Tanggapin ang Bibliya Kung Ano Talaga Ito
“Pinasasalamatan din namin ang Diyos nang walang-lubay, sapagkat nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos, na siyang gumagana rin sa inyo na mga mananampalataya.”—1 TESALONICA 2:13.
1. Anong uri ng impormasyong taglay nito ang nagpapangyaring ang Bibliya’y isang totoong natatanging aklat?
ANG Banal na Bibliya ang aklat na may pinakamaraming salin at pinakamalawak na naipamahagi sa daigdig. Ito’y malayang kinikilala bilang isa sa pinakadakilang mga akda ng panitikan. Subalit ang mas mahalaga, inilalaan ng Bibliya ang patnubay na lubhang kailangan ng mga tao ng lahat ng lahi at lahat ng bansa, anuman ang kanilang gawain o katayuan sa buhay. (Apocalipsis 14:6, 7) Sa isang paraang nakasisiya kapuwa sa isip at puso, sinasagot ng Bibliya ang mga tanong gaya ng: Ano ang layunin ng buhay ng tao? (Genesis 1:28; Apocalipsis 4:11) Bakit hindi naidulot ng mga pamahalaan ng sangkatauhan ang namamalaging kapayapaan at katiwasayan? (Jeremias 10:23; Apocalipsis 13:1, 2) Bakit namamatay ang mga tao? (Genesis 2:15-17; 3:1-6; Roma 5:12) Sa gitna ng maligalig na sanlibutang ito, papaano natin mapagtatagumpayan ang mga suliranin sa buhay? (Awit 119:105; Kawikaan 3:5, 6) Ano ang maaasahan natin sa hinaharap?—Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3-5.
2. Bakit naglalaan ang Bibliya ng lubusang maaasahang mga sagot sa ating mga katanungan?
2 Bakit may awtoridad na sinasagot ng Bibliya ang mga katanungang ito? Sapagkat ito ang Salita ng Diyos. Gumamit siya ng mga tao upang ito’y isulat, subalit maliwanag na sinasabi sa 2 Timoteo 3:16, “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” Hindi ito bunga ng sariling pagpapaliwanag ng mga pangyayari sa tao. “Ang hula [kapahayagan ng mga bagay na darating, banal na mga utos, ang pamantayan ng Bibliya tungkol sa asal] ay hindi kailanman dinala sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:21.
3. (a) Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakita kung gaano kalaki ang pagpapahalaga sa Bibliya ng mga tao sa iba’t ibang lupain. (b) Bakit may mga taong handang isapanganib ang kanilang buhay upang mabasa ang Kasulatan?
3 Palibhasa’y kinikilala ang halaga ng Bibliya, maraming tao ang dumanas ng pagkabilanggo, maging ng kamatayan, upang magtaglay at makabasa nito. Totoo ito sa mga nakaraang taon sa Katolikong Espanya, kung saan nangamba ang klero na ang kanilang impluwensiya ay mababawasan kung mababasa ng mga tao ang Bibliya sa kanilang sariling wika; nangyari rin ito sa Albania, kung saan isinagawa ang mahihigpit na hakbang sa ilalim ng isang rehimeng ateistiko upang wakasan ang lahat ng impluwensiya ng relihiyon. Gayunman, pinakaingatan ng may takot sa Diyos na mga tao ang mga kopya ng Kasulatan, binasa ang mga ito, at ibinahagi sa isa’t isa. Noong Digmaang Pandaigdig II, sa kampong piitan sa Sachsenhausen, maingat na pinagpasa-pasahan ang isang Bibliya sa mga kulungan (bagaman ipinagbabawal ito), at yaong nakahawak nito ay nagsaulo ng mga bahagi nito upang maibahagi sa iba. Noong mga taon ng 1950, sa noo’y Komunistang Silangang Alemanya, ang mga Saksi ni Jehova na nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya ay napasapanganib na mapiit na nakabukod sa mahabang panahon nang ipasa nila ang maliliit na bahagi ng Bibliya sa mga bilanggo upang mabasa kung gabi. Bakit nila ginawa ito? Sapagkat kinikilala nila ang Bibliya bilang Salita ng Diyos, at batid nila na “hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat pananalitang nanggagaling sa bibig ni Jehova.” (Deuteronomio 8:3) Ang mga pananalitang ito, na nakaulat sa Bibliya, ay nagpangyari sa mga Saksing iyon na manatiling buháy sa espirituwal sa kabila ng pagdaranas ng labis na kalupitan.
