ARALING ARTIKULO 50
Maituturing Tayong Matuwid Dahil sa Pananampalataya at mga Gawa Natin
“[Magkaroon ng] pananampalatayang gaya ng sa ama nating si Abraham.”—ROMA 4:12.
AWIT BLG. 119 Dapat Magkaroon ng Pananampalataya
NILALAMANa
1. Tungkol sa pananampalataya ni Abraham, ano ang maitatanong natin?
KAHIT marami ang pamilyar kay Abraham, kaunti lang ang alam nila tungkol sa kaniya. Pero ikaw, marami kang alam tungkol kay Abraham. Halimbawa, alam mong tinawag siyang “ama . . . ng lahat ng may pananampalataya.” (Roma 4:11) Pero baka maitanong mo, ‘Kaya ko bang tularan ang pananampalataya ni Abraham?’ Oo naman!
2. Bakit mahalagang pag-aralan natin ang halimbawa ni Abraham? (Santiago 2:22, 23)
2 Matutularan natin ang pananampalataya ni Abraham kung pag-aaralan natin ang halimbawa niya. Sa utos ng Diyos, naglakbay siya papunta sa malayong lugar at tumira sa tolda nang maraming taon. Handa pa nga siyang ihandog ang minamahal niyang anak na si Isaac. Bakit? Dahil matibay ang pananampalataya niya. Napasaya ni Abraham si Jehova at naging kaibigan niya Siya dahil sa pananampalataya at mga gawa niya. (Basahin ang Santiago 2:22, 23.) Gusto ka ring maging kaibigan ni Jehova, kaya ipinasulat niya kina Pablo at Santiago ang tungkol sa halimbawa ni Abraham. Talakayin natin ang isinulat nila sa Roma kabanata 4 at Santiago kabanata 2. Parehong may binanggit sina Pablo at Santiago na mahalagang bagay tungkol kay Abraham.
3. Anong teksto ang parehong sinipi nina Pablo at Santiago?
3 Parehong sinipi nina Pablo at Santiago ang Genesis 15:6: “Nanampalataya [si Abraham] kay Jehova, at dahil dito, itinuring Niya siyang matuwid.” Ang taong matuwid sa harap ng Diyos ay itinuturing Niyang katanggap-tanggap at walang kasalanan. Isipin mo iyon, kahit ang di-perpekto at makasalanang tao ay puwedeng ituring ng Diyos na walang kasalanan! Siguradong gusto mo na ganiyan ang maging tingin ng Diyos sa iyo, at posible iyon! Aalamin natin ngayon kung bakit itinuring ng Diyos na matuwid si Abraham at kung paano natin siya matutularan.
MAHALAGA ANG PANANAMPALATAYA PARA MAGING MATUWID TAYO
4. Ano ang kalagayan ng lahat ng tao?
4 Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, sinabi niya na makasalanan ang lahat ng tao. (Roma 3:23) Kaya paano tayo maituturing ng Diyos na matuwid o walang kasalanan? Ginamit ni Pablo ang halimbawa ni Abraham para sagutin ang tanong na iyan.
5. Bakit itinuring ni Jehova na matuwid si Abraham? (Roma 4:2-4)
5 Itinuring ni Jehova na matuwid si Abraham noong nakatira ito sa lupain ng Canaan. Bakit? Dahil ba perpektong nasunod ni Abraham ang Kautusang Mosaiko? Siyempre, hindi. (Roma 4:13) Wala pa ang Kautusang Mosaiko noong panahon ni Abraham. Lumipas pa ang mahigit 400 taon bago ibigay ni Jehova ang kautusang iyon sa bansang Israel. Kaya bakit itinuring ng Diyos na matuwid si Abraham? Nagpakita ng walang-kapantay na kabaitan si Jehova kay Abraham at itinuring siyang matuwid dahil sa pananampalataya niya.—Basahin ang Roma 4:2-4.
