Ang Kahanga-hangang Lawak ng Kabutihan ng Diyos
ANG Diyos ay mabuti! Ilang beses mo na bang narinig ang pananalitang iyan o dili kaya’y binigkas mo na rin iyan? Subalit napag-isip-isip mo na ba ang lubos na kalawakan ng kabutihan ng Diyos alang-alang sa iyo? Ang gayong pagbubulay-bulay ay nagpapatindi ng ating pagpapahalaga sa uri ng Diyos na ating sinasamba.
Una, kailangan nating maunawaan kung ano ba ang kabutihan. Mangyari pa, ang kabutihan ay yaong katangian na pagiging mabuti bilang salungat naman sa pagiging balakyot. Subalit ang kabutihan ay mas higit pa riyan. Ito ay isang aktibong katangian. Ang isang mabuting tao ay gumagawa ng mabuti. At ang Diyos, sa kaniyang kabutihan, ay gumagawa ng napakaraming mabubuting bagay para sa atin na anupa’t ang ating mga puso ay napagagalak sa ating kaugnayan sa kaniya.
Ang malawak na kabutihan ng Diyos ay makikita sa kaniyang mga salita kay Moises sa ilang ng Sinai. Doon, kaniyang ipinangako sa kaniyang tapat na lingkod: “Aking pangyayarihin na dumaan sa harap mo ang lahat kong kabutihan.” Sa pagtupad sa pangakong iyan at paggamit ng kaniyang sariling pangalan, sinabi pa ng Diyos: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay hindi magtatangi mula sa kaparusahan.”—Exodo 33:19; 34:6, 7.
Samakatuwid, kasali sa kabutihan ng Diyos ang kaniyang awa at gayundin ang kaniyang kagandahang-loob, ang kaniyang maibiging-awa, at ang kaniyang katotohanan. Bukod dito, ang kaniyang kabutihan ay makikita sa bagay na siya’y “mabagal sa pagkagalit,” mapagbata. Subalit, hindi ibig sabihin na siya’y katulad ng isang magulang na labis na mapagpalayaw, na ang kasalana’y pinapayagang magpatuloy nang walang patumangga magpakailanman. “Sa anumang paraan ay hindi siya magkakait ng parusa” sa mga makasalanang di-nagsisisi. Ang isang mabuting Diyos ay hindi magpapahintulot na magpatuloy nang habang panahon ang kabalakyutan.
Ang Kasaganaan ng Kabutihan ng Diyos
Ngayon, isaalang-alang ang ilan sa mga paraan ng Diyos na ginamit upang ipakita ang kaniyang kabutihan. Unang-una siya’y mabuti sa mga tao nang unang lalangin niya ang lupa. Hindi lamang ang mismong pangangailangan sa buhay ng tao ang kaniyang inilaan. Bagkus, ang ating planeta’y saganang sinangkapan niya ng lahat ng bagay upang ang pamumuhay rito ay maging tunay na kasiya-siya. Siya’y nagbigay ng lubhang sarisaring pagkain at inumin. Siya’y gumawa ng nakabibighaning sarisaring hayop at mga ibon, at siya’y lumikha ng mga bulaklak na nagbibigay ng kulay at kagandahan sa ating kapaligiran. Isa pa, siya’y gumawa ng maraming iba’t ibang uri ng tanawin na kalugud-lugod pagmasdan. Aba, tuwing matatanaw natin ang nagniningning na paglubog ng araw o ang namumuong kaakit-akit na mga ulap, nakikita natin ang katunayan ng kabutihan ng Diyos!
Nang unang lalangin niya ang lalaki at babae, nakita uli ang kabutihan ng Diyos. Kaniyang binigyan si Adan at si Eva ng sakdal, malulusog na mga katawan at inilagay sila sa halamanan ng Eden. Pagkatapos ay binigyan sila ng isang nakapupukaw na utos na nagsisilbing hamon: “Kalatan ang lupa at supilin ito.” Sa gayon, kaniyang inilagay sa harap nila ang pag-asang magtamo ng buhay magpakailanman sa isang lupang paraiso sa gitna ng kanilang maraming mga supling. (Genesis 1:26-28; 2:7-9) Anong kahanga-hangang regalo sa kasal para sa unang mag-asawa!
