DIBORSIYO
Ang legal na pagpapawalang-bisa sa kaugnayang pangmag-asawa. Samakatuwid nga, ang pagputol sa buklod ng pag-aasawa sa pagitan ng lalaki at babae. Ang iba’t ibang termino sa orihinal na wika para sa “diborsiyo” ay literal na nangangahulugang “paalisin” (Deu 22:19, tlb sa Rbi8), “palayain” o “kalagan” (Mat 1:19, Int; 19:3, tlb sa Rbi8), “itaboy; palayasin” (Lev 22:13, tlb sa Rbi8), at “putulin.”—Ihambing ang Deu 24:1, 3, kung saan ang pananalitang “isang kasulatan ng diborsiyo” ay literal na nangangahulugang “isang aklat ng pagputol.”
Nang pagbuklurin ni Jehova sina Adan at Eva bilang mag-asawa, hindi siya nagbigay ng probisyon para sa diborsiyo. Nilinaw ito ni Jesu-Kristo nang sagutin niya ang tanong ng mga Pariseo: “Kaayon ba ng kautusan na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa bawat uri ng saligan?” Ipinakita ni Kristo na nilayon ng Diyos na iwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at pumisan ito sa kaniyang asawa, anupat ang dalawa ay magiging isang laman. Pagkatapos ay idinagdag ni Jesus: “Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat 19:3-6; ihambing ang Gen 2:22-24.) Pagkatapos ay itinanong ng mga Pariseo: “Bakit, kung gayon, iniutos ni Moises ang pagbibigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay at pagdiborsiyo sa kaniya?” Bilang tugon, sinabi ni Kristo: “Si Moises, dahil sa katigasan ng inyong puso, ay nagbigay-laya sa inyo na diborsiyuhin ang inyong mga asawang babae, ngunit hindi gayon ang kalagayan mula sa pasimula.”—Mat 19:7, 8.
Bagaman pinahintulutan ang mga Israelita na makipagdiborsiyo sa iba’t ibang saligan bilang pagbibigay-laya, kinontrol ito ng Diyos na Jehova sa Kautusang ibinigay niya sa Israel sa pamamagitan ni Moises. Ang Deuteronomio 24:1 ay nagsasabi: “Kung kukunin ng isang lalaki ang isang babae at gagawin itong pag-aari niya bilang asawa, mangyayari nga na kung hindi ito makasumpong ng lingap sa kaniyang paningin sapagkat nakasumpong siya sa kaniya ng isang bagay na marumi, susulat nga siya ng isang kasulatan ng diborsiyo para rito at ilalagay niya iyon sa kamay nito at paaalisin niya ito sa kaniyang bahay.” Hindi espesipikong binanggit kung ano ang “isang bagay na marumi” (sa literal, “ang kahubaran ng isang bagay”). Hindi iyon tumutukoy sa pangangalunya at ipinahihiwatig ito ng utos ng Diyos sa Israel na ang mga nagkasala ng pangangalunya ay papatayin at hindi lamang didiborsiyuhin. (Deu 22:22-24) Walang alinlangan na noong una, ang ‘karumihan’ na maaaring gawing saligan ng isang lalaking Hebreo para diborsiyuhin ang kaniyang asawa ay tumutukoy sa seryosong mga bagay, marahil ay sa matinding kawalang-galang ng babae sa kaniyang asawa o sa pagdudulot nito ng kahihiyan sa sambahayan. Yamang espesipikong sinabi ng Kautusan na “iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,” hindi makatuwirang ipalagay na basta na lamang magagamit ang maliliit na pagkakamali bilang mga dahilan upang diborsiyuhin ang asawang babae.—Lev 19:18.