6. Bakit maituturing ni Jehova na matuwid ang isang makasalanan?
6 Sinabi ni Pablo na kapag nanampalataya ang isang tao sa Diyos, “ituturing [siyang] matuwid.” (Roma 4:5) Bakit? Ipinaliwanag ni Pablo: “Gaya rin ng sinabi ni David tungkol sa kaligayahan ng tao na itinuturing na matuwid ng Diyos pero hindi dahil sa mga gawa: ‘Maligaya ang mga pinagpaumanhinan sa kasamaan nila at pinatawad sa mga kasalanan nila; maligaya ang tao na ang kasalanan ay hindi na aalalahanin pa ni Jehova.’” (Roma 4:6-8; Awit 32:1, 2) Pinagpapaumanhinan o pinapatawad ng Diyos ang kasalanan ng mga nananampalataya sa kaniya. Dahil doon, hindi na aalalahanin pa ni Jehova ang mga kasalanan nila. Itinuturing niya silang matuwid dahil sa pananampalataya nila.
7. Bakit masasabing matuwid ang tapat na mga lingkod ng Diyos noon?
7 Kahit itinuring nang matuwid sina Abraham, David, at iba pang tapat na lingkod ng Diyos, makasalanan pa rin sila at di-perpekto. Pero dahil sa pananampalataya nila, itinuring sila ng Diyos na walang kasalanan, lalo na kung ikukumpara sa mga hindi sumasamba sa kaniya. (Efe. 2:12) Nilinaw ni Pablo sa liham niya na mahalaga ang pananampalataya para maging kaibigan ng Diyos. Naging kaibigan ng Diyos sina Abraham at David dahil nanampalataya sila sa kaniya. Magiging kaibigan din natin ang Diyos dahil sa pananampalataya natin.
MAGKAUGNAY ANG PANANAMPALATAYA AT MGA GAWA
8-9. Ano ang opinyon ng ilan tungkol sa isinulat nina Pablo at Santiago, at bakit?
8 Sa loob ng daan-daang taon, pinagdedebatihan ng mga lider ng relihiyon ang tungkol sa pananampalataya at mga gawa. Itinuturo ng ilan na maniwala ka lang sa Panginoong Jesu-Kristo at maliligtas ka na. Baka ginagawa pa nga nilang batayan ang sinabi ni Pablo: “Itinuturing na matuwid ng Diyos [ang isang tao] pero hindi dahil sa mga gawa.“ (Roma 4:6) Pero para naman sa iba, kailangan mong pumunta sa mga lugar na itinuturing na banal at isagawa ang mga tungkulin mo sa simbahan para maligtas ka. Posibleng ang batayan nila ay ang sinasabi sa Santiago 2:24: “Ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid dahil sa mga ginagawa niya at hindi dahil sa pananampalataya lang.”
9 Dahil sa magkaibang paniniwalang ito, iniisip ng ilang iskolar ng Bibliya na magkasalungat ang sinabi nina Pablo at Santiago tungkol sa pananampalataya at mga gawa. Ayon sa kanila, naniniwala daw si Pablo na ituturing na matuwid ang isang tao dahil sa pananampalataya niya at hindi dahil sa mga gawa. Pero itinuturo naman daw ni Santiago na mahalaga ang mga gawa para tanggapin tayo ng Diyos. Ganito ang sinabi ng isang propesor: “Hindi naiintindihan ni Santiago kung bakit idinidiin ni Pablo na sapat na ang pananampalataya para [ituring na matuwid] ang isang tao at hindi na kailangan ng mga gawa.” Pero parehong galing kay Jehova ang isinulat nina Pablo at Santiago. (2 Tim. 3:16) Kaya siguradong hindi magkasalungat ang mga sinabi nila. Makikita natin iyan kung aalamin natin ang konteksto ng mga isinulat nila.