4. Nararapat na magkaroon ng anong dako sa ating buhay ang Bibliya?
4 Ang Bibliya ay hindi isang aklat na ilalagay lamang sa istante para sa pana-panahong paggamit, ni ito man ay nilayong gamitin lamang kapag nagtitipon ang mga magkakapananampalataya ukol sa pagsamba. Ito’y nararapat gamitin sa araw-araw upang magbigay-liwanag sa mga kalagayan na napapaharap sa atin at upang ipakita sa atin ang tamang daan na lalakaran.—Awit 25:4, 5.
Nilayong Basahin at Maunawaan
5. (a) Kung posible naman, ano ang dapat taglayin ng bawat isa sa atin? (b) Sa sinaunang Israel, papaano natutuhan ng mga tao kung ano ang nilalaman ng Kasulatan? (c) Papaano naaapektuhan ng Awit 19:7-11 ang iyong saloobin tungkol sa pagbabasa ng Bibliya?
5 Sa ating panahon, madaling makakuha ng mga kopya ng Bibliya sa maraming lupain, at hinihimok namin ang bawat mambabasa ng Ang Bantayan na kumuha ng isang kopya. Nang panahong isinusulat ang Bibliya, walang mga palimbagan. Ang mga tao sa pangkalahatan ay walang personal na mga kopya. Subalit isinaayos ni Jehova na marinig ng kaniyang mga lingkod kung ano ang naisulat. Kaya naman, iniuulat sa Exodo 24:7, pagkatapos maisulat ni Moises ang mga itinagubilin ni Jehova, “dinala [niya] ang aklat ng tipan at binasa iyon sa pandinig ng mga tao.” Palibhasa’y nasaksihan ang kahima-himalang mga pagtatanghal sa Bundok Sinai, kinilala nila na ang binasa sa kanila ni Moises ay galing sa Diyos at na kailangan nilang malaman ang impormasyong ito. (Exodo 19:9, 16-19; 20:22) Tayo rin naman ay kailangang makaalam ng kung ano ang nakaulat sa Salita ng Diyos.—Awit 19:7-11.
6. (a) Bago pumasok ang bansang Israel sa Lupang Pangako, ano ang ginawa ni Moises? (b) Papaano natin matutularan ang halimbawa ni Moises?
6 Nang naghahanda ang bansang Israel sa pagtawid sa Ilog Jordan upang pumasok sa Lupang Pangako, anupat iniiwan ang kanilang pamumuhay nang pagala-gala sa ilang, angkop lamang na repasuhin nila ang Batas ni Jehova at ang kaniyang pakikitungo sa kanila. Udyok ng espiritu ng Diyos, nirepaso sa kanila ni Moises ang Batas. Ipinaalaala niya sa kanila ang mga detalye ng Batas, at itinampok din niya ang saligang mga simulain at saloobin na dapat makaimpluwensiya sa kanilang kaugnayan kay Jehova. (Deuteronomio 4:9, 35; 7:7, 8; 8:10-14; 10:12, 13) Habang gumaganap tayo ngayon ng bagong mga atas o humaharap sa bagong mga kalagayan sa buhay, makabubuti rin naman para sa atin na isaalang-alang kung papaano dapat makaimpluwensiya sa ating ginagawa ang payo ng Kasulatan.
7. Di-nagtagal pagkatapos tawirin ng mga Israelita ang Ilog Jordan, ano ang ginawa upang ikintal ang Batas ni Jehova sa kanilang isip at puso?
