ARALIN 29
Kalidad ng Tinig
ANG mga tao ay lubhang naiimpluwensiyahan hindi lamang ng kung ano ang sinasabi kundi kung paano rin ito sinasabi. Kung ang isang tao na nakikipag-usap sa iyo ay may tinig na kasiya-siya, masigla, palakaibigan, at mabait, hindi ba totoong higit kang malulugod na makinig na mabuti kaysa kung ang kaniyang tinig ay matamlay o magaspang?
Ang pagpapaunlad sa isang kanais-nais na kalidad ng tinig ay hindi lamang magsasangkot sa pisikal na mekanismo ng tinig. Maaaring sangkot din dito ang personalidad ng isa. Habang ang isang tao ay sumusulong sa kaniyang kaalaman at sa pagkakapit ng katotohanan ng Bibliya, may mga pagbabagong mahahalata sa paraan ng kaniyang pagsasalita. Ang makadiyos na mga katangian tulad ng pag-ibig, kagalakan, at kabaitan ay mapapansin sa kaniyang tinig. (Gal. 5:22, 23) Kapag siya ay nakadarama ng tunay na pagmamalasakit sa iba, mahahalata ito sa kaniyang tinig. Kapag hinalinhan ng pagtanaw ng utang-na-loob ang espiritu ng pagiging laging mapagreklamo, ipinakikita ito kapuwa ng mga salitang binibigkas at ng tono ng boses. (Panag. 3:39-42; 1 Tim. 1:12; Jud. 16) Kahit na hindi mo nauunawaan ang wikang sinasalita, kapag ang isang tao ay waring arogante, di-mapagparaya, palapintas, at magaspang at ang isa namang tao ay waring mapagpakumbaba, matiisin, mabait, at maibigin, makikita mo kaagad ang pagkakaiba.
Sa ilang kaso ang hindi kanais-nais na kalidad ng tinig ay maaaring dahil sa isang sakit na puminsala sa gulung-gulungan ng tao o sa isang minanang pisikal na depekto. Maaaring napakalubha ng gayong mga kalagayan anupat hindi na lubusang mareremedyuhan sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, kadalasang nagbubunga ng pagsulong kung matututuhang gamitin nang wasto ang mga sangkap sa pagsasalita.
Una sa lahat, mahalagang maunawaan na ang kaurian ng tinig ay nagkakaiba-iba sa bawat tao. Ang iyong tunguhin ay hindi upang magkaroon ng isang tinig na katulad ng sa iba. Sa halip, linangin ang potensiyal ng iyong sariling tinig, taglay ang kakaibang mga katangian nito. Ano ang makatutulong sa iyo upang magawa ito? May dalawang pangunahing bagay na kailangan.
Kontrolin Nang Wasto ang Iyong Suplay ng Hangin. Para sa pinakamabuting resulta sa paggamit ng iyong tinig, kailangan mo ng sapat na suplay ng hangin lakip na ang wastong pagkontrol sa paghinga. Kung wala nito, ang iyong tinig ay maaaring maging mahina, at ang iyong pagpapahayag ay maaaring maging paudlut-udlot.
Ang pinakamalaking bahagi ng baga ay wala sa itaas ng dibdib; ang dakong ito ay mas malaki lamang sa tingin dahil sa mga buto sa balikat. Sa halip, ang pinakamalapad na bahagi ng baga ay nasa itaas lamang ng dayapram. Nakakabit sa mas mababang mga tadyang, ang dayapram ay nasa pagitan ng dibdib at ng hungkag na bahagi ng tiyan.
Kung ang pinupuno mo lamang ay ang itaas na bahagi ng iyong mga baga kapag ikaw ay lumalanghap ng hangin, madali kang mauubusan ng hininga. Mawawalan ng puwersa ang iyong tinig, at madali kang mapapagod. Upang makahinga nang wasto, kailangan mong maupo o tumayo nang tuwid at panatilihing nakaunat ang iyong mga balikat. Sadyain mong iwasan na ang palakihin lamang ay ang itaas na bahagi ng iyong dibdib kapag lumalanghap ka ng hangin upang magsalita. Punuin muna ang ibabang bahagi ng iyong mga baga. Kapag napuno na ang bahaging ito, ang ibabang bahagi ng iyong tadyang ay bubuka. Kasabay nito, ang dayapram ay bababa, na banayad na dumiriin sa tiyan at mga bituka, anupat madarama mo ang higpit ng iyong sinturon o damit sa bandang tiyan mo. Subalit ang mga baga ay wala roon sa ibaba; ang mga ito ay nakapaloob sa tadyang. Upang masubok mo ito sa iyong sarili, ilagay ang mga kamay sa magkabilang panig ng ibabang bahagi ng iyong tadyang. Ngayon ay huminga ka nang malalim. Kung ikaw ay humihinga nang wasto, hindi mo paliliitin ang iyong tiyan at patataasin ang iyong mga balikat. Sa halip, madarama mong ang iyong mga tadyang ay medyo tumataas at lumalabas.
