PANGHUHULA
[sa Ingles, divination].
Saklaw ng ganitong panghuhula ang lahat ng aspekto ng pagtatamo ng lihim na kaalaman, lalo na kung tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap, sa tulong ng espiritistikong kapangyarihan ng okultismo. (Tingnan ang ESPIRITISMO.) Para sa pagtalakay sa partikular na mga aspekto ng ganitong panghuhula, tingnan ang ASTROLOGO; MAHIKA AT PANGGAGAWAY; MANGHUHULA NG MGA PANGYAYARI; SALAMANGKERO.
Naniniwala ang mga nagsasagawa ng panghuhula na ang kinabukasan ay isinisiwalat ng mga diyos doon sa mga sinanay na magbasa at magbigay-kahulugan sa partikular na mga tanda o signos. Diumano, ang mga ito’y ipinatatalastas sa iba’t ibang paraan: Sa pamamagitan ng mga penomeno sa kalangitan (posisyon at galaw ng mga bituin at planeta, mga eklipse, mga bulalakaw), pisikal na mga puwersa sa lupa (hangin, bagyo, apoy), paggawi ng mga hayop (pag-alulong ng aso, paglipad ng ibon, pag-usad ng ahas), hitsura ng mga dahon ng tsa sa tasa, nabubuong hugis ng langis sa ibabaw ng tubig, direksiyon ng palasong bumabagsak, hitsura ng mga parte ng katawan ng hayop na inihain (atay, baga, bituka), guhit ng palad, pagpapalabunutan, at sa pamamagitan ng “mga espiritu” ng mga patay.
Binigyan ng espesipikong mga pangalan ang partikular na mga larangan ng panghuhula. Halimbawa, ang augury, na popular sa mga Romano, ay pagsusuri sa mga signos, palatandaan, o mga kakaibang penomeno. Ang palmistry ay panghuhula sa kinabukasan batay sa mga guhit ng palad. Ang hepatoscopy ay pagsusuri sa atay; ang haruspication ay sa mga bituka, samantalang ang belomancy ay sa direksiyon ng mga palaso. Ang rhabdomancy ay ginagamitan ng divining rod. Ang oneiromancy ay panghuhula batay sa mga panaginip. Ang necromancy ay pagsangguni diumano sa mga patay. Nariyan din ang pagtingin sa bolang kristal at panghuhula sa pamamagitan ng orakulo.
Pinagmulan. Ang panghuhula ay nagsimula sa Babilonia, na lupain ng mga Caldeo, at mula roon, ang mga gawaing ito na nauugnay sa okultismo ay lumaganap sa buong lupa dahil sa pandarayuhan ng mga tao. (Gen 11:8, 9) Sa nahukay na bahagi ng aklatan ni Ashurbanipal, sinasabing ang sangkapat nito ay binubuo ng mga tapyas na naglalaman ng mga pagpapakahulugan sa lahat ng kababalaghang makikita sa kalangitan at sa lupa, gayundin sa lahat ng di-inaasahang mga pangyayari sa pang-araw-araw na buhay. Saka lamang nagpasiya si Haring Nabucodonosor na salakayin ang Jerusalem matapos siyang magsagawa ng panghuhula, na hinggil dito ay nasusulat: “Inalog niya ang mga palaso. Nagtanong siya sa pamamagitan ng terapim; tumingin siya sa atay. Sa kaniyang kanang kamay ang panghuhula ay naging ukol sa Jerusalem.”—Eze 21:21, 22.
Ang pagtingin sa atay upang makakita ng mga tanda ay batay sa paniniwala na nakasentro sa sangkap na ito ang lahat ng lakas, emosyon, at naisin. Nasa atay ang sangkanim na bahagi ng dugo ng tao. Ang mga pagbabago sa anyo ng iba’t ibang bahagi nito ay binibigyang-kahulugan bilang mga tanda, o signos, mula sa mga diyos. (Tingnan ang ASTROLOGO.) Maraming luwad na modelo ng atay ang natagpuan, at ang pinakamatanda ay mula sa Babilonya. Ang mga ito ay naglalaman ng mga tanda at mga tekstong nakasulat sa cuneiform na ginagamit ng mga manghuhula. (LARAWAN, Tomo 2, p. 324) Ang sinaunang mga saserdoteng Asiryano ay tinatawag na baru, nangangahulugang “tagasuri” o “siya na tumitingin,” dahil ang pagsusuri sa atay ay prominente sa kanilang relihiyon na nagsasagawa ng panghuhula ng kapalaran.
