ng gayong uri ng pananampalataya may kaugnayan sa bawat aspekto ng buhay.
Maraming tao ang napapaharap sa gabundok na personal na mga suliranin. Maaaring wala silang makitang lunas. Himukin sila na pag-aralan ang mga daan ni Jehova, magtiwala sa kaniya, at ikapit ang kanilang natututuhan. (Awit 25:5) Patibayin sila na marubdob na manalangin ukol sa tulong ng Diyos at magpasalamat sa kaniya dahil sa kaniyang mga pagpapala. (Fil. 4:6, 7) Kapag nakilala nila si Jehova, hindi lamang dahil sa pagbabasa ng ilang pananalita sa Bibliya kundi dahil sa naranasan din nila ang katuparan ng kaniyang mga pangako sa kanilang sariling mga buhay, sila’y magpapasimulang magtamasa ng katiwasayan na nagmumula sa tunay na pagkaunawa sa kinakatawan ng pangalan ni Jehova.—Awit 34:8; Jer. 17:7, 8.
Gamiting mabuti ang bawat pagkakataon upang tulungan ang mga tao na magpahalaga sa karunungan ng pagkatakot sa tunay na Diyos, si Jehova, at ng pagtupad sa kaniyang mga utos.
“PAGPAPATOTOO TUNGKOL KAY JESUS”
MATAPOS siyang buhaying-muli at bago siya bumalik sa langit, si Jesu-Kristo ay nagbigay ng mga tagubilin sa kaniyang mga alagad, na nagsasabing: “Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ang matatapat na lingkod ng Diyos sa ating panahon ay inilarawan bilang yaong mga “may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apoc. 12:17) Gaano ka kasipag sa pagbibigay ng gayong patotoo?
Maraming taimtim na tao na nagsasabing sila’y naniniwala kay Jesus ang walang alam hinggil sa kaniyang pag-iral bago naging tao. Hindi nila nababatid na siya ay talagang tao nang nasa lupa. Hindi nila nauunawaan kung ano ang kahulugan ng kaniyang pagiging Anak ng Diyos. Kaunting-kaunti ang kanilang alam tungkol sa kaniyang papel sa katuparan ng layunin ng Diyos. Hindi nila nalalaman kung ano ang kaniyang ginagawa ngayon, at hindi nila nababatid kung paanong ang kanilang buhay ay maaapektuhan ng kaniyang gagawin sa hinaharap. Maaari pa nga silang magkaroon ng maling akala na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala kay Jesus. Pribilehiyo natin na pagsikapang ihayag ang katotohanan tungkol sa mga bagay na ito.
May mga tao pa rin na hindi naniniwala na ang sinumang kagaya ng Jesus na inilarawan sa Bibliya ay talagang nabuhay. Si Jesus ay minamalas ng iba bilang isa lamang dakilang tao. Marami ang tumatanggi sa ideya na siya ay Anak ng Diyos. Ang “pagpapatotoo tungkol kay Jesus” sa gayong mga tao ay nangangailangan ng ibayong pagsisikap, pagtitiyaga, at pagkamataktika.
Anuman ang pangmalas ng iyong mga tagapakinig, kailangan silang kumuha ng kaalaman tungkol kay Jesu-Kristo upang tamasahin nila ang paglalaan ng Diyos ukol sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Ang malinaw na kapahayagan ng kalooban ng Diyos ay na ang lahat ng nabubuhay ay dapat na “hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon” at dapat na magpasakop sa kaniyang awtoridad. (Fil. 2:9-11) Kaya, hindi natin maaaring basta iwasan ang isyu kapag tayo ay napapaharap sa mga taong may matigas subalit maling mga opinyon o lantarang maling akala. Bagaman sa ilang kaso ay maaari tayong malayang makapagsalita tungkol kay Jesu-Kristo—kahit sa ating unang pagdalaw—baka sa iba ay kailanganin nating gumawa ng maiingat na komento na makatutulong sa ating mga tagapakinig na mag-isip nang tumpak tungkol sa kaniya. Maaaring kailanganin din nating mag-isip ng mga pamamaraan upang maipasok ang karagdagang mga aspekto ng paksa sa mga pagdalaw sa hinaharap. Gayunman, baka hindi posibleng talakayin ang lahat-lahat ng nasasangkot hangga’t hindi tayo nakapagdaraos sa isang tao ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.—1 Tim. 2:3-7.
