BETHEL
[Bahay ng Diyos].
1. Isang prominenteng lunsod ng Israel na mas madalas banggitin sa Bibliya kaysa sa iba pang mga lunsod maliban sa Jerusalem. Ipinapalagay na ang lokasyon ng Bethel ay ang kaguhuan na malapit sa makabagong nayon ng Beitin, mga 17 km (11 mi) sa H ng Jerusalem. Kung gayon, ito ay nasa isang mabatong kabundukan sa pinakatimugang bahagi ng bulubunduking rehiyon ng Efraim at mga 900 m (3,000 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Sa ngayon, ang nakapalibot na lupain ay isang napakatigang at mabatong talampas na may kakaunting pananim. Gayunman, ipinakikita ng ilang bukal na matatagpuan doon na ang sinaunang lunsod ay may saganang suplay ng tubig.
Ang estratehikong lokasyon ng Bethel ay nakatulong nang malaki upang ito’y maging isang mahalagang lunsod. Palibhasa’y nasa pinakagulugod ng sentral na kabundukan ng Palestina, ito ay nasa mahalagang rutang H-T na tumatalunton sa kahabaan ng kabundukan mula sa Sikem patimog sa Bethel, Jerusalem, Betlehem, Hebron, at pababa sa Beer-sheba. (Ihambing ang Huk 21:19.) Mayroon ding isa pang ruta na nagdurugtong sa Bethel at sa Jope na nasa K sa may Mediteraneo, gayundin sa Bethel at sa Jerico na nasa S malapit sa Jordan. Sa gayon, ang Bethel ay isang bayan na nasa salubungang-daan, gaya rin ng Samaria, Jerusalem, Hebron, at Beer-sheba. Karagdagan pa, ipinakikita ng katibayan na ang rehiyon sa pagitan ng Jerusalem at Bethel ay may makapal na populasyon, yamang mas maraming bayan doon kaysa sa iba pang bahagi ng Palestina.
Ipinakikita ng arkeolohikal na paghuhukay sa Beitin na ito ay isang lugar na lubhang sinauna, anupat ipinapalagay na sinimulan itong panirahan noong mga ika-21 siglo B.C.E. May natagpuan ding katibayan ng isang matinding pagkawasak at pagkasunog na nag-iwan ng mga pira-pirasong labí at abo na 1.5 m (mga 5 piye) ang kapal sa ilang lugar, at pinaniniwalaan na malamang na naganap ito noong panahong sakupin ng Israel ang Canaan.
Nang pumasok si Abraham sa Canaan, tumigil siya sa Sikem at pagkatapos ay lumipat patungong T “sa bulubunduking pook sa dakong silangan ng Bethel at itinayo ang kaniyang tolda na nasa kanluran ang Bethel at nasa silangan ang Ai.” (Gen 12:8) Pagkatapos magpalipas ng ilang panahon sa Ehipto dahil sa isang taggutom sa Canaan, muling namayan si Abraham sa dakong S ng Bethel, kasama ang pamangkin niyang si Lot. Yamang sa S ng Bethel nagtayo ng tolda si Abraham sa dalawang pagkakataong iyon, ipinapalagay na ang lokasyon ng kaniyang kampamento ay ang Burj Beitin, di-kalayuan sa TS ng Beitin, na tinatawag na “isa sa mga lugar na doon pinakamagandang pagmasdan ang kapaligiran ng Palestina.” (Encyclopædia Biblica, inedit ni T. K. Cheyne, London, 1899, Tomo I, tud. 552) Maaaring mula sa gayong magandang puwesto pinapili ni Abraham si Lot ng direksiyong nais niyang paroonan kapag humiwalay siya kay Abraham. Dahil dito, “itiningin ni Lot ang kaniyang mga mata at nakita ang buong Distrito ng Jordan” at pinili ang pook na iyon. (Gen 13:8-11) Pagkatapos nito ay inanyayahan ni Jehova si Abraham na tingnan ang lupain sa lahat ng direksiyon at tiniyak Niya sa kaniya na iyon ay ipamamana sa kaniya at sa kaniyang binhi.—Gen 13:14, 15.