Pagkatapos, gawin ang pagpapalabas ng hangin. Huwag sayangin ang suplay sa pamamagitan ng mabilis na pagpapalabas nito. Palabasin ito nang unti-unti. Huwag mong sikaping kontrolin ito sa pamamagitan ng paghihigpit ng iyong lalamunan. Iyon ay magdudulot ng isang tinig na impit o abnormal ang taas. Ang pagtulak ng mga kalamnan sa tiyan at ng intercostal na mga kalamnan (sa pagitan ng mga tadyang) ang nagpapalabas ng hangin, samantalang kinokontrol naman ng dayapram ang bilis ng paglabas nito.
Kung paanong ang isang mananakbo ay nagsasanay para sa isang karera, gayundin maaaring matutuhan ng isang tagapagsalita ang wastong pagkontrol sa hininga sa pamamagitan ng pagsasanay. Tumayo nang tuwid na nakaunat ang balikat, huminga upang mapuno ang ibabang bahagi ng mga baga, at unti-unting palabasin ang hininga habang dahan-dahan at banayad na bumibilang ng pinakamaraming kaya mo sa iisang paghinga. Pagkatapos ay insayuhin ang pagbabasa nang malakas habang humihinga sa gayunding paraan.
Irelaks ang Maiigting na Kalamnan. Ang isa pang lubhang kailangan para sa mabuting kalidad ng tinig ay ito—magrelaks! Tunay ngang kamangha-mangha ang magagawa mong pagsulong kapag natuto kang magrelaks samantalang nagsasalita. Ang isip at ang katawan ay dapat na nakarelaks, sapagkat ang kaigtingan ng isip ay sanhi ng kaigtingan ng kalamnan.
Irelaks ang kaigtingan ng isip sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tamang pangmalas sa iyong mga tagapakinig. Kung ang mga ito ay mga taong natatagpuan mo sa ministeryo sa larangan, tandaan na kahit na iilang buwan ka pa lamang nakapag-aaral ng Bibliya, may nalalaman ka nang mahahalagang bagay hinggil sa layunin ni Jehova na maaari mong ibahagi sa kanila. At dumadalaw ka sa kanila sapagkat sila’y nangangailangan ng tulong, alam man nila ito o hindi. Sa kabilang panig, kung ikaw ay nagsasalita sa Kingdom Hall, ang karamihan ng iyong mga tagapakinig ay kabilang sa bayan ni Jehova. Sila’y iyong mga kaibigan, at nais nilang magtagumpay ka. Walang sinumang tao sa balat ng lupa ang nagsasalita sa harap ng gayong palakaibigan at maibiging tagapakinig gaya ng regular na ginagawa natin.
Irelaks ang mga kalamnan ng lalamunan sa pamamagitan ng pagtutuon ng iyong isip sa mga kalamnang iyon anupat sadyang inaalis ang kaigtingan ng mga ito. Tandaan na nanginginig ang iyong kuwerdas bokales kapag ang hangin ay dumaraan sa mga ito. Ang tono ng boses ay nagbabago habang ang mga kalamnan ng lalamunan ay humihigpit o narerelaks, kung paanong ang tono ng kuwerdas ng isang gitara o biyolin ay nagbabago kapag ito ay hinihigpitan o niluluwagan. Kapag iyong inirerelaks ang kuwerdas bokales, ang tono ay bumababa. Ang pagrerelaks ng mga kalamnan sa lalamunan ay nakatutulong din upang mapanatiling bukás ang daanan sa ilong, at ito ay tiyak na magkakaroon ng epekto sa kalidad ng iyong tinig.
Irelaks ang buong katawan mo—ang iyong mga tuhod, ang iyong mga kamay, ang iyong mga balikat, ang iyong leeg. Ito ay makatutulong sa pagkakaroon ng taginting na kinakailangan upang makaabot sa malayo ang iyong tinig. Ang taginting ay nalilikha kapag ang buong katawan ay nagsisilbing sounding board, subalit ito ay nahahadlangan ng kaigtingan. Ang tono ng tinig, na nalilikha sa gulung-gulungan, ay umaalingawngaw hindi lamang sa hungkag na bahagi ng ilong kundi maging sa mabutong bahagi ng dibdib, ng ngipin, ng ngalangala, at ng mga saynus. Ang lahat ng ito ay nakatutulong sa kalidad ng pagiging mataginting. Kung papatungan mo ng isang pabigat ang kaha ng isang gitara, maiimpit ang tunog nito; ang kaha ay kailangang malayang tumaginting upang ito’y umalingawngaw nang wasto. Gayundin ang mabutong mga bahagi ng ating katawan, na matibay na pinaghuhugpong ng mga kalamnan. Kapag may taginting, mababagu-bago mo nang wasto ang iyong tinig at maipahahayag mo ang iba’t ibang antas ng damdamin. Maaabot mo ang maraming tagapakinig nang hindi pinupuwersa ang iyong tinig.