Ang Mahalagang Dako ni Jesus sa Layunin ng Diyos. Kailangan nating tulungan ang mga tao na maunawaan na yamang si Jesus “ang daan” at na ‘walang sinuman ang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan niya,’ imposibleng magkaroon ng isang sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos kung walang pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Juan 14:6) Malibang mabatid ng isang tao ang mahalagang papel na iniatas ni Jehova sa kaniyang panganay na Anak, imposibleng maunawaan ang Bibliya. Bakit? Sapagkat ginawa ni Jehova ang Anak na ito bilang pangunahing tauhan sa pagsasakatuparan ng lahat ng Kaniyang layunin. (Col. 1:17-20) Ang mga hula ng Bibliya ay nakasentro sa katotohanang ito. (Apoc. 19:10) Si Jesu-Kristo ang isa na ginamit niya upang ilaan ang lunas sa lahat ng suliranin na ibinangon ng paghihimagsik ni Satanas at ng kasalanan ni Adan.—Heb. 2:5-9, 14, 15.
Upang maunawaan ang papel ni Kristo, kailangang kilalanin ng isa na ang mga tao ay nasa isang kahabag-habag na kalagayan na mula roo’y hindi nila mapalalaya ang kanilang sarili. Tayong lahat ay ipinanganak sa kasalanan. Ito ay maaaring makaapekto sa atin sa iba’t ibang paraan habang tayo ay nabubuhay. Gayunman, sa malao’t madali, ito ay magdudulot ng kamatayan. (Roma 3:23; 5:12) Mangatuwiran sa katotohanang iyan sa mga binibigyan mo ng patotoo. Pagkatapos ay ipakita mo na sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo, buong pagmamahal na ginawang posible ni Jehova ang pagliligtas mula sa kasalanan at kamatayan niyaong mga sumasampalataya sa paglalaang iyan. (Mar. 10:45; Heb. 2:9) Ito ay nagbubukas ng daan para sa kanila na magtamasa ng buhay na walang hanggan sa kasakdalan. (Juan 3:16, 36) Ito ay hindi posibleng mangyari sa iba pang paraan. (Gawa 4:12) Bilang isang guro, sa pribado man o sa kongregasyon, gawin ang higit pa kaysa sa pagsasabi lamang ng mga katotohanang ito. May kabaitan at katiyagaang linangin sa iyong mga tagapakinig ang pagkadama ng utang-na-loob sa papel ni Kristo bilang ating Tagatubos. Ang pasasalamat para sa paglalaang ito ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa saloobin, paggawi, at mga tunguhin sa buhay ng isang tao.—2 Cor. 5:14, 15.
Sabihin pa, inihain ni Jesus ang kaniyang buhay nang minsan lamang. (Heb. 9:28) Gayunman, siya’y aktibong naglilingkod ngayon bilang Mataas na Saserdote. Tulungan ang iba na maunawaan kung ano ang kahulugan nito. Sila ba ay nakararanas ng kaigtingan, pagkasiphayo, pagdurusa, o mga suliranin dahil sa masamang pakikitungo ng mga taong nasa palibot nila? Noong tao pa si Jesus, siya’y nakaranas ng lahat ng ito. Alam niya kung ano ang nadarama natin. Dahil sa di-kasakdalan, atin bang nadarama na kailangan natin ang awa ng Diyos? Kung tayo ay nananalangin sa Diyos ukol sa kapatawaran salig sa hain ni Jesus, si Jesus ay gumaganap bilang “katulong sa Ama.” Madamayin siyang ‘nakikiusap para sa atin.’ (1 Juan 2:1, 2; Roma 8:34) Salig sa hain ni Jesus at sa pamamagitan ng kaniyang mga paglilingkod bilang Mataas na Saserdote, tayo ay makalalapit sa “trono ng di-sana-nararapat na kabaitan” ni Jehova upang tumanggap ng tulong sa tamang panahon. (Heb. 4:15, 16) Bagaman tayo ay di-sakdal, ang tulong na ibinibigay ni Jesus bilang Mataas na Saserdote ay nagpapangyaring makapaglingkod tayo sa Diyos taglay ang isang malinis na budhi.—Heb. 9:13, 14.