Noong mga araw ni Malakias, maraming lalaking Judio ang nakikitungo nang may kataksilan sa kani-kanilang asawa, anupat dinidiborsiyo nila ang mga ito sa lahat ng uri ng saligan at pinaaalis nila ang mga asawa ng kanilang kabataan, posibleng upang makapag-asawa ng mas batang mga babaing pagano. Sa halip na itaguyod ang kautusan ng Diyos, pinahintulutan ito ng mga saserdote, at lubha itong ikinagalit ni Jehova. (Mal 2:10-16) Noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, gumagamit ang mga lalaking Judio ng maraming saligan upang makipagdiborsiyo at ipinahihiwatig ito ng tanong na iniharap ng mga Pariseo kay Jesus: “Kaayon ba ng kautusan na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa bawat uri ng saligan?”—Mat 19:3.
Ayon sa kaugalian ng mga Israelita, ang lalaki ay nagbabayad ng dote para sa babae na mapapangasawa niya, at ang babaing iyon ay ituturing na pag-aari niya. Bagaman ang babae ay tumatanggap ng maraming pagpapala at pribilehiyo, siya ang nakabababa sa kaugnayang pangmag-asawa. Ang kaniyang posisyon ay higit pang mauunawaan sa Deuteronomio 24:1-4, kung saan binabanggit na maaaring diborsiyuhin ng lalaki ang babae ngunit walang sinasabi na maaaring diborsiyuhin ng babae ang lalaki. Palibhasa’y itinuturing siyang pag-aari ng lalaki, hindi niya ito maaaring diborsiyuhin. Sa sekular na kasaysayan, ang unang nakaulat na pangyayari kung saan sinikap ng isang babae sa Israel na diborsiyuhin ang kaniyang asawa ay noong padalhan ng kapatid ni Haring Herodes na si Salome ang asawa nito, ang gobernador ng Idumea, ng isang kasulatan ng diborsiyo na nagpapawalang-bisa sa kanilang pag-aasawa. (Jewish Antiquities, XV, 259 [vii, 10]) Noong narito si Jesus sa lupa, maaaring nagsimula nang makipagdiborsiyo ang ilang babae o kaya’y nakini-kinita niya na ito’y mangyayari. Ipinahihiwatig ito ng kaniyang pananalitang: “Kung sakaling ang isang babae, pagkatapos na diborsiyuhin ang kaniyang asawang lalaki, ay mag-asawa ng iba, siya ay nangangalunya.”—Mar 10:12.
Kasulatan ng Diborsiyo. Bagaman nang dakong huli ay inabuso ang probisyon ng Kautusang Mosaiko para sa pagdidiborsiyo, hindi dapat ipalagay na naging madali para sa isang lalaking Israelita na diborsiyuhin ang kaniyang asawa. Upang magawa iyon, dapat muna siyang magsagawa ng pormal na mga hakbang. Kailangan siyang sumulat ng isang dokumento, anupat ‘susulat siya ng isang kasulatan ng diborsiyo para sa babae.’ Dapat itong ‘ilagay ng nakikipagdiborsiyong lalaki sa kamay ng babae at paalisin niya ito sa kaniyang bahay.’ (Deu 24:1) Bagaman hindi naglaan ng karagdagang detalye ang Kasulatan tungkol sa pamamaraang ito, lumilitaw na kasangkot sa legal na hakbang na ito ang pagsangguni sa awtorisadong mga lalaki, na maaaring magsikap muna na pagkasunduin ang mag-asawa. Ang panahong gagamitin sa paghahanda ng kasulatan at sa legal na pagpapatupad ng diborsiyo ay magbibigay naman ng pagkakataon sa nakikipagdiborsiyong lalaki na muling pag-isipan ang kaniyang pasiya. Kailangang may saligan ang diborsiyong iyon, at kapag wastong ikinapit ang tuntuning ito, tiyak na mahahadlangan ang padalus-dalos na pakikipagdiborsiyo. Gayundin, mapangangalagaan ang mga karapatan at ang kapakanan ng asawang babae. Hindi binabanggit sa Kasulatan kung ano ang nilalaman ng “kasulatan ng diborsiyo.”
