Ayon kay Lucas
6 Isang araw ng Sabbath, habang dumadaan siya sa gitna ng bukid, ang mga alagad niya ay pumipitas ng mga uhay ng butil+ at ikinikiskis ang mga ito sa mga kamay nila para kainin.+ 2 Kaya sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal kapag Sabbath?”+ 3 Pero sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga lalaking kasama niya?+ 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos, tinanggap ang mga tinapay na panghandog, kinain ang mga iyon, at binigyan din niya ang mga lalaking kasama niya. Hindi iyon puwedeng kainin ng sinuman dahil para lang iyon sa mga saserdote.”+ 5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Ang Anak ng tao ay Panginoon ng Sabbath.”+
6 Sa isa pang araw ng Sabbath,+ pumasok siya sa sinagoga at nagturo. At may isang lalaki roon na tuyot* ang kanang kamay.+ 7 Inaabangan ng mga eskriba at mga Pariseo kung magpapagaling si Jesus sa Sabbath para makahanap sila ng maiaakusa sa kaniya.+ 8 Pero alam niya kung ano ang iniisip nila,+ kaya sinabi niya sa lalaki na may tuyot na* kamay: “Tumayo ka sa gitna.” Tumayo siya at pumunta roon. 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila: “Tatanungin ko kayo, Ano ang tamang gawin kapag Sabbath: gumawa ng mabuti o ng masama, magligtas ng buhay* o pumatay?”+ 10 Pagkatingin niya sa lahat ng nakapalibot, sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang kamay mo.” Gayon nga ang ginawa ng lalaki, at gumaling ang kamay nito. 11 Pero nagalit sila nang husto, at nagsimula silang mag-usap-usap kung ano ang gagawin nila kay Jesus.
12 Nang mga panahong iyon, pumunta siya sa bundok para manalangin,+ at buong gabi siyang nanalangin sa Diyos.+ 13 Nang umaga na, tinawag niya ang mga alagad niya at pumili sa kanila ng 12, at tinawag niya silang mga apostol:+ 14 si Simon na tinawag din niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, si Santiago, si Juan, si Felipe,+ si Bartolome, 15 si Mateo, si Tomas,+ si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na tinatawag na “masigasig,” 16 si Hudas na anak ni Santiago, at si Hudas Iscariote na naging traidor.
17 Pagkatapos, bumaba siya ng bundok kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar, at napakaraming alagad niya ang naroon. Napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa mga baybayin ng Tiro at Sidon ang pumunta roon para makinig sa kaniya at mapagaling sa kanilang mga sakit.+ 18 Napagaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang* espiritu. 19 At sinisikap ng lahat na mahawakan siya,+ dahil may lumalabas na kapangyarihan sa kaniya+ at gumagaling silang lahat.
20 At tumingin siya sa kaniyang mga alagad, at sinabi niya:
“Maligaya kayong mahihirap,+ dahil sa inyo ang Kaharian ng Diyos.+
21 “Maligaya kayo na nagugutom ngayon, dahil bubusugin kayo.+
“Maligaya kayo na umiiyak ngayon, dahil tatawa kayo.+
22 “Maligaya kayo kapag napopoot sa inyo ang mga tao+ at kapag itinatakwil nila kayo+ at nilalait kayo at nilalapastangan ang* inyong pangalan dahil sa Anak ng tao.+ 23 Magsaya kayo sa araw na iyon at tumalon sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit, dahil iyon din ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga propeta.+
24 “Pero kaawa-awa kayong mayayaman,+ dahil hanggang diyan lang ang tatamasahin ninyong kaginhawahan.+
25 “Kaawa-awa kayo na busog ngayon, dahil magugutom kayo.
“Kaawa-awa kayo na tumatawa ngayon, dahil magdadalamhati kayo at iiyak.+
26 “Kaawa-awa kayo sa tuwing pinupuri kayo ng lahat ng tao,+ dahil ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa huwad na mga propeta.