Karagdagan pa, si Jesus ay nagtataglay ng malaking awtoridad bilang ang isa na itinalaga ng Diyos upang maging Ulo ng kongregasyong Kristiyano. (Mat. 28:18; Efe. 1:22, 23) Sa tungkuling ito, siya’y naglalaan ng kinakailangang patnubay na kasuwato ng kalooban ng Diyos. Kapag nagtuturo ka sa iba, tulungan sila na maunawaan na si Jesu-Kristo, at hindi ang sinumang tao, ang Ulo ng kongregasyon. (Mat. 23:10) Mula sa una ninyong pagkikita ng mga taong interesado, anyayahan na sila sa mga pulong ng lokal na kongregasyon, na doo’y pinag-aaralan natin ang Bibliya sa tulong ng materyal na inilalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” Ipaliwanag sa kanila hindi lamang kung sino ang “alipin” kundi kung sino rin ang Panginoon upang mabatid nila ang pagkaulo ni Jesus. (Mat. 24:45-47) Ipakilala sila sa matatanda, at ipaliwanag ang maka-Kasulatang mga kuwalipikasyon na kailangang matugunan ng mga ito. (1 Tim. 3:1-7; Tito 1:5-9) Ipaliwanag na ang kongregasyon ay hindi pag-aari ng matatanda kundi sila’y tumutulong sa atin upang lumakad sa mga yapak ni Jesu-Kristo. (Gawa 20:28; Efe. 4:16; 1 Ped. 5:2, 3) Tulungan ang interesadong mga taong ito na makita na may organisado at pambuong-daigdig na lipunan na kumikilos sa ilalim ng pagkaulo ni Kristo.
Mula sa mga Ebanghelyo, ating natutuhan na noong pumasok si Jesus sa Jerusalem nang malapit na siyang mamatay, ipinagbunyi siya ng kaniyang mga alagad bilang “ang Isa na dumarating bilang Hari sa pangalan ni Jehova!” (Luc. 19:38) Habang pinag-aaralan ng mga tao ang Bibliya nang higit na puspusan, kanilang natututuhan na ibinigay na ngayon ni Jehova kay Jesus ang awtoridad na mamahala na nakaaapekto sa mga tao sa lahat ng mga bansa. (Dan. 7:13, 14) Kapag nagbibigay ka ng mga pahayag sa kongregasyon o nagdaraos ng mga pag-aaral, linangin ang pagpapahalaga sa dapat na maging kahulugan para sa ating lahat ng pamamahala ni Jesus.
Idiin na ang ating paraan ng pamumuhay ay nagpapakita kung talagang pinaniniwalaan natin na si Jesu-Kristo ay Hari at kung handa tayong magpasakop sa kaniyang pamamahala. Ituon ang pansin sa gawaing iniatas ni Jesus na gagawin ng kaniyang mga tagasunod matapos na siya’y pahiran bilang Hari. (Mat. 24:14; 28:18-20) Talakayin kung ano ang sinabi ni Jesus, ang Kamangha-manghang Tagapayo, hinggil sa mga priyoridad sa buhay. (Isa. 9:6, 7; Mat. 6:19-34) Akayin ang pansin sa sinabi ng Prinsipe ng Kapayapaan na siyang espiritung ipamamalas ng kaniyang mga tagasunod. (Mat. 20:25-27; Juan 13:35) Mag-ingat na huwag mangahas na hatulan ang iba kung ginagawa ba nila ang lahat ng dapat nilang gawin, kundi patibayin sila na pag-isipan kung ano ang ipinahihiwatig ng kanilang pagkilos hinggil sa kanilang pagpapasakop sa paghahari ni Kristo. Habang ginagawa mo ito, kilalanin na kailangan mo ring ikapit iyon.
Paglalatag Kay Kristo Bilang Pundasyon. Inihalintulad ng Bibliya ang paggawa ng Kristiyanong alagad sa pagtatayo ng gusali kay Jesu-Kristo bilang pundasyon. (1 Cor. 3:10-15) Upang maisagawa ito, tulungan ang mga tao na makilala si Jesus gaya ng paglalarawan sa kaniya ng Bibliya. Mag-ingat na huwag silang tumingin sa iyo bilang ang isa na kanilang sinusundan. (1 Cor. 3:4-7) Akayin ang kanilang pansin kay Jesu-Kristo.