Bagaman nang tipunin ni Moises ang ulat ng Genesis ay tinawag niyang “Bethel” ang bayan na malapit sa pinagkampuhan ni Abraham, ipinakikita ng sumunod na rekord na ang orihinal na Canaanitang pangalan nito ay “Luz.” (Tingnan ang LUZ Blg. 1.) Nagpalipas ng gabi si Jacob malapit sa lunsod na iyon noong naglalakbay siya mula sa Beer-sheba patungong Haran, at matapos niyang mapanaginipan ang isang hagdanan na umaabot hanggang sa langit at marinig ang pagbibigay-katiyakan ng Diyos sa Abrahamikong pangako, nagtayo siya ng isang haligi at tinawag niyang Bethel ang pangalan ng dakong iyon, bagaman “Luz ang pangalan ng lunsod noong una.” (Gen 28:10-19) Pagkaraan ng mga 20 taon ay nakipag-usap ang Diyos kay Jacob sa Haran, na nagpapakilala bilang ang Diyos na nagsalita kay Jacob sa Bethel, at tinagubilinan niya ito na bumalik sa Canaan.—Gen 31:13.
Kasunod ng pagdungis kay Dina sa Sikem at ng paghihiganti ng mga anak ni Jacob sa mga Sikemita, tinagubilinan ng Diyos si Jacob na bumalik sa Bethel. Matapos alisin ni Jacob ang mga kagamitan ng huwad na relihiyon mula sa kaniyang sambahayan at mga lingkod, naglakbay siya patungong Bethel taglay ang proteksiyon ng Diyos, nagtayo siya roon ng altar, at pinalawak niya ang mas unang pangalan na ibinigay niya sa lugar na iyon, anupat tinawag iyon na El-bethel, nangangahulugang “Ang Diyos ng Bethel.” Doon namatay at inilibing ang yayang babae ni Rebeka na si Debora. Doon din pinagtibay ni Jehova ang pagbabago ng pangalan ni Jacob tungo sa Israel, anupat muling binigkas ang Abrahamikong pangako.—Gen 35:1-16.
Pagkaraan ng maraming siglo, nang pumasok ang bansang Israel sa Canaan (1473 B.C.E.), ang pangalang Bethel ay muling ginamit upang tumukoy sa lunsod na dating tinatawag na Luz sa halip na sa dakong pinagkampuhan ni Abraham at ni Jacob. Ipinakikita ng ulat tungkol sa pagsalakay sa Ai na sinikap ng mga Canaanitang lalaki ng Bethel na tulungan ang mga lalaki ng kalapit nitong lunsod ng Ai, ngunit nabigo sila. Kung hindi man nang pagkakataong iyon, noong bandang huli ay natalo ng mga hukbo ni Josue ang hari ng Bethel. (Jos 7:2; 8:9, 12, 17; 12:9, 16) Pagkatapos nito, ang Bethel ay naging isang hangganang lunsod sa pagitan ng mga teritoryo ng mga tribo nina Efraim at Benjamin. Nakatala itong kabilang sa mga lugar na iniatas sa Benjamin, ngunit ipinakikita ng ulat na ang sambahayan ni Jose (na dito ay kasama ang Efraim) ang bumihag sa lunsod. (Jos 16:1, 2; 18:13, 21, 22; Huk 1:22-26) Mula nang panahong iyon ay hindi na tinawag na Luz ang lunsod na ito.
Noong panahon ng mga Hukom, ang tirahan ni Debora na propetisa ay nasa “pagitan ng Rama at ng Bethel sa bulubunduking pook ng Efraim.” (Huk 4:4, 5) Waring noong panahong nilalapatan ng kaparusahan ang tribo ni Benjamin dahil sa krimeng ginawa ng mga miyembro nito, ang kaban ng tipan ay pansamantalang inilipat mula sa Shilo tungo sa Bethel, yamang ang lunsod na ito ay mas malapit sa lugar ng labanan na nakasentro sa Gibeah, mga 12 km (7.5 mi) sa T ng Bethel.—Huk 20:1, 18, 26-28; 21:2.
Ang Bethel ay isa sa mga lugar na iniikot ni Samuel taun-taon, kasama ang Gilgal at Mizpa, upang hatulan ang taong-bayan, at itinuturing pa rin iyon noon na isang angkop na lugar para sa pagsamba. (1Sa 7:16; 10:3) Gayunman, mula nang panahong iyon hanggang noong mahati ang kaharian (997 B.C.E.), ang Bethel ay binanggit lamang nang maglagay si Haring Saul doon ng mga hukbo bilang paghahanda sa pakikipaglaban sa mga Filisteo.—1Sa 13:2.
