Aklat ng Bibliya Bilang 16—Nehemias
Manunulat: Si Nehemias
Saan Isinulat: Sa Jerusalem
Natapos Isulat: Pagkaraan ng 443 B.C.E.
Panahong Saklaw: 456–pagkaraan ng 443 B.C.E.
1. Anong tungkulin ng pagtitiwala ang hawak ni Nehemias, at ano ang pangunahin para sa kaniya?
SI NEHEMIAS, na ang kahulugan ng pangala’y “Si Jah ang Umaaliw,” ay isang Judiong lingkod ni Haring Artajerjes (Longimanus) ng Persya. Tagapagdala siya ng kopa ng hari. Ito’y pinakamimithing tungkulin ng dakilang pagtitiwala at karangalan, pagkat madali siyang makalalapit sa hari kapag ito ay masaya at handang magkaloob ng pabor. Gayunman, si Nehemias ay isang tapon na nagpahalaga sa Jerusalem nang higit sa alinmang personal na “sanhi ng kagalakan.” (Awit 137:5, 6) Sa kaniya, ang pinakamahalaga ay ang pagsasauli ng pagsamba kay Jehova, hindi ang tungkulin o materyal na kayamanan.
2. Anong kawawang kalagayan ang nagpalumbay kay Nehemias, subalit anong takdang panahon ang malapit nang dumating?
2 Noong 456 B.C.E. hindi umuunlad ang mga “natira sa pagkabihag,” ang Judiong nalabi na nagbalik sa Jerusalem. Kawawa ang kalagayan nila. (Neh. 1:3) Durug-durog ang pader ng lungsod, at ang bayan ay naging kakutyaan para sa kanilang laging nag-aabang na mga kaaway. Nalumbay si Nehemias. Subalit takdang panahon na ni Jehova upang itayo ang pader ng Jerusalem. May kaaway o wala, ang Jerusalem at ang nakukutaang pader nito ay magsisilbing tanda ng panahon kaugnay ng hulang ibinigay ni Jehova kay Daniel tungkol sa pagdating ng Mesiyas. (Dan. 9:24-27) Kaya, pinatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay at ginamit si Nehemias sa pagtupad ng kaniyang kalooban.
3. (a) Ano ang patotoo na si Nehemias ang sumulat, at papaano tinawag na Nehemias ang aklat? (b) Anong yugto ang naghihiwalay ng aklat na ito mula sa aklat ni Ezra, at anong mga taon ang saklaw ng aklat ni Nehemias?
3 Tiyak na si Nehemias ang sumulat ng aklat na may pangalan niya. Pinatutunayan ito ng pambungad, “Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hacalias,” at ng paggamit ng unang panauhan sa pagsulat. (Neh. 1:1) Noong una, ang Ezra at Nehemias ay iisang aklat na tinawag na Ezra. Nang maglaon hinati ito ng mga Judio sa Una at Ikalawang Ezra, at nang maglaon pa, ang Ikalawang Ezra ay tinawag na Nehemias. Ang agwat mula sa huling mga pangyayari ng Ezra hanggang sa pasimula ng Nehemias ay 12 taon, mula sa katapusan ng 456 B.C.E. hanggang sa matapos ang 443 B.C.E.—1:1; 5:14; 13:6.
4. Papaano nakakasuwato ng Nehemias ang ibang bahagi ng Kasulatan?
4 Ang aklat ni Nehemias ay kasuwato ng buong kinasihang Kasulatan na wastong kinabibilangan nito. Maraming beses itong tumutukoy sa Kautusan, tungkol sa pag-aasawa sa mga dayuhan (Deut. 7:3; Neh. 10:30), mga utang (Lev. 25:35-38; Deut. 15:7-11; Neh. 5:2-11), at ng Kapistahan ng mga Kubol (Deut. 31:10-13; Neh. 8:14-18). Bukod dito, binabanggit ng aklat ang pasimula ng katuparan ng hula ni Daniel na ang Jerusalem ay muling itatayo kasabay ng pagsalansang, “sa mga panahong mabagabag.”—Dan. 9:25.
5. (a) Anong mga ebidensiya ang nagtatakda sa 475 B.C.E. bilang taon ng pagluklok ni Artajerjes? (b) Sa anong petsa pumapatak ang kaniyang ika-20 taon? (c) Papaano kasuwato ng mga aklat nina Nehemias at Lucas ang katuparan ng hula ni Daniel tungkol sa Mesiyas?
