SERPIYENTE, AHAS
[sa Heb., na·chashʹ, tan·ninʹ, tseʹphaʽ, tsiph·ʽoh·niʹ; sa Gr., oʹphis].
Isang reptilya na mahaba, makaliskis, at walang mga paa’t kamay. Ang mga serpiyente ay gumagapang gamit ang kanilang tiyan o mga tadyang, at dahil malapit sa lupa ang kanilang ulo, waring humihimod ng alabok ang kanilang dilang labas-masok. (Gen 3:14) Mahigit sa 30 uri ng ahas ang matatagpuan sa Israel.
Maliwanag na ang salitang Hebreo na na·chashʹ ay isang malawak o panlahatang termino na kapit sa lahat ng ahas o tulad-serpiyenteng mga hayop. Madalas itong gamitin kasama ng ibang mga salitang Hebreo na tumutukoy sa isang partikular na uri ng ahas. (Aw 58:4; 140:3; Kaw 23:32) Kaya naman ang tribo ni Dan ay inihalintulad muna sa “isang serpiyente [na·chashʹ]” at pagkatapos ay espesipikong inihalintulad sa “isang may-sungay na ahas [shephi·phonʹ]” na nasa tabing-daan at nanunuklaw ng mga kaaway ng Israel. (Gen 49:17) Ang terminong Hebreo na ito ay katumbas ng Griegong oʹphis, na malawak din ang kahulugan. Bagaman maraming ahas sa Israel ngayon ang hindi makamandag, ang mga ahas na tinutukoy sa Bibliya ay pangunahin nang yaong mga mapanganib o makamandag.
Ipinapalagay ng mga leksikograpo na ang mga salitang Hebreo na tseʹphaʽ at tsiph·ʽoh·niʹ ay tumutukoy sa makamandag na mga ahas, at na marahil ang Hebreong bigkas ay isang pagtulad sa pagsagitsit ng gayong mga ahas kapag nilalapitan. Maaaring ang tseʹphaʽ at tsiph·ʽoh·niʹ ay kapuwa tumutukoy sa isang uri ng ulupong, ngunit hindi ito matiyak. Sa Isaias 11:8; 14:29; 59:5; at Jeremias 8:17, may-kamaliang isinalin ng King James Version ang mga salitang ito upang tumukoy sa maalamat na “cockatrice.”
Nang gawing ahas ang tungkod ni Moises (Exo 7:9-13), ang salitang Hebreo na tan·ninʹ ang ginamit sa ulat. Maliwanag na tumutukoy ito sa isang “malaking ahas,” yamang sa ibang mga teksto ay ginamit ang salitang ito bilang deskripsiyon ng isang dambuhalang hayop sa dagat. (Gen 1:21; Job 7:12; Aw 74:13; 148:7; Isa 27:1; 51:9) Sa Deuteronomio 32:33 at Awit 91:13, maliwanag na ikinapit ang terminong ito sa makamandag na mga ahas, at binanggit din sa mga tekstong iyon ang mga kobra. Isang bukal sa Jerusalem pagkaraan ng pagkatapon ang nakilala bilang “Bukal ng Malaking Ahas.”—Ne 2:13.
Tinukoy ng iba’t ibang teksto ang kilaláng mga katangian ng serpiyente: ang pag-usad nito (Job 26:13), ang kagat nito at ang taguang dako nito sa mga pader na bato (Ec 10:8, 11; Am 5:19), gayundin ang pagiging maingat nito (Gen 3:1). Ginamit ni Jesus na halimbawa ang huling nabanggit na katangian nang paalalahanan niya ang kaniyang mga alagad hinggil sa dapat nilang igawi kapag nasa gitna sila ng tulad-lobong mga mananalansang.—Mat 10:16.
Ang gayong ‘pag-iingat’ ay tinukoy ng isang kilaláng soologong taga-Britanya, si H. W. Parker, sa kaniyang aklat na Snakes: A Natural History (1977, p. 49): “Kahit nasa panghuling depensa na ito, ang mga unang ganting pagsalakay nito ay parang pakunwari lamang at hindi tunay; mukhang mabangis ang malimit na paglundag upang manuklaw, ngunit ang mga ito’y sumasala at kung minsa’y hindi man lamang ibinubuka ang bibig. Sa pagkakataong ito, hindi rin pambihira na patagong iuunat ng ahas ang kaniyang katawan upang maghanda sa mabilisang paglayo at pagtakas kung umurong ang kaaway. Ngunit kapag umabot na sa puspusang pagsalakay, gagawin nito ang kadalasang ginagawa nito kapag naninila, bagaman may higit na kabangisan; ang mga uri na karaniwang nangangagat at pagkatapos ay bumibitiw sa kanilang biktima, o pumupulupot lamang dito, ay paulit-ulit na mangangagat o manlilingkis sa nanligalig sa kanila.”