Kahit na si Adan at si Eva’y maghimagsik, hindi naman sila lubusang pinabayaan ng Diyos. Sa puntong iyan, kung sakaling kaniyang pinarusahan sila ng biglaang kamatayan, ang gagawin niyang iyon ay makatuwiran lamang. Gayunman, siya’y mabuti sa ngayo’y makasalanan nang mag-asawa. Kaniyang pinayagan sila na magpatuloy na mamuhay nang sandali at magkaroon ng mga anak.—Genesis 5:1-5.
Higit pa riyan, ang kabutihan ng Diyos ay nagpatuloy sa makasalanang sangkatauhan sapol na noon. Gaya ng sinabi ni Haring David: “Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang mga kaawaan ay nasa ibabaw ng lahat niyang mga gawa.” (Awit 145:9) Siya’y naglalaang sagana upang ang buhay ng tao ay makapagpatuloy sa kaniyang ari-arian, ang lupa. Sinabi ni Jesus sa mga Judio noong kaniyang kaarawan: “Ang inyong Ama na nasa kalangitan . . . ang kaniyang araw ay pinasisikat niya sa mga taong balakyot at mabuti at pinauulanan niya ang matuwid at di-matuwid na mga tao.” (Mateo 5:45) Ang gutom o kasalatan na umiiral ngayon ay hindi dahilan sa hindi pinaglalaanan ng Diyos ang sangkatauhan. Ito’y dahilan sa kalikuan, kalupitan, at kawalang-kaya ng mga tao.
Pinapayagan din ng Diyos ang tao na manggalugad sa kayamanan ng lupa na mga mina at hindi niya ipinagkait sa kanila ang kaukulang kaunawaan tungkol sa mabituing kalangitan at sa pisikal na kayarian ng mga bagay-bagay. Tunay, si Jehova ay mabuti sa sangkatauhan, bagaman marami ang may pangangalandakang nagsasabi na walang Diyos, at ang iba naman ay nang-aabuso sa kaniyang kabutihan ukol sa mapag-imbot na mga layunin, hanggang sa sukdulang mang-api ng kanilang mga kapuwa-tao.—Awit 14:1.
Ang Kabutihan ng Diyos sa mga Sumasampalataya
Kung bagaman ang Diyos ay naging mabuti sa sangkatauhan sa pangkalahatan, ang kaniyang mga pakikitungo sa mga sumasampalataya ay tunay na nagpapasigla ng puso. Unang-una, nang si Adan at si Eva’y maghimagsik, humula ang Diyos na isang “binhi” ang lilitaw na sa bandang huli ay mag-aalis sa masasamang epekto ng kanilang kasalanan. (Genesis 3:15) Habang lumilipas ang panahon, marami sa mga inapo ni Adan ang may katapatang sumamba sa Diyos sa kabila ng kanilang di-kasakdalan, at ang maagang hulang ito ang nagbigay sa kanila ng pag-asa sa isang lalong mainam na kinabukasan. Isa sa mga tapat na mga mananambang ito, si Abraham, ay tinawag pa man din na “kaibigan ni Jehova.”—Santiago 2:23.
Ipinangako ng Diyos kay Abraham na ang kaniyang mga inapo ay darami hanggang sa sila’y maging maraming bansa at na ang pangunahing angkan ng kaniyang mga supling ay magmamana ng lupain ng Canaan. Bilang katuparan nito, ang mga Israelita, na mga inapo ni Abraham, ay nang magtagal inorganisa upang maging isang bansa. (Genesis 17:3-8; Exodo 19:6) Muli, ang Diyos ay naging mabuti sa bagong bansang ito, sila’y iniligtas sa pagkaalipin sa Ehipto, binigyan sila ng proteksiyon sa ilang, pinagkalooban sila ng isang kodigo ng mga kautusan at isang kaayusan ng mga saserdote, at sa wakas ibinigay sa kanila ang mayamang lupain ng Canaan bilang isang mana.