Kung ang pundasyon ay mahusay na nailatag, mauunawaan ng mga estudyante na si Kristo ay nag-iwan ng huwaran para sa atin ‘upang maingat na sundan ang kaniyang mga yapak.’ (1 Ped. 2:21) Upang makapagtayo salig doon, patibayin ang mga estudyante na basahin ang mga Ebanghelyo hindi lamang bilang tunay na kasaysayan kundi bilang isang huwaran na dapat sundin. Tulungan sila na isapuso ang mga saloobin at mga katangian na doo’y nakilala si Jesus. Patibayin sila na isaalang-alang kung ano ang nadama ni Jesus hinggil sa kaniyang Ama, kung paano niya hinarap ang mga tukso at mga pagsubok, kung paano niya ipinakita ang pagpapasakop sa Diyos, at kung paano siya nakitungo sa mga tao sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan. Idiin ang gawaing pinagkaabalahan ni Jesus sa kaniyang buhay. Sa gayon, kapag napaharap sa mga pagpapasiya at mga pagsubok sa buhay, maitatanong ng estudyante sa kaniyang sarili: ‘Ano kaya ang gagawin ni Jesus sa ganitong kalagayan? Ang akin kayang landasin ay magpapakita ng wastong pagpapahalaga sa ginawa niya para sa akin?’
Kapag nagsasalita ka sa harap ng kongregasyon, huwag isipin na yamang ang iyong mga kapatid ay may pananampalataya na kay Jesus, hindi na kailangan pang magtuon ng pantanging pansin sa kaniya. Ang iyong sinasabi ay higit na magiging makahulugan kung gagamitin mong saligan ang pananampalatayang iyan. Kapag nagsasalita ka tungkol sa mga pulong, iugnay mo ito sa papel ni Jesus bilang Ulo ng kongregasyon. Kapag iyong tinatalakay ang ministeryo sa larangan, akayin ang pansin sa espiritung ipinamalas ni Jesus habang isinasagawa niya ang kaniyang ministeryo, at iharap ang ministeryo may kaugnayan sa ginagawa ni Kristo bilang Hari upang tipunin ang mga tao tungo sa kaligtasan sa bagong sanlibutan.
Maliwanag na higit pa ang kailangan kaysa basta malaman ang pangunahing mga katotohanan tungkol kay Jesus. Upang maging tunay na mga Kristiyano, ang mga tao ay kailangang manampalataya sa kaniya at tunay na umibig sa kaniya. Ang gayong pag-ibig ay gumaganyak sa matapat na pagsunod. (Juan 14:15, 21) Ito ay tutulong sa mga tao na manindigang matatag sa pananampalataya sa ilalim ng kahirapan, patuloy na lumakad sa mga yapak ni Kristo sa lahat ng mga araw ng kanilang buhay, patunayan na sila’y may-gulang na mga Kristiyano na matatag na ‘nakaugat at nakatayo sa pundasyon.’ (Efe. 3:17) Ang gayong landasin ay nagdudulot ng kaluwalhatian kay Jehova, ang Diyos at Ama ni Jesu-Kristo.
“ANG MABUTING BALITANG ITO NG KAHARIAN”
SA PAGBIBIGAY ng mga detalye hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mat. 24:14.
Ano ba talaga ang mensaheng ito na kailangang bigyan ng gayong kalawak na publisidad? Ito ay tungkol sa Kaharian na itinuro sa atin ni Jesus na ipanalangin sa Diyos, na nagsasabing: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mat. 6:10) Inilalarawan ito ng Apocalipsis 11:15 bilang ang “kaharian ng ating Panginoon [Jehova] at ng kaniyang Kristo” sapagkat ang awtoridad na mamahala ay nagmumula kay Jehova at ibinigay kay Kristo bilang Hari. Gayunman, pansinin na ang mensahe na sinabi ni Jesus na ipahahayag sa ating panahon ay higit pa sa ipinangaral ng kaniyang mga tagasunod noong unang siglo. Sinabi nila sa mga tao: “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.” (Luc. 10:9) Si Jesus, ang isa na pinahiran upang maging Hari ay naroroon noon sa gitna nila. Subalit gaya ng nakaulat sa Mateo 24:14, inihula ni Jesus ang pambuong daigdig na pagbabalita ng isa pang mahalagang pangyayari bilang katuparan ng layunin ng Diyos.
Si propeta Daniel ay binigyan ng isang pangitain hinggil sa pangyayaring ito. Nakita niya “ang isang gaya ng anak ng tao,” si Jesu-Kristo, na tumatanggap mula sa “Sinauna sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova, ng “pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” (Dan. 7:13, 14) Ang pangyayaring iyon na may pansansinukob na kahalagahan ay naganap sa langit noong taóng 1914. Pagkatapos noon, ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay inihagis sa lupa. (Apoc. 12:7-10) Ang matandang sistema ng mga bagay ay sumapit na sa mga huling araw nito. Subalit bago ito lubusang alisin, isang pangglobong paghahayag ang isinasagawa na ang Mesiyanikong Hari ni Jehova ay namamahala na ngayon mula sa kaniyang makalangit na trono. Ang mga tao saanmang dako ay pinatatalastasan. Ang kanilang pagtugon ay nagpapatunay kung ano ang kanilang saloobin sa Kataas-taasan bilang Tagapamahala sa “kaharian ng mga tao.”—Dan. 4:32.