Makasagisag na Paggamit. Ang serpiyente ay ginagamit sa makasagisag na paraan sa maraming teksto. Ang mga kasinungalingan ng balakyot ay inihahalintulad sa kamandag nito (Aw 58:3, 4), ang matalas na dila ng mga nagpapakana ng masama ay inihahalintulad sa dila ng serpiyente (Aw 140:3), at ang labis na alak ay sinasabing nangangagat na gaya ng mga serpiyente (Kaw 23:32). Sa gitna ng isinauling bayan ni Jehova, ang kalayaan mula sa karahasan at kirot ay inilalarawan ng pananalitang ang ‘pagkain ng serpiyente ay alabok.’—Isa 65:25.
Ginamit din ang sagisag ng serpiyente, o ahas, sa mga kapahayagan ng paghatol ng Diyos sa ilang bansa, gaya ng Filistia (Isa 14:29) at di-tapat na Juda (Jer 8:17), gayundin sa Ehipto, na ang tinig ay inihahalintulad sa tinig ng serpiyente. Walang alinlangang tumutukoy ito sa sumasagitsit na pag-urong niya dahil sa pagkatalo o kaya naman ay sa hina ng kaniyang pambansang tinig dahil sa kapahamakang dinaranas niya. (Jer 46:22) Malamang na ang huling pagtukoy na ito ay isa ring paglalantad sa kawalang-saysay ng kaugalian ng mga Ehipsiyong paraon na pagsusuot ng uraeus, isang wangis ng sagradong ahas sa harap ng kanilang putong, bilang tanda ng proteksiyon mula sa serpiyenteng-diyosa na si Uatchit. Sa Mikas 7:17, inihula na ang lahat ng mga bansang sumasalansang sa bayan ng Diyos ay mapipilitang ‘humimod ng alabok na gaya ng mga serpiyente.’—Tingnan din ang Am 9:3.
Sa Jeremias 51:34, inihalintulad ng babaing tumatahan sa Sion si Haring Nabucodonosor sa isang “malaking ahas” na lumulon sa kaniya.
Si Satanas na Diyablo. Sa Apocalipsis 12:9 at 20:2, ang pangunahing sumasalansang sa Diyos, si Satanas, ay tinukoy bilang “ang orihinal na serpiyente.” Maliwanag na ito’y dahil gumamit siya ng literal na serpiyente sa Eden upang makipagtalastasan sa babae. (Gen 3:1-15) Bilang “ang orihinal na serpiyente,” siya rin ang espirituwal na ninuno ng iba pang mga mananalansang. Kaya naman inuri ni Jesus ang mga ito bilang “mga serpiyente, supling ng mga ulupong.”—Mat 23:33; ihambing ang Ju 8:44; 1Ju 3:12.
Sa huwad na relihiyon. Ang serpiyente ay isang sagisag na malimit gamitin sa mga paganong relihiyon at kadalasa’y isang bagay na sinasamba. (MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 530) Sa Mesopotamia, Canaan, at Ehipto, ang serpiyente ay sagisag ng pagiging mabunga at ng mga diyosa ng sekso. Ang dalawang serpiyente na magkapulupot ay ginamit na simbolo ng pagiging palaanakin sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, at dahil sa paulit-ulit na paghuhunos ng balat ng serpiyente, ginamit itong sagisag ng namamalaging buhay.
Kumilos si Haring Hezekias upang pawiin ang pagsamba sa serpiyente sa gitna ng kaniyang mga sakop sa pamamagitan ng pagdurog sa tansong serpiyente na ginamit noong panahon ni Moises nang sumalakay ang makamandag na mga ahas sa ilang.—Bil 21:6-9; 2Ha 18:4; tingnan ang MALAAPOY NA AHAS; TANSONG SERPIYENTE.