Ayon kay Mateo
19 Pagkatapos sabihin ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea, tumawid ng Jordan, at nakarating sa hangganan ng Judea.+ 2 Sinundan siya ng napakaraming tao, at pinagaling niya sila roon.
3 At lumapit sa kaniya ang mga Pariseo para subukin siya. Nagtanong sila: “Puwede bang diborsiyuhin ng isang lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?”+ 4 Sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang* sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae+ 5 at sinabi: ‘Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman’?+ 6 Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya ang pinagsama* ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”+ 7 Sinabi nila sa kaniya: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises ang pagbibigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay para madiborsiyo ang asawang babae?”+ 8 Sinabi niya sa kanila: “Dahil sa katigasan ng puso ninyo, pinahintulutan kayo ni Moises na diborsiyuhin ang inyong mga asawang babae,+ pero hindi ganoon sa pasimula.+ 9 Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”+
10 Sinabi ng mga alagad sa kaniya: “Kung ganiyan ang pag-aasawa, mas mabuti pang huwag nang mag-asawa.” 11 Sinabi niya sa kanila: “Hindi lahat ay makagagawa niyan, kundi ang may ganiyang kaloob lang.+ 12 May mga taong isinilang na bating, ang iba naman ay ginawang bating ng mga tao, at may mga nagpasiyang maging bating para sa Kaharian ng langit. Siya na makagagawa nito, gawin ito.”+
13 Pagkatapos, may mga taong nagdala sa kaniya ng mga bata para maipatong niya sa mga ito ang kaniyang mga kamay at maipanalangin ang mga ito, pero pinagalitan sila ng mga alagad.+ 14 Sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pigilan, dahil ang Kaharian ng langit ay para sa mga gaya nila.”+ 15 At ipinatong niya sa kanila ang mga kamay niya at umalis siya roon.
16 Pagkatapos, may lalaking lumapit sa kaniya at nagsabi: “Guro, anong kabutihan ang dapat kong gawin para magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?”+ 17 Sinabi ni Jesus: “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? May Isa lang na mabuti.+ Pero kung gusto mong tumanggap ng buhay, patuloy mong sundin ang mga utos.”+ 18 Sinabi sa kaniya ng lalaki: “Aling mga utos?” Sinabi ni Jesus: “Huwag kang papatay,+ huwag kang mangangalunya,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan,+ 19 parangalan* mo ang iyong ama at ina,+ at dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+ 20 Sinabi sa kaniya ng lalaki: “Sinusunod ko ang lahat ng iyan; ano pa ang kailangan kong gawin?” 21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung gusto mong maging perpekto, ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit;+ pagkatapos, sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.”+ 22 Nang marinig ito ng lalaki, malungkot siyang umalis, dahil marami siyang pag-aari.+ 23 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Sinasabi ko sa inyo, mahihirapan ang isang mayaman na makapasok sa Kaharian ng langit.+ 24 Inuulit ko, mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.”+
25 Nang marinig iyon ng mga alagad, nabigla sila at sinabi nila: “Kung gayon, sino talaga ang makaliligtas?”+ 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi: “Sa mga tao ay imposible ito, pero sa Diyos ay posible ang lahat ng bagay.”+
27 Pagkatapos, sinabi ni Pedro: “Iniwan na namin ang lahat at sumunod kami sa iyo; ano ang tatanggapin namin?”+ 28 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, sa panahong gagawin nang bago ang lahat ng bagay, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin sa 12 trono para humatol sa 12 tribo ng Israel.+ 29 At ang bawat isa na umiwan sa kaniyang mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa pangalan ko ay tatanggap ng sandaang ulit na mas marami sa mga ito at magmamana ng buhay na walang hanggan.+
30 “Pero maraming nauuna ang mahuhuli at maraming nahuhuli ang mauuna.+