TALAANGKANAN
Isang ulat ng mga linya ng mga ninuno o mga kamag-anak ng pamilya ng tao. Ang Diyos na Jehova ang dakilang Tagapagtala ng mga angkan o Tagapag-ingat ng mga rekord ng paglalang, mga pasimula, kapanganakan, at angkang pinagmulan. Siya ang “Ama, na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efe 3:14, 15) Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay naglalaman ng isang tumpak na rekord ng mga talaangkanan na gumaganap ng mahalagang bahagi sa kaniyang layunin.
Ang tao ay may katutubong hangarin na malaman ang kaniyang pinagmulang angkan at ingatang buháy ang pangalan ng kaniyang pamilya. Maraming sinaunang bansa ang nag-ingat ng malalawak na rekord ng talaangkanan, partikular na ng mga linya ng kanilang mga saserdote at mga hari. Nag-ingat ang mga Ehipsiyo ng gayong mga rehistro, gaya rin ng mga Arabe. Mayroon namang natagpuang mga tapyas na cuneiform na naglalaman ng mga talaangkanan ng mga hari ng Babilonya at Asirya. Ang ilan sa mas bagong mga tuklas ay ang mga talaan ng angkan ng mga Griego, mga Celt, mga Saxon, at mga Romano.
Ang pandiwang Hebreo para sa pagrerehistro ng lehitimong angkang pinagmulan ay ya·chasʹ, isinasaling ‘maitala sa talaangkanan’ (1Cr 5:17); ang kaugnay na pangngalan ay yaʹchas, isinasalin naman bilang “talaangkanan.” (Ne 7:5) Ang terminong Griego na ge·ne·a·lo·giʹa ay lumilitaw sa 1 Timoteo 1:4 at Tito 3:9 anupat tumutukoy sa mga personal na linya ng mga ninuno, o “mga talaangkanan.”
Pinasimulan ng apostol na si Mateo ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo sa ganitong introduksiyon: “Ang aklat ng kasaysayan [ge·neʹse·os, isang anyo ng geʹne·sis] ni Jesu-Kristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.” (Mat 1:1) Sa literal, ang salitang Griego na geʹne·sis ay nangangahulugang “linya ng angkan; pinagmulan.” Ang terminong Griegong ito ay ginagamit ng Septuagint upang isalin ang Hebreong toh·le·dhohthʹ, na may gayunding saligang kahulugan, at maliwanag na tumutukoy sa “kasaysayan” sa maraming paglitaw nito sa aklat ng Genesis.—Ihambing ang Gen 2:4, tlb sa Rbi8.
Sabihin pa, higit pa sa isang talaangkanan ni Kristo ang ibinibigay ni Mateo. Inilalahad din niya ang kasaysayan ng kapanganakan ni Jesus bilang tao, ang ministeryo nito, ang kamatayan nito, at ang pagkabuhay-muli nito. Ang kaugaliang ito ay pangkaraniwan lamang noon, sapagkat maging ang pinakamaaagang kasaysayan ng Gresya ay may balangkas ng talaangkanan. Noong sinaunang mga panahong iyon, ang isang kasaysayan ay umiinog sa mga tao na binabanggit o ipinakikilala sa talaangkanan nito. Sa gayon, ang talaangkanan ay naging mahalagang bahagi ng kasaysayan, anupat sa maraming kaso ay nagsilbing introduksiyon nito.—Tingnan ang 1Cr 1-9.
Noong panahon ng paghatol sa Eden, ipinangako ng Diyos ang pagdating ng Binhi ng “babae,” na dudurog sa ulo ng Serpiyente. (Gen 3:15) Maaaring dito nanggaling ang ideya na sa linya ng angkan ng mga tao magmumula ang Binhi, bagaman noon lamang panahong sabihin kay Abraham na ang kaniyang Binhi ang gagamitin upang pagpalain ang lahat ng bansa at saka espesipikong ipinahayag na ang magiging linya ng Binhi ay makalupa. (Gen 22:17, 18) Dahil dito, naging napakahalaga ng talaangkanan ng pamilya ng linya ni Abraham. Ang Bibliya ang tanging rekord hindi lamang ng pinagmulan ni Abraham kundi gayundin ng mga tao ng lahat ng mga bansa na nagmula sa mga anak ni Noe na sina Sem, Ham, at Japet.—Gen 10:32.
Gaya ng komento ni E. J. Hamlin sa The Interpreter’s Dictionary of the Bible, ang talahanayan ng mga bansa sa Genesis ay “natatangi sa sinaunang panitikan. . . . Ang gayong labis na pagkabahala sa kasaysayan ay hindi matatagpuan sa alinpamang sagradong panitikan sa daigdig.”—Inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 3, p. 515.
Ang Layunin ng mga Rekord ng Talaangkanan. Bukod pa sa likas na hilig ng tao na mag-ingat ng rekord ng kapanganakan at mga kaugnayan, ang talaangkanan ay mahalaga sa kronolohiya, lalo na sa pinakamaagang bahagi ng kasaysayan ng sangkatauhan. Ngunit higit pa riyan yamang naging mahalaga ang isang rekord ng ilang partikular na linya ng angkan dahil sa mga pangako, mga hula, at mga pakikitungo ng Diyos.
Pagkaraan ng Baha, ipinakita ng pagpapala ni Noe na ang mga inapo ni Sem ay magkakamit ng lingap ng Diyos. (Gen 9:26, 27) Nang maglaon, isiniwalat ng Diyos kay Abraham na ang tatawaging kaniyang “binhi” ay magiging sa pamamagitan ni Isaac. (Gen 17:19; Ro 9:7) Kaya naman naging maliwanag na kailangan ang isang napakatumpak na rekord ng talaangkanan upang makilala ang Binhing ito. Sa gayon, sa paglipas ng panahon, ang linya ni Juda, ang tribo na pinangakuan ng pribilehiyong manguna (Gen 49:10), at partikular na ang pamilya ni David, ang makaharing linya, ay ubod-ingat na inirehistro. (2Sa 7:12-16) Ilalaan ng rekord na ito ang talaangkanan ng Mesiyas, ang Binhi, ang linya na may natatanging kahalagahan.—Ju 7:42.
Ang sumunod na talaangkanang pinakababantayan ay ang talaangkanan ng tribo ni Levi, anupat binigyan ng pantanging pansin ang makasaserdoteng pamilya ni Aaron.—Exo 28:1-3; Bil 3:5-10.