Hinahatulan ng Bibliya. Anuman ang tawag sa mga ito, ang lahat ng iba’t ibang uri ng ganitong panghuhula ay taliwas at salungat sa Banal na Bibliya. Sa pamamagitan ni Moises, mahigpit at paulit-ulit na binabalaan ni Jehova ang Israel na huwag gayahin ang ganitong mga gawain ng ibang mga bansa, sa pagsasabing: “Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang nagpaparaan ng kaniyang anak na lalaki o ng kaniyang anak na babae sa apoy, ang sinumang nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova, at dahil sa mga karima-rimarim na bagay na ito ay itinataboy sila ni Jehova na iyong Diyos mula sa harap mo.” (Deu 18:9-12; Lev 19:26, 31) Magkatotoo man ang kanilang mga tanda at mga palatandaan, hahatulan pa rin ang mga manghuhula. (Deu 13:1-5; Jer 23:32; Zac 10:2) Ang napakatinding poot ng Diyos sa kanila ay makikita sa utos na lahat ng mga manghuhula ay papatayin nang walang pagsala.—Exo 22:18; Lev 20:27.
Sa kabila ng paulit-ulit na mga utos na ito, si Jehova ay hinamak ng mga apostata—hindi lamang ng karaniwang mga mamamayan gaya ng babaing taga-En-dor, kundi pati ng makapangyarihang mga hari na gaya nina Saul at Manases, at Reyna Jezebel. (1Sa 28:7, 8; 2Ha 9:22; 21:1-6; 2Cr 33:1-6) Bagaman inalis ng mabuting hari na si Josias ang mga nagsasagawa ng panghuhula noong kaniyang panahon, hindi iyon sapat para iligtas ang Juda mula sa pagkawasak, gaya ng nangyari sa kapatid nitong kaharian ng Israel. (2Ha 17:12-18; 23:24-27) Gayunman, dahil sa maibiging-kabaitan ni Jehova, isinugo muna niya ang kaniyang mga propeta upang babalaan sila tungkol sa kanilang kasuklam-suklam na mga gawain, kung paanong binabalaan ng kaniyang mga propeta ang ina ng lahat ng panghuhula, ang Babilonya.—Isa 3:1-3; 8:19, 20; 44:24, 25; 47:9-15; Jer 14:14; 27:9; 29:8; Eze 13:6-9, 23; Mik 3:6-12; Zac 10:2.
Napakalaganap din ng panghuhula noong panahon ng mga apostol ni Jesus. Sa pulo ng Ciprus, isang manggagaway na nagngangalang Bar-Jesus ang binulag dahil hinadlangan niya ang pangangaral ng apostol na si Pablo. Sa Macedonia naman, pinalayas ni Pablo ang isang demonyo ng panghuhula mula sa isang batang babaing nakaiirita sa kanila, na lubhang ikinagalit ng mga panginoon nito dahil nakikinabang sila nang malaki sa mahiwagang kapangyarihan nito sa panghuhula. (Gaw 13:6-11; 16:16-19) Gayunman, may ilan, gaya ni Simon ng Samaria, na kusang-loob na huminto sa pagsasagawa ng mga sining ng mahika. Sa Efeso naman, sinunog ng napakaraming tao ang kanilang mga aklat sa panghuhula na nagkakahalaga ng 50,000 piraso ng pilak (kung denario, $37,200).—Gaw 8:9-13; 19:19.
Kapag ang tao ay sumasamba at naglilingkod sa Dakilang Maylalang, nasasapatan ang kaniyang likas na pagnanais na malaman ang kinabukasan dahil sa pamamagitan ng Kaniyang alulod ng pakikipagtalastasan, patiuna at maibiging isinisiwalat ng Diyos kung ano ang makabubuting malaman ng tao. (Am 3:7) Gayunman, kapag ang mga tao ay tumalikod at humiwalay kay Jehova, na tanging nakaaalam ng wakas mula pa sa pasimula, madali silang mabiktima ng espiritistikong impluwensiya ng mga demonyo. Isang prominenteng halimbawa nito ay si Saul. Noong una ay kay Jehova siya umaasa para malaman ang mga mangyayari sa hinaharap, ngunit nang maputol ang lahat ng pakikipag-ugnayan niya sa Diyos dahil sa kaniyang kawalang-katapatan, bumaling siya sa mga demonyo.—1Sa 28:6, 7; 1Cr 10:13, 14.
Samakatuwid, magkaibang-magkaiba ang katotohanang isinisiwalat ng Diyos at ang impormasyong natatamo sa panghuhula. Kadalasan, ang mga nagsasagawa ng panghuhula ay pinangingisay ng mga demonyo, at kung minsa’y nagwawala sila dahil sa kakatwang musika at mga droga. Samantala, hindi dumaranas ng gayong pisikal o mental na pagkaligalig ang tunay na mga lingkod ni Jehova kapag inuudyukan sila ng banal na espiritu na magsalita. (Gaw 6:15; 2Pe 1:21) Ang mga propeta ng Diyos ay malaya at walang-bayad na nagsalita bilang pagtupad sa kanilang pananagutan. Ang mga paganong manghuhula naman ay nanghula dahil sa sakim na personal na pakinabang.
