Tinatanggap ba ng Iba ang Iyong Payo?
ANG angkop na payo na ibinigay nang wasto ay laging nagbubunga ng maiinam na resulta. Tama? Mali! Kahit ang napakahusay na payo na ibinigay ng may-kakayahang mga tagapayo ay malimit na ipagwalang-bahala o tanggihan.—Kawikaan 29:19.
Ganito ang nangyari nang payuhan ni Jehova si Cain, na nagtanim ng galit sa kaniyang kapatid, si Abel. (Genesis 4:3-5) Palibhasa’y batid ang panganib na inihaharap nito kay Cain, sinabi ng Diyos sa kaniya: “Bakit ka nag-iinit sa galit at bakit namanglaw ang iyong mukha? Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas? Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon; at mapananaigan mo naman ba iyon?”—Genesis 4:6, 7.
Sa gayon, inihalintulad ni Jehova ang kasalanan sa isang maninila na nag-aabang upang sumunggab kay Cain kung magpapatuloy siya sa pagtatanim ng sama ng loob sa kaniyang kapatid. (Ihambing ang Santiago 1:14, 15.) May panahon pa noon si Cain para baguhin ang kaniyang saloobin, upang ‘gumawa ng mabuti’ sa halip na ipagpatuloy ang kapaha-pahamak na landasin. Nakalulungkot, hindi nakinig si Cain. Tinanggihan niya ang payo ni Jehova, na nagbunga ng napakasama.
Dinaramdam o tinatanggihan ng ilan ang anumang uri ng payo. (Kawikaan 1:22-30) Maaari kayang kasalanan ng tagapayo kung kaya tinanggihan ang payo? (Job 38:2) Ikaw na nagpapayo, ginagawa mo bang mahirap para sa iba na tanggapin iyon? Tunay na mapanganib ang gayon dahil sa di-kasakdalan ng tao. Subalit maiiwasan mong mangyari ito sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.
‘Ibalik sa Ayos sa Espiritu ng Kahinahunan’
“Mga kapatid, bagaman ang isang tao ay gumawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayo na may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan, habang minamataan ng bawat isa ang kaniyang sarili, dahil baka matukso rin kayo.” (Galacia 6:1) Sa gayon ay ipinahiwatig ni apostol Pablo na yaong may “mga espirituwal na kuwalipikasyon” ay dapat magsikap na ibalik sa ayos ang isang Kristiyano na “gumawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito.” Kung minsan waring yaong di-kuwalipikadong gumawa ng gayon ang karaniwang nagnanais na magbigay ng payo. Kaya naman, huwag karaka-rakang magpapayo sa iba. (Kawikaan 10:19; Santiago 1:19; 3:1) Ang matatanda sa kongregasyon ang pangunahin nang kuwalipikado sa espirituwal upang gawin ito. Sabihin pa, sinumang may-gulang na Kristiyano ay dapat magbabala kung nakikita niyang ang isang kapatid ay nasa mapanganib na landasin.
Kung ikaw ay talagang magmumungkahi o magpapayo, tiyaking isalig ang iyong sasabihin sa makadiyos na karunungan, hindi sa mga teoriya at pilosopiya ng tao. (Colosas 2:8) Tularan ang maingat na tagapagluto na tumitiyak na ang anumang gagamiting sangkap ay nakapagpapalusog at walang taglay na anumang nakalalason. Tiyakin na ang iyong payo ay matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos at hindi lamang sa personal na opinyon. (2 Timoteo 3:16, 17) Sa paggawa nito, makatitiyak ka na ang iyong payo ay hindi makasasama sa sinuman.
Ang layunin ng payo ay upang “ibalik sa ayos” ang isang nagkasala, hindi ang pilitin siyang magbago. Ang Griegong salita na isinaling “ibalik sa ayos” ay may kaugnayan sa isang termino na tumutukoy sa pagpapanumbalik sa isang nalinsad na buto upang maiwasan ang higit pang pinsala. Ayon sa leksikograpo na si W. E. Vine, ipinahihiwatig din nito “ang pangangailangan ukol sa pagtitiis at pagtitiyaga sa proseso.” Gunigunihin ang pagkabanayad at kasanayan na kailangan upang maiwasang makapagdulot ng di-kinakailangang kirot sa katawan. Sa gayunding paraan, ang isang tagapayo ay kailangang maging napakaingat upang huwag masaktan ang isa na pinapayuhan. Ito ay mahirap kahit hinihingi ng isa ang payo. Kapag ang iyong payo ay hindi hiningi, lalo nang kailangan ang kasanayan at pagkamataktika.
