ARAW, II
[sa Ingles, day].
Pinasimulan ng Diyos na Jehova ang pangunahing dibisyon na ito ng panahon noong unang “araw” ng yugto nang inihahanda niya ang lupa para sa sangkatauhan, kung kailan maliwanag na tumagos sa mga suson ng ulap ang kalát na liwanag, anupat dahil dito, ang lupang nababalutan ng halumigmig ay nakaranas ng kauna-unahang araw at gabi nito habang umiinog ito sa kaniyang axis at tinatamaan ng liwanag ng araw. “Pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag at ang kadiliman. At pinasimulan ng Diyos na tawaging Araw ang liwanag, ngunit ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi.” (Gen 1:4, 5) Dito, ang salitang “Araw” ay tumutukoy sa mga oras ng liwanag bilang kabaligtaran ng gabi. Ngunit pagkatapos nito, ginamit ng ulat ang salitang “araw” upang tumukoy sa iba pang mga yunit ng panahon na may iba’t ibang haba. Kapuwa sa Hebreong Kasulatan at sa Griegong Kasulatan, ang salitang “araw” (sa Heb., yohm; sa Gr., he·meʹra) ay ginagamit sa literal at sa makalarawan o makasagisag na diwa.
Ang isang araw na solar, ang pangunahing yunit ng panahon, ay binubuo ng isang kumpletong pag-inog ng lupa sa axis nito, halimbawa, mula sa panahong lisanin ng araw ang isang meridyano, ang pinakamataas na lokasyong naaabot nito sa katanghaliang-tapat, hanggang sa makabalik ito roon. Sa kasalukuyan, ang araw na solar o sibil ay nahahati sa dalawang yugto na tig-12 oras. Sa Ingles, ang mga oras bago ang katanghaliang-tapat ay tinutukoy sa pamamagitan ng Latin na ante meridiem (a.m.) at ang mga oras naman pagkaraan niyaon, sa pamamagitan ng Latin na post meridiem (p.m.). Gayunman, noong panahon ng Bibliya, may sari-saring paraan ng pagtukoy sa mga dibisyon ng isang araw.
Para sa mga Hebreo, ang isang araw ay nagsisimula sa gabi, pagkalubog ng araw, at nagtatapos kinabukasan sa paglubog ng araw. Kung gayon, ang saklaw ng isang araw nila ay mula sa gabi hanggang sa sumunod na gabi. “Mula sa gabi hanggang sa gabi ay ipangingilin ninyo ang inyong sabbath.” (Lev 23:32) Sinusunod nito bilang parisan ang mga araw ng paglalang ni Jehova, gaya ng ipinakikita sa Genesis 1:5: “Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ang unang araw.”—Ihambing ang Dan 8:14.
Katulad din ng sistema ng mga Hebreo, ang isang araw para sa mga taga-Fenicia, mga Numidiano, at mga taga-Atenas ay nagsisimula sa gabi hanggang sa sumunod na gabi. Sa kabilang dako, para sa mga Babilonyo, ang isang araw ay nag-uumpisa sa pagsikat ng araw hanggang sa sumunod na pagsikat ng araw. Para naman sa mga Ehipsiyo at mga Romano, ito ay nagsisimula sa hatinggabi hanggang sa sumunod na hatinggabi (gaya ng karaniwang sistema sa ngayon).
Bagaman opisyal na nagsisimula sa gabi ang isang araw ng mga Hebreo, kung minsan ay tinutukoy nila ito na parang sa umaga nagsisimula. Halimbawa, ang Levitico 7:15 ay nagsasabi: “Ang karne ng haing pasasalamat ng kaniyang mga haing pansalu-salo ay kakainin sa araw ng kaniyang paghahandog. Hindi siya magtatabi ng anumang bahagi niyaon hanggang sa umaga.” Walang alinlangan na ang ganitong pananalita ay ginamit lamang upang magpahiwatig ng paglipas ng magdamag.
Gaya ng binanggit sa ulat ng paglalang, ang yugtong may liwanag ng araw [daylight] ay tinatawag ding araw. (Gen 1:5; 8:22) Sa Bibliya, hinahati-hati ito ayon sa likas na mga yugto: pagbubukang-liwayway o kadiliman sa umaga, mismong bago magsimula ang maghapon (Aw 119:147; 1Sa 30:17); pagsikat ng araw (Job 3:9); umaga (Gen 24:54); tanghali o katanghaliang-tapat (Deu 28:29; 1Ha 18:27; Isa 16:3; Gaw 22:6); paglubog ng araw, na palatandaan ng pagtatapos ng maghapon (Gen 15:12; Jos 8:29); at takipsilim o kadiliman ng gabi (2Ha 7:5, 7). Alam din ng taong-bayan ang mga oras kung kailan naghahandog ng partikular na mga handog o kung kailan nagsusunog ng insenso ang mga saserdote.—1Ha 18:29, 36; Luc 1:10.