Hindi kailanman sinasang-ayunan ng Bibliya ang anumang uri ng panghuhula sa tulong ng mga demonyo. Sa maraming teksto, ang mga espiritistikong gawaing panghuhula ay hinahatulan kasama ng pangangalunya at pakikiapid. (2Ha 9:22; Na 3:4; Mal 3:5; Gal 5:19, 20; Apo 9:21; 21:8; 22:15) Sa paningin ng Diyos, ang ganitong panghuhula ay katumbas ng kasalanang paghihimagsik.—1Sa 15:23.
Binibigo ni Jehova ang mga manghuhula. Natanghal ang pagkakaiba ng walang-limitasyong kapangyarihan ni Jehova at ng napakalimitadong kapangyarihan ng mga mahikong manghuhula nang humarap sina Moises at Aaron kay Paraon. Nang maging ahas ang tungkod ni Aaron, waring natularan ng mga mahikong Ehipsiyo ang himalang iyon. Kaylaking kahihiyan ang inabot ng mga manggagaway na iyon nang lamunin ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila! Sa wari ay nagawang dugo ng mga saserdote ng Ehipto ang tubig at nakapagpaahon sila ng mga palaka sa lupain. Ngunit nang pangyarihin ni Jehova na maging mga niknik ang alabok, napilitan ang mga manggagaway na amining iyon ay sa pamamagitan ng “daliri ng Diyos.”—Exo 7:8-12, 19-22; 8:5-11, 16-19; 9:11.
Para matiyak ang pinakamabuting panahon upang maipalipol ang bayan ni Jehova, iniutos ng balakyot na si Haman na ‘may maghagis [maliwanag na isang astrologo] ng Pur, na siyang Palabunot, araw-araw at buwan-buwan.’ (Es 3:7-9) Ganito ang sabi ng isang komentaryo hinggil sa tekstong ito: “Sa pagbaling niya sa ganitong paraan ng pagtiyak sa pinakaangkop na araw upang isakatuparan ang kaniyang napakasamang pakana, ginaya ni Haman ang mga hari at mga maharlika ng Persia, na hindi pumapasok sa anumang proyekto hangga’t hindi sumasangguni sa mga astrologo at hindi nalalaman ang masuwerteng pagkakataon.” (Commentary on the Whole Bible, nina Jamieson, Fausset, at Brown) Batay sa panghuhulang iyon, kaagad na pinasimulan ni Haman ang kaniyang balakyot na pakana. Gayunman, muling natanghal ang kapangyarihan ni Jehova na iligtas ang kaniyang bayan, at si Haman, na nagtiwala sa panghuhula, ay ibinitin sa mismong tulos na inihanda niya para kay Mardokeo.—Es 9:24, 25.
Mayroon pang halimbawa na nagpapakitang nakahihigit ang kapangyarihan ni Jehova kaysa sa mga puwersa ng okultismo. Naganap ito noong dumating ang mga Moabita “dala sa kanilang mga kamay ang mga pambayad para sa panghuhula” upang upahan si Balaam, isang manghuhulang taga-Mesopotamia, para sumpain ang Israel. (Bil 22:7) Bagaman sinikap ni Balaam na “makasumpong ng anumang masamang tanda,” pinangyari ni Jehova na mga pagpapala lamang ang kaniyang bigkasin. Udyok ng kapangyarihan ni Jehova, napilitan si Balaam na umamin: “Walang masamang engkanto laban sa Jacob, ni may anumang panghuhula laban sa Israel.”—Bil kab 23, 24.
“Espiritu ni Python.” Sa Filipos, Macedonia, nasalubong ni Pablo ang isang alilang babae na inaalihan ng isang “espiritu, isang demonyo ng panghuhula,” sa literal, “isang espiritu ni python” (sa Gr., pneuʹma pyʹtho·na; Gaw 16:16). Ayon sa mitolohiya, “Python” ang pangalan ng ahas na nagbabantay sa templo at orakulo ng Delphi, Gresya. Sa paglipas ng panahon, ang salitang pyʹthon ay tumukoy sa isang tao na may kakayahang humula ng hinaharap at gayundin sa espiritung nagsasalita sa pamamagitan ng taong iyon. Bagaman nang maglaon ay ginamit ang salitang ito upang tumukoy sa isang bentrilokuwista, sa Mga Gawa ay ginagamit ito upang ilarawan ang isang demonyo na tumulong sa isang batang babae para makapagsagawa ng sining ng panghuhula.