5 Kumusta ang petsang 455 B.C.E. para sa paglalakbay ni Nehemias sa Jerusalem upang itayo uli ang pader ng lungsod? Ang maaasahang katibayan ng kasaysayan ng Gresya, Persya, at Babilonya ay tumutukoy sa 475 B.C.E. bilang taon ng pagluklok ni Artajerjes at 474 B.C.E. bilang unang taon ng kaniyang paghahari.a Kaya ang ika-20 taon niya ay 455 B.C.E. Ipinahihiwatig ng Nehemias 2:1-8 na nang tagsibol ng taóng yaon, sa Judiong buwan ng Nisan, si Nehemias ay pinahintulutan ng hari na isauli at muling itayo ang Jerusalem, ang pader at mga pintuan nito. Sinasabi ng hula ni Daniel na 69 na sanlinggo ng mga taon, o 483 taon, ay lilipas “mula sa paglabas ng utos na isauli at itayong-muli ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Pinunò”—isang hula na kahanga-hangang natupad nang pahiran si Jesus noong 29 C.E., petsang kasuwato ng sekular at maka-Biblikong kasaysayan.b (Dan. 9:24-27; Luc. 3:1-3, 23) Oo, ang mga aklat nina Nehemias at Lucas ay kasuwato ng hula ni Daniel sa pagpapakita na ang Diyos na Jehova ang May-akda at Tagatupad ng tunay na hula! Ang Nehemias ay talagang bahagi ng kinasihang Kasulatan.
NILALAMAN NG NEHEMIAS
6. (a) Anong ulat ang nag-udyok kay Nehemias na manalangin kay Jehova, at anong kahilingan ang ipinagkaloob ng hari? (b) Papaano tumugon ang mga Judio sa plano ni Nehemias?
6 Isinugo si Nehemias sa Jerusalem (1:1–2:20). Nabahala si Nehemias sa balita ni Hanani, na dumating sa Susan mula Jerusalem, tungkol sa kawawang kalagayan ng mga Judio at ng kagibaan ng pader at ng mga pintuan. Nag-ayuno siya at nanalangin kay Jehova na “Diyos ng mga langit, Diyos na dakila at kakila-kilabot, na nag-iingat ng tipan at ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya at sumusunod sa kaniyang utos.” (1:5) Ipinagtapat niya ang mga pagkakasala ng Israel at nagsumamo na alalahanin ang bayan dahil sa Kaniyang pangalan, gaya ng ipinangako Niya kay Moises. (Deut. 30:1-10) Nang tanungin ng hari kung bakit malungkot siya, ibinalita ni Nehemias ang kalagayan ng Jerusalem at nagpaalam na umuwi upang itayo uli ang lungsod at ang pader nito. Pinayagan siya, at agad siyang naglakbay sa Jerusalem. Matapos ang isang gabing pagsisiyasat sa pader upang makita ang laki ng gawaing haharapin, isiniwalat niya sa mga Judio ang kaniyang plano, at idiniin na kasangkot si Jehova rito. Sinabi nila: “Tumindig tayo, at magtayo.” (Neh. 2:18) Nang ang pagtatayo ay mabalitaan ng kalapit na mga Samaritano at ng iba pa, nagsimula silang manuya at manlibak.
7. Papaano nagpatuloy ang gawain, at anong kalagayan ang humiling ng muling pag-oorganisa?
7 Naitayo uli ang pader (3:1–6:19). Nagsimula ang gawain sa ikatlong araw ng ikalimang buwan, at nagtulungan ang mga saserdote, ang mga prinsipe at ang buong bayan. Mabilis ang pagkumpuni sa mga pintuan at sa pader. Tinuya sila ni Sanballat na Horonita: “Ano ang ginagawa ng mga mahihinang Judio? . . . Matatapos ba nila ito sa isang araw?” Dinagdagan ni Tobias na Amonita ang panlilibak: “Itong itinatayo nila, masagi lamang ng zorra, ay tiyak na guguho na ang kanilang pader ng mga bato.” (4:2, 3) Nang mangalahati na ang taas ng pader, nagsabwatan ang mga kaaway laban sa Jerusalem. Ipinaalaala ni Nehemias sa mga Judio na “si Jehova ay dakila at kakila-kilabot” kaya dapat nilang ipagtanggol ang kanilang pamilya at tahanan. (4:14) Inorganisa ang gawain upang harapin ang maigting na situwasyon; ang iba ay nakatayo at may hawak na sibat at ang iba ay gumagawa na may sakbat na tabak sa baywang.