Sa ano tumutukoy ang panahon “sa pagitan ng dalawang gabi”?
May binanggit ang Kasulatan na “dalawang gabi” may kaugnayan sa pagpatay sa kordero ng Paskuwa tuwing Nisan 14. (Exo 12:6) Sinasabi ng ilang komentaryo hinggil sa tradisyong Judio na ito ang panahon mula sa tanghali (kapag nagsisimula nang bumaba ang araw) hanggang sa paglubog ng araw. Gayunman, waring ang tamang kahulugan nito ay na ang unang gabi ay katumbas ng paglubog ng araw at ang ikalawang gabi naman ay katumbas ng panahon kapag naglaho na ang nalalabing liwanag ng araw at kumagat na ang dilim. (Deu 16:6; Aw 104:19, 20) Ganito ang pagkaunawa ng Kastilang rabbi na si Aben-Ezra (1092-1167), gayundin ng mga Samaritano at mga Judiong Karaite, at ito rin ang pangmalas ng mga iskolar na gaya nina Michaelis, Rosenmueller, Gesenius, Maurer, Kalisch, Knobel, at Keil.
Bago ipinatapon sa Babilonya ang mga Hebreo, walang indikasyon na ang isang araw ay hinahati-hati nila sa mga oras. Ang salitang “oras” na makikita sa Daniel 3:6, 15; 4:19, 33; 5:5 sa King James Version ay isinalin mula sa salitang Aramaiko na sha·ʽahʹ, na literal na nangangahulugang “isang sulyap” at mas wastong isalin bilang isang “sandali.” Gayunman, pagkatapos ng pagkatapon, naging karaniwang kaugalian ng mga Judio ang paggamit ng mga oras. Kung tungkol naman sa “anino sa mga baytang” na binanggit sa Isaias 38:8 at 2 Hari 20:8-11, posibleng tumutukoy ito sa paggamit ng isang sundial sa pagbilang ng oras, anupat ang araw ay lumilikha ng mga anino sa sunud-sunod na mga baytang.—Tingnan ang ARAW, I (Anino na Umatras Nang Sampung Baytang).
Ang sinaunang mga Babilonyo ay gumamit ng sistemang sexagesimal na salig sa bilang na 60. Sa sistemang ito nakuha ang ating paraan ng paghahati-hati ng isang araw sa 24 na oras (at sa dalawang yugto na tig-12 oras), at ng bawat oras naman sa 60 minuto na may tig-60 segundo.
Noong mga araw ng ministeryo ni Jesus sa lupa, karaniwang kaugalian na hati-hatiin sa mga oras ang yugtong may liwanag ng araw. Kaya naman sinabi ni Jesus sa Juan 11:9: “May labindalawang oras na liwanag ng araw, hindi ba?” Ang mga ito ay karaniwang binibilang mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, o mula bandang 6:00 n.u. hanggang 6:00 n.h. Kaya ang “ikatlong oras” ay papatak nang mga 9:00 n.u., at ganitong oras noon nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes. (Mat 20:3; Gaw 2:15) Mga “ikaanim na oras” na, o tanghaling-tapat, nang si Jesus, na pagod na dahil sa paglalakbay, ay maupo sa may bukal ni Jacob, at ganitong oras din nang lubhang magutom si Pedro sa Jope. (Ju 4:6; Gaw 10:9, 10) Bandang tanghaling-tapat din nang sumapit ang isang kadiliman sa buong lupa hanggang sa “ikasiyam na oras,” o mga 3:00 n.h., noong malagutan ng hininga si Jesus sa pahirapang tulos. (Mat 27:45, 46; Luc 23:44, 46) Ang ikasiyam na oras na ito ay tinatawag ding “oras ng panalangin.” (Gaw 3:1; 10:3, 4, 30) Kaya ang “ikapitong oras” ay mga 1:00 n.h. at ang “ikalabing-isang oras” naman ay mga 5:00 n.h. (Ju 4:52; Mat 20:6-12) Hinahati-hati rin nila noon ang gabi sa iba’t ibang oras.—Gaw 23:23; tingnan ang GABI.
