MIDIAN, MGA MIDIANITA
[Ni (Kay) Midian].
1. Isa sa mga anak ni Abraham sa kaniyang babae na si Ketura; ama nina Epa, Eper, Hanok, Abida, at Eldaa. (Gen 25:1, 2, 4; 1Cr 1:32, 33) Bago siya mamatay, binigyan ni Abraham ng mga regalo si Midian at ang iba pang mga anak ng kaniyang mga babae at pagkatapos ay pinayaon sila patungo sa lupain ng Silangan.—Gen 25:5, 6.
2. Ang mga inapo ng anak ni Abraham na si Midian ay tinutukoy sa kabuuan bilang “Midian” at “mga Midianita.” (Bil 31:2, 3) Kung minsan, waring tinutukoy sila sa Bibliya bilang mga Ismaelita. (Ihambing ang Gen 37:25, 27, 28, 36; 39:1; Huk 8:22, 24.) Maaaring ipinahihiwatig nito na ang mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ng kaniyang mga anak na sina Ismael at Midian ay may malaking pagkakatulad sa paraan ng pamumuhay, at maaaring higit pa silang nagsanib dahil sa pakikipag-asawa sa isa’t isa ng mga tao ng dalawang bayan. Lumilitaw rin na ang ilan man lamang sa mga Kenita ay kilala bilang mga Midianita. Yamang ang mga Kenita ay nabanggit na bilang isang bayan bago pa ang kapanganakan ni Midian, maaaring nangangahulugan ito na ang Kenitang bayaw ni Moises na si Hobab ay isang Midianita batay lamang sa heograpikong pangmalas.—Gen 15:18, 19; Bil 10:29; Huk 1:16; 4:11; tingnan ang ISMAELITA; KENITA.
Palibhasa’y mga inapo ni Abraham, malamang na nagsalita ang mga Midianita ng isang wikang kahawig na kahawig ng Hebreo. Halimbawa, lumilitaw na hindi nahirapan si Gideon na maintindihan ang mga Midianita. (Huk 7:13-15; 8:18, 19) Gayunman, may posibilidad din na natutuhan ni Gideon ang wika ng mga Midianita, yamang ang Israel ay sumailalim sa kanilang pamumuno sa loob ng pitong taon.—Huk 6:1.
Pangunahin na, ang mga Midianita ay pagala-gala at naninirahan sa mga tolda. (Huk 6:5, 6; Hab 3:7) Ngunit noong mga araw ni Moises, iniuulat din na tumahan sila sa mga lunsod. (Bil 31:9, 10) Nang panahong iyon ay talagang maunlad sila, anupat ang bilang ng kanilang mga asno at mga hayop sa kawan at bakahan ay umabot nang sampu-sampung libo. (Bil 31:32-34) Kabilang sa kanilang kayamanan ang mga gintong palamuti na may kabuuang bigat na mahigit sa 191 kg (512 lb t, nagkakahalaga ngayon nang mahigit sa $2,150,000).—Bil 31:50-52.
Lumilitaw na kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay naggayak sa kanilang sarili ng mga gintong palamuti, kabilang na rito ang mga singsing na pang-ilong at mga hikaw. Ang mga Midianitang hari ay nagdamit ng “mga kasuutang lanang tinina sa mamula-mulang purpura,” at maging ang kanilang mga kamelyo ay may mga kuwintas na maliwanag na kinabitan ng mga palamuting hugis-buwan.—Bil 31:50; Huk 8:21, 26.
Tiyak na natamo ng mga Midianita ang kanilang kayamanan sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan at pandarambong. (Ihambing ang Gen 37:28; Huk 6:5, 6.) Noon pa mang panahon ni Jose, mayroon nang naglalakbay na mga pulutong ng mga mangangalakal na Midianita na nagtutungo sa Ehipto. Ipinagbili si Jose ng kaniyang mga kapatid sa ama sa gayong naglalakbay na pulutong na papuntang Ehipto at may dalang mababangong resina.—Gen 37:25, 28.
Malamang na ilang panahon bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, nagtagumpay ang Edomitang si Haring Hadad (anak ni Bedad) laban sa mga Midianita sa parang ng Moab.—Gen 36:35; 1Cr 1:46.