8. Papaano nilutas ni Nehemias ang suliranin sa gitna mismo ng mga Judio?
8 Gayunman, sa gitna mismo ng mga Judio ay may problema. May mga labis na nagpapatubo sa kanilang kapuwa mananamba, salungat sa batas ni Jehova. (Exo. 22:25) Itinuwid ito ni Nehemias at nagpayo siya laban sa materyalismo, at ang bayan ay kusang tumalima. Si Nehemias mismo, sa 12 taon ng pagiging-gobernador, mula 455 B.C.E. hanggang 443 B.C.E., ay hindi kailanman humiling ng tinapay na nauukol sa gobernador, upang huwag maging pasanin sa bayan.
9. (a) Papaano hinarap ni Nehemias ang tusong mga pakana na hadlangan ang pagtatayo? (b) Gaano katagal bago natapos ang pader?
9 Sinubok ng mga kaaway ang mas tusong mga taktika. Inanyayahan nila si Nehemias sa isang komperensiya, subalit sinabi niyang hindi niya maaaring iwan ang mahalagang gawain niya. Pinaratangan siya ni Sanballat ng paghihimagsik at pagtatangkang maging hari sa Juda, kaya lihim itong umupa ng isang Judio para takutin si Nehemias upang magkamali siyang magtago sa templo. Hindi nasindak si Nehemias at mahinahon at masunurin niyang ipinagpatuloy ang kaniyang bigay-Diyos na atas. Ang pader ay natapos sa loob ng “limampu’t-dalawang araw.”—Neh. 6:15.
10. (a) Saan nakatira ang mga tao, at anong pagtatala ang ginawa? (b) Anong asambleya ang ipinatawag, at ano ang palatuntunan sa unang araw?
10 Pagtuturo sa bayan (7:1–12:26). Kakaunti ang tao at bahay sa loob ng lungsod, pagkat karamihan ng Israelita ay nakatira sa labas ayon sa mana ng kanilang tribo. Iniutos ng Diyos kay Nehemias na tipunin ang mga pinunò at ang bayan upang itala sila ayon sa angkan. Sa paggawa nito, sinangguni niya ang ulat ng mga nagbalik mula sa Babilonya. Saka nagdaos sila ng walong araw na asambleya sa liwasang-bayan sa Pintuan ng Tubig. Ang palatuntunan ay binuksan ni Ezra mula sa isang entabladong kahoy. Pinuri niya si Jehova at binasa ang aklat ng Kautusan ni Moises mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghaling tapat. Tinulungan siya ng mga Levita na nagpaliwanag ng Kautusan at ‘bumasa nang malakas mula sa aklat, mula sa Kautusan ng tunay na Diyos, na nagpapaliwanag at nagbibigay kahulugan; kanilang ipinaunawa ang pagbasa.’ (8:8) Pinasigla ni Nehemias ang bayan na magpista, magalak at magpahalaga sa puwersa ng mga salitang: “Ang kagalakan ni Jehova ay iyong muog.”—8:10.
11. Anong pantanging pagpupulong ang ginawa sa ikalawang araw, at papaano nagpatuloy nang may kagalakan ang asambleya?
11 Sa ikalawang araw, ang mga pinunò ay pinulong ni Ezra upang higit pang maunawaan ang Kautusan. Ang Kapistahan ng mga Kubol ay dapat palang ipagdiwang sa ikapitong buwang ito, kaya agad silang nagtayo ng mga kubol para sa kapistahan ni Jehova. Nagkaroon ng “malaking kagalakan” sa pitong araw nilang paninirahan sa mga kubol, at kung araw ay kanilang pinakikinggan ang pagbasa sa Batas. Sa ikawalong araw, nagdaos sila ng isang banal na pagtitipon, “ayon sa alituntunin.”—Neh. 8:17, 18; Lev. 23:33-36.
12. (a) Nang maglaon ano pang asambleya ang idinaos sa buwan ding yaon, taglay ang anong tema? (b) Anong resolusyon ang pinagtibay? (c) Anong kaayusan ang ginawa upang tirahan ang Jerusalem?
12 Sa ika-24 na araw ng buwan, muling nagtipon ang mga anak ni Israel at hiniwalayan nila ang lahat ng dayuhan. Nakinig sila sa isang grupo ng mga Levita ukol sa pantanging pagbasa ng Kautusan at sa nagsusuri-sa-pusong repaso ng pakikitungo ng Diyos sa Israel. Ang naging tema ay: “Tumayo kayo, purihin si Jehova na inyong Diyos mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. Purihin nila ang iyong maluwalhating pangalan, na itinanghal nang mas mataas sa lahat ng pagpapala at papuri.” (Neh. 9:5) Ipinagtapat nila ang kasalanan ng kanilang mga ninuno at buong pagpapakumbabang nagsumamo ukol sa pagpapala ni Jehova. Ito’y bilang resolusyon na pinagtibay ng tatak ng mga kinatawan ng bansa. Sumang-ayon ang lahat na huwag mag-asawa sa mga katutubo sa lupain, mangilin ng mga Sabbath, at mag-abuloy sa paglilingkod at mga manggagawa sa templo. Nagpalabunutan sila at isa sa bawat sampung tao ang pinili upang manirahan nang palagian sa Jerusalem, sa loob ng pader.
13. Anong palatuntunan ang idinaos nang ialay ang pader, at anong mga kaayusan ang ibinunga nito?
13 Inialay ang pader (12:27–13:3). Ang pag-aalay ng bagong pader ay panahon ng awitan at pagsasaya. Panahon na naman para sa isang asambleya. Nagsaayos si Nehemias ng dalawang malalaking koro at prusisyon ng pasasalamat upang lumakad sa ibabaw ng pader sa magkabilang direksiyon hanggang magsalubong at sabay na maghain sa bahay ni Jehova. Isinaayos ang materyal na pag-aabuloy upang sustentuhan ang mga saserdote at Levita sa templo. Isiniwalat ng karagdagang pagbabasa sa Bibliya na ang mga Amonita at Moabita ay hindi dapat pahintulutang makapasok sa kongregasyon, kaya inihiwalay nila ang haluang pulutong mula sa Israel.
14. Ilarawan ang mga bisyo na bumangon noong wala si Nehemias, at ang mga hakbang na ginawa upang alisin ito.
14 Pag-aalis ng karumihan (13:4-31). Pagkatapos ng sandaling pagdalaw sa Babilonya, nagbalik si Nehemias sa Jerusalem at natuklasan na ang mga Judio may bagong mga bisyo. Kay-daling nabago ang mga bagay-bagay! Nagpagawa ang mataas na saserdoteng si Eliashib ng bulwagang-kainan sa looban ng templo para kay Tobias, isang Amonita na kaaway ng Diyos. Hindi nag-aksaya ng panahon si Nehemias. Itinapon niya ang mga gamit ni Tobias at ipinalinis ang lahat ng bulwagang-kainan. Natuklasan din niya na ang abuloy para sa mga Levita ay nahinto, kaya sila ay lumabas na sa Jerusalem upang maghanap-buhay. Palasak ang komersiyalismo. Hindi ipinangingilin ang Sabbath. Sinabi ni Nehemias: “Dinagdagan ninyo ang nag-aalab na galit laban sa Israel sa paglapastangan ninyo sa sabbath.” (13:18) Isinara niya ang mga pintuan ng lungsod kapag Sabbath upang huwag makapasok ang mga negosyante, at pinaalis niya sila sa pader. Ngunit may nangyaring mas masahol, isang bagay na isinumpa nilang hindi na uulitin. Dinala nila sa lungsod ang kanilang mga dayuhan, paganong asawa. Ang mga anak ng pagsasamang ito ay hindi na nagsasalita ng wikang Judio. Ipinaalaala sa kanila ni Nehemias na si Solomon ay nagkasala dahil sa mga dayuhang asawa. Dahil dito, itinaboy ni Nehemias ang apo ni Eliashib na mataas na saserdote.c Muli niyang isinaayos ang pagkasaserdote at ang gawain ng mga Levita.
15. Ano ang mapagpakumbabang kahilingan ni Nehemias?
15 Nagwakas ang aklat ni Nehemias sa payak at mapagpakumbabang hiling: “Alalahanin mo akong mabuti, O Diyos ko.”—13:31.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
16. Sa anong mga paraan mahusay na halimbawa si Nehemias para sa lahat ng umiibig sa matuwid na pagsamba?
16 Ang maka-diyos na debosyon ni Nehemias ay dapat maging inspirasyon sa lahat ng umiibig sa matuwid na pagsamba. Tinalikdan niya ang mataas na tungkulin upang maging abang tagapangasiwa ng bayan ni Jehova. Tinanggihan din niya ang abuloy na karapatan niya at tahasang hinatulan ang materyalismo bilang isang silo. Itinuro ni Nehemias sa bansa ang masigasig na pagtataguyod at pag-aasikaso sa pagsamba ni Jehova. (5:14, 15; 13:10-13) Si Nehemias ay mahusay na halimbawa sa pagiging bukas-palad at matalino, aktibo, walang-takot ukol sa katuwiran sa harap ng panganib. (4:14, 19, 20; 6:3, 15) May wastong takot siya sa Diyos at interesado siya sa pagpapatibay sa mga kapananampalataya niya. (13:14; 8:9) Buong-sigasig niyang ikinapit ang batas ni Jehova, lalo na may kinalaman sa tunay na pagsamba at pagtatakwil sa mga impluwensiyang dayuhan, gaya ng pag-aasawa ng mga pagano.—13:8, 23-29.
17. Papaano rin naging halimbawa si Nehemias sa kaalaman at pakakapit ng mga kautusan ng Diyos?
17 Maliwanag na si Nehemias ay bihasa sa batas ni Jehova, at ikinapit niya itong mabuti. Hiniling niya ang pagpapala ng Diyos salig sa pangako ni Jehova sa Deuteronomio 30:1-4, at lubusang umasa na kikilos nang may pagtatapat si Jehova alang-alang sa kaniya. (Neh. 1:8, 9) Nagsaayos siya ng maraming asambleya, pangunahin na upang ituro sa mga Judio ang mga bagay na nasulat nang patiuna. Sa pagbabasa ng Kautusan, sinikap nina Nehemias at Ezra na ipaliwanag sa mga tao ang Salita ng Diyos at sundin ito sa pamamagitan ng pagkakapit niyaon.—8:8, 13-16; 13:1-3.
18. Ang madasaling pangunguna ni Nehemias ay dapat magdiin ng anong aral sa lahat ng tagapangasiwa?
18 Ang lubos na pagtitiwala kay Jehova at ang mapakumbabang pagsamo ni Nehemias ay dapat magpasigla sa atin na linangin ang madasaling saloobin ng pananalig sa Diyos. Pansinin na ang kaniyang mga panalangin ay lumuwalhati sa Diyos, kumilala sa pagkakasala ng bayan, at humiling na pakabanalin ang pangalan ni Jehova. (1:4-11; 4:14; 6:14; 13:14, 29, 31) Ang pagkukusa ng bayan na sumunod sa kaniyang matalinong patnubay at ang kagalakan na nasumpungan nila sa pagganap ng kalooban ng Diyos ay patotoo na ang masigasig na tagapangasiwang ito ay moog ng kalakasan para sa kanila. Tunay na isang halimbawang nakapagpapatibay. Gayunman, kapag walang pantas na tagapangasiwa, madaling mag-ugat ang materyalismo, katiwalian at apostasya! Idiniriin nito sa lahat ng tagapangasiwa ng bayan ng Diyos ngayon na dapat silang maging gising, listo, at masigasig sa kapakanan ng kanilang mga kapatid na Kristiyano, maging maunawain at matatag sa pag-akay sa kanila sa tunay na pagsamba.
19. (a) Papaano ginamit ni Nehemias ang Salita ng Diyos upang patatagin ang tiwala sa mga pangako ng Kaharian? (b) Papaano pinasisigla ng pag-asa ng Kaharian ang mga lingkod ng Diyos ngayon?
19 Nagpakita si Nehemias ng lubos na tiwala sa Salita ng Diyos. Hindi lamang siya naging masigasig na guro ng mga Kasulatan kundi ginamit din niya ito sa pagtiyak sa mana ng mga angkan at sa paglilingkod ng mga saserdote at Levita sa naisauling bayan ng Diyos. (Neh. 1:8; 11:1–12:26; Jos. 14:1–21:45) Tiyak na naging malaking pampatibay-loob ito sa Judiong nalabi. Pinatatag nito ang kanilang pagtitiwala sa dakilang mga pangako na patiunang naibigay tungkol sa Binhi at sa lalong-dakilang pagsasauli na magaganap sa ilalim ng Kaniyang Kaharian. Ang pag-asa sa pagsasauli na gagawin ng Kaharian ay nagpapasigla sa mga lingkod ng Diyos upang buong-tapang na ipagtanggol ang mga kapakanan ng Kaharian at maging abala sa pagtatayo ng tunay na pagsamba sa buong lupa.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 613-16.
b Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 899-901.
c Ayon sa ilang Judiong mananalaysay, ang apong ito ni Eliashib ay nagngangalang Manasses at, kasama ng biyenang si Sanballat, ay itinayo niya ang templo sa Bundok Gerizim, na naging sentro ng pagsambang Samaritano at doo’y nangasiwa siya bilang saserdote. Ang Gerizim ay ang bundok na tinutukoy ni Jesus sa Juan 4:21.—The Second Temple in Jerusalem, 1908, W. Shaw Caldecott, pahina 252-5; tingnan ang Ang Bantayan, Agosto 1, 1961, pahina 474-5.