Totoo, marami pa ang darating—mas marami pa! Patuloy pa rin tayong nananalangin, “Dumating nawa ang iyong kaharian,” subalit hindi sa diwang ang pagtatatag ng Kaharian ng Diyos ay sa hinaharap pa. Sa halip, ito ay sa diwang ang makalangit na Kaharian ay tiyakang kikilos upang tuparin ang mga hula gaya ng Daniel 2:44 at Apocalipsis 21:2-4. Babaguhin nito ang lupa upang maging isang paraiso na punô ng mga taong umiibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa tao. Habang ipinangangaral natin “ang mabuting balitang ito ng kaharian,” ipinakikita natin ang pag-asang ito sa hinaharap. Subalit buong pagtitiwala rin nating ipinahahayag na ibinigay na ni Jehova sa kaniyang Anak ang buong awtoridad na mamahala. Idiniriin mo ba ang mabuting balitang ito kapag nagpapatotoo ka hinggil sa Kaharian?
Pagpapaliwanag Kung Ano ang Kaharian. Paano natin matutupad ang ating atas na ipahayag ang Kaharian ng Diyos? Maaari tayong pumukaw ng interes kung pasisimulan ang mga pakikipag-usap sa iba’t ibang paksa, subalit dapat na maging malinaw kaagad na ang ating mensahe ay tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Ang isang mahalagang aspekto ng gawaing ito ay nagsasangkot sa pagbabasa o pagsipi ng mga kasulatan na tumutukoy sa Kaharian. Kapag tinutukoy mo ang Kaharian, tiyaking nauunawaan ng iyong mga kausap kung ano ito. Higit pa ang kakailanganin kaysa basta pagsasabing ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan. Maaaring maging mahirap para sa ilang tao na isipin ang isang bagay na di-nakikita bilang isang pamahalaan. Maaari kang mangatuwiran sa kanila sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, ang grabidad ay di-nakikita, subalit ito ay may malaking epekto sa ating buhay. Hindi natin nakikita ang Isa na gumawa ng batas ng grabidad, subalit maliwanag na siya’y may dakilang kapangyarihan. Tinutukoy siya ng Bibliya bilang ang “Haring walang hanggan.” (1 Tim. 1:17) O maaari kang mangatuwiran na sa isang malaking bansa, maraming tao ang hindi pa kailanman nakararating sa kabisera o nakikita nang personal ang kanilang tagapamahala. Natututuhan nila ang tungkol sa mga ito sa pamamagitan ng mga pagbabalita. Sa katulad na paraan, ang Bibliya, na nailathala na sa mahigit na 2,200 wika, ay nagsasabi sa atin ng tungkol sa Kaharian ng Diyos; ipinaaalam nito sa atin kung sino ang binigyan ng awtoridad at kung ano ang ginagawa ng Kaharian. Ang Bantayan, na inilalathala sa mas maraming wika kaysa sa alinmang magasin, ay pangunahing “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova,” kagaya ng isinasaad nito sa pabalat.
Upang matulungan ang mga tao na maunawaan kung ano ang Kaharian, maaari mong banggitin ang ilan sa mga bagay na nais nilang ibigay ng mga pamahalaan: kasiguruhan sa ekonomiya, kapayapaan, kalayaan mula sa krimen, walang-kinikilingang pakikitungo sa lahat ng etnikong grupo, edukasyon, at pangangalaga sa kalusugan. Ipakita na tanging sa pamamagitan lamang ng Kaharian ng Diyos lubusang masasapatan ang lahat ng ito at ang iba pang mabubuting bagay na minimithi ng sangkatauhan.—Awit 145:16.
Pagsikapang mapukaw ang pagnanais ng mga tao na maging mga sakop ng Kaharian, na pinamamahalaan ni Jesu-Kristo bilang Hari. Tukuyin ang mga himala na kaniyang ginawa bilang patiunang pagpapamalas sa gagawin niya bilang makalangit na Hari. Laging magsalita hinggil sa kaakit-akit na mga katangiang kaniyang ipinakikita. (Mat. 8:2, 3; 11:28-30) Ipaliwanag na ibinigay niya ang kaniyang buhay para sa atin at na pagkatapos niyaon ay ibinangon siya ng Diyos tungo sa imortal na buhay sa mga langit. Mula roon siya namamahala bilang Hari.—Gawa 2:29-35.