Sa wakas, ang Israel ay naging isang kaharian, at binigyang-utos ni Jehova ang ikatlong hari nito, si Solomon, upang magtayo ng isang templo sa Jerusalem bilang isang pandaigdig na sentro ukol sa pagsamba sa Kaniya. Nang matapos ang templo, nagkaroon ng maringal na seremonya ng pag-aalay at ng isang masayang kapistahan. Pagkatapos, ang sabi ng rekord, ang mga Israelita ay “nagsimulang pumuri sa hari at pumaroon sa kani-kanilang tahanan, na nangagagalak at may masayang puso dahil sa lahat ng kabutihan na ipinakita ni Jehova.” (1 Hari 8:66) Mayroon pang mga ibang okasyon na ang mga puso ng mga Israelita ay nag-uumapaw sa kagalakan dahilan sa kabutihan ng Diyos sa kanila.
Gayunman, ang masama ay nasa bagay na sila’y hindi laging nagpahalaga sa kanilang pribilehiyo na sumamba sa kaisa-isang tunay na Diyos. Sa wakas, ang mga Israelita bilang isang kabuuan ay hindi naging tapat, at noong 607 B.C.E., pinayagan ni Jehova na sila’y madalang bihag sa Babilonya. Gaya ng sinabi ng Diyos kay Moises, dahilan sa Kaniyang mismong kabutihan “sa anumang paraan ay hindi siya magkakait ng parusa.”—Exodo 34:7.
Gayumpaman, pagkatapos ng 70 taon may kagandahang-loob na isang tapat na nalabi ng mga Israelita ang ibinalik ng Diyos sa kanilang sariling lupain. Ano ba ang nagpakilos sa kaniya na gawin iyan? Ang kaniyang kabutihan. Si Jeremias ay sumulat ng hula tungkol sa pagbabalik ng mga Israelita buhat sa Babilonya: “Sila’y magsisiparito at magsisiawit nang may kagalakan sa kaitaasan ng Sion at magsisihugos na magkakasama sa kabutihan ni Jehova.” Ang propeta ay nagpatuloy pa: “‘Sa aking kabutihan ang aking sariling bayan ay masisiyahan,’ ang sabi ni Jehova.”—Jeremias 31:12, 14.
Sa wakas, si Jesus ay naparito sa lupa at nagpatunay na siya ang “binhi” na inihula noon pang una sa Eden. (Genesis 3:15) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Ang kamatayan ni Jesus ay naglaan ng isang pantubos upang tumubos sa mga tao sa kasalanan at isauli sila sa kasakdalan. Sa gayon, ang masasamang epekto ng kasalanan ni Adan ay madadaig din sa wakas. Gaya ng isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma: “Kung papaanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.” (Roma 5:19) Salamat sa kabutihan ng Diyos, ang matuwid-pusong mga tao ngayon ay may pag-asang magtamo ng buhay na walang-hanggan. Sila’y maaari pang maging mga kaibigan ng Diyos, gaya ni Abraham.
Ang Diyos ay patuloy na nagpapakita ng kabutihan kahit na ngayon sa mga taong sumasamba sa kaniya. Siya’y nagbibigay ng payo sa pamamagitan ng Bibliya upang tulungan silang harapin ang kanilang mga problema. (Awit 119:105) Kaniyang inialok ang libreng regalong espiritu niya upang tulungan silang makaabot sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. At kaniyang isinisiwalat ang kaniyang mga layunin, kung kaya’t ang tunay na mga Kristiyano ay naghihintay ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran na hahalili pagkatapos na maparam na ang matandang sanlibutang ito. (Kawikaan 4:18; 2 Pedro 3:13) Ang mga Kristiyano ay nagtitiwala tungkol sa gayong mga bagay sapagkat ang Diyos, sa kaniyang kabutihan, ang nagsiwalat ng mga iyan sa kaniyang di-nagkakamaling Salita.—2 Timoteo 3:16.
Oo, ang pagsasaalang-alang sa kabutihan ng Diyos ay tiyak na nagpapagalak ng ating mga puso sa ating kaugnayan sa kaniya. Subalit nagbabangon din ito ng isang katanungan:
Gaano ang Pakikinabangin Mo sa Kabutihan ng Diyos?