Muling Pag-aasawa ng mga Diniborsiyong Kabiyak. Itinakda rin sa Deuteronomio 24:1-4 na ang babaing diniborsiyo ay dapat na ‘lumabas sa bahay ng lalaki at yumaon at maging pag-aari ng ibang lalaki,’ na nangangahulugang maaari siyang mag-asawang muli. Sinabi rin: “Kung ang huling lalaki ay mapoot sa kaniya at sumulat ng isang kasulatan ng diborsiyo para sa kaniya at ilagay iyon sa kaniyang kamay at paalisin siya sa kaniyang bahay, o kung sakaling mamatay ang huling lalaking kumuha sa kaniya bilang kaniyang asawa, ang unang may-ari sa kaniya na nagpaalis sa kaniya ay hindi pahihintulutang kunin siyang muli upang maging asawa niya pagkatapos na siya ay madungisan; sapagkat iyon ay karima-rimarim sa harap ni Jehova, at huwag mong aakayin sa pagkakasala ang lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana.” Pinagbawalan ang dating asawang lalaki na muling kunin ang asawang diniborsiyo niya, marahil ay upang maiwasan ang posibilidad na magpakana ang lalaki at ang dati niyang asawa na pilitin ang ikalawang asawa ng babae na diborsiyuhin siya o ang posibilidad na ipapatay nila ang lalaking iyon, upang muling mapangasawa ng babae ang kaniyang dating asawa. Kung ang babae ay muling kunin ng kaniyang dating asawa, magiging marumi ang bagay na iyon sa paningin ng Diyos. Magiging katawa-tawa ang unang asawang lalaki sapagkat pinaalis na niya ang babae dahil kinasumpungan niya ito ng “isang bagay na marumi” at ngayon, matapos itong legal na ikasal sa ibang lalaki at maging asawa niyaon, ay kukunin na naman niya ito.
Dahil hindi na maaaring muling mapangasawa ng orihinal na asawang lalaki ang babaing diniborsiyo niya kapag ito ay naging pag-aari na ng ibang lalaki, diborsiyuhin man ito ng lalaking iyon o mamatay man ang lalaking iyon, tiyak na mag-iisip munang mabuti ang asawang lalaki bago siya makipagdiborsiyo. (Jer 3:1) Gayunman, walang sinabi na hindi na maaaring muling mapangasawa ng lalaki ang asawang diniborsiyo niya kung hindi naman ito nag-asawang muli pagkatapos na legal na maputol ang kanilang tali ng pag-aasawa.
Pagpapaalis sa mga Asawang Pagano. Bago pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, sinabihan sila na huwag makipag-alyansa ukol sa pag-aasawa sa mga paganong tumatahan doon. (Deu 7:3, 4) Gayunman, noong mga araw ni Ezra, ang mga Judio ay kumuha ng mga asawang banyaga, at sa panalangin sa Diyos, kinilala ni Ezra ang kanilang pagkakasala sa bagay na ito. Bilang tugon sa kaniyang paghimok at bilang pagkilala sa kanilang pagkakamali, pinaalis ng mga lalaki ng Israel ang mga asawang banyaga na kinuha nila “pati na ang mga anak.”—Ezr 9:10–10:44.
Gayunman, kung tungkol sa mga Kristiyano, na nagmula sa lahat ng iba’t ibang bansa (Mat 28:19), hindi nila kailangang diborsiyuhin ang kani-kanilang asawa na hindi mananamba ni Jehova, ni kailangan man nilang hiwalayan ang gayong mga kabiyak, gaya ng ipinakikita ng kinasihang payo ni Pablo. (1Co 7:10-28) Ngunit kung tungkol sa mga nagpaplano pa lamang mag-asawa, pinayuhan ang mga Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.”—1Co 7:39.
Binalak ni Jose na Makipagdiborsiyo. Noong panahong si Maria ay ipinangakong mapangasawa ni Jose, ngunit bago sila magsama, siya ay nasumpungang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu, at sinasabi ng ulat: “Gayunman, si Jose na kaniyang asawa, dahil siya ay matuwid at hindi niya nais na gawin siyang isang pangmadlang panoorin, ay nagbalak na diborsiyuhin siya nang palihim.” (Mat 1:18, 19) Yamang ang pakikipagtipan ay isang permanenteng kaayusan sa gitna ng mga Judio nang panahong iyon, angkop na gamitin dito ang salitang “diborsiyo.”
