Ano ang Ibig Sabihin ng “Mahalin ang Inyong mga Kaaway”?
Ang Sagot ng Bibliya
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Mahalin ang inyong mga kaaway.” (Mateo 5:44; Lucas 6:27, 35) Gusto niya na mahalin natin ang mga taong galit o hindi maganda ang pakikitungo sa atin.
Ipinakita ni Jesus na mahal niya ang mga kaaway niya nang patawarin niya sila. (Lucas 23:33, 34) Ang payo ni Jesus ay tugma sa sinasabi ng Hebreong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Lumang Tipan.—Exodo 23:4, 5; Kawikaan 24:17; 25:21.
“Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo.”—Mateo 5:43, 44.
Sa artikulong ito
Bakit natin dapat mahalin ang mga kaaway natin?
Nagpakita ng halimbawa ang Diyos. “Mabait [ang Diyos] sa mga walang utang na loob at masasama.” (Lucas 6:35) “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama.”—Mateo 5:45.
Puwedeng baguhin ng pag-ibig ang mga kaaway natin. Ipinapayo ng Bibliya na dapat tayong maging mabait sa mga kaaway natin. Kapag ginawa natin iyon, “makapagtutumpok [tayo] ng baga sa ulo niya.” (Kaw. 25:22) Nagtutumpok ng baga sa mga batong galing sa minahan para makakuha ng mamahaling metal. Sa katulad na paraan, kapag mabait tayo sa mga kaaway natin, baka matunaw ang galit nila at maging mabait din sa atin.
Paano natin mamahalin ang mga kaaway natin?
“Gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.” (Lucas 6:27) Sabi sa Bibliya: “Kung nagugutom ang kaaway mo, pakainin mo siya; kung nauuhaw siya, bigyan mo siya ng maiinom.” (Roma 12:20) Maipapakita rin natin na mahal natin ang mga kaaway natin kung susundin natin ang Gintong Tuntunin: “Kung ano ang gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”—Lucas 6:31.
“Pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo.” (Lucas 6:28) Masasabing pinagpapala natin ang mga kaaway natin kung mabait tayong nakikipag-usap sa kanila kahit sinasabihan nila tayo ng masama. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong gumanti . . . ng pang-iinsulto sa pang-iinsulto. Sa halip, gumanti kayo ng pagpapala.” (1 Pedro 3:9) Makakatulong ang payong ito para hindi na lumala ang away.
“Ipanalangin ang mga umiinsulto sa inyo.” (Lucas 6:28) Kapag ininsulto tayo, huwag tayong gumanti ng “masama para sa masama.” (Roma 12:17) Sa halip, hilingin natin sa Diyos na patawarin niya sila. (Lucas 23:34; Gawa 7:59, 60) Kaya imbes na gumanti, hayaan nating ang Diyos ang humatol sa kanila dahil perpekto ang katarungan niya.—Levitico 19:18; Roma 12:19.
“Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipanalangin ang mga umiinsulto sa inyo.”—Lucas 6:27, 28.
Maging “matiisin at mabait.” (1 Corinto 13:4) Nang ilarawan ni apostol Pablo ang pag-ibig, ginamit niya ang salitang Griego (a·gaʹpe) na makikita rin sa Mateo 5:44 at Lucas 6:27, 35. Maipapakita natin ang ganiyang pag-ibig kahit sa mga kaaway natin kung matiisin tayo, mabait, hindi naiinggit, hindi nagyayabang, at hindi gumagawi nang hindi disente.
“Ang pag-ibig ay matiisin at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi inuuna ang sariling kapakanan, at hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob. Hindi ito natutuwa sa kasamaan kundi nagsasaya sa katotohanan. Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, at tinitiis ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:4-8.
Bakit hindi tayo dapat makipagdigma?
Itinuro ni Jesus sa mga alagad niya na hindi sila dapat makipag-away. Halimbawa, nang babalaan niya sila tungkol sa mangyayaring pagsalakay sa Jerusalem, hindi niya sinabi na lumaban sila. Ang sabi niya, tumakas sila. (Lucas 21:20, 21) Sinabi rin ni Jesus kay apostol Pedro: “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito, dahil ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa espada.” (Mateo 26:52) Ipinapakita ng Bibliya at ng kasaysayan na hindi sumali sa digmaan ang mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo.a—2 Timoteo 2:24.
Mga maling akala tungkol sa pagmamahal sa kaaway
Maling akala: Iniutos ng Diyos sa mga Israelita na kapootan ang mga kaaway nila.
Ang totoo: Walang ganiyang utos ang Diyos. Sa halip, iniutos niya sa mga Israelita na mahalin ang kapuwa nila. (Levitico 19:18) Ang “kapuwa” ay tumutukoy sa ibang tao. Pero inisip ng ilang mga Judio na tumutukoy lang ito sa mga kapuwa nila Judio, kaya itinuring nila na mga kaaway ang mga di-Judio. (Mateo 5:43, 44) Itinama ni Jesus ang pananaw nila nang ikuwento niya ang tungkol sa mabuti, o madamaying Samaritano.—Lucas 10:29-37.
Maling akala: Kapag mahal mo ang kaaway mo, kinukunsinti mo ang mga pinaggagagawa niya.
Ang totoo: Ipinapakita ng Bibliya na puwede nating mahalin ang isang tao nang hindi kinukunsinti ang mga mali niyang ginagawa. Halimbawa, hindi kinunsinti ni Jesus ang karahasan pero ipinanalangin niya ang mga pumatay sa kaniya. (Lucas 23:34) Galit siya sa kasalanan, pero ibinigay niya ang buhay niya para sa mga makasalanan.—Juan 3:16; Roma 6:23.
a Sinabi sa aklat na The Rise of Christianity ni E.W. Barnes: “Ipinakikita ng isang maingat na pag-aaral sa lahat ng makukuhang impormasyon na hanggang noong panahon ni Marcus Aurelius [emperador ng Roma mula 161 hanggang 180 C.E.], walang Kristiyano ang naging kawal; at walang kawal pagkatapos na maging Kristiyano, ang nanatili sa paglilingkod militar.”