Karagdagan pa, sa ilalim ng Kautusan, ang mga rekord ng talaangkanan ay mahalaga upang maitatag ang mga ugnayang pantribo para sa paghahati-hati ng lupain at upang matiyak ang ugnayang pampamilya para sa pagmamana ng mga indibiduwal ng kanilang lupain. Nagsilbi ang mga ito sa mahalagang layunin na matukoy ang pinakamalapit na kamag-anak bilang ang go·ʼelʹ, ang isa na kuwalipikadong gumanap sa pag-aasawa bilang bayaw (Deu 25:5, 6), sa pagtubos sa kaniyang kamag-anak (Lev 25:47-49), at bilang tagapaghiganti ng dugo laban sa isang mamamatay-tao (Bil 35:19). Karagdagan pa, ipinagbawal ng tipang Kautusan ang pakikipag-asawa sa loob ng ilang antas ng pagiging magkadugo o pagiging magkamag-anak salig sa pag-aasawa, anupat naging mahalaga na malaman ang mga ugnayan ayon sa talaangkanan.—Lev 18:6-18.
Makikita sa situwasyong bumangon pagkabalik ng mga Israelita mula sa Babilonya kung gaano kahigpit ang panghahawakan nila sa mga talaangkanang ito, nang hindi masumpungan ng ilan na diumano’y mula sa makasaserdoteng angkan ang kanilang pagkakarehistro. Iniutos ni Zerubabel na huwag silang kumain mula sa mga kabanal-banalang bagay na inilaan para sa mga saserdote hangga’t hindi nila napatutunayan sa madla ang kanilang talaangkanan. (Ne 7:63-65) Kabilang sa mga inirehistro ang mga Netineo, sapagkat bagaman hindi sila mga Israelita, isa naman silang opisyal na grupo na nakatalaga sa paglilingkod sa templo.—Ne 7:46-56.
Kung tungkol sa kronolohiya, karaniwan na, ang mga talaan ng angkan ay hindi naman nilayong maglaan ng kumpletong impormasyon. Gayunpaman, kadalasang nakatutulong ang mga ito sa kronolohiya sapagkat maaaring masuri batay sa mga ito ang ilang bahagi ng kronolohiya o nakapagbibigay ang mga ito ng ilang mahahalagang detalye. Kadalasan, hindi rin maaaring ipalagay na ang mga talaan ng angkan ay mapagbabatayan ng paglaki ng populasyon, sapagkat sa maraming kaso, may ilang kawing na hindi na itinatala kapag hindi naman mahalaga ang mga ito sa partikular na talaangkanang tinutukoy. At yamang kadalasa’y hindi kasama sa mga talaangkanan ang pangalan ng mga babae, ang mga pangalan ng naging mga asawa at mga kinakasamang babae ng isang lalaki ay hindi nakatala; gayundin naman, maaaring hindi lahat ng kaniyang mga anak na lalaki sa mga asawang ito ay binabanggit; kung minsan, maaaring pati ang ilan sa mga anak na lalaki ng pangunahing asawa ay hindi itinatala.
Mula kay Adan Hanggang sa Baha. Ipinakikita ng Bibliya na mayroon nang mga talaan ng mga kaugnayang pampamilya mula pa noong pasimula ng sangkatauhan. Nang isilang ang anak ni Adan na si Set, sinabi ni Eva: “Ang Diyos ay naglaan sa akin ng isa pang binhi bilang kahalili ni Abel, sapagkat pinatay siya ni Cain.” (Gen 4:25) Nakaligtas sa Baha ang ilang kinatawan ng linyang nagsimula kay Set.—Gen 5:3-29, 32; 8:18; 1Pe 3:19, 20.
Mula sa Baha Hanggang kay Abraham. Sa linya ng anak ni Noe na si Sem, na tumanggap ng pagpapala ni Noe, nagmula si Abram (Abraham), ang “kaibigan ni Jehova.” (San 2:23) Ang talaangkanang ito, lakip ang nabanggit na talaangkanan bago ang Baha, ang tanging paraan upang maitatag ang kronolohiya ng kasaysayan ng tao hanggang kay Abraham. Sa talaan bago ang Baha, tinatalunton ng rekord ang linya ni Set, at sa talaan pagkaraan ng Baha, ang linya naman ni Sem. Palagi nitong sinasabi ang panahong lumipas mula sa kapanganakan ng isang tao hanggang sa kapanganakan ng kaniyang anak. (Gen 11:10-24, 32; 12:4) Wala nang ibang malalawak na talaan ng angkan na sumasaklaw sa yugtong ito ng kasaysayan—isang pahiwatig na ang mga talaang ito ay nagsisilbi kapuwa bilang talaangkanan at kronolohiya. Sa ilang mga kaso, maitatakda ang espesipikong mga pangyayari sa agos ng panahon sa pamamagitan ng paggamit ng impormasyong pantalaangkanan.—Tingnan ang KRONOLOHIYA (Mula 2370 B.C.E. hanggang sa tipan kay Abraham).
Mula kay Abraham Hanggang kay Kristo. Dahil namagitan mismo ang Diyos, sina Abraham at Sara ay nagkaanak ng isang lalaki, si Isaac, na panggagalingan ng ‘binhing’ ipinangako. (Gen 21:1-7; Heb 11:11, 12) Sa anak naman ni Isaac na si Jacob (Israel) nagmula ang orihinal na 12 tribo. (Gen 35:22-26; Bil 1:20-50) Ang Juda ang magiging tribo ng mga hari, anupat nang maglaon ay nilimitahan ito sa pamilya ni David. Ang mga inapo naman ni Levi ang naging makasaserdoteng tribo, anupat ang mismong pagkasaserdote ay ibinigay lamang sa linya ni Aaron. Upang maitatag ang kaniyang legal na karapatan sa trono, si Jesu-Kristo na Hari, ay dapat na nagmula sa pamilya ni David at sa linya ni Juda. Ngunit yamang nanumpa ang Diyos na ang pagkasaserdote ni Jesus ay ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec, hindi kailangang manggaling siya sa Levitikong angkan.—Aw 110:1, 4; Heb 7:11-14.
Iba Pang mga Prominenteng Talaan ng Angkan. Bukod sa linya ng angkan mula kay Adan hanggang kay Jesu-Kristo at sa malalawak na talaangkanan ng 12 anak ni Jacob, mayroon pang mga rehistro ng mga talaangkanan ng pasimula ng mga taong kamag-anak ng Israel. Kabilang sa mga ito ang mga kapatid ni Abraham (Gen 11:27-29; 22:20-24); ang mga anak ni Ismael (Gen 25:13-18); sina Moab at Ammon, na mga anak ng pamangkin ni Abraham na si Lot (Gen 19:33-38); ang mga anak ni Abraham kay Ketura, na pinagmulan ng Midian at ng iba pang mga tribo (Gen 25:1-4); at ang mga inapo ni Esau (Edom) (Gen 36:1-19, 40-43).