Kung ang isang babaing ipinakipagtipan ay magpasiping sa ibang lalaki, babatuhin siya hanggang sa mamatay gaya ng isang mangangalunya. (Deu 22:22-29) Sa mga kaso na ang parusa ay pagbato hanggang sa mamatay, dalawang saksi ang kailangan upang mapagtibay ang pagkakasala ng taong iyon. (Deu 17:6, 7) Maliwanag na walang mga saksi si Jose laban kay Maria. Nagdadalang-tao si Maria, ngunit naunawaan lamang ni Jose nang lubusan ang bagay na iyon noong ipaliwanag iyon sa kaniya ng anghel ni Jehova. (Mat 1:20, 21) Hindi sinasabi kung kasama sa ‘palihim na diborsiyo’ na binalak niya ang pagbibigay ng isang kasulatan ng diborsiyo o hindi; ngunit malamang na kikilos si Jose alinsunod sa mga simulain sa Deuteronomio 24:1-4, anupat posibleng didiborsiyuhin niya ito sa harap lamang ng dalawang saksi upang legal na malutas ang bagay na iyon nang hindi magdudulot ng labis na kahihiyan kay Maria. Bagaman hindi binanggit ni Mateo ang bawat detalye ng binabalak gawin ni Jose, ipinakita naman niya na ninais ni Jose na pakitunguhan si Maria nang may awa. Si Jose ay hindi itinuturing na di-matuwid sa bagay na ito, kundi sa halip, “dahil siya ay matuwid at hindi niya nais na gawin [si Maria na] isang pangmadlang panoorin” kung kaya “nagbalak [si Jose] na diborsiyuhin siya nang palihim.”—Mat 1:19.
Kung Kailan Hindi Pinahihintulutan ang Diborsiyo sa Israel. Ayon sa kautusan ng Diyos sa Israel, may mga kalagayan kung saan imposible ang diborsiyo. Posibleng mangyari na ang isang lalaki ay kumuha ng isang asawa, sinipingan niya ito, at kinapootan niya ito. Maaaring may-kabulaanan niyang sabihin na hindi na ito birhen nang mapangasawa niya ito, anupat pinararatangan ito ng kahiya-hiyang mga gawa at nagdadala ng masamang pangalan laban sa babae. Kapag nakapagharap ang mga magulang ng babae ng katibayan na ang anak nila ay isang birhen noong ikasal ito, kailangang disiplinahin ng mga lalaki ng lunsod ang nag-akusa nang may kabulaanan. Pagmumultahin nila siya ng isang daang siklong pilak ($220), ibibigay ito sa ama ng babae, at ang babae ay mananatiling asawa ng lalaking iyon, yamang ayon sa kautusan: “Hindi siya pahihintulutang diborsiyuhin ito sa lahat ng kaniyang mga araw.” (Deu 22:13-19) Gayundin, kung matuklasang sinunggaban ng isang lalaki ang isang dalagang hindi pa naipakikipagtipan at sinipingan niya ito, itinakda ng kautusan: “Ang lalaking sumiping sa kaniya ay magbibigay nga sa ama ng babae ng limampung siklong pilak [$110], at ito ay magiging asawa niya sa dahilang hinamak niya ito. Hindi siya pahihintulutang diborsiyuhin ito sa lahat ng kaniyang mga araw.”—Deu 22:28, 29.
Ano ang tanging maka-Kasulatang saligan ng diborsiyo para sa mga Kristiyano?
