Mga Gawa ng mga Apostol
19 Habang nasa Corinto si Apolos,+ naglakbay si Pablo sa daang malayo sa dagat at pumunta sa Efeso.+ May nakita siyang ilang alagad doon 2 at sinabi niya sa kanila: “Tumanggap ba kayo ng banal na espiritu nang maging mananampalataya kayo?”+ Sumagot sila: “Ngayon lang namin narinig ang tungkol sa banal na espiritu.” 3 Kaya sinabi niya: “Kung gayon, sa ano kayo nabautismuhan?” Sumagot sila: “Sa bautismo ni Juan.”+ 4 Sinabi ni Pablo: “Binautismuhan ni Juan ang mga tao bilang sagisag ng pagsisisi,+ at sinabi niya sa kanila na maniwala sa isa na dumarating na kasunod niya,+ si Jesus.” 5 Pagkarinig nito, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 Nang ipatong ni Pablo sa kanila ang mga kamay niya, ang banal na espiritu ay bumaba sa kanila,+ at nagsimula silang magsalita ng iba’t ibang wika at manghula.+ 7 Mga 12 lalaki sila.
8 Sa loob ng tatlong buwan, pumupunta siya sa sinagoga+ at nagsasalita nang may katapangan, at nagpapahayag siya tungkol sa Kaharian ng Diyos at nangangatuwiran para hikayatin ang mga tao.+ 9 Pero nang ayaw pa ring maniwala ng ilan* at patuloy nilang sinisiraan sa mga tao ang Daan,+ humiwalay siya sa kanila+ at isinama ang mga alagad, at araw-araw siyang nagpahayag sa awditoryum ng paaralan ni Tirano. 10 Dalawang taon niyang ginawa ito, kaya narinig ng lahat ng naninirahan sa lalawigan ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at Griego.
11 At ang Diyos ay patuloy na gumagawa ng pambihirang mga himala sa pamamagitan ni Pablo;+ 12 maging ang mga tela at damit na nadikit sa kaniya ay dinadala sa mga may sakit+ at gumagaling sila at lumalabas din ang masasamang espiritu.+ 13 Pero sinubukan din ng ilan sa mga Judiong lumilibot para magpalayas ng mga demonyo na gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga sinaniban ng masamang espiritu; sinasabi nila: “Sa ngalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas.”+ 14 Ginagawa ito ng pitong anak na lalaki ni Esceva, isang Judio na punong saserdote. 15 Pero minsan, sinagot sila ng masamang espiritu: “Kilala ko si Jesus+ at si Pablo;+ pero sino kayo?” 16 At lumundag sa kanila ang taong sinaniban ng masamang espiritu at isa-isa silang binugbog, kaya tumakas silang hubad at sugatán mula sa bahay na iyon. 17 Nabalitaan ito ng lahat, kapuwa ng mga Judio at Griego na nakatira sa Efeso; at natakot silang lahat, at lalo pang dinakila ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 At marami sa mga naging mananampalataya ang lumalapit para ipagtapat nang hayagan ang lahat ng ginagawa nila. 19 Sa katunayan, tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng mahika ang mga aklat nila at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.+ Nang kuwentahin nila iyon, nalaman nilang nagkakahalaga iyon ng 50,000 pirasong pilak. 20 Kaya sa makapangyarihang paraan, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang salita ni Jehova.+
21 Pagkatapos ng mga ito, ipinasiya ni Pablo na pagkagaling niya sa Macedonia+ at Acaya, pupunta siya sa Jerusalem.+ At sinabi niya: “Pagkagaling ko roon, kailangan ko ring pumunta sa Roma.”+ 22 Kaya isinugo niya sa Macedonia ang dalawa sa mga naglilingkod sa kaniya na sina Timoteo+ at Erasto,+ pero nagtagal pa siya nang kaunti sa lalawigan ng Asia.
23 Nang panahong iyon, nagkaroon ng malaking gulo+ dahil sa Daan.+ 24 May isang panday-pilak na ang pangalan ay Demetrio, at gumagawa siya ng mga dambanang pilak ni Artemis. Sa tulong niya, kumikita rin nang malaki ang mga manggagawa.+ 25 Tinipon niya sila at ang iba pang may ganitong trabaho at sinabi: “Mga kaibigan, alam na alam ninyong malaki ang kita natin sa negosyong ito. 26 Pero nababalitaan ninyo at nakikita ninyo mismo na maraming tao, hindi lang sa Efeso+ kundi halos sa buong lalawigan ng Asia, ang nahikayat ng Pablong ito na maniwalang ang mga diyos na gawa ng kamay ay hindi talaga mga diyos.+ 27 Bukod sa posibleng sumamâ ang tingin ng mga tao sa negosyo natin, puwede ring mabale-wala ang templo ng dakilang diyosa na si Artemis. At ang diyosang sinasamba ng buong lalawigan ng Asia at ng lupa ay mawawalan ng karingalan.” 28 Pagkarinig nito, nagalit nang husto ang mga tao at nagsimula silang sumigaw: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
29 Kaya nagkagulo ang lunsod, at sama-sama silang sumugod sa dulaan habang kinakaladkad sina Gayo at Aristarco,+ mga taga-Macedonia na kasama ni Pablo sa paglalakbay.+ 30 Gusto sana ni Pablo na pumunta roon para harapin ang mga tao, pero pinigilan siya ng mga alagad. 31 Maging ang ilan sa mga opisyal ng mga kapistahan at palaro na mga kaibigan niya ay nagpadala ng mensahe para pakiusapan siyang huwag pumunta sa dulaan. 32 Magkakaiba ang isinisigaw ng mga tao; nagkakagulo sila, at ang totoo, hindi alam ng karamihan kung bakit sila nagkakatipon. 33 Kaya mula sa gitna ng mga tao, itinulak ng mga Judio si Alejandro papunta sa harap, at sumenyas si Alejandro para sana makapagpaliwanag sa mga tao. 34 Pero nang makita nila na isa siyang Judio, mga dalawang oras silang sumigaw nang sabay-sabay: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
35 Nang sa wakas ay mapatahimik ng pinuno* ng lunsod ang mga tao, sinabi niya: “Mga taga-Efeso, sino ba ang hindi nakaaalam na ang lunsod ng Efeso ang tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis at ng imahen na nahulog mula sa langit? 36 Hindi ito matututulan, kaya huminahon kayo at huwag kayong magpadalos-dalos. 37 Ang mga lalaking dinala ninyo rito ay hindi magnanakaw sa mga templo o mamumusong* sa ating diyosa. 38 Kaya kung si Demetrio+ at ang mga manggagawang kasama niya ay may usapin laban sa sinuman, may mga araw ng pagdinig sa kaso at may mga proconsul; doon nila dalhin ang mga reklamo nila. 39 Pero kung higit pa riyan ang gusto ninyo, dapat itong pagpasiyahan* sa isang opisyal na pagtitipon. 40 Puwedeng-puwede tayong maparatangan ng sedisyon dahil sa mga nangyari sa araw na ito, dahil wala tayong maibibigay na dahilan para sa kaguluhang ito.” 41 Pagkasabi nito, pinaalis niya ang mga tao.