Ano ang Kaluluwa?
Ang sagot ng Bibliya
Sa Bibliya, ang salitang “kaluluwa” ay isinalin mula sa salitang Hebreo na neʹphesh at sa salitang Griego na psy·kheʹ. Ang salitang Hebreo na ito ay literal na nangangahulugang “isang nilalang na humihinga,” at ang salitang Griego naman ay “isang nabubuhay na nilalang.”a Kaya ang kaluluwa ay ang buong nilalang, hindi isang bagay na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Pansinin kung paano ipinakikita ng Bibliya na ang kaluluwa ay ang tao mismo:
Nang lalangin ng Diyos na Jehova ang unang tao, si Adan, sinasabi ng Bibliya na “ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7, King James Version) Si Adan ay hindi binigyan ng kaluluwa—siya ay naging kaluluwang buháy, o tao.
Sinasabi ng Bibliya na ang kaluluwa ay maaaring magtrabaho, magnais ng pagkain, kumain, sumunod sa mga utos, at humipo ng bangkay. (Levitico 5:2; 7:20; 23:30; Deuteronomio 12:20; Roma 13:1) Ang mga ito ay ginagawa ng isang tao.
Imortal ba ang kaluluwa?
Hindi. Ang kaluluwa ay puwedeng mamatay. Maraming teksto sa Bibliya ang tumutukoy sa kaluluwa bilang mortal. Ito ang ilan sa mga halimbawa:
“Ang kaluluwa na nagkakasala, ito ay mamamatay.”—Ezekiel 18:4, 20, King James Version.
Sa sinaunang Israel, kapag nagkasala nang napakabigat ang isa, “ang kaluluwang iyon ay lilipulin.” (Exodo 12:15, 19; Levitico 7:20, 21, 27; 19:8, King James Version) Ang taong iyon ay “papatayin.”—Exodo 31:14, King James Version.
Sa ilang teksto sa Bibliya, ginagamit ang pananalitang “patay na kaluluwa” para tumukoy sa bangkay. (Levitico 21:11; Bilang 6:6) Sa maraming salin ng Bibliya, ginagamit sa mga tekstong ito ang mga salitang “patay na katawan” o “patay na tao.” Pero sa orihinal na Hebreo, ang salitang ginamit ay neʹphesh, o “kaluluwa.”
Ang “kaluluwa” ay maaaring tumukoy sa “buhay”
Ginagamit din ng Bibliya ang “kaluluwa” bilang singkahulugan ng “buhay.” Halimbawa, sa Job 33:22, ang salitang Hebreo para sa “kaluluwa” (neʹphesh) ay ginagamit bilang katumbas ng salitang “buhay.” Gayundin, ipinakikita ng Bibliya na ang kaluluwa, o buhay, ng isang tao ay maaaring manganib o mawala.—Exodo 4:19; Hukom 9:17; Filipos 2:30.
Ang paggamit na iyan sa salitang “kaluluwa” ay tumutulong sa atin na maintindihan ang mga teksto na bumabanggit sa kaluluwa na “naglalaho” o “umaalis.” (Genesis 35:18; King James Version) Ang pananalitang ito ay nagpapahiwatig na natatapos na ang buhay ng isang tao. Sa ibang salin, ang pananalitang ito sa Genesis 35:18 ay isinalin na “nalagutan ng hininga.”—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino; Magandang Balita Biblia.
Kung saan nagmula ang paniniwala sa imortal na kaluluwa
Ang paniniwala ng mga relihiyong Kristiyano sa imortal na kaluluwa ay nagmula, hindi sa Bibliya, kundi sa sinaunang pilosopiyang Griego. Ganito ang sinasabi ng Encyclopædia Britannica: “Ang mga pagbanggit ng Bibliya sa kaluluwa ay nauugnay sa ideya ng paghinga, at wala itong itinuturo tungkol sa hiwalay na espirituwal na kaluluwa at pisikal na katawan. Ang ideya ng mga Kristiyano na hiwalay ang katawan at kaluluwa ay nagmula sa sinaunang mga Griego.”
Hindi kinukunsinti ng Diyos ang pagsasama ng kaniyang turo at ng mga pilosopiya ng tao, tulad ng paniniwala sa imortal na kaluluwa. Nagbababala ang Bibliya: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao.”—Colosas 2:8.
a Tingnan ang The New Brown, Driver, and Briggs Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, pahina 659, at ang Lexicon in Veteris Testamenti Libros, pahina 627. Maraming salin ng Bibliya ang gumamit ng iba’t ibang salita para sa mga salitang neʹphesh at psy·kheʹ, gaya ng “kaluluwa,” “buhay,” “tao,” “nilalang,” o “katawan,” depende sa konteksto.