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo: “Bukod diyan ay sinabi, ‘Sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, bigyan niya ito ng isang kasulatan ng diborsiyo.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa pakikiapid, ay nagpapangyaring malantad siya sa pangangalunya, at ang sinumang mag-asawa ng isang babaing diniborsiyo ay nangangalunya.” (Mat 5:31, 32) Gayundin, pagkatapos sabihin sa mga Pariseo na ang pagbibigay-laya ng Kautusang Mosaiko na madiborsiyo nila ang kani-kanilang asawa ay hindi ang kaayusan “mula sa pasimula,” sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mat 19:8, 9) Sa ngayon ay kinikilala ng karamihan na magkaiba ang “mga mapakiapid” at ang “mga mangangalunya.” Ayon sa makabagong paggamit, ang mga nagkakasala ng pakikiapid ay mga taong walang asawa na kusang-loob na nakikipagtalik sa isang di-kasekso. Ang mga mangangalunya naman ay mga taong may asawa na kusang-loob na nakikipagtalik sa isang di-kasekso na hindi nila legal na asawa. Gayunman, gaya ng ipinakikita sa artikulong PAKIKIAPID, ang terminong “pakikiapid” ay isinalin mula sa salitang Griegong por·neiʹa at sumasaklaw sa lahat ng uri ng bawal na seksuwal na pagsisiping sa labas ng maka-Kasulatang pag-aasawa. Kaya naman, ang mga salita ni Jesus sa Mateo 5:32 at 19:9 ay nangangahulugan na ang tanging saligan ng diborsiyo na aktuwal na pumuputol sa buklod ng pag-aasawa ay ang paggawa ng por·neiʹa ng isa sa kanila. Batay sa probisyong ito, maaaring makipagdiborsiyo ang isang tagasunod ni Kristo kung nais niya, at sa gayong diborsiyo ay malaya na siyang mag-asawa ng isang Kristiyano na malaya ring mag-asawa.—1Co 7:39.
Ang imoral na mga gawain sa sekso sa pagitan ng isang taong may asawa at ng isang kasekso (homoseksuwalidad) ay marumi at kasuklam-suklam. Ang mga taong gumagawa nito at hindi nagsisisi ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. At, sabihin pa, ang bestiyalidad ay hinahatulan ng Kasulatan. (Lev 18:22, 23; Ro 1:24-27; 1Co 6:9, 10) Ang napakaruruming gawaing ito ay saklaw ng malawak na terminong por·neiʹa. Kapansin-pansin din na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang homoseksuwalidad at bestiyalidad ay hinahatulan ng parusang kamatayan, anupat nagiging malaya ang pinagkasalahang kabiyak upang muling makapag-asawa.—Lev 20:13, 15, 16.
Itinawag-pansin ni Jesu-Kristo na “ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mat 5:28) Ngunit hindi sinabi ni Jesus na ang nilalaman ng puso, kahit hindi pa naisasagawa, ay saligan para sa diborsiyo. Ipinakikita ng mga salita ni Kristo na ang puso ay dapat panatilihing malinis at ang isa ay hindi dapat mag-isip ng mahahalay na kaisipan at pagnanasa.—Fil 4:8; San 1:14, 15.
Idiniin ng rabinikong kautusan ng mga Judio na tungkulin ng isang tao na makipagtalik sa kaniyang asawa at pinahintulutan nito ang asawang lalaki na diborsiyuhin ang kaniyang asawa kung hindi ito magkaanak. Gayunman, hindi binibigyang-karapatan ng Kasulatan ang mga Kristiyano na diborsiyuhin ang kanilang kabiyak sa gayong dahilan. Ang pagkabaog sa loob ng maraming taon ay hindi naging dahilan upang diborsiyuhin ni Abraham si Sara, gayundin sa mga kaso nina Isaac at Rebeka, nina Jacob at Raquel, at ng saserdoteng si Zacarias at ni Elisabet.—Gen 11:30; 17:17; 25:19-26; 29:31; 30:1, 2, 22-25; Luc 1:5-7, 18, 24, 57.