Tiyak na hindi mo ‘maibabalik sa ayos’ ang sinuman kung palalayuin mo siya. Upang maiwasan ito, laging tandaan na kailangang magpamalas “ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” (Colosas 3:12) Kung ang isang doktor ay di-matiisin at padaskul-daskol, maaaring ipagwalang-bahala ng pasyente ang kaniyang payo at hindi na babalik para sa kinakailangang paggamot.
Hindi ito nangangahulugan na dapat ay hindi matatag ang pagpapayo. Naging matatag si Jesu-Kristo nang payuhan niya ang pitong kongregasyon sa distrito ng Asia. (Apocalipsis 1:4; 3:1-22) Binigyan niya sila ng isang napakatahasang payo na kailangan nilang pakinggan at ikapit. Subalit ang pagiging matatag ni Jesus ay laging tinitimbangan ng mga katangian na gaya ng pagkamadamayin at kabaitan, na nagpapaaninaw sa pagkamaibigin ng kaniyang makalangit na Ama.—Awit 23:1-6; Juan 10:7-15.
Payo na May Kagandahang-Loob
“Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Colosas 4:6) Pinasasarap ng asin ang lasa ng pagkain, anupat ginagawa itong katakam-takam. Kung gusto mong maging katanggap-tanggap ang iyong payo, dapat itong ibigay nang “may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.” Subalit kahit na may napakalinamnam na mga sangkap, maaaring di-masarap ang pagkakaluto ng pagkain o basta na lamang ibinunton sa plato sa paraang di-kaakit-akit. Hindi nito mapasisigla ang gana ng sinuman sa pagkain. Sa katunayan, baka napakahirap lunukin ang kahit isang subo ng di-masarap na pagkain.
Kapag nagpapayo, mahalaga na piliin ang tamang mga salita. Sinabi ng pantas na taong si Solomon: “Mistulang mga mansanas na ginto sa mga sisidlang pilak ang salitang sinalita sa tamang panahon para doon.” (Kawikaan 25:11) Malamang na ang nasa isip niya ay isang napakagandang inukit na sisidlang pilak na may lamang kaakit-akit na mga inukit na ginintuang mansanas. Kay ganda ngang tingnan nito, at tunay na pahahalagahan mo itong tanggapin bilang regalo! Sa gayunding paraan, ang mga pinili at magagandang salita ay maaaring lubhang makaakit sa isang tao na sinisikap mong tulungan.—Eclesiastes 12:9, 10.
Sa kabaligtaran, “ang salitang nakasasakit ay humihila ng galit.” (Kawikaan 15:1) Ang hindi angkop na mga salita ay madaling makasakit at makapagpagalit sa halip na makapukaw ng pagtanaw ng utang na loob. Sa katunayan, hindi lamang ang di-angkop na mga salita kundi maging ang maling tono ng boses ay maaaring maging sanhi upang tanggihan ng isang tao ang maituturing na mabuting payo. Ang di-mataktika at walang malasakit na paraan ng pagpapayo ay maaaring makapinsala na gaya ng pagdaluhong sa isa taglay ang sandata. “Mayroong isa na nagsasalita nang walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak,” sabi ng Kawikaan 12:18. Bakit magsasalita nang walang pakundangan at gagawing mahirap para sa isa na tanggapin ang payo?—Kawikaan 12:15.
Gaya ng sinabi ni Solomon, ang isang payo ay dapat ‘salitain sa tamang panahon.’ Napakahalaga ng tamang panahon kung nais nating magtagumpay ang pagpapayo! Maliwanag na ang pagkain ay hindi pahahalagahan ng isa na walang ganang kumain. Marahil ay busog pa siya, o baka may-sakit siya. Hindi katalinuhan ni karapat-dapat man na piliting pakainin ang isa na ayaw kumain.
Magpayo Nang May Kababaan ng Pag-iisip
“Lubusin ninyo ang aking kagalakan sa bagay na kayo ay . . . hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.” (Filipos 2:2-4) Kung ikaw ay isang mahusay na tagapayo, mapakikilos ka ng “personal na interes” sa kapakanan ng iba. Magpapamalas ka rin ng “kababaan ng pag-iisip” kapag nakikitungo sa espirituwal na mga kapatid, na itinuturing ang iba na nakatataas sa iyo. Ano ang ibig sabihin nito?