Mahalaga ang mga bansang ito dahil kamag-anak sila ng Israel na piling bayan ng Diyos. Kapuwa si Isaac at si Jacob ay kumuha ng mga asawa mula sa pamilya ng kapatid ni Abraham. (Gen 22:20-23; 24:4, 67; 28:1-4; 29:21-28) Iniatas ng Diyos ang mga teritoryong kahangga ng Israel sa mga bansa ng Moab, Ammon, at Edom, at sinabihan ang Israel na huwag nilang panghimasukan ang lupaing mana ng mga taong ito o pakialaman sila.—Deu 2:4, 5, 9, 19.
Opisyal na mga Artsibo. Bukod sa mga rehistro na iningatan mismo ng mga pamilya, waring nag-ingat din sa Israel ng pambansang mga rekord ng mga talaangkanan. Sa Genesis, kabanata 46, makikita natin ang talaan niyaong mga ipinanganak sa sambahayan ni Jacob hanggang noong panahong pumasok si Jacob sa Ehipto at maliwanag na hanggang noong panahong mamatay siya. Isang talaangkanan naman, pangunahin na ng mga inapo ni Levi at waring kinopya mula sa isang mas naunang rehistro, ang lumilitaw sa Exodo 6:14-25. Ang unang sensus ng bansa ay kinuha sa ilang ng Sinai noong 1512 B.C.E., ang ikalawang taon ng kanilang paglabas mula sa Ehipto, anupat noong panahong iyon ay naipakilala nila ang kanilang kanunununuan “kung tungkol sa kanilang mga pamilya sa sambahayan ng kanilang mga ama.” (Bil 1:1, 18; tingnan din ang Bil 3.) Ang tanging iba pang pambansang sensus ng Israel na awtorisado ng Diyos at nakarekord bago ang pagkatapon ay yaong kinuha sa Kapatagan ng Moab pagkaraan ng mga 39 na taon.—Bil 26.
Bukod pa sa mga talaangkanang nakarekord sa mga akda ni Moises, mayroon ding mga talaang ginawa ang iba pang mga opisyal na mananalaysay, kabilang na si Samuel, na manunulat ng Mga Hukom, Ruth, at isang bahagi ng Unang Samuel; si Ezra, na sumulat ng Una at Ikalawang Cronica at ng aklat ng Ezra; at si Nehemias, ang manunulat naman ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Mayroon ding katibayan sa mga akdang ito hinggil sa iba pang mga tagapag-ingat ng talaangkanan: si Ido (2Cr 12:15) at si Zerubabel, na maliwanag na siyang nag-utos na itala sa talaangkanan ang nakabalik na mga Israelita. (Ezr 2) Noong panahon ng paghahari ng matuwid na si Haring Jotam, nagkaroon ng isang talaan ng angkan ng mga tribo ng Israel na naninirahan sa lupain ng Gilead.—1Cr 5:1-17.
Naingatang mabuti ang mga talaangkanang ito hanggang noong pasimula ng Karaniwang Panahon. Pinatutunayan ito ng bagay na ang bawat pamilya sa Israel ay nakabalik sa lunsod ng sambahayan ng ama nito upang magparehistro bilang pagsunod sa batas ni Cesar Augusto noong malapit nang ipanganak si Jesus. (Luc 2:1-5) Isa pa, binanggit na ang ama ni Juan na Tagapagbautismo na si Zacarias ay mula sa makasaserdoteng pangkat ni Abias at na ang ina ni Juan na si Elisabet ay mula naman sa mga anak na babae ni Aaron. (Luc 1:5) Si Ana na propetisa ay tinukoy na “mula sa tribo ni Aser.” (Luc 2:36) At, sabihin pa, ipinakikita ng malalawak na talaan ng mga ninuno ni Jesus sa Mateo, kabanata 1, at Lucas, kabanata 3, na ang gayong mga rekord ay iningatan sa mga pampublikong artsibo, anupat maaaring suriin kung kinakailangan.
Pinatototohanan ng istoryador na si Josephus na nagkaroon noon ng opisyal na mga rehistro ng mga talaangkanan ang mga Judio nang sabihin niya: “Ang aking pamilya ay hindi isang hamak na pamilya, anupat matatalunton sa mga ninunong saserdote ang angkang pinagmulan nito. . . . Gayunman, hindi lamang mga saserdote ang aking mga ninuno, kundi kabilang sila sa una sa dalawampu’t apat na grupo—isang natatanging karangalan—at sa pinakabantog sa mga liping bumubuo nito.” Pagkatapos itawag-pansin na ang kaniyang ina ay nagmula kay Asamonaeus, ganito ang kaniyang konklusyon: “Sa ganiyang linya ng mga ninuno, na sinisipi ko ayon sa nasumpungan kong pagkakatala sa mga pampublikong rehistro, maaari ko nang iwan ang mga nagnanais manirang-puri sa aking pamilya.”—The Life, 1, 2, 6 (1).
Hindi si Haring Herodes na Dakila ang sumira sa opisyal na mga talaangkanan ng mga Judio, gaya ng pinanghahawakan ni Africanus noong maagang bahagi ng ikatlong siglo, kundi maliwanag na ang mga Romano nang wasakin nila ang Jerusalem noong 70 C.E. (Against Apion, ni F. Josephus, I, 30-38 [7]; The Jewish War, II, 426-428 [xvii, 6]; VI, 354 [vi, 3]) Mula noong panahong iyon, hindi na maitatag ng mga Judio ang kanilang angkang pinagmulan kahit sa dalawang linya na pinakamahalaga, kay David at kay Levi.
Pagtukoy sa mga Ugnayan. Upang matiyak ang mga ugnayan, kadalasa’y kailangan ang konteksto o ang paghahambing ng magkatulad na mga talaan o ng mga teksto mula sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya. Halimbawa, ang salitang “anak” ay maaaring aktuwal na mangahulugang isang apo o isa lamang inapo. (Mat 1:1) Muli, ang isang talaan ng mga pangalan ay maaaring magtinging isang rehistro ng magkakapatid, mga anak ng iisang tao. Gayunman, kapag sinuri itong mabuti at inihambing sa ibang mga teksto, maaaring matuklasan na ito ay rehistro pala ng isang linya ng angkan, anupat bumabanggit ng ilang anak gayundin ng ilang mga apo o mga inapo nang dakong huli. Maliwanag na itinatala ng Genesis 46:21 kapuwa ang mga anak at mga apo ni Benjamin bilang “mga anak,” gaya ng makikita kung ihahambing ito sa Bilang 26:38-40.