7 Di-nagtagal pagkatapos tawirin ng Israel ang Ilog Jordan, muling natipon ang bayan upang repasuhin ang sinabi sa kanila ni Jehova sa pamamagitan ni Moises. Nagpisan ang bayan mga 50 kilometro sa dakong timog ng Jerusalem. Kalahati ng mga tribo ay nasa harap ng Bundok Ebal, at kalahati ay nasa harap ng Bundok Gerizim. Doon ay “binasa [ni Josue] nang malakas ang lahat ng salita ng batas, ang pagpapala at ang sumpa.” Sa gayon ang mga lalaki, babae, at mga bata, kasama na ang mga naninirahang dayuhan, ay nakapakinig ng napapanahong pag-uulit ng mga batas na umuugit sa paggawi na magbubunga ng di-pagsang-ayon ni Jehova at ng mga pagpapalang tatanggapin nila kung susundin nila si Jehova. (Josue 8:34, 35) Kailangang maging malinaw sa kanilang isip kung ano ang mabuti at kung ano ang masama sa pangmalas ni Jehova. Isa pa, kailangan nilang ikintal sa kanilang mga puso ang pag-ibig sa mabuti at pagkapoot sa masama, gaya ng ginagawa ng bawat isa sa atin ngayon.—Awit 97:10; 119:103, 104; Amos 5:15.
8. Ano ang kapakinabangan ng regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos sa ilang pambansang asamblea sa Israel?
8 Bukod sa pagbabasa ng Batas sa makasaysayang mga okasyong iyon, isang paglalaan para sa regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos ang binalangkas sa Deuteronomio 31:10-12. Ang buong bansa ay magpipisan tuwing ikapitong taon upang makinig sa pagbabasa ng Salita ng Diyos. Naglaan ito ng espirituwal na pagkain para sa kanila. Pinanatili nitong buháy sa kanilang isip at puso ang mga pangako tungkol sa Binhi at sa gayo’y umakay sa mga tapat patungo sa Mesiyas. Ang mga kaayusan para sa espirituwal na pagpapakain na itinatag nang nasa ilang ang Israel ay hindi natapos nang sila’y pumasok sa Lupang Pangako. (1 Corinto 10:3, 4) Sa halip, pinayaman ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng paglalakip ng karagdagan pang mga pagsisiwalat ng mga propeta.
9. (a) Ang pagbabasa ba ng mga Israelita sa Kasulatan ay kapag nagpipisan lamang sila sa malalaking grupo? Ipaliwanag. (b) Papaano itinuturo ang Kasulatan sa loob ng bawat pamilya, at sa anong layunin?
9 Ang pagrerepaso sa payo ng Salita ng Diyos ay hindi limitado lamang sa mga panahong nagpipisan ang bayan sa isang malaking grupo. Ang mga bahagi ng Salita ng Diyos at ang mga simulain na nakapaloob dito ay kailangang talakayin sa araw-araw. (Deuteronomio 6:4-9) Sa maraming lugar sa ngayon, posible para sa mga kabataan na makakuha ng personal na kopya ng Bibliya, at totoong kapaki-pakinabang para sa kanila na gawin iyon. Pero hindi gayon ang kalagayan sa sinaunang Israel. Noon, kapag ang mga magulang ay nagtuturo buhat sa Salita ng Diyos, kailangang umasa sila sa naisaulo nila at sa mga katotohanan na pinakaingatan nila sa kanilang puso, lakip ang anumang maliliit na halaw na maaaring personal na isinulat nila. Sa pamamagitan ng malimit na pag-uulit, sisikapin nilang linangin sa kanilang mga anak ang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang mga daan. Ang layunin ay hindi lamang upang magkaroon ng isang isip na punô ng kaalaman kundi upang tulungan ang bawat miyembro ng pamilya na mamuhay sa isang paraan na nagpapamalas ng pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Salita.—Deuteronomio 11:18, 19, 22, 23.
Pagbabasa ng Kasulatan sa mga Sinagoga
10, 11. Anong programa ng pagbabasa ng Kasulatan ang sinunod sa mga sinagoga, at papaano minalas ni Jesus ang mga okasyong ito?