Walang sinasabi sa Kasulatan na magpapahintulot sa isang Kristiyano na diborsiyuhin ang kaniyang kabiyak dahil wala itong pisikal na kakayahang makipagtalik, o nasiraan ito ng bait o dinapuan ito ng isang di-malunasan o nakapandidiring sakit. Ang pag-ibig na dapat ipakita ng mga Kristiyano ay humihiling, hindi ng diborsiyo, kundi ng maawaing pakikitungo sa gayong kabiyak. (Efe 5:28-31) Hindi rin naman binibigyan ng Bibliya ang mga Kristiyano ng karapatan na diborsiyuhin ang kanilang asawa dahil magkaiba sila ng relihiyon, sa halip ay ipinakikita nito na sa pananatili sa piling ng di-sumasampalatayang asawa, maaaring mawagi ng isang Kristiyano ang kaniyang kabiyak sa panig ng tunay na pananampalataya.—1Co 7:12-16; 1Pe 3:1-7.
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus na “ang bawat isa na dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa pakikiapid, ay nagpapangyaring malantad siya sa pangangalunya, at ang sinumang mag-asawa ng isang babaing diniborsiyo ay nangangalunya.” (Mat 5:32) Sa ganitong paraan, ipinakita ni Kristo na kung didiborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa malibang dahil sa “pakikiapid” (por·neiʹa) nito, ilalantad niya ito sa pangangalunya. Iyan ay sapagkat sa gayong diborsiyo, ang di-nangalunyang asawang babae ay hindi nahiwalay sa kaniyang asawa sa tamang paraan at sa gayo’y hindi siya malayang mag-asawa sa ibang lalaki at makipagtalik dito. Nang sabihin ni Kristo na ang sinumang “mag-asawa ng isang babaing diniborsiyo ay nangangalunya,” ang tinutukoy niya ay isang babae na diniborsiyo sa ibang mga saligan at hindi “dahil sa pakikiapid” (por·neiʹa). Ang gayong babae, bagaman diniborsiyo sa legal na paraan, ay hindi diborsiyada sa maka-Kasulatang paraan.
Tulad ni Mateo (Mat 19:3-9), iniulat ni Marcos ang mga pananalita ni Jesus sa mga Pariseo may kinalaman sa diborsiyo at sinipi niya ang sinabi ni Kristo: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nangangalunya laban sa kaniya, at kung sakaling ang isang babae, pagkatapos na diborsiyuhin ang kaniyang asawang lalaki, ay mag-asawa ng iba, siya ay nangangalunya.” (Mar 10:11, 12) Ang katulad na pananalita ay binabanggit din sa Lucas 16:18, na nagsasabi: “Ang bawat isa na dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae at nag-aasawa ng iba ay nangangalunya, at siya na nag-aasawa sa isang babaing diniborsiyo ng isang asawang lalaki ay nangangalunya.” Kung ito lamang ang pagbabatayan, waring ipinagbabawal ng mga talatang ito sa mga tagasunod ni Kristo ang lahat ng pakikipagdiborsiyo, o ipinahihiwatig nito na ang isang indibiduwal na diniborsiyo ay walang karapatan na muling mag-asawa malibang mamatay muna ang kabiyak na diniborsiyo. Gayunman, ang mga salita ni Jesus na iniulat nina Marcos at Lucas ay dapat unawain batay sa mas kumpletong pananalita na iniulat ni Mateo. Idinagdag niya ang pariralang “maliban sa saligan ng pakikiapid” (Mat 19:9; tingnan din ang Mat 5:32), anupat ipinakita na ang isinulat nina Marcos at Lucas nang sipiin nila ang sinabi ni Jesus tungkol sa diborsiyo ay kapit lamang kung ang pakikipagdiborsiyo ay hindi salig sa “pakikiapid” (por·neiʹa) ng di-tapat na kabiyak.
Gayunman, ayon sa Kasulatan, hindi obligado ang isang tao na diborsiyuhin ang isang kabiyak na nangalunya ngunit nagsisisi. Ang Kristiyanong asawang lalaki o asawang babae ay maaaring magpakita ng awa sa gayong kaso, kung paanong lumilitaw na muling tinanggap ni Oseas ang kaniyang nangalunyang asawa na si Gomer at kung paanong pinagpakitaan ni Jehova ng awa ang nagsisising Israel na nagkasala ng espirituwal na pangangalunya.—Os 3.