Makikita ang nabanggit na situwasyon maging sa mga talaangkanan ng ilang pangunahing pamilya. Halimbawa, itinatala ng 1 Cronica 6:22-24 ang sampung “anak ni Kohat.” Ngunit sa ika-18 talata, at sa Exodo 6:18, makikita natin na apat lamang ang binabanggit na anak ni Kohat. At ipinakikita ng pagsusuri sa konteksto na sa totoo, ang talaan ng “mga anak ni Kohat” sa 1 Cronica 6:22-24 ay bahagi ng isang talaangkanan ng mga pamilya mula sa linya ni Kohat na may mga kinatawang miyembro noong mag-atas si David ng ilang tungkulin sa templo.
Sa kabaligtaran naman, ang “ama” ay maaaring mangahulugang “lolo” o isang hinalinhang hari pa nga. (Dan 5:11, 18) Sa maraming talata, gaya sa Deuteronomio 26:5; 1 Hari 15:11, 24; at 2 Hari 15:38, ang salitang Hebreo na ʼav (ama) ay ginagamit din sa diwa ng “ninuno.” Sa katulad na paraan, ang salitang Hebreo na ʼem (ina) ay ginagamit kung minsan para sa “lola” at ang bath (anak na babae) naman para sa “apong babae.”—1Ha 15:10, 13.
Mga lunsod at mga pangalang pangmaramihan. Sa ilang talaan, ang isang tao ay maaaring tukuyin bilang “ama” ng isang lunsod, halimbawa ay sa 1 Cronica 2:50-54 kung saan si Salma ay tinatawag na ‘ama ng Betlehem’ at si Sobal naman ay ‘ama ng Kiriat-jearim.’ Maliwanag na ang mga lunsod ng Betlehem at Kiriat-jearim ay alinman sa itinatag ng mga lalaking ito o pinanirahanan ng kanilang mga inapo. Ang talaan ding iyon ay kababasahan pa: “Ang mga anak ni Salma ay si Betlehem at ang mga Netopatita, si Atrot-bet-joab at kalahati ng mga Manahatita, ang mga Zorita.” (1Cr 2:54) Dito, maliwanag na ang mga Netopatita, mga Manahatita, at mga Zorita ay mga pamilya.
Sa Genesis 10:13, 14, waring nasa anyong pangmaramihan ang mga pangalan ng mga inapo ni Mizraim. Iminumungkahi na ang mga ito ay kumakatawan sa mga pangalan ng mga pamilya o mga tribo sa halip na sa mga indibiduwal. Gayunman, dapat isaisip na ang ibang mga pangalan na nasa doblihang anyo, gaya ng Efraim, Apaim, Diblaim, at gayundin ang nabanggit na Mizraim, anak ni Ham, ay pawang tumutukoy sa mga indibiduwal.—Gen 41:52; 1Cr 2:30, 31; Os 1:3.
Pinaikling mga talaan. Kadalasan, pinaiikli nang husto ng mga manunulat ng Bibliya ang isang talaan ng angkan, anupat maliwanag na ang binabanggit lamang ay ang mga ulo ng pamilya ng mas prominenteng mga sambahayan, ang mahahalagang tauhan, o ang mga taong pinakamahalaga sa partikular na kasaysayang tinatalakay. Kung minsan, lumilitaw na gusto lamang ipakita ng mananalaysay na nagmula ang isang tao sa isang partikular na malayong ninuno; kaya naman maaaring hindi niya itala ang maraming pangalang nasa pagitan.
Ang isang halimbawa ng gayong pagpapaigsi ay matatagpuan sa sariling talaangkanan ni Ezra. (Ezr 7:1-5) Itinala niya ang kaniyang angkan mula kay Aaron na mataas na saserdote, ngunit sa isang katulad na talaan sa 1 Cronica 6:3-14, may ilang pangalan na lumilitaw sa talata 7 hanggang 10 na hindi itinala sa Ezra 7:3. Malamang na ginawa ito ni Ezra upang maiwasan ang di-kinakailangang pag-uulit at upang mapaikli ang mahabang talaan ng mga pangalan. Gayunpaman, sapat na sapat ang talaan upang mapatunayang nagmula siya sa makasaserdoteng angkan. Sinasabi ni Ezra na siya ay “anak” ni Seraias, nangangahulugang siya ay inapo nito, sapagkat malamang na siya ay apo sa tuhod ni Seraias, o posibleng apo nito sa talampakan. Si Seraias ay mataas na saserdote na pinatay ni Nabucodonosor noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya (607 B.C.E.), anupat dinala sa pagkatapon ang kaniyang anak na si Jehozadak. (2Ha 25:18-21; 1Cr 6:14, 15) Si Josue (Jesua) naman na mataas na saserdote, na bumalik pagkaraan ng 70 taon kasama ni Zerubabel, ay apo ni Seraias. (Ezr 5:2; Hag 1:1) Yamang naglakbay si Ezra patungong Jerusalem 69 na taon pagkaraan nito, hindi ipahihintulot ng kalagayan na si Ezra ay maging tunay na anak ni Seraias at kapatid ni Jehozadak.
Ang isa pang bagay na matututuhan natin sa paghahambing ng mga talaangkanan ay na si Ezra, bagaman nagmula kay Aaron sa pamamagitan ni Seraias, ay maliwanag na hindi mula sa linyang iyon ni Seraias na nagmamana ng katungkulan ng mataas na saserdote, samakatuwid nga, mula kay Jehozadak. Ang linya ng mga mataas na saserdote mula kay Seraias ay dumaraan kina Josue (Jesua), Joiakim, at Eliasib, anupat ang huling nabanggit ay mataas na saserdote noong panahon ng pagkagobernador ni Nehemias. Kaya natupad ni Ezra ang kaniyang layunin sa pamamagitan ng kaniyang pinaigsing talaangkanan, anupat naglaan lamang siya ng sapat na mga pangalan upang patunayan ang kaniyang posisyon sa angkan ni Aaron.—Ne 3:1; 12:10.
Ilang Dahilan ng Pagkakaiba-iba ng mga Talaan. Kadalasan, ang isang anak na lalaki na namatay na walang anak ay hindi na itinatala; sa ilang kaso, maaaring ang isang lalaki ay nagkaroon ng anak na babae ngunit wala siyang anak na lalaki, at maaaring ang mana ay naisalin sa pamamagitan ng isang anak na babae na nang makapag-asawa ay napasailalim naman sa ibang ulo ng pamilya sa tribo ring iyon. (Bil 36:7, 8) Kung minsan, maaaring isama ang isang di-gaanong prominenteng pamilya sa ilalim ng ibang ulo ng pamilya anupat hindi na itinatala sa talaangkanan ang gayong pangalawahing pamilya. Kaya dahil sa di-pagkakaroon ng anak, pagsasalin ng mana sa pamamagitan ng mga babae, o marahil dahil sa pag-aampon, o dahil hindi nakapagtatag ng hiwalay na sambahayan ng mga ninuno, may mga pangalang inalis mula sa ilan sa mga talaan ng angkan, samantalang dahil naman sa pagkabuo ng mga bagong sambahayan, maaaring madagdagan ng mga bagong pangalan ang mga talaan. Maliwanag, kung gayon, na sa maraming punto, ang mga pangalan sa isang mas huling talaangkanan ay maaaring naiiba roon sa mga nasa mas naunang talaan.