10 Mga ilang panahon pagkatapos na dalhing bihag ang mga Judio sa Babilonya, itinayo ang mga sinagoga bilang mga dako ng pagsamba. Upang ang Salita ng Diyos ay mabasa at matalakay sa mga dakong pulungan na ito, gumawa ng mas marami pang kopya ng Kasulatan. Ito ay isang salik kung kaya naingatan ang mga 6,000 sinaunang sulat-kamay na mga kopya na naglalaman ng mga bahagi ng Hebreong Kasulatan.
11 Isang mahalagang bahagi ng serbisyo sa sinagoga ang pagbabasa ng Torah, na katumbas ng unang limang aklat ng modernong-panahong mga Bibliya. Iniuulat ng Gawa 15:21 na noong unang siglo C.E., ang gayong pagbabasa ay ginagawa tuwing Sabbath, at ipinakikita ng Mishnah na pagsapit ng ikalawang siglo, may mga pagbabasa rin ng Torah sa ikalawa at ikalimang mga araw ng sanlinggo. Maraming nakikibahagi sa sunud-sunod na pagbasa sa iniatas na mga bahagi. Kaugalian ng mga Judio na nanirahan sa Babilonya na basahin ang buong Torah taun-taon; ang kaugalian naman sa Palestina ay isaayos ang pagbabasa sa yugto ng panahon na umaabot sa tatlong taon. Binabasa at ipinaliliwanag din ang isang bahagi buhat sa Mga Propeta. Naging kaugalian na ni Jesus na maging presente sa mga programa ng pagbabasa ng Bibliya kung Sabbath sa dako na tinitirhan niya.—Lucas 4:16-21.
Personal na Pagtugon at Pagkakapit
12. (a) Nang basahin ni Moises ang Batas sa bayan, papaano nakinabang ang bayan? (b) Papaano tumugon ang bayan?
12 Ang pagbabasa ng kinasihang Kasulatan ay hindi nilayong maging isang pormalismo lamang. Hindi ito ginawa upang mabigyang-kasiyahan lamang ang pagkamausisa ng mga tao. Nang basahin ni Moises “ang aklat ng tipan” sa Israel sa kapatagang nasa harapan ng Bundok Sinai, ginawa niya ang gayon upang malaman nila ang kanilang mga pananagutan sa harap ng Diyos at matupad ang mga ito. Gagawin kaya nila ito? Ang pagbabasa ay humihiling ng pagtugon. Naunawaan iyan ng mga tao, at sila’y nagsalita, na nagsasabi: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.”—Exodo 24:7; ihambing ang Exodo 19:8; 24:3.
13. Nang basahin ni Josue ang mga sumpa sa pagsuway, ano ang kailangang gawin ng mga tao, taglay ang anong layunin?
13 Pagkaraan, nang basahin ni Josue sa bansa ang ipinangakong mga pagpapala at mga sumpa, o mga maldisyon, hiniling ang pagtugon. Pagkatapos ng bawat maldisyon, ibinigay ang tagubilin: “At ang buong bayan ay kailangang magsabi ng, ‘Siya nawa!’ ” (Deuteronomio 27:4-26) Sa gayon, sa bawat puntong isinaalang-alang, sila’y naiulat na sumasang-ayon sa hatol ni Jehova sa mga binanggit na pagkakamali. Tiyak na isang kahanga-hangang pangyayari ito habang isinisigaw ng bansa ang kanilang pagsang-ayon!
14. Noong panahon ni Nehemias, bakit napatunayang lalo nang kapaki-pakinabang ang pangmadlang pagbabasa ng Batas?
14 Noong panahon ni Nehemias, nang ang buong bayan ay nagkatipon sa Jerusalem upang pakinggan ang Batas, nakita nila na hindi nila lubusang naisagawa ang mga tagubilin na nakasulat doon. Sa pagkakataong iyon ay agad nilang ikinapit ang kanilang natutuhan. Ano ang resulta? “Totoong malaking kasayahan.” (Nehemias 8:13-17) Pagkatapos ng sanlinggong pagbabasa ng Bibliya sa araw-araw sa panahon ng kapistahan, natanto nila na higit pa roon ang hinihiling. May pananalangin nilang nirepaso ang kasaysayan ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan buhat sa mga kaarawan ni Abraham patuloy. Lahat ng ito ay nag-udyok sa kanila na sumumpa ayon sa mga kahilingan ng Batas, upang umiwas sa pag-aasawa sa mga banyaga, at upang tanggapin ang mga pananagutan sa pagpapanatili ng templo at ng paglilingkuran dito.—Nehemias, kabanata 8-10.