Kung minsan ay ginagamit ng mga Hebreo ang pananalitang ‘araw at gabi’ upang tumukoy sa isang bahagi lamang ng araw na solar na may 24 na oras. Halimbawa, binabanggit ng 1 Hari 12:5, 12 na sinabi ni Rehoboam kay Jeroboam at sa mga Israelita na ‘umalis sila nang tatlong araw’ at pagkatapos ay bumalik sila sa kaniya. Hindi kumpletong tatlong araw na tig-24 na oras ang ibig niyang sabihin kundi tig-iisang bahagi lamang ng bawat isa sa tatlong araw na iyon, at ipinakikita ito ng pagbalik sa kaniya ng bayan “noong ikatlong araw.” Sa Mateo 12:40 ay ganito rin ang kahulugan ng “tatlong araw at tatlong gabi” na pananatili ni Jesus sa Sheol. Ipinakikita ng ulat na siya’y binuhay-muli noong “ikatlong araw.” Maliwanag na ganito ang pagkaunawa ng mga saserdoteng Judio sa mga salita ni Jesus, yamang sa pagsisikap nilang hadlangan ang kaniyang pagkabuhay-muli, sinipi nila ang sinabi ni Jesus: “Pagkatapos ng tatlong araw ay ibabangon ako,” at saka nila hiniling kay Pilato na iutos na “ang libingan ay mabantayang mabuti hanggang sa ikatlong araw.”—Mat 27:62-66; 28:1-6; pansinin ang iba pang mga halimbawa sa Gen 42:17, 18; Es 4:16; 5:1.
Hindi pinangalanan ng mga Hebreo ang mga araw ng sanlinggo, maliban sa ikapitong araw na tinawag na Sabbath. (Tingnan ang SABBATH, ARAW NG.) Tinutukoy nila ang iba’t ibang araw ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito. Noong mga araw ni Jesus at ng kaniyang mga apostol, ang araw bago ang Sabbath ay tinatawag na Paghahanda. (Mat 28:1; Gaw 20:7; Mar 15:42; Ju 19:31; tingnan ang SANLINGGO.) Sa mga pagano nanggaling ang kaugaliang tawagin ang mga araw ayon sa pangalan ng mga planeta at iba pang mga bagay sa kalangitan. Tinawag ng mga Romano ang kanilang mga araw ayon sa pangalan ng Araw [Sun], Buwan [Moon], Mars, Mercury, Jupiter, Venus, at Saturn, ngunit sa hilagang Europa, apat sa mga pangalang ito ang binago at isinunod sa mga pangalang Aleman ng Romanong mga diyos na kinakatawanan ng mga araw na iyon.
Kung minsan ay ginagamit ang salitang “araw” upang tumukoy sa distansiya, gaya halimbawa sa mga pananalitang “isang araw na paglalakbay” at “isang araw ng sabbath na paglalakbay.”—Bil 11:31; Gaw 1:12; tingnan ang PANIMBANG AT PANUKAT, MGA.
Sa mga hula, kung minsan ay ginagamit ang isang araw upang kumatawan sa isang taon. Mapapansin ito sa Ezekiel 4:6: “Hihiga ka sa iyong kanang tagiliran sa ikalawang kalagayan, at dadalhin mo ang kamalian ng sambahayan ni Juda nang apatnapung araw. Isang araw para sa isang taon, isang araw para sa isang taon, ang ibinigay ko sa iyo.”—Tingnan din ang Bil 14:34.
May kaugnayan sa mga hula, ang ilang espesipikong bilang ng mga araw na ibinigay ay: tatlo at kalahating araw (Apo 11:9); 10 araw (Apo 2:10); 40 araw (Eze 4:6); 390 araw (Eze 4:5); 1,260 araw (Apo 11:3; 12:6); 1,290 araw (Dan 12:11); 1,335 araw (Dan 12:12); at 2,300 araw (Dan 8:14).
Ang terminong “(mga) araw” ay ginagamit din upang tumukoy sa isang yugto ng panahon kung kailan nabuhay ang isang partikular na tao, gaya halimbawa ng “mga araw ni Noe” at “mga araw ni Lot.”—Luc 17:26-30; Isa 1:1.