Maaaring lumitaw ang mga pangalan ng ilang ulo ng pamilya sa isang sa wari ay talaan ng magkakapatid ngunit maaaring sa aktuwal ay kinabibilangan iyon ng mga pamangkin, gaya noong “ampunin” ni Jacob ang mga anak ni Jose, anupat sinabi ni Jacob: “Si Efraim at si Manases ay magiging akin tulad ni Ruben at ni Simeon.” (Gen 48:5) Kaya nang maglaon, sina Efraim at Manases ay ibinilang na mga ulo ng tribo, kasama ng kanilang mga tiyo.—Bil 2:18-21; Jos 17:17.
Ang Nehemias, kabanata 10, ay naghaharap ng maraming pangalan ng mga tao na nagpatotoo sa pamamagitan ng tatak sa “isang mapagkakatiwalaang kaayusan” upang isagawa ang mga utos ng Diyos. (Ne 9:38) Sa mga talaang ito, ang mga pangalang ibinigay ay hindi naman talaga mga pangalan ng mga indibiduwal na pumasok sa kasunduan, kundi maaaring tumutukoy ang mga ito sa mga sambahayang kasangkot, anupat ang pangalan ng ulo ng angkan ang binabanggit. (Ihambing ang Ezr 10:16.) Maaaring ipinahihiwatig ito ng bagay na marami sa mga pangalang nakatala ay kapareho niyaong mga nakatalang bumalik kasama ni Zerubabel mula sa Babilonya mga 80 taon bago nito. Kaya bagaman maaaring sa ilang kaso, yaong mga naroroon ay kapangalan ng ulo ng angkan, maaaring mga kinatawan lamang sila ng mga sambahayan ng mga ninuno na itinala ayon sa mga pangalang iyon.
Pag-uulit ng mga pangalan. Kadalasan, sa isang talaan ng angkan ay may nauulit na mga pangalan. Walang alinlangan na ang paggamit ng gayunding pangalan para sa isang inapo ay isang paraan upang mas madaling matukoy ng taong iyon ang kaniyang linya ng angkan, bagaman, sabihin pa, may mga taong magkakapangalan sa magkakaibang linya ng pamilya. Ang ilan sa maraming kaso ng nauulit ng mga pangalan sa iisang linya ng angkan ay: Zadok (1Cr 6:8, 12), Azarias (1Cr 6:9, 13, 14), at Elkana.—1Cr 6:34-36.
Sa ilang kaso naman, ang mga pangalang lumilitaw sa magkatulad na mga talaan ay magkaiba. Maaaring ito ay dahil may ilang tao na may higit sa isang pangalan, halimbawa ay si Jacob, na tinawag ding “Israel.” (Gen 32:28) Isa pa, maaaring binago nang kaunti ang baybay ng pangalan, anupat kung minsan ay nagbabago pati ang kahulugan ng pangalan. Ang ilang halimbawa ay: Abram (nangangahulugang “Ang Ama ay Mataas (Dinakila)”) at Abraham (nangangahulugang “Ama ng Pulutong (Karamihan)”), Sarai (posible, “Mahilig Makipagtalo”) at Sara (“Prinsesa”). Lumilitaw na ang ninuno ng propetang si Samuel na si Elihu ay tinawag ding Eliab at Eliel.—1Sa 1:1; 1Cr 6:27, 34.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kung minsan ay ginagamit ang mga huling pangalan, gaya kay Simon Pedro, na tinawag na Cefas, mula sa katumbas sa Aramaiko ng pangalang Griego para sa Pedro (Luc 6:14; Ju 1:42); nariyan din si Juan Marcos. (Gaw 12:12) Maaari ring ibigay sa isang tao ang isang pangalan dahil sa isang pagkakakilanlang katangian. Ipinakikita ng Simon “na Cananeo” (tinatawag ding “ang masigasig”) na naiiba ang apostol na ito kay Simon Pedro. (Mat 10:4; Luc 6:15) Sa ilang kaso, ipinakikita ang pagkakaiba sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng “Santiago na anak ni Alfeo,” anupat ipinakikitang naiiba siya kay Santiago na anak ni Zebedeo at kapatid ni Juan na apostol. (Mat 10:2, 3) Maaari ring idagdag sa pangalan ang lunsod, distrito, o bansa na pinagmulan ng isa, gaya ng Jose ng Arimatea at ng Hudas na taga-Galilea. (Mar 15:43; Gaw 5:37) Ipinapalagay naman na ang Hudas Iscariote ay posibleng nangangahulugang Hudas na “Lalaki Mula sa Keriot.” (Mat 10:4) Ginamit din sa Hebreong Kasulatan ang ganitong mga pamamaraan. (Gen 25:20; 1Sa 17:4, 58) Maaaring ibigay ang pangalan ng kapatid ng isang tao upang linawin ang kaniyang pagkakakilanlan. (Ju 1:40) Ipinakikita rin ang pagkakaiba ng mga babaing magkakapangalan sa pamamagitan ng pagbanggit sa pangalan ng kanilang ama, ina, kapatid na lalaki, kapatid na babae, asawa, o anak na lalaki.—Gen 11:29; 28:9; 36:39; Ju 19:25; Gaw 1:14; 12:12.
Kapuwa sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, maaaring gamitin ang isang apelyido o isang titulo, anupat matutukoy kung sino ang isang tao sa pamamagitan ng kaniyang indibiduwal na pangalan o kaya ay sa pamamagitan ng panahon at makasaysayang mga pangyayari na iniuugnay sa taong iyon. Halimbawa, maliwanag na ang Abimelec ay alinman sa isang personal na pangalan o isang titulo ng tatlong haring Filisteo, tulad ng “Paraon” sa mga Ehipsiyo. (Gen 20:2; 26:26; 40:2; Exo 1:22; 3:10) Sa gayon, ang Abimelec o ang Paraon na tinatalakay ay matutukoy sa pamamagitan ng panahon at mga kalagayan. Ang Herodes ay isang apelyido; ang Cesar ay isang apelyido na naging titulo. Upang huwag magkalituhan kapag tinutukoy ang isa sa mga Herodes, maaaring linawin ng nagsasalita kung sino sa mga ito ang ibig niyang tukuyin sa pamamagitan ng paggamit ng personal na pangalan lamang nito, gaya ng Agripa, o sa pamamagitan ng paglalakip sa Herodes ng personal na pangalan o karagdagang titulo nito, gaya ng Herodes Antipas at Herodes Agripa—at gayundin sa mga Cesar, gaya ng Cesar Augusto at Tiberio Cesar.—Luc 2:1; 3:1; Gaw 25:13.