Sa katunayan, sino ka man, ikaw ay nakikinabang na sa kabutihan ng Diyos. Ikaw ay humihinga, kumakain, umiinom, tinatamasa mo ang buhay—pawang mga regalo sa iyo ng Diyos. Subalit ikaw ba ay nakikinabang nang lubusan hangga’t maaari? Tandaan, ang kabutihan ng Diyos kay Adan at Eva ay nagkaroon ng hangganan pagkatapos na sila’y magkasala. Sa katulad na paraan, kaniyang lalagyan ng hangganan ang kaniyang pagpapala sa atin maliban sa tayo’y tumugon sa tamang paraan sa kaniyang mga kagandahang-loob. Papaano natin magagawa ito?
Nanalangin ang salmista: “Turuan mo ako ng kabutihan, ng pagkamakatuwiran at ng kaalaman mismo, sapagkat ako’y sumampalataya sa iyong mga utos.” (Awit 119:66) Ganiyan din ang dapat na maging panalangin natin. Yamang ang Diyos ay mabuti, kailangang matuto tayo na maging mabuti na katulad niya. Ang payo ni Pablo: “Kayo nga’y magsitulad sa Diyos, na gaya ng mga anak na minamahal.”—Efeso 5:1.
Ginagawa natin ito, una sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya upang makilala kung ano ang kabutihan. Pagkatapos, tayo’y humihingi ng tulong sa Diyos sa pagpapaunlad ng katangiang ito. Ang kabutihan ay isang bunga ng espiritu, kalakip ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, . . . pananampalataya, kahinahunan, [at] pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Ating mapauunlad ang lahat ng mga katangiang ito sa pamamagitan ng pagtitiwala sa espiritu ng Diyos, pag-aaral ng Bibliya na kinasihan ng Diyos, pananalangin sa kaniya para tulungan tayo, at pakikisama sa mga Kristiyanong ang kaisipan ay katulad din natin.—Awit 1:1-3; 1 Tesalonica 5:17; Hebreo 10:24, 25.
Ang Bibliya’y nagsasabi rin: “Kanilang buong kasiglahang sasambitin ang alaala ng tungkol sa kasaganaan ng iyong kabutihan, at dahilan sa iyong katuwiran ay aawit sila nang buong kagalakan.” (Awit 145:7) Oo, tayo’y inaasahan ng Diyos na sasabihin natin sa iba ang tungkol sa kaniyang kabutihan. Tayo’y dapat magsalita nang buong laya tungkol sa ating makalangit na Ama.
Sa katapus-tapusan, hindi natin dapat pagsamantalahan ang kabutihan ng Diyos. Totoo, pinatatawad ni Jehova ang mga nagkakasala. Si Haring David ay may tiwala na siya’y patatawarin nang siya’y manalangin: “Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan at ang aking mga pagsalansang. Ayon sa iyong kagandahang-loob ay alalahanin mo ako, alang-alang sa iyong kabutihan, Oh Jehova.” (Awit 25:7) Ibig bang sabihin na maaaring payagan natin ang ating sarili na magkasala taglay ang pagtitiwala na patatawarin tayo ng Diyos? Hindi sa anumang paraan. Alalahanin, ang ibig sabihin ng kabutihan ng Diyos ay “sa anumang paraan hindi siya mag-uurong ng parusa” sa di-nagsisising mga nagkasala.
Pagtatamasa ng Kabutihan ng Diyos
Minsang lubusan nating tamasahin ang kabutihan ng Diyos, anong laking kagalakan ng ating puso sa kaugnayan natin sa kaniya! Tayo’y hinihimok na sundin ang mainam na payo ni apostol Pablo: “Patuloy na magsilakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag, sapagkat ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan at ng katuwiran at ng katotohanan.”—Efeso 5:8, 9.
Araw-araw, ating nadarama ang maibiging pagtingin sa atin ng Diyos. Kahit na sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan, batid natin na hindi niya pinababayaan yaong mga umiibig sa kaniya. Oo, ating nararanasan ang dakilang kapayapaan ng kaisipan ng salmista: “Tunay na ang kabutihan at ang kagandahang-loob ay susunod sa akin sa lahat ng kaarawan ng aking buhay; at ako’y tatahan sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw.”—Awit 23:6.