Idiin na ang Kaharian ng Diyos ay namamahala na ngayon mula sa mga langit. Gayunman, kilalanin na hindi nakikita ng karamihan ng mga tao ang mga kalagayan na inaakala nilang magiging ebidensiya ng pag-iral nito. Tanggapin iyon, at itanong kung kanilang nalalaman kung ano ang sinabi ni Jesu-Kristo na magiging ebidensiya nito. Itampok ang ilang bahagi ng kabuuang tanda sa Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, o Lucas kabanata 21. Pagkatapos ay itanong kung bakit ang pagluklok ni Kristo sa langit ay hahantong sa gayong mga kalagayan sa lupa. Akayin ang pansin sa Apocalipsis 12:7-10, 12.
Bilang aktuwal na ebidensiya ng kung ano ang ginagawa ng Kaharian ng Diyos, basahin ang Mateo 24:14, at ilarawan ang pangglobong programa ng edukasyon sa Bibliya na nagaganap sa ngayon. (Isa. 54:13) Sabihin sa mga tao ang tungkol sa iba’t ibang paaralan na doo’y nakikinabang ang mga Saksi ni Jehova—lahat ay salig sa Bibliya, lahat ay walang bayad. Ipaliwanag na bukod pa sa ating ministeryo sa bahay-bahay, tayo ay nag-aalok ng walang-bayad na pantahanang pagtuturo sa Bibliya sa mga indibiduwal at mga pamilya sa mahigit na 230 lupain. Anong pamahalaan ng tao ang nasa kalagayang maglaan ng gayong kalawak na programa sa edukasyon hindi lamang para sa mga sakop nito kundi para sa mga tao sa buong daigdig? Anyayahan ang mga tao na magtungo sa Kingdom Hall, dumalo sa mga asamblea at mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, upang makita ang ebidensiya kung paanong ang gayong edukasyon ay nakaaapekto sa buhay ng mga tao.—Isa. 2:2-4; 32:1, 17; Juan 13:35.
Subalit mauunawaan kaya ng may-bahay kung paanong ang kaniyang sariling buhay ay apektado? Maaaring mataktikang ipakita mo na ang layunin ng iyong pagdalaw ay upang ipakipag-usap ang pagkakataong bukás para sa lahat na piliin ang buhay bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng pagkatuto kung ano ang hinihiling ng Diyos at ng pamumuhay ngayon na kasuwato nito.—Deut. 30:19, 20; Apoc. 22:17.
Tulungan ang Iba na Unahin ang Kaharian. Kahit matapos tanggapin ng isang tao ang mensahe ng Kaharian, may mga pasiyang kailangan niyang gawin. Anong priyoridad ang ibibigay niya para sa Kaharian ng Diyos sa kaniyang sariling buhay? Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian.” (Mat. 6:33) Paano natin matutulungan ang mga kapuwa Kristiyano na gawin iyon? Sa pagpapakita natin mismo ng mabuting halimbawa at sa pagtalakay sa mga pagkakataong bukás sa kanila. Kung minsan, sa pamamagitan ng pagtatanong kung naisaalang-alang na ba ng isang tao ang ilang posibilidad at sa pamamagitan ng paglalahad ng mga karanasan upang ipakita kung ano ang ginagawa ng iba. Sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga ulat ng Bibliya sa paraang ang mga ito ay magpapasidhi ng pag-ibig ng isa kay Jehova. Sa pamamagitan ng pagdiriin ng pagiging-totoo ng Kaharian. Sa pamamagitan ng pagdiriin kung gaano talaga kahalaga ang gawaing paghahayag ng Kaharian. Ang pinakamalaking kabutihan ay kadalasang nagagawa, hindi sa pagsasabi sa mga tao kung ano ang kailangang gawin, kundi sa pag-antig sa kanilang pagnanais na gawin ito.
Walang alinlangan, ang mahalagang mensahe na kailangang ipahayag nating lahat ay pangunahing nakatuon sa Diyos na Jehova, kay Jesu-Kristo, at sa Kaharian. Ang mahahalagang katotohanan hinggil sa mga ito ay dapat na idiin sa ating pangmadlang pagpapatotoo, sa ating mga kongregasyon, at sa ating personal na buhay. Kapag ginagawa natin iyon, ipinamamalas natin na tayo ay talagang nakikinabang sa edukasyon mula sa ating Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.