Ang kababaan ng pag-iisip ay hahadlang sa iyo na magkaroon ng mapagmataas na saloobin o tono. Isa man sa atin ay walang saligan para magmataas sa kapananampalataya. Lahat tayo ay nagkakamali paminsan-minsan. Yamang hindi mo mababasa ang puso, lalo nang mahalaga na huwag hatulan ang motibo ng isa na iyong pinapayuhan. Marahil ay wala siyang anumang masamang motibo at di-batid ang anumang maling saloobin o pagkilos. Kahit na waring alam niya na hindi siya nakatutugon sa mga kahilingan ng Diyos, walang-alinlangang magiging mas madali para sa kaniya na tanggapin ang payo kung ito ay ibibigay sa mapagpakumbabang paraan taglay ang taimtim na interes sa kaniyang espirituwal na kapakanan.
Gunigunihin mo ang iyong madarama kung ikaw ay inanyayahan sa isang kainan ngunit ang nag-anyaya sa iyo ay nakitungo sa iyo sa malamig at mapanghamak na paraan! Tiyak na hindi ka masisiyahan sa pagkain. Ang totoo, “mas mainam ang putahe ng gulay na may pag-ibig kaysa sa pinatabang baka at may pagkakapootan.” (Kawikaan 15:17) Sa katulad na paraan, maging ang pinakamahusay na payo ay magiging mahirap tanggapin kung ang tagapayo ay kakikitaan ng kawalang-interes sa isa na kaniyang pinapayuhan o kaya ay minamaliit at pinapahiya ito. Subalit ang pag-ibig, paggalang sa isa’t isa, at pagtitiwala ay magpapadali sa pagbibigay at pagtanggap ng payo.—Colosas 3:14.
Tinanggap na Payo
Si propeta Natan ay nagpakita ng kababaan ng pag-iisip nang kaniyang payuhan si Haring David. Kitang-kita ang pag-ibig at paggalang ni Natan kay David sa kaniyang sinabi at ginawa. Si Natan ay nagsimula sa pamamagitan ng isang ilustrasyon anupat isinaalang-alang nito ang posibilidad na mahirapan si David sa pakikinig sa payo. (2 Samuel 12:1-4) Pinukaw ng propeta ang pag-ibig ni David sa katarungan at katuwiran, bagaman hindi ito namalas sa kaniyang mga pagkilos may kaugnayan kay Bat-sheba. (2 Samuel 11:2-27) Nang idiin ang punto ng ilustrasyon, ang taos-pusong reaksiyon ni David ay: “Ako’y nagkasala kay Jehova.” (2 Samuel 12:7-13) Di-tulad ni Cain, na hindi nakinig kay Jehova, mapagpakumbabang tinanggap ni David ang pagtutuwid.
Walang-alinlangan na pinatnubayan ni Jehova si Natan, anupat isinaalang-alang ang di-kasakdalan ni David at ang posibilidad na maaaring tumugon siya nang di-maganda. Si Natan ay kumilos sa napakamataktikang paraan at maliwanag na isinaalang-alang niya ang pagiging nakahihigit ni David dahil sa posisyon ni David bilang ang haring hinirang ni Jehova. Kung ikaw ay may awtoridad, maaari kang magbigay ng wastong payo, subalit ito ay magiging mahirap tanggapin kung hindi ka magpapamalas ng kababaan ng pag-iisip.
Itinuwid ni Natan si David sa maamong paraan. Ang pananalita ng propeta ay kalugud-lugod at maingat na inihanda upang si David ay tumugon sa paraang ikabubuti niya. Si Natan ay hindi naganyak ng personal na interes, ni nagpakita man ng kahigitan kay David sa moral o espirituwal na paraan. Ano ngang inam na halimbawa ng pagsasabi ng tamang mga salita sa angkop na paraan! Kung nagpapamalas ka ng gayunding espiritu, mas malamang na tatanggapin ng iba ang iyong payo.
[Larawan sa pahina 22]
Tulad ng masustansiyang pagkain, ang iyong payo ay dapat na kapaki-pakinabang
[Larawan sa pahina 23]
Sinisikap mo bang maging kaakit-akit ang iyong payo na gaya ng mga mansanas na ginto sa inukit na pilak?
[Larawan sa pahina 24]
Mapagpakumbabang pinukaw ni propeta Natan ang pag-ibig ni David sa katarungan at katuwiran