Pinagkasala ang Israel. Nang maglaon, nagpamalas ang mga Midianita ng pagkapoot sa mga Israelita. Nakipagtulungan sila sa mga Moabita sa pag-upa sa propetang si Balaam upang sumpain ang Israel. (Bil 22:4-7) Nang mabigo ito, sa payo ni Balaam ay may-katusuhang ginamit ng mga Midianita at mga Moabita ang kanilang kababaihan upang ganyakin ang libu-libong lalaking Israelita na masangkot sa seksuwal na imoralidad at idolatriya may kaugnayan sa Baal ng Peor. (Bil 25:1-9, 14-18; 31:15, 16; 1Co 10:8; Apo 2:14) Pagkatapos nito, bilang pagsunod sa utos ng Diyos, naghiganti ang mga Israelita laban sa Moab. Ang Midianitang mga lunsod at mga kampong may pader sa lugar na iyon ay sinunog. Libu-libong alagang hayop at maraming gintong kagamitan ang kinuha bilang mga samsam. Maliban sa mga dalaga, lahat ay pinatay, pati ang limang hari ng Midian—sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba.—Bil 31.
Wala pang tatlong siglo pagkatapos nito, ang mga Midianita ay nakabawi mula sa dagok na ito at nagawa nilang siilin ang mga Israelita sa loob ng pitong taon. (Ihambing ang Huk 6:1; 11:25, 26.) Kasama ng mga Amalekita at “mga taga-Silangan,” ang mga pagala-galang ito na tumatahan sa mga tolda, dala ang kanilang mga alagang hayop at di-mabilang na mga kamelyo, ay nakapasok sa lupain ng Israel hanggang sa Gaza, anupat dinambong ang mga alagang hayop ng mga Israelita at inubos din ang kanilang mga ani.—Huk 6:2-6.
Masaklap na Pagkatalo sa Kamay ni Gideon. Sa wakas, nang ang Israel ay humingi ng saklolo kay Jehova, ibinangon niya si Gideon upang iligtas sila. (Huk 6:7-16) Lubus-lubusan ang tagumpay na pinangyari ni Jehova sa pamamagitan ni Gideon anupat wala nang ulat ng higit pang panliligalig mula sa mga Midianita. (Huk 8:28) Pinatay ang kanilang mga prinsipe na sina Oreb at Zeeb, gayundin ang kanilang mga hari na sina Zeba at Zalmuna. (Huk 7:25; 8:5, 21; tingnan ang GIDEON.) Pagkaraan ng maraming siglo, tinutukoy pa rin ang tagumpay laban sa Midian kapag inilalarawan ang pagdurog sa lakas ng kaaway.—Isa 9:4; 10:24-26; tingnan din ang Aw 83:9-11.
Kabaligtaran ng dating pakikipag-alit ng mga Midianita, tinukoy ng isang hula ng pagsasauli ang panahon na “ang mga batang kamelyong lalaki ng Midian at ng Epa” ay magdadala ng mga kaloob sa Sion.—Isa 60:5, 6, 11-14.
3. Ang teritoryo na pinanirahan ng mga Midianita ay nakilala bilang “Midian” o “lupain ng Midian.” (1Ha 11:18; Hab 3:7) Sinasang-ayunan ng karamihan na ang mga inapo ni Midian ay pangunahin nang nanirahan sa HK bahagi ng Arabia na nasa S lamang ng Gulpo ng ʽAqaba. Ngunit ang lawak ng mga lupaing pag-aari nila ay hindi matiyak at malamang na nagpabagu-bago sa kanilang buong kasaysayan. Noong nabubuhay pa si Moises, lumilitaw na maraming Midianita ang naninirahan malapit sa teritoryong Moabita at sa kapaligiran ng rehiyong kontrolado ng Amoritang si Haring Sihon.—Bil 22:4; 31:8-12; Jos 13:21.
Si Moises mismo ay gumugol ng mga 40 taon sa lupain ng Midian. Doon ay napangasawa niya si Zipora, isa sa pitong anak na babae ni Jetro na saserdote ng Midian. (Tingnan ang JETRO.) Nagkaroon si Moises ng dalawang anak sa kaniya, sina Gersom at Eliezer. Dahil sa gawain ni Moises bilang pastol para sa kaniyang biyenan, nakarating siya sa bulubunduking lugar sa palibot ng Horeb, anupat nagpapahiwatig na nanirahan siya sa kapaligiran ng Gulpo ng ʽAqaba. Gayunman, hindi matiyak kung ang rehiyon sa palibot ng Horeb ay bahagi noon ng “lupain ng Midian.” (Exo 2:15-22; 3:1; 4:18-20; 18:1-4; Gaw 7:29, 30) Nang dakong huli, waring may bahagi ng Edom na tinukoy bilang Midian.—1Ha 11:14-18.