15. Papaano ipinakikita ng mga tagubilin sa Deuteronomio 6:6-9 na, sa loob ng pamilya, ang pagtuturo ng Salita ng Diyos ay hindi dapat na maging isang pormalismo lamang?
15 Gayundin naman, sa loob ng pamilya, ang pagtuturo ng Kasulatan ay hindi nilayong maging isang pormalismo lamang. Gaya ng nakita na, sa makasagisag na pananalita sa Deuteronomio 6:6-9, sinabihan ang bayan na ‘itali ang mga salita ng Diyos bilang tanda sa kanilang kamay’—sa gayo’y ipinakikita sa pamamagitan ng halimbawa at gawa ang kanilang pag-ibig sa mga daan ni Jehova. At kailangang ilagay nila ang mga salita ng Diyos bilang ‘pinakaalaala sa pagitan ng kanilang mga mata’—anupat laging isinasaisip ang mga simulaing nakapaloob sa Kasulatan at ginagamit ang mga ito bilang saligan ng kanilang mga pasiya. (Ihambing ang pananalitang ginamit sa Exodo 13:9, 14-16.) Kanilang ‘isusulat ang mga ito sa pintuan ng kanilang mga bahay at sa kanilang mga pintuang-daan’—sa gayo’y ipinakikilala ang kanilang mga tahanan at pamayanan bilang mga dako kung saan iginagalang at ikinakapit ang salita ng Diyos. Sa ibang pananalita, ang kanilang buhay ay kailangang magbigay ng saganang patotoo na iniibig at ikinakapit nila ang matuwid na mga batas ni Jehova. Tunay ngang kapaki-pakinabang iyan! May gayundin bang uri ng kahalagahan ang Salita ng Diyos sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ating mga sambahayan? Nakalulungkot, lahat ng ito ay ginawang pormalismo lamang ng mga Judio, anupat nagsusuot ng mga pilakteryang naglalaman ng mga kasulatan na para bang ang mga ito ay mga anting-anting. Hindi na nanggagaling sa puso ang kanilang pagsamba at itinakwil ni Jehova.—Isaias 29:13, 14; Mateo 15:7-9.
Ang Pananagutan ng mga Nasa Tungkulin ng Pangangasiwa
16. Bakit mahalaga para kay Josue ang regular na pagbabasa ng Kasulatan?
16 Hinggil sa pagbabasa ng Kasulatan, pantanging pansin ang iniukol sa mga tagapangasiwa ng bansa. Kay Josue, ganito ang sabi ni Jehova: “Ingatan mong gawin nang naaayon sa buong batas.” Sa layuning matupad niya ang pananagutang iyan, siya’y sinabihan: “Iyong babasahin at bubulaybulayin ito araw at gabi, . . . sapagkat kung magkagayo’y iyong pagtatagumpayin ang iyong lakad at kung magkagayo’y kikilos ka nang may karunungan.” (Josue 1:7, 8) Gaya ng totoo sa sinumang Kristiyanong tagapangasiwa ngayon, ang regular na pagbabasa ni Josue ng Kasulatan ay tutulong sa kaniya upang panatilihing maliwanag sa isipan ang espesipikong mga utos na ibinigay ni Jehova sa Kaniyang bayan. Kailangan ding maunawaan ni Josue kung papaano nakitungo si Jehova sa Kaniyang mga lingkod sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan. Habang binabasa niya ang mga kapahayagan ng layunin ng Diyos, mahalaga para sa kaniya na pag-isipan ang tungkol sa kaniyang sariling pananagutan may kaugnayan sa layuning iyan.