Mga Pangalan ng mga Babae. Paminsan-minsan, ang mga babae ay binabanggit sa mga rehistro ng mga talaangkanan kapag hinihiling iyon sa kasaysayan. Sa Genesis 11:29, 30 ay binabanggit si Sarai (Sara), maliwanag na dahil ang ipinangakong Binhi ay manggagaling sa kaniya, hindi sa iba pang asawa ni Abraham. Maaaring kaya binanggit si Milca sa salaysay ring iyon ay sapagkat siya ang lola ni Rebeka na asawa ni Isaac, sa gayon ay ipinakikita na ang angkan ni Rebeka ay nagmula sa mga kamag-anak ni Abraham, yamang hindi dapat kumuha si Isaac ng asawa mula sa ibang mga bansa. (Gen 22:20-23; 24:2-4) Sa Genesis 25:1, ibinibigay naman ang pangalan ng mas huling asawa ni Abraham na si Ketura. Ipinakikita nito na muling nag-asawa si Abraham pagkamatay ni Sara at na mayroon pa siyang kakayahang magkaanak mahigit sa 40 taon mula nang makahimala itong panauliin ni Jehova. (Ro 4:19; Gen 24:67; 25:20) Isa pa, isinisiwalat nito ang kaugnayan sa Israel ng Midian at ng iba pang mga tribong Arabe.
Sina Lea, Raquel, at ang mga babae ni Jacob ay binabanggit din, kasama ang mga anak na isinilang nila. (Gen 35:21-26) Tinutulungan tayo nito na maunawaan ang naging pakikitungo ng Diyos sa kanilang mga anak noong dakong huli. Sa ganito ring kadahilanan, makikita natin sa mga rehistro ng mga talaangkanan ang mga pangalan ng iba pang mga babae. Kapag ang isang mana ay isinalin sa pamamagitan nila, maaaring ilakip ang kanilang mga pangalan. (Bil 26:33) Sabihin pa, namumukod-tangi sina Tamar, Rahab, at Ruth. Sa bawat kaso, kahanga-hanga kung paano sila napabilang sa linya ng pinagmulang angkan ng Mesiyas, si Jesu-Kristo. (Gen 38; Ru 1:3-5; 4:13-15; Mat 1:1-5) Ang iba pang mga halimbawa ng pagbanggit sa mga babae sa mga talaan ng angkan ay 1 Cronica 2:35, 48, 49; 3:1-3, 5.
Talaangkanan at mga Salinlahi. Sa ilang talaangkanan, makikita nating nakatala ang mga pangalan ng isang tao at ng kaniyang mga inapo hanggang sa kaniyang mga apo sa talampakan. Mula sa isang punto de vista, ang mga ito ay maaaring bilanging apat o limang salinlahi. Gayunman, maaaring maabutan pa ng taong unang binanggit ang lahat ng salinlahing ito ng kaniyang mga inapo. Kaya mula sa punto de vista niya, ang isang “salinlahi” ay maaaring mangahulugang ang panahon mula nang isilang siya hanggang sa mamatay siya, o hanggang sa pinakamalayong inapo na naabutan ng taong iyon. Sabihin pa, kung ang uring ito ng “salinlahi” ang tinutukoy, mas mahabang yugto ito ng panahon kaysa sa kaso ng unang punto de vista na binanggit.
Bilang paglalarawan: Si Adan ay nabuhay nang 930 taon, anupat nagkaanak siya ng mga lalaki at mga babae. Sa loob ng panahong iyon, nakita niya ang di-kukulangin sa walong salinlahi ng kaniyang mga inapo. Gayunman, ang haba ng kaniyang buhay at ng buhay ni Lamec, ang ama ni Noe, ay nagpang-abot o nagkaugnay. Dahil dito, sa punto de vistang ito, ang Baha ay naganap sa ikatlong salinlahi ng kasaysayan ng tao.—Gen 5:3-32.
Makikita natin sa Bibliya ang ilang kaso ng huling nabanggit na paraan ng pagtuos. Ipinangako ni Jehova kay Abraham na ang binhi nito ay magiging naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila at na babalik sila sa Canaan “sa ikaapat na salinlahi.” (Gen 15:13, 16) Ipinakikita ng sensus sa Bilang, kabanata 1-3, na malamang na nagkaroon ng maraming salinlahing mula-ama-hanggang-anak noong panahon ng 215-taóng pamamalagi sa Ehipto, anupat ang kabuuang bilang ng mga lalaki na 20 taóng gulang at pataas di-kalaunan pagkatapos ng Pag-alis ay 603,550 (bukod pa sa tribo ni Levi). Ngunit ang ‘apat na salinlahi’ sa Genesis 15:16, kung bibilangin mula sa panahon ng pagpasok sa Ehipto hanggang sa Pag-alis, ay maaaring tuusin nang ganito: (1) Levi, (2) Kohat, (3) Amram, (4) Moises. (Exo 6:16, 18, 20) Sa katamtaman, ang indibiduwal na haba ng buhay ng mga taong ito ay mahigit sa isang daang taon. Kaya naman bawat isa sa apat na ‘salinlahing’ ito ay nakakita ng maraming inapo, posibleng hanggang sa mga apo sa talampakan o mas malayo pa, anupat may pagitang 20 o kung minsan ay 30 taon pa nga mula sa ama hanggang sa pagsilang ng kaniyang unang anak. Ito ang paliwanag kung paanong ang ‘apat na salinlahi’ ay makakakita ng gayon kalaking populasyon pagsapit ng panahon ng Pag-alis.—Tingnan ang PAG-ALIS.
Ang isa pang suliranin ng mga iskolar ng Bibliya ay may kinalaman sa sensus ding ito. Sa Bilang 3:27, 28, sinasabing apat na pamilya ang nagmula kay Kohat, anupat noong panahon ng Pag-alis ay umabot ito sa kabuuang mataas na bilang na 8,600 lalaki (8,300, sa ilang MS ng LXX) mula sa gulang na isang buwan pataas. Kaya lumilitaw na noong panahong iyon, si Moises ay mayroon nang libu-libong kapatid na lalaki, pinsang lalaki, at pamangking lalaki. Dahil dito, ipinapalagay ng ilan na si Moises ay hindi anak ni Amram na anak ni Kohat kundi anak ng isa pang Amram, anupat nagkaroon pa ng ilang salinlahi sa pagitan, sa gayon ay magpapahintulot ito ng sapat na panahon upang magkaroon ng gayon kalaking populasyon ng kalalakihan mula lamang sa apat na pamilyang Kohatita pagsapit ng panahon ng Pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto.
Ngunit ang suliranin ay malulutas sa dalawang paraan. Una, hindi naman laging binabanggit ang mga pangalan ng lahat ng anak na lalaki ng isang tao, gaya ng naipakita na. Samakatuwid, posibleng ang apat na binanggit na anak ni Kohat ay nagkaroon ng mas marami pang mga anak na lalaki kaysa sa mga espesipikong nakatala. Ikalawa, bagaman sina Levi, Kohat, Amram, at Moises ay kumakatawan sa apat na salinlahi sa punto de vista ng haba ng buhay nilang apat, maaaring bawat isa ay nagkaroon pa ng ilang salinlahi noong panahong nabubuhay sila. Sa gayon, kahit magpalugit tayo ng tig-60 taon sa pagitan ng pagsilang ni Levi at ni Kohat, ni Kohat at ni Amram, at ni Amram at ni Moises, posible na maraming salinlahi ang isinilang sa loob ng bawat 60-taóng yugto. Pagsapit ng panahon ng Pag-alis, maaaring naabutan pa ni Moises ang mga apo sa talampakan ng kaniyang kapatid, at posibleng pati ang mga anak ng mga ito. Samakatuwid, upang magkaroon ng kabuuang 8,600 (o posibleng 8,300), hindi na kailangan ang isa pang Amram sa pagitan ni Amram na anak ni Kohat at ni Moises.
May kaugnayan sa linya ng ipinangakong Binhi, ang Mesiyas, isang tanong ang bumabangon hinggil sa talaangkanan mula kay Nason, na pinuno ng tribo ni Juda pagkatapos ng Pag-alis. Sa Ruth 4:20-22, si Jesse ang ikalimang kawing mula kay Nason hanggang kay David. Ang yugto ng panahon mula sa Pag-alis hanggang kay David ay mga 400 taon. Mangangahulugan ito na posibleng ang katamtamang edad ng bawat isa sa mga ninunong ito ni David ay 100 taon (gaya ni Abraham) noong panahong isilang ang kani-kanilang anak. Hindi naman ito imposible at maaaring ganito nga ang nangyari. Ang mga anak na ito na nakatala sa aklat ng Ruth ay maaaring hindi naman mga panganay na anak, kung paanong si David ay hindi panganay kundi bunso sa mga anak na lalaki ni Jesse. Gayundin, maaaring pinaraan ni Jehova ang linya ng Binhi sa halos makahimalang landas na ito upang makita sa pagbabalik-tanaw na pinatnubayan Niya sa buong panahong iyon ang ipinangakong Binhi, gaya ng walang alinlangang ginawa Niya sa mga kaso ni Isaac at ni Jacob.
Muli, baka may ilang pangalan na sinadyang alisin sa bahaging ito ng Mesiyanikong talaangkanan na sumasaklaw ng 400 taon, na nakatala rin sa 1 Cronica 2:11-15; Mateo 1:4-6; at Lucas 3:31, 32. Ngunit dahil nagkakasuwato naman ang lahat ng talaan sa seksiyong ito ng talaangkanan, maaaring nangangahulugan ito na walang inalis na mga pangalan. Gayunpaman, bagaman inalis nga ng mga mananalaysay na nagtipon ng mga talaang ito ang ilang pangalan na hindi itinuturing na mahalaga o kailangan sa kanilang layunin, hindi ito lilikha ng suliranin, sapagkat kahit ipagpalagay na may mga namagitang karagdagang salinlahi, hindi iyon makasisira sa iba pang mga pananalita sa Bibliya o sa kronolohiya nito.
Mapagkakatiwalaan ang Talaangkanan ng Bibliya. Hindi maaakusahan ng maingat at taimtim na estudyante ng talaangkanan ng Bibliya ang mga mananalaysay ng Bibliya ng kawalang-ingat, pagiging di-tumpak, o pagpapalabis sa pagsisikap na luwalhatiin ang kanilang bansa, ang isang tribo, o ang isang indibiduwal. Dapat isaisip na yaong mga naglakip ng mga talaangkanan sa kanilang mga akda (halimbawa, si Ezra at si Nehemias) ay sumangguni sa pambansang artsibo at hinango nila ang kanilang materyal sa opisyal na mga mapagkukunan ng impormasyon na magagamit nila noon. (Tingnan ang CRONICA, ANG MGA AKLAT NG MGA.) Natagpuan nila roon ang impormasyon na kailangan nila. Ginamit nila ang mga talaang ito upang lubusang patunayan sa lahat anuman ang kailangang mapatunayan noon. Maliwanag na ang kanilang mga talaan ng angkan ay lubusang tinanggap ng mga taong nabubuhay noong panahong iyon, mga tao na maaaring sumuri sa mga pangyayari at mga rekord. Dahil dito, dapat nating unawain ang situwasyong kinakaharap nila noon. Inasikaso nina Ezra at Nehemias ang mga bagay na ito noong mga panahon ng muling pag-oorganisa, at ang mga talaangkanang tinipon nila ay kinailangan upang maisagawa ang mga bagay na mahalaga sa pag-iral ng bansa.
Maaasahan na ang gayong mga talaan ng angkan ay magbabago sa iba’t ibang yugto; maaaring madagdag dito ang mga bagong pangalan at maalis naman ang iba; kadalasan, ang pinakamahahalagang ulo lamang ng pamilya ang binabanggit sa mas lumang mga talaan. Sa ilang kaso, ang mga pangalang di-gaanong importante ay maaaring lumitaw sa ilang talaan dahil naging mahalaga ang mga ito noong kasalukuyang panahong iyon. Ang mga pinagkunan ng impormasyon sa ilang kaso ay maaari namang di-kumpleto ang mga talaan. Maaaring kulang ito ng ilang bahagi, o baka sinadya ng mananalaysay na laktawan ang ilang seksiyon dahil hindi niya kailangan ang mga iyon para sa kaniyang layunin. At hindi na natin kailangan ang mga iyon para sa ating layunin sa ngayon.
Sa ilang pagkakataon, maaaring nakapasok sa teksto ang mga pagkakamali ng mga tagakopya, lalo na sa baybay ng mga pangalan. Ngunit hindi naman lumilikha ang mga ito ng mga suliranin na nakaapekto nang malaki sa mga linya ng angkan na kailangan upang maunawaan natin ang Bibliya; ni nakaaapekto man ang mga ito sa pundasyon ng Kristiyanismo.
Sa pamamagitan ng isang maingat na pagsusuri ng Bibliya ay mapapawi ang maling ideya na inihaharap kung minsan na diumano ang sinaunang mga talaangkanan sa Genesis, kabanata 5 at 11, at sa iba pang mga aklat ng Bibliya ay naglalaman ng mga pangalang kathang-isip lamang na ibinagay sa pakana ng mananalaysay. Ang mga mananalaysay na ito ay naaalay na mga lingkod ni Jehova, hindi mga nasyonalista; ang mahalaga sa kanila ay ang pangalan ni Jehova at ang mga pakikitungo niya sa kaniyang bayan. Karagdagan pa, hindi lamang ang ibang mga manunulat ng Bibliya ang bumanggit sa marami sa mga indibiduwal na ito bilang tunay na mga tao kundi maging si Jesu-Kristo. (Isa 54:9; Eze 14:14, 20; Mat 24:38; Ju 8:56; Ro 5:14; 1Co 15:22, 45; 1Ti 2:13, 14; Heb 11:4, 5, 7, 31; San 2:25; Jud 14) Kung sasalungatin natin ang lahat ng patotoong ito, para nating inakusahan ang Diyos ng katotohanan ng pagsisinungaling, o na kailangan pa niyang gumamit ng panlilinlang o katusuhan upang mapaniwala ang mga tao sa kaniyang Salita. Pabubulaanan din nito ang pagkasi ng Diyos sa Bibliya.
Gaya ng sinabi ng apostol, “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2Ti 3:16, 17) Samakatuwid, maaari tayong manalig nang lubusan sa mga talaangkanan na nakaulat sa Bibliya. Naglaan ang mga ito ng mahahalagang impormasyon hindi lamang noong panahong isulat ang mga ito kundi para rin sa atin sa ngayon. Sa pamamagitan ng mga ito ay mayroon tayong lubos na katiyakan na si Jesu-Kristo ang ipinangako at matagal nang hinihintay na Binhi ni Abraham. Malaking tulong ang mga ito sa atin sa pagtatatag ng kronolohiya pabalik kay Adan, isang bagay na hindi matatagpuan sa ibang pinagkukunan ng impormasyon. Nalaman natin na “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gaw 17:26) Nakita natin na totoong “nang ang Kataas-taasan ay magbigay ng mana sa mga bansa, nang paghiwa-hiwalayin niya ang mga anak ni Adan, itinatag niya ang hangganan ng mga bayan na isinasaalang-alang ang bilang ng mga anak ni Israel” (Deu 32:8), at naunawaan natin ang kaugnayan ng mga bansa sa isa’t isa.
Dahil nalaman natin ang pinagmulan ng sangkatauhan, na noong pasimula si Adan ay isang “anak ng Diyos” at na tayong lahat ay nagmula kay Adan (Luc 3:38), malinaw nating nauunawaan ang pananalitang: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Ro 5:12) Karagdagan pa, dahil sa kaalamang iyon ay nauunawaan natin kung paanong si Jesu-Kristo ay maaaring maging “ang huling Adan” at ang “Walang-hanggang Ama” at paano maaaring mangyari na “kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (Isa 9:6; 1Co 15:22, 45) Higit nating mauunawaan ang layunin ng Diyos na isauli ang masunuring mga tao sa kaugnayan nila bilang “mga anak ng Diyos.” (Ro 8:20, 21) Namamasdan natin na ang maibiging-kabaitan ni Jehova ay ipinakikita roon sa mga umiibig sa kaniya at tumutupad sa kaniyang mga utos “hanggang sa isang libong salinlahi.” (Deu 7:9) Namamasdan natin ang kaniyang katapatan bilang ang Diyos na nag-iingat ng tipan at ang kaniyang masusing pag-iingat ng isang ulat ng kasaysayan na doo’y maitatatag natin nang matibay ang ating pananampalataya. Pinatutunayan ng talaangkanan, gayundin ng iba pang mga bahagi ng Bibliya, na ang Diyos ang dakilang Tagapagtala at Tagapag-ingat ng kasaysayan.—Tingnan ang TALAANGKANAN NI JESU-KRISTO.
Ang Payo ni Pablo May Kinalaman sa mga Talaangkanan. Nang sumulat ang apostol na si Pablo noong mga 61-64 C.E., sinabi niya kay Timoteo na huwag magbigay-pansin sa “mga kuwentong di-totoo at sa mga talaangkanan, na nauuwi sa wala, kundi nagbabangon ng mga tanong ukol sa pagsasaliksik sa halip na magkaloob ng anumang bagay mula sa Diyos may kaugnayan sa pananampalataya.” (1Ti 1:4) Ang puwersa ng babalang ito ay higit nating mauunawaan kung malalaman natin ang matinding pagpapakahirap ng mga Judio nang maglaon sa pagsasaliksik ng mga talaangkanan at kung gaano kasusi nila siniyasat ang anumang posibleng di-pagkakasuwato. Sinasabi ng Babilonyong Talmud (Pesahim 62b) na “sa pagitan ng ‘Azel’ at ng ‘Azel’ [1 Cronica 8:38–9:44, isang bahagi sa Bibliya na may talaangkanan] ay mayroon silang apat na raang kamelyo na punô ng mapanuring pagpapakahulugan!”—Hebrew-English Edition of the Babylonian Talmud, isinalin ni H. Freedman, London, 1967.
Walang kabuluhan na pag-aralan at talakayin ang gayong mga bagay, at lalo nang totoo ito noong panahong sumulat si Pablo kay Timoteo. Hindi na mahalaga noon na panatilihin pa ang mga rekord ng talaangkanan upang mapatunayan ang pinagmulang angkan ng isang tao, yamang hindi na kinikilala noon ng Diyos ang anumang pagkakaiba sa pagitan ng Judio at ng Gentil sa kongregasyong Kristiyano. (Gal 3:28) At naitatag na ng mga rekord ng talaangkanan ang angkan na pinagmulan ni Kristo sa pamamagitan ng linya ni David. Isa pa, hindi na magtatagal matapos isulat ni Pablo ang payong ito at wawasakin na ang Jerusalem, pati na ang mga rekord ng mga Judio. Hindi iningatan ng Diyos ang mga iyon. Dahil dito, lubhang ninais ni Pablo na si Timoteo at ang mga kongregasyon ay huwag mailihis tungo sa pagsasaliksik at sa pakikipagtalo tungkol sa personal na mga linya ng ninuno, na wala namang maidaragdag sa pananampalatayang Kristiyano. Sapat na ang talaangkanang inilaan ng Bibliya upang patunayan ang pagiging Mesiyas ni Kristo, ang pinakamahalagang usapin hinggil sa talaangkanan para sa mga Kristiyano. Ang iba pang mga talaangkanan sa Bibliya ay nagsisilbing patotoo ng pagiging tunay ng rekord ng Kasulatan, anupat malinaw na nagpapakita na iyon ay isang tunay na ulat ng kasaysayan.