10. Anong mga gawa ang pangunahing tinutukoy ni Pablo? (Roma 3:21, 28) (Tingnan din ang larawan.)
10 Anong “mga gawa” ang tinutukoy ni Pablo sa Roma 3 at 4? Ang pangunahing tinutukoy niya ay ang “pagsasagawa ng kautusan,” ang kautusan ni Moises, na ibinigay sa Bundok Sinai. (Basahin ang Roma 3:21, 28.) Lumilitaw na noong panahon ni Pablo, hindi matanggap ng ilang Judiong Kristiyano na hindi na nila kailangang sundin ang Kautusang Mosaiko. Kaya ginamit ni Pablo ang halimbawa ni Abraham para patunayan na hindi ituturing ng Diyos na matuwid ang isang tao dahil sa “pagsasagawa ng kautusan.” Ipinaliwanag ni Pablo na kailangan nating magkaroon ng pananampalataya. Nakakapagpatibay ito kasi nalaman natin na puwede tayong ituring na matuwid kung may pananampalataya tayo sa Diyos at kay Kristo.
11. Anong “mga gawa” ang tinutukoy ni Santiago?
11 Pero ang “mga gawa” na tinalakay sa Santiago kabanata 2 ay hindi ang “pagsasagawa ng kautusan” na binanggit ni Pablo. Ang tinutukoy ni Santiago ay ang ginagawa ng mga Kristiyano sa araw-araw. Makikita sa mga ginagawa nila kung tunay ang pananampalataya nila sa Diyos o hindi. Tingnan natin ang dalawang halimbawa na ginamit ni Santiago.
12. Paano ipinakita ni Santiago na magkaugnay ang pananampalataya at mga gawa? (Tingnan din ang larawan.)
12 Sa unang halimbawa, sinabi ni Santiago na hindi dapat magpakita ng paboritismo ang mga Kristiyano. Sinabi niya na baka asikasuhin ng isang Kristiyano ang mayaman pero bale-walain naman ang mahirap. Kahit sabihin ng taong iyon na may pananampalataya siya, makikita ba iyon sa ginagawa niya? (Sant. 2:1-5, 9) Sa ikalawang halimbawa naman, binanggit ni Santiago ang isang Kristiyano na nakita ang isang ‘kapatid na walang maisuot o makain’ pero hindi niya ito tinulungan. Kahit sabihin ng taong iyon na may pananampalataya siya, wala itong saysay kasi wala itong kasamang gawa. Isinulat ni Santiago na ang pananampalataya, “kung wala itong kasamang gawa, ito ay patay.”—Sant. 2:14-17.
13. Kaninong halimbawa ang ginamit ni Santiago para ipakitang dapat na may kasamang gawa ang pananampalataya? (Santiago 2:25, 26)
13 Binanggit ni Santiago na magandang halimbawa si Rahab ng pananampalataya na may kasamang gawa. (Basahin ang Santiago 2:25, 26.) Dahil sa mga nabalitaan ni Rahab, naunawaan niya na sinusuportahan ni Jehova ang mga Israelita. (Jos. 2:9-11) Makikita ang pananampalataya niya sa ginawa niya—pinrotektahan niya ang dalawang espiyang Israelita nang manganib ang buhay ng mga ito. Kaya kahit hindi siya perpekto at hindi siya Israelita, itinuring siyang matuwid, gaya ni Abraham. Natutuhan natin sa halimbawa ni Rahab na napakahalagang makita sa ginagawa natin ang pananampalataya natin.
14. Bakit masasabing hindi magkasalungat ang isinulat nina Pablo at Santiago?
14 Ipinaliwanag nina Pablo at Santiago ang tungkol sa pananampalataya at mga gawa sa magkaibang anggulo. Sinabi ni Pablo sa mga Judiong Kristiyano na hindi sila sasang-ayunan ni Jehova dahil lang sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko. Idiniin naman ni Santiago na maipapakita ng lahat ng Kristiyano ang pananampalataya nila kung gagawa sila ng mabuti sa iba.