Isinauli ang orihinal na pamantayan ng Diyos. Maliwanag na ang pananalita ni Jesu-Kristo ay tumutukoy sa pagbalik sa mataas na pamantayan ng pag-aasawa na itinakda ng Diyos na Jehova noong pasimula, at ipinakikita nito na ang magiging mga alagad ni Jesus ay kailangang manghawakan sa mataas na pamantayang iyon. Bagaman may bisa pa noon ang mga saligan sa diborsiyo na inilaan ng Kautusang Mosaiko, ang magiging mga tunay na alagad ni Jesus, na gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama at ‘gumagawa’ o tumutupad ng mga pananalita ni Jesus (Mat 7:21-29), ay hindi makikipagdiborsiyo batay sa gayong mga saligan upang pagpakitaan ng ‘katigasan ng puso’ ang kani-kanilang asawa. (Mat 19:8) Bilang tunay na mga alagad, hindi nila lalabagin ang orihinal na bigay-Diyos na mga simulain na umuugit sa pag-aasawa sa pamamagitan ng pagdiborsiyo sa kanilang mga kabiyak sa anumang saligan maliban sa saligang tinukoy ni Jesus, samakatuwid ay ang “pakikiapid” (por·neiʹa).
Ang taong walang asawa na nakikiapid sa isang patutot ay nagiging ‘kaisang-katawan’ ng taong iyon. Sa katulad na paraan, ang nangangalunya ay nagiging ‘kaisang-katawan,’ hindi ng kaniyang legal na asawa, kundi ng taong imoral na sinisipingan niya. Sa gayon, ang nangangalunya ay nagkakasala hindi lamang laban sa kaniyang sariling laman kundi laban din sa kaniyang legal na asawa na hanggang noong pagkakataong iyon ay ‘kaisang-laman’ niya. (1Co 6:16-18) Dahil dito, ang pangangalunya ay naglalaan ng tunay na saligan upang putulin ang buklod ng pag-aasawa kaayon ng bigay-Diyos na mga simulain, at kapag may gayong saligan, ang diborsiyo ay pormal at ganap na nagpapawalang-bisa sa legal na pag-aasawa, anupat binibigyang-laya ang pinagkasalahang kabiyak na muling makapag-asawa nang marangal.—Heb 13:4.
Makasagisag na Diborsiyo. Ang kaugnayang pangmag-asawa ay ginagamit sa Kasulatan sa makasagisag na paraan. (Isa 54:1, 5, 6; 62:1-6) May tinutukoy ring makasagisag na diborsiyo o pagpapaalis sa isang asawang babae.—Jer 3:8.
Bumagsak ang kaharian ng Juda at winasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., at ang mga tumatahan sa lupain ay dinala sa pagkatapon sa Babilonya. Mga ilang taon bago nito, makahulang sinabi ni Jehova sa mga Judio na malapit nang ipatapon: “Nasaan nga ang kasulatan ng diborsiyo ng inyong ina, na pinaalis ko?” (Isa 50:1) Ang kanilang “ina,” o pambansang organisasyon, ay pinaalis sa makatuwirang dahilan, hindi dahil sumira si Jehova sa kaniyang tipan at nagpasimulang makipagdiborsiyo, kundi dahil sa pagkakasala nito laban sa tipang Kautusan. Ngunit isang nalabi ng mga Israelita ang nagsisi at nanalangin upang manumbalik ang tulad-asawang kaugnayan ni Jehova sa kanila sa sarili nilang lupain. Alang-alang sa kaniyang sariling pangalan, isinauli ni Jehova ang kaniyang bayan sa sarili nilang lupain gaya ng ipinangako, noong 537 B.C.E., sa pagtatapos ng 70-taóng pagkatiwangwang.—Aw 137:1-9; tingnan ang PAG-AASAWA.