Bilang isang pangunahing lunsod ng hilagang kaharian sa ilalim ni Jeroboam, ang Bethel, na dating isang prominenteng lugar para sa pagsisiwalat ng tunay na Diyos, ay nakilala bilang isang sentro ng huwad na pagsamba. Sa Bethel, na nasa dulong T ng bagong-tatag na kaharian ng Israel, at sa Dan, na nasa dulong H nito, ay naglagay si Jeroboam ng mga ginintuang guya sa pagsisikap na hikayatin ang bayang kaniyang nasasakupan na huwag nang pumaroon sa templo sa Jerusalem. (1Ha 12:27-29) Ang Bethel ay nagkaroon ng sariling bahay at altar para sa pagsamba, isang kapistahan na inimbento lamang, at mga saserdoteng hindi nagmula sa tribo ni Levi. Kaya naman ito ay naging sagisag ng talamak na apostasya. (1Ha 12:31-33) Hindi nagpaliban ang Diyos na Jehova sa pagpapahayag ng kaniyang di-pagsang-ayon. Isinugo niya sa Bethel ang isang “lalaki ng tunay na Diyos” upang magpahayag ng kahatulan laban sa altar na ginagamit sa pagsamba sa guya. Ang pagkabaak ng altar na ito ay nagsilbing palatandaan na tiyak na matutupad ang mga salita ng propeta. Gayunman, pagkaalis sa Bethel, ang ‘lalaking ito ng tunay na Diyos’ ay naudyukan ng isang matandang propeta ng Bethel na paniwalaan at gawin ang isang bagay na diumano’y itinagubilin ng isang anghel ngunit isa namang paglabag sa tuwirang utos ng Diyos, anupat humantong iyon sa kaniyang kapahamakan. Pagkatapos mapatay ng isang leon, inilibing siya sa Bethel sa sariling dakong libingan ng matandang propeta. Mula sa lahat ng pangyayaring ito ay natanto ng matandang propeta na tiyak na matutupad ang salita ni Jehova kung kaya hiniling niyang ilibing din siya sa libingang iyon pagkamatay niya.—1Ha 13:1-32.
Pansamantalang naagaw ni Haring Abias ng Juda ang Bethel at ang iba pang mga bayan mula sa kontrol ng hilagang kaharian (2Cr 13:19, 20), ngunit lumilitaw na ang Bethel ay nabawi na ng hilagang kaharian noong panahon ni Haring Baasa ng Israel o bago pa nito, yamang sinikap niyang patibayin noon ang Rama na nasa dakong T ng Bethel. (1Ha 15:17; 2Cr 16:1) Bagaman nang maglaon ay pinawi ni Haring Jehu ang pagsamba kay Baal mula sa Israel, nagpatuloy ang pagsamba sa mga ginintuang guya sa Dan at Bethel.—2Ha 10:28, 29.
Bagaman laganap ang huwad na pagsamba sa Bethel, ipinakikita ng ulat na isang grupo ng mga propeta ang naninirahan doon noong panahon nina Elias at Eliseo. Taga-Bethel din ang mga batang lalaki na nanlibak kay Eliseo, na naging dahilan upang puksain ng Diyos ang marami sa kanila.—2Ha 2:1-3, 23, 24.
Noong huling bahagi ng ikasiyam na siglo at kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E., ipinahayag ng mga propetang sina Amos at Oseas ang kahatulan ng Diyos sa huwad na pagsambang nakasentro sa Bethel. Minsan lamang binanggit ni Oseas ang Bethel (nangangahulugang “Bahay ng Diyos”) bilang isang literal na lugar, nang tukuyin niya kung paano isiniwalat ng Diyos ang kaniyang sarili sa tapat na si Jacob (Os 12:4); gayunman, maliwanag na ginamit niya ang pangalang “Bet-aven,” nangangahulugang “Bahay ng Pananakit (Bagay na Nakasasakit),” upang tumukoy sa lunsod na iyon at sa epekto ng huwad na pagsambang isinasagawa roon. (Os 4:15; 5:8) Nagbabala siya na ang guyang idolo nito na pinaglilingkuran ng mga saserdote ng mga banyagang diyos ay magiging sanhi ng pagdadalamhati ng idolatrosong Israel, ang matataas na dako nito ay wawasakin, at ang mga altar nito ay matatakpan ng mga tinik at mga dawag; samantalang dahil sa banta ng pagkatapon sa Asirya, ang mga tao ay sisigaw sa mga bundok, “Takpan ninyo kami!” at sa mga burol, “Mahulog kayo sa amin!” (Os 10:5-8; ihambing ang Luc 23:30; Apo 6:16.) Sa katulad na diwa, ipinakita ng propetang si Amos na gaano man kadalas maghandog ang bayan ng mga hain sa mga altar ng Bethel, ang mga paglalakbay nila patungo sa lugar na iyon upang sumamba ay pawang pagsalansang lamang, at nagbabala siya na ang nag-aapoy na galit ni Jehova ay lalagablab laban sa kanila at hindi iyon mapapatay. (Am 3:14; 4:4; 5:5, 6) Dahil sa panghuhulang ito ni Amos doon mismo sa Bethel, nagalit ang apostatang saserdote na si Amazias, anupat pinaratangan niya si Amos ng pagsasalita ng sedisyon at inutusan niya ito na ‘bumalik sa Juda na pinanggalingan niya’ at doon manghula: “Ngunit sa Bethel ay huwag ka nang gagawa pa ng anumang panghuhula, sapagkat iyon ang santuwaryo ng isang hari at iyon ang bahay ng isang kaharian.”—Am 7:10-13.