15. Ano ang ilang paraan para maipakita natin sa gawa ang pananampalataya natin? (Tingnan din ang larawan.)
15 Hindi sinasabi ni Jehova na kailangan nating gawin ang mga ginawa ni Abraham para ituring tayong matuwid. Maraming paraan para maipakita ang pananampalataya natin. Halimbawa, ipadama natin sa mga baguhan na bahagi sila ng kongregasyon. Tulungan natin ang mga kapatid na talagang nangangailangan, at gumawa tayo ng mabuti sa mga kapamilya natin. Kapag ginawa natin iyan, sasang-ayunan at pagpapalain tayo ng Diyos. (Roma 15:7; 1 Tim. 5:4, 8; 1 Juan 3:18) Ang isa sa pinakamahalagang paraan para maipakita ang pananampalataya natin ay ang masigasig na pangangaral ng mabuting balita. (1 Tim. 4:16) Lahat tayo, maipapakita nating nananampalataya tayo na magkakatotoo ang mga pangako ni Jehova at na laging tama ang mga paraan niya. Kung gagawin natin iyan, siguradong ituturing tayong matuwid at kaibigan ng Diyos.
MAHALAGA ANG PAG-ASA PARA TUMIBAY ANG PANANAMPALATAYA NATIN
16. Dahil sa pananampalataya ni Abraham, anong pag-asa ang hinintay niya?
16 Makikita rin sa Roma kabanata 4 ang isa pang importanteng aral na matututuhan natin kay Abraham: Mahalaga ang pag-asa. Ipinangako ni Jehova na pagpapalain ang “maraming bansa” sa pamamagitan ni Abraham. Isipin kung gaano kasaya si Abraham nang marinig niya ang magandang pag-asang iyon! (Gen. 12:3; 15:5; 17:4; Roma 4:17) Pero kahit 100 taóng gulang na si Abraham at 90 naman si Sara, hindi pa natutupad ang pangako na magkakaanak sila. Sa pananaw ng tao, parang imposible nang magkaanak sina Abraham at Sara. Kaya nasubok ang pananampalataya ni Abraham. Pero “umasa pa rin siya at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa.” (Roma 4:18, 19) At nangyari nga ang inaasahan niya. Matapos ang matagal na paghihintay, naging anak niya si Isaac.—Roma 4:20-22.
17. Paano natin nalaman na puwede tayong ituring na matuwid at kaibigan ng Diyos?
17 Gaya ni Abraham, puwede tayong sang-ayunan ng Diyos at ituring na matuwid at kaibigan niya. Iyan ang punto ni Pablo nang sabihin niya: “Isinulat ang mga salitang ‘itinuring siyang matuwid’ hindi lang para [kay Abraham], kundi para din sa atin na ituturing ding matuwid, dahil naniniwala tayo sa Kaniya na bumuhay-muli kay Jesus.” (Roma 4:23, 24) Dapat na may kasamang gawa ang pananampalataya natin at umasa tayo kay Jehova gaya ng ginawa ni Abraham. Sa Roma kabanata 5, itinuloy ni Pablo ang pagtalakay sa pag-asa natin. Pag-aaralan natin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT BLG. 28 Maging Kaibigan ni Jehova
a Gusto nating sang-ayunan tayo ng Diyos at ituring niyang matuwid. Sa artikulong ito, makikita natin sa mga isinulat nina Pablo at Santiago na posible iyan. Tatalakayin din natin kung bakit parehong mahalaga ang pananampalataya at mga gawa natin para sang-ayunan tayo ni Jehova.
b LARAWAN: Sinabi ni Pablo sa mga Judiong Kristiyano na magpokus sila sa pagpapatibay ng pananampalataya nila, hindi sa “pagsasagawa ng kautusan,” gaya ng paglalagay ng asul na panali sa damit, pagdiriwang ng Paskuwa, at seremonyal na paghuhugas.
c LARAWAN: Sinabi ni Santiago na ipakita ang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa iba, gaya ng pagtulong sa mahihirap.