27 “Pero sinasabi ko sa inyo na nakikinig: Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,+ 28 pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipanalangin ang mga umiinsulto sa inyo.+ 29 Sa sinumang sumampal sa isa mong pisngi, iharap mo rin ang kabila; at sa sinumang kumuha ng balabal mo, huwag mong ipagkait pati ang damit mo.+ 30 Magbigay sa lahat ng humihingi sa iyo,+ at sa sinumang kumuha ng mga gamit mo, huwag mong bawiin ang mga iyon.
31 “Gayundin, kung ano ang gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo* sa kanila.+
32 “Kung mahal ninyo ang mga nagmamahal sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Mahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila.+ 33 At kung gumagawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa ng mabuti sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Ganiyan din ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Isa pa, kung nagpapahiram kayo sa mga taong inaasahan ninyong magbabayad, ano ang kahanga-hanga roon?+ Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram sa mga makasalanan dahil inaasahan nilang maibabalik sa kanila ang halagang ipinahiram nila. 35 Sa halip, patuloy na mahalin ang mga kaaway ninyo at gumawa ng mabuti at magpahiram nang hindi umaasa ng anumang kabayaran;+ at magiging malaki ang gantimpala ninyo, at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, dahil mabait siya sa mga walang utang na loob at masasama.+ 36 Patuloy na maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain.+
37 “Isa pa, huwag na kayong humatol, at hinding-hindi kayo hahatulan;+ at huwag na kayong manghusga, at hinding-hindi kayo huhusgahan. Patuloy na magpatawad, at patatawarin kayo.+ 38 Maging mapagbigay,+ at magbibigay ang mga tao sa inyo.+ Napakarami nilang ibubuhos sa tupi* ng inyong damit—siniksik, niliglig, at umaapaw. Dahil kung paano ninyo pinakikitunguhan ang iba, ganoon din nila kayo pakikitunguhan.”*
39 Pagkatapos, nagbigay rin siya sa kanila ng isang ilustrasyon: “Puwede bang akayin ng isang taong bulag ang kapuwa niya bulag? Hindi ba pareho silang mahuhulog sa hukay?+ 40 Ang isang mag-aaral* ay hindi nakahihigit sa guro niya, kundi ang bawat isa na naturuan nang husto ay magiging tulad ng guro niya. 41 Kaya bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng kapatid mo, pero hindi mo nakikita ang troso sa sarili mong mata?+ 42 Paano mo masasabi sa kapatid mo, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso sa sarili mong mata? Mapagpanggap! Alisin mo muna ang troso sa sarili mong mata para makita mo nang malinaw kung paano aalisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.+
43 “Ang isang mainam na puno ay hindi mamumunga ng bulok, at ang isang bulok na puno ay hindi mamumunga ng maganda.+ 44 Dahil ang bawat puno ay nakikilala sa bunga nito.+ Halimbawa, ang mga tao ay hindi umaani ng igos mula sa mga tinik, at hindi rin sila pumipitas ng ubas mula sa matinik na halaman.* 45 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabubuting bagay na nasa kaniyang puso, pero ang masamang tao ay naglalabas ng masama mula sa masasamang bagay na nasa kaniyang puso; dahil lumalabas sa bibig niya kung ano ang laman ng kaniyang puso.*+
46 “Bakit nga ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ pero hindi naman ninyo ginagawa ang mga sinasabi ko?+ 47 Ang bawat isa na lumalapit sa akin at nakikinig sa mga sinasabi ko at sumusunod sa mga iyon, ipapakita ko sa inyo kung sino ang tulad niya:+ 48 Katulad siya ng isang tao na nang magtayo ng bahay ay humukay nang malalim at naglagay ng pundasyon sa bato. Kaya nang dumating ang baha at rumagasa ang tubig sa bahay na iyon, hindi man lang iyon nauga dahil matibay ang pagkakatayo nito.+ 49 Sa kabilang dako, siya na nakikinig sa mga sinasabi ko pero hindi sumusunod sa mga iyon+ ay katulad ng isang tao na nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang rumagasa ang tubig, agad itong gumuho at nawasak.”