Ang Bethel ay nanatiling isang santuwaryo ng idolatriya hanggang sa bumagsak sa kamay ng Asirya ang hilagang kaharian noong 740 B.C.E. Kaya naman pagkaraan ng mahigit na isang siglo, tinukoy ito ni Jeremias bilang isang babalang halimbawa sa mga nagtitiwala sa huwad na mga diyos, na hahantong sa kanilang pagkapahiya. (Jer 48:13) Kahit pagkatapos nito, ang Bethel ay nanatiling isang sentro ng relihiyon, sapagkat pinabalik ng hari ng Asirya sa Israel ang isa sa mga tapong saserdote upang ituro sa taong-bayang sinasalot ng mga leon “ang relihiyon ng Diyos ng lupain,” at nanirahan sa Bethel ang saserdoteng ito, anupat tinuruan niya ang taong-bayan “kung paano nila dapat katakutan si Jehova.” Subalit batay sa naging resulta, maliwanag na isa siyang saserdote ng ginintuang guya, yamang “kay Jehova sila natatakot, ngunit sila ay mga mananamba ng kani-kanilang mga diyos,” at nagpatuloy pa rin ang huwad at idolatrosong pagsamba na pinasimulan ni Jeroboam.—2Ha 17:25, 27-33.
Bilang katuparan ng hula ni Oseas, ang ginintuang guya ng Bethel ay dinala sa hari ng Asirya (Os 10:5, 6), ngunit ang orihinal na altar ni Jeroboam ay naroroon pa rin noong panahon ni Haring Josias ng Juda. Noong ika-18 taon ng pamamahala ni Josias (642 B.C.E.) o pagkatapos nito, pinaabot niya ang kaniyang paglipol sa huwad na relihiyon hanggang sa Bethel at pati sa mga lunsod ng Samaria. Winasak ni Josias ang dako ng idolatrosong pagsamba sa Bethel, una ay sa pamamagitan ng pagsunog sa mga buto mula sa kalapit na mga libingan sa ibabaw ng altar, anupat nilapastangan ito bilang katuparan ng hulang ibinigay ng “lalaki ng tunay na Diyos” mahigit na tatlong siglo bago nito. Ang tanging libingan na hindi ginalaw ay yaong sa “lalaki ng tunay na Diyos,” sa gayon ay hindi rin nagalaw ang mga buto ng matandang propeta na nasa libingan ding iyon.—2Ha 22:3; 23:15-18; 1Ha 13:2, 29-32.
Ang mga lalaki ng Bethel ay kabilang sa mga Israelitang bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya (Ezr 2:1, 28; Ne 7:32), at ang Bethel ay muling pinanirahan ng mga Benjamita. (Ne 11:31) Noong yugtong Macabeo, pinatibay ito ng Siryanong si Heneral Bacchides (mga 160 B.C.E.) at nang maglaon ay nabihag ito ng Romanong si Heneral Vespasian bago siya naging emperador ng Roma.
2. Isa sa mga lunsod na pinadalhan ni David ng mga kaloob pagkatapos niyang matalo ang mga Amalekita. (1Sa 30:18, 26, 27) Yamang kabilang ito sa “mga dakong nilakaran ni David, siya at ang kaniyang mga tauhan,” waring ipinahihiwatig nito na ito rin ang lugar na sa ibang bahagi ng Kasulatan ay tinatawag na Betul o Betuel, isang lunsod ng Simeon sa teritoryo ng Juda.—1Sa 30:31; Jos 19:1, 4; 1Cr 4:30; tingnan ang BETUEL Blg. 2.
[Larawan sa pahina 392]
Mga guho sa kinaroroonan ng sinaunang Bethel. Sa lunsod na ito sa lansangang pababa sa Jerusalem, nagtatag si Jeroboam ng isang sentro ng pagsamba sa guya