Ang iba pang mga halimbawa ng paggamit sa salitang “araw” sa malawakan o makasagisag na diwa ay: ang “araw na lalangin ng Diyos si Adan” (Gen 5:1), “ang araw ni Jehova” (Zef 1:7), ang “araw ng poot” (Zef 1:15), “ang araw ng kaligtasan” (2Co 6:2), ang “araw ng paghuhukom” (2Pe 3:7), ang “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” (Apo 16:14), at iba pa.
Ang malawakang paggamit na ito sa salitang “araw” upang tumukoy sa mga yunit ng panahon na may iba’t ibang haba ay malinaw na makikita sa ulat ng paglalang sa Genesis. Doon ay may binabanggit na isang sanlinggo na binubuo ng anim na araw ng paglalang na sinundan ng isang ikapitong araw ng kapahingahan. Ang sanlinggong itinakda sa mga Judio sa ilalim ng tipang Kautusan na ibinigay sa kanila ng Diyos ay isang munting larawan ng sanlinggong iyon ng paglalang. (Exo 20:8-11) Sa rekord ng Kasulatan, ang ulat hinggil sa bawat isa sa anim na araw ng paglalang ay nagtatapos sa ganitong pananalita: “At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga,” ang una, ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikalima, at ikaanim na araw. (Gen 1:5, 8, 13, 19, 23, 31) Gayunman, hindi iniulat na nagtapos nang ganito ang ikapitong araw, anupat nagpapahiwatig na nagpapatuloy pa rin ang yugtong ito, kung kailan nagpapahinga na ang Diyos mula sa kaniyang mga gawaing paglalang para sa lupa. Sa Hebreo 4:1-10, ipinakita ng apostol na si Pablo na ang araw ng kapahingahan ng Diyos ay nagpapatuloy pa noong kaniyang panahon, at noon ay mahigit nang 4,000 taon ang nakalilipas mula nang mag-umpisa ang ikapitong araw na yugtong iyon ng kapahingahan. Ipinakikita nito na ang bawat araw ng paglalang, o yugto ng paggawa, ay hindi bababa sa libu-libong taon. Ang A Religious Encyclopædia (Tomo I, p. 613) ay nagsabi: “Ang mga araw ng paglalang ay mga araw ng paglikha, mga yugto sa isang proseso, ngunit hindi mga araw na tigdadalawampu’t apat na oras.”—Inedit ni P. Schaff, 1894.
Ang kabuuang anim na yunit ng panahon o “mga araw” ng paglalang na ginugol sa paghahanda ng planetang Lupa ay sinaklaw ng iisa at malawak na terminong “araw” sa Genesis 2:4: “Ito ang kasaysayan ng langit at ng lupa noong panahon na lalangin ang mga ito, noong araw na gawin ng Diyos na Jehova ang lupa at langit.”
Hindi maihahambing ang kalagayan ng tao sa kalagayan ng ating Maylalang, na hindi tumatahan sa ating sistema solar at hindi apektado ng sari-saring mga siklo at mga orbit nito. Tungkol sa Diyos, na mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda, ganito ang sabi ng salmista: “Sapagkat ang isang libong taon sa iyong paningin ay gaya lamang ng kahapon kapag ito ay nakalipas na, at gaya ng isang pagbabantay sa gabi.” (Aw 90:2, 4) Sa katulad na paraan, isinulat ng apostol na si Pedro na “ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.” (2Pe 3:8) Para sa tao, ang isang yugto na 1,000 taon ay binubuo ng mga 365,242 indibiduwal na yunit ng panahon na may araw at gabi, ngunit para sa Maylalang, maaaring isa lamang itong tuluy-tuloy na yugto ng panahon na doo’y sinimulan niya at tinapos ang isang makabuluhang gawain, kung paanong inuumpisahan ng isang tao sa umaga ang isang gawain at tinatapos niya ito sa pagwawakas ng araw na iyon.
Si Jehova ang Tagapagpasimula ng ating uniberso kung saan mahigpit na magkakaugnay ang panahon, kalawakan, paggalaw, materya, at enerhiya. Kinokontrol niya ang lahat ng ito kaayon ng kaniyang layunin, at sa pakikitungo niya sa kaniyang mga nilalang na naririto sa lupa, ang kaniyang mga pagkilos may kaugnayan sa kanila ay isinasagawa niya sa takdang panahon, sa mismong “araw at oras.” (Mat 24:36; Gal 4:4) Tinutupad niya sa eksaktong panahon ang gayong mga pagkilos.