LAGNAT
Isang di-normal na pagtaas ng temperatura ng katawan. Ang lagnat ay maaaring indikasyon ng isang partikular na sakit. Bagaman ang mataas na lagnat ay maaaring maging sanhi ng pagbaba ng timbang at ng pagkawala ng mga fluido at asin sa katawan, anupat may kalakip na sakit ng ulo at iba pang hirap, kadalasan na, ang mismong lagnat ay bahagi ng paglaban ng katawan sa impeksiyon. Gayunman, kapag ang isang pangunahing sintomas ng isang sakit ay mataas na lagnat, maaari itong ipahiwatig ng pangalan ng sakit, gaya ng scarlet fever, yellow fever, at lagnat na dengue.
Sa Gitnang Silangan, ang isa sa pinakakaraniwang mga sakit na may kasamang lagnat ay ang malarya. Ang isa pang sakit na may kasamang lagnat ay ang disintirya, na espesipikong binanggit sa Bibliya. (Gaw 28:8) Ang isang palatandaan ng sakit na ito ay ang matinding pamamaga ng colon, anupat kung minsan ay nagiging dahilan ng pagdumi ng dugo at uhog. Sa Levitico 26:16, ang salitang Hebreo na qad·daʹchath ay isinasalin bilang “nag-aapoy na lagnat”; sa Mateo 8:14, ang salitang Griego na py·resʹso ay nangangahulugang “nilalagnat,” o, sa literal, “inaapoy ng lagnat.”
Bagaman ang Kautusan lakip ang mga probisyon nito ay pangunahin nang para sa espirituwal na kapakinabangan ng Israel at upang mapanatili itong hiwalay sa mga bansang pagano, isinisiwalat ng pagsusuri sa mga tuntunin ng Kautusan hinggil sa pagkain at kalinisan na nagdulot ito ng kapakinabangan sa ikalawang paraan—pinangalagaan nito ang bansa laban sa mga sanhi ng maraming sakit at sa pagkalat ng mga ito, kabilang na ang ilang nakahahawang sakit na may kasamang lagnat.
(1) Karaniwan na, hindi gaanong kumakain ng karne ang mga Hebreo, ngunit kung gusto ng pamilya na magpatay ng isang alagang hayop para makakain sila ng karne, dinadala nila ang hayop na iyon sa santuwaryo (maliban na lamang kung napakalayo na ng tinitirhan ng pamilya mula noong makapasok na sila sa Lupang Pangako). (Lev 17:3-5; Deu 12:20-27) Kakainin nila ang karne pagkatapos na maihandog ng saserdote ang ilang bahagi nito sa altar at makuha ang kaniyang takdang bahagi. May mga haing pansalu-salo na sa araw ring iyon dapat kainin. Ang iba naman ay hindi na maaaring kainin pagkatapos ng ikalawang araw, kundi ang laman ay susunugin sa apoy. Kung isasaalang-alang na mainit ang klima ng Palestina at na walang mga kasangkapan noon sa pag-iilado, ipinagsanggalang ng mga kahilingang ito ang mga Israelita laban sa mga karamdamang may kasamang lagnat na maaaring makuha sa mga toxin (lason) na nalilikha kapag ang ilang mga organismo ay mabilis na dumarami sa karne na hindi napanatiling ilado, gaya ng Staphylococcus aureus at Salmonella. (2) Ang karne ng ilang ipinagbabawal na hayop, gaya ng baboy, kuneho, mga hayop at mga ibon na kumakain ng bangkay, mga rodent, at ng ilang mga hayop sa tubig at mga isda, ay kilala na posibleng nagdadala ng iba’t ibang sakit na kadalasang may kasamang lagnat. (Lev 11:1-31) (3) Nakatulong ang mga tuntunin sa kalinisan upang ang mga kagamitan sa pagluluto, pati ang suplay ng tubig na iniinom, ay maingatan sa kontaminasyon, isang pinagmumulan ng tipus at ng iba pang mga sakit na may kasamang lagnat. (Lev 11:32-38) (4) Ang sinumang humipo sa bangkay ng isang hayop na basta na lamang namatay o kumain ng anumang bahagi nito ay kailangang maglinis ng kaniyang sarili, sa gayon ay iniingatang huwag kumalat ang mga organismong iniuugnay sa ilang sakit na may kasamang lagnat. (Lev 11:39, 40) (5) Ang mga kautusan na nagsasabing takpan ng bawat indibiduwal ang kaniyang dumi, at takpan ng alabok ang dugo, ay nagsanggalang laban sa mga sakit na may kasamang lagnat, gaya ng hepatitis. (Lev 17:13; Deu 23:12, 13) (6) Kung susundin ang mga batas hinggil sa moral, halos ganap na maglalaho ang lahat ng sakit na naililipat sa pagtatalik, mga sakit na maaaring makaapekto sa lahat ng mga sangkap ng katawan at kadalasang may kasamang lagnat. (Lev 18:20, 22, 23) (7) Ang mga kautusan sa pagkukuwarentenas ay nakahadlang sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit.—Lev 13; Bil 19:11, 12, 16; 31:19.
Binabalaan ni Jehova ang Israel na kung hindi nila susundin ang kaniyang mga utos, manlulupaypay sila sa gutom, isa sa mga sanhi ng maraming sakit na may kasamang lagnat; pipighatiin sila ng tuberkulosis at nag-aapoy na lagnat, pamamaga at tulad-lagnat na init; pahihirapan sila ng mga bukol, mga singaw sa balat (mga sakit na kadalasang may kasamang lagnat), at pagkabulag. (Lev 26:14-16; Deu 28:22, 27) Natupad ang lahat ng ito pagkatapos ng paulit-ulit na paghihimagsik ng Israel laban kay Jehova at ng mga paglabag nila sa kaniyang mga kautusan.—Eze 4:16, 17; 33:10.
Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, nagpagaling siya ng maraming tao na nilalagnat. Isa na rito ay ang biyenang babae ng apostol na si Simon Pedro. (Mat 8:14, 15; Mar 1:29-31) Lumilitaw na dahil isa siyang manggagamot, itinawag-pansin ni Lucas kung gaano katindi ang lagnat sa kasong iyon, anupat inuri niya iyon bilang isang “mataas na lagnat.” (Luc 4:38) Noong isang pagkakataon, pinagaling ni Jesus mula sa Cana ang anak na lalaki ng isang tagapaglingkod ni Haring Herodes Antipas, bagaman ang batang nilalagnat at mamamatay na ay nasa Capernaum na mga 26 na km (16 na mi) ang layo. Bilang resulta, ang lalaking iyon at ang kaniyang buong sambahayan ay naging mga mananampalataya.—Ju 4:46-54.
Ginamit ng apostol na si Pablo ang bigay-Diyos na kapangyarihang magpagaling, isa sa makahimalang mga kaloob na ibinigay sa ilang miyembro ng sinaunang kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ni Jesu-Kristo (1Co 12:7-9, 11, 30), upang pagalingin ang ama ni Publio, ang pangunahing lalaki at isang may-ari ng lupain sa pulo ng Malta, na napipighati dahil sa lagnat at disintirya. Nang malaman ito ng mga katutubo sa pulo, pumaroon sila kay Pablo, at pinagaling niya ang marami sa sari-saring mga sakit nila.—Gaw 28:7-9.