17. (a) Upang makinabang ang mga hari buhat sa pagbabasa ng Bibliya sa paraang ipinahayag ni Jehova, ano ang kailangan kalakip ng kanilang pagbabasa? (b) Bakit napakahalaga para sa Kristiyanong matatanda ang regular na pagbabasa at pagbubulaybulay ng Bibliya?
17 Iniutos ni Jehova na sinumang naglilingkod bilang hari sa Kaniyang bayan, sa pasimula ng kaniyang paghahari, ay gagawa ng isang kopya ng Batas ng Diyos, na ibinabatay iyon sa kopya na iningatan ng mga saserdote. Pagkatapos iyon ay kaniyang “babasahin sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” Ang layunin ay hindi lamang upang sauluhin ang nilalaman niyaon. Sa halip, upang “siya’y matutong matakot kay Jehova na kaniyang Diyos” at upang “ang kaniyang puso ay hindi magmataas sa kaniyang mga kapatid.” (Deuteronomio 17:18-20) Nangangahulugan ito na kaniyang maingat na bubulaybulayin ang kaniyang binabasa. Lumilitaw na ang ilang hari ay nag-isip na sila’y masyadong abala sa mga tungkulin sa pamamahala upang gawin iyan, at ang buong bansa ay nagdusa bunga ng kanilang pagpapabaya. Ang tungkulin ng matatanda sa Kristiyanong kongregasyon ay tiyak na hindi siyang tungkulin ng mga hari. Gayunpaman, kung papaanong totoo sa kalagayan ng mga hari, mahalaga na basahin at bulaybulayin ng matatanda ang Salita ng Diyos. Ang paggawa nila nito ay tutulong sa kanila na maingatan ang isang wastong pangmalas tungkol sa mga ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga. Pangyayarihin din nitong maisagawa nila ang kanilang pananagutan bilang mga guro sa paraan na totoong nagpaparangal sa Diyos at nagpapatibay sa mga kapananampalatayang Kristiyano sa espirituwal na paraan.—Tito 1:9; ihambing ang Juan 7:16-18; tingnan ang kaibahan ng 1 Timoteo 1:6, 7.
18. Matutulungan tayo ng regular na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya na matularan ang anong halimbawa na iniwan ni apostol Pablo?
18 Si apostol Pablo, na isang Kristiyanong tagapangasiwa noong unang siglo, ay isa na totoong nakaaalam sa kinasihang Kasulatan. Nang magpatotoo siya sa mga tao sa sinaunang Tesalonica, mabisang nakipagkatuwiranan siya sa kanila buhat sa Kasulatan at tinulungan sila na maunawaan ang kahulugan. (Gawa 17:1-4) Naabot niya ang puso ng taimtim na mga tagapakinig. Sa gayon, marami na nakapakinig sa kaniya ay naging mga mananampalataya. (1 Tesalonica 2:13) Bilang resulta ng iyong programa sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, nagagawa mo bang maging mabisa sa pangangatuwiran buhat sa Kasulatan? Ang dako ba na kinalalagyan sa iyong buhay ng pagbabasa ng Bibliya at ang paraan ng paggawa mo nito ay nagpapatunay na talagang pinahahalagahan mo kung ano ang kahulugan ng pagtataglay ng Salita ng Diyos? Sa susunod na artikulo, isasaalang-alang natin kung papaano makapagbibigay ng positibong sagot sa mga tanong na ito kahit yaong may mga magawaing iskedyul.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit handang isapanganib ng mga tao ang kanilang buhay at kalayaan upang mabasa ang Bibliya?
◻ Papaano tayo nakikinabang sa pagrerepaso ng mga paglalaang ginawa sa sinaunang Israel upang mapakinggan ang Salita ng Diyos?
◻ Ano ang dapat nating gawin sa nababasa natin sa Bibliya?
◻ Bakit ang pagbabasa at pagbubulaybulay ng Bibliya ay lalo nang mahalaga para sa Kristiyanong matatanda?
[Larawan sa pahina 9]
Sinabi ni Jehova kay Josue: “Iyong babasahin at bubulaybulayin ito araw at gabi”