BAGING
Isang halaman na may mahahaba at payat na tangkay na pumupulupot at gumagapang sa lupa o umaakyat sa pamamagitan ng mga pangkuyapit, anupat ang pinakakaraniwang uri ay ang puno ng ubas (Vitis vinifera). Ang salitang Hebreo na geʹphen ay karaniwang tumutukoy sa “punong ubas na pang-alak” (Bil 6:4; Huk 13:14), ang isang eksepsiyon dito ay ang “baging na ligáw” na namumunga ng mga ligáw na upo. (2Ha 4:39) Ang salitang Griego na amʹpe·los ay tumutukoy sa puno ng ubas, at ang salitang am·pe·lonʹ naman ay tumutukoy sa isang ubasan.
Nagsimula ang kasaysayan ng pagtatanim ng ubas sa pananalitang: “Si Noe ay . . . nagtanim ng isang ubasan.” (Gen 9:20) Si Melquisedec, hari ng Salem, ay naglabas ng “tinapay at alak” upang ihain kay Abraham, anupat pinatutunayan nito na ang mga ubas ay itinatanim na sa lupain ng Canaan bago pa ang 1933 B.C.E. (Gen 14:18) Inilalarawan ng mga inskripsiyong Ehipsiyo ang pamimitas ng mga ubas at ang pagyapak sa mga pisaan ng ubas noong ikalawang milenyo B.C.E.; ang mga Paraon noong panahong iyon ay may opisyal na mga katiwala ng kopa. (Gen 40:9-13, 20-23) Gayunman, dumanas ng matinding dagok ang industriya ng paggawa ng alak sa Ehipto nang ‘patayin ni Jehova ang kanilang punong ubas’ sa pamamagitan ng salot ng graniso.—Aw 78:47; 105:33.
Ang mga tiktik na pumasok sa Lupang Pangako, “isang lupain ng . . . mga punong ubas at mga igos at mga granada,” ay nag-uwi mula sa agusang libis ng Escol ng isang kumpol ng ubas na napakalaki anupat kinailangan itong buhatin ng dalawang lalaki sa pamamagitan ng isang pamingga. (Deu 8:8; Bil 13:20, 23, 26) Karaniwang sinasabi na ang mga kumpol ng ubas mula sa rehiyong ito ay tumitimbang nang 4.5 hanggang 5.5 kg (10 hanggang 12 lb). Isang kumpol ang iniulat na tumitimbang nang 12 kg (26 na lb); ang isa naman ay mahigit sa 20 kg (44 na lb).
Bukod sa agusang libis ng Escol, ang iba pang mga rehiyong pinagtatamnan ng mga ubas na binanggit sa Bibliya ay ang En-gedi sa tabi ng Dagat na Patay (Sol 1:14), Sikem (Huk 9:26, 27), Shilo (Huk 21:20, 21), at sa kabila ng Jordan, ang Sibma, Hesbon, at Eleale.—Isa 16:7-10; Jer 48:32.
Pagtatanim at Pag-aalaga. Ang mga ubasan ay kadalasang itinatanim sa mga dalisdis ng burol. Nakaugalian nang bakuran o kulungin ng pader ang mga ubasan (Bil 22:24; Kaw 24:30, 31) at pagtayuan din ng mga kubol o mga toreng bantayan (Isa 1:8; 5:2) upang maipagsanggalang ang mga ubasan mula sa mga magnanakaw o mga hayop na pumapasok gaya ng mga sorra at mga baboy-ramo. (Aw 80:8, 13; Sol 2:15) Pinahintulutan ng Kautusang Mosaiko ang isang nakikiraan sa isang ubasan na kumain hanggang sa siya ay mabusog ngunit hindi siya maaaring magdala nito sa isang lalagyan, sapagkat iyon ay maituturing na pagnanakaw.—Deu 23:24.
Upang maging kumbinyente, isang pisaan ng ubas at isang tangke ang hinuhukay malapit sa ubasan, yamang kadalasan ang kalakhang bahagi ng ani ay pinipisa upang gawing alak. (Isa 5:2; Mar 12:1; tingnan ang ALAK AT MATAPANG NA INUMIN.) Sabihin pa, marami ring sariwang ubas ang kinakain, at ibinibilad din sa araw ang iba upang gawing pasas.—1Sa 25:18; 30:12; 2Sa 16:1; 1Cr 12:40.
Iba’t iba ang pagkakaayos ng sinaunang mga ubasan. Kung minsan, ang mga punong ubas ay sistematikong itinatanim nang hile-hilera anupat may pagitan na 2.5 m (8 piye) o mahigit pa sa isa’t isa, sa lupa na inihandang mabuti. Ayon sa Kautusang Mosaiko, hindi maaaring magtanim ng ibang binhi sa isang ubasan, bagaman ang mga punungkahoy, gaya ng igos, ay maaaring itanim doon. (Deu 22:9; Luc 13:6, 7) Kung minsan, ang mga punong ubas ay hinahayaang gumapang sa lupa pababa sa dalisdis ng burol, anupat ang mga kumpol lamang ang nakaangat sa pamamagitan ng magkakasangang patpat, ngunit kadalasan ay pinagagapang ang mga punong ubas sa ibabaw ng mga balag na kahoy o mga bunton ng mga bato.
Mahalaga ang pagpungos upang makapamunga ng mabubuting ubas. Sinabi ni Jesus na “ang bawat sanga . . . na hindi namumunga ay inaalis niya, at ang bawat isa na namumunga ay nililinis niya [sa pamamagitan ng pagpungos], upang mamunga iyon nang higit pa.” (Ju 15:2) Kapag pinungusan ang mabubungang sanga at pinutol ang di-namumungang mga sanga, nagagamit ng halaman ang buong lakas nito upang maging mas mataas ang kalidad ng bunga nito. Sa mga lupain sa Bibliya, ang pagpungos ay nagsisimula sa tagsibol, bandang Marso, at inuulit sa Abril at muli sa Mayo kung kinakailangan.—2Cr 26:10; Isa 18:5; Luc 13:7.
Ang isang mabungang punong ubas na inaalagaan nang wasto at pinupungusan nang mabuti ay maaaring umabot sa di-pangkaraniwang gulang at laki. Halimbawa, iniulat na may isang punong ubas sa Jerico na mahigit nang 300 taon at ang diyametro ng katawan nito ay halos 46 na sentimetro (18 pulgada). Kung minsan, ang matatandang punong ubas na ito ay tumataas nang mahigit sa 9 na m (30 piye) at nagiging tunay na ‘mga punong ubas.’ Ngunit sa kabila ng ganitong taas nito sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan, ang gayong kahoy ng punong ubas ay hindi mapakikinabangan bilang isang “pingga na magagamit sa paggawa ng gawain” o isang “tulos na mapagsasabitan ng anumang uri ng kagamitan,” sapagkat napakalambot nito; at hindi ito tuwid upang magamit bilang tabla. Tunay nga, ang kahoy ng punong ubas ay nagsilbing isang angkop na ilustrasyon tungkol sa di-tapat na mga tumatahan sa Jerusalem, anupat magagamit lamang bilang panggatong sa apoy, ang pangwakas na kahihinatnan, sabi ni Jesus, ng di-mabungang mga punong ubas.—Eze 15:2-7; Ju 15:6.
Ang matagumpay na kapanahunan ng saganang ani ng ubas ay may awitan at katuwaan na pinagsasaluhan ng mga tagapitas ng mga ubas at ng mga manyayapak sa mga pisaan ng ubas. (Huk 9:27; Isa 16:10; Jer 25:30; tingnan ang PISAAN.) Isa rin itong nakagagalak na panahon para sa mga dukha at mga naninirahang dayuhan sa lupain, na pinahintulutang maghimalay sa mga ubasan pagkatapos ng pag-aani. (Lev 19:10; Deu 24:21) Totoo rin naman ang kabaligtaran nito—kapag natuyo ang mga punong ubas, o kapag hindi namunga ang mga ito, o kapag ang mga ubasan ay naging mga tiwangwang na kaguhuan ng mga tinik, ang mga iyon ay kapaha-pahamak na mga panahon ng matinding lumbay.—Isa 24:7; 32:10, 12, 13; Jer 8:13.
Ayon sa mga kautusan tungkol sa Sabbath, tuwing ikapitong taon at sa panahon ng Jubileo, ang mga ubasan ay hindi sasakahin, hindi pupungusan, at hindi pag-aanihan ng mga may-ari nito. (Lev 25:3-5, 11) Ngunit sa mga taóng iyon, ang sinumang tao (mga may-ari, mga alipin, mga dayuhan, at mga dukha), gayundin ang mga hayop, ay malayang makakakain mula sa anuman na kusang tumutubo roon.—Exo 23:10, 11; Lev 25:1-12.
Makatalinghaga at Makasagisag na Paggamit. Dahil sa pagiging pamilyar ng puno ng ubas—ang malawak na kaalaman ng mga tao tungkol sa pagtatanim at produksiyon nito gayundin sa mga gawaing pag-aani at paghihimalay na kaugnay nito—malimit itong tukuyin ng mga manunulat ng Bibliya. Ang mga punong ubas na namumunga nang sagana ay nagpapakita ng pagpapala ni Jehova. (Lev 26:5; Hag 2:19; Zac 8:12; Mal 3:11; Aw 128:3) Ang pananalitang ‘nakaupo ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos’ ay naging kasabihan na nagpapahiwatig ng kapayapaan at katiwasayan.—1Ha 4:25; 2Ha 18:31; Isa 36:16; Mik 4:4; Zac 3:10.
Ang mga punong ubas na di-mabunga ay kapahayagan ng kawalan ng pabor ng Diyos. (Deu 28:39) Ang Israel ay naging gaya ng mga ubas sa ilang, ngunit ito ay naging punong ubas na nabubulok (Os 9:10; 10:1), gaya ng banyagang punong ubas na namumunga ng mga ubas na ligáw. (Isa 5:4; Jer 2:21) Ipinahihiwatig sa isang karaniwang kasabihan noong panahon nina Jeremias at Ezekiel na ang hilaw na mga ubas ay nakapagpapangilo ng ngipin dahil sa asim ng mga ito.—Jer 31:29, 30; Eze 18:2.
Pinagsikapang iugnay ang “punong ubas ng Sodoma” sa iba’t ibang halaman na matatagpuang katutubo sa lugar ng Dagat na Patay, ngunit ang tagpo ng pananalitang ito sa kaisa-isang paglitaw nito (Deu 32:32) ay maliwanag na nagpapahiwatig ng makasagisag na paggamit. Ang Sodoma ay paulit-ulit na ginamit sa Bibliya upang kumatawan sa katiwalian sa moral at sa kabalakyutan.—Isa 1:10; 3:9; Jer 23:14.
Sa ilang pagkakataon, nagsalita si Jesus tungkol sa mga ubasan at sa mga ubas ng mga ito. (Mat 20:1-16) Tatlong araw na lamang bago ang kaniyang kamatayan, binanggit niya ang ilustrasyon ng balakyot na mga tagapagsaka.—Mar 12:1-9; Luc 20:9-16; tingnan ang ILUSTRASYON, MGA.
Nang pasinayaan niya ang Hapunan ng Panginoon, gumamit si Jesus ng alak, ang ‘bunga ng punong ubas,’ bilang isang sagisag ng kaniyang “dugo ng tipan.” Noong huling gabing iyon ng kaniyang buhay sa lupa, tinukoy rin niya ang kaniyang sarili bilang “ang tunay na punong ubas” at ang kaniyang Ama bilang “ang tagapagsaka.” Ang kaniyang mga alagad ay inihalintulad niya sa “mga sanga” na alinman sa pupungusan upang mamunga nang higit o lubusang tatagpasin.—Mat 26:27-29; Mar 14:24, 25; Luc 22:18; Ju 15:1-10.
Makahulang Paggamit. Nang pagpalain ni Jacob si Juda, may makahulang kahulugan ang kaniyang mga salita: “Itinatali ang kaniyang hustong-gulang na asno sa punong ubas [lag·geʹphen] at ang anak ng kaniyang sariling asnong babae sa piling punong ubas [welas·so·re·qahʹ], tiyak na lalabhan niya ang kaniyang pananamit sa alak at ang kaniyang kasuutan sa dugo ng mga ubas. Pulang-pula ang kaniyang mga mata dahil sa alak.” (Gen 49:8-12) Ang salitang Hebreo na so·re·qahʹ ay tumutukoy sa isang punong ubas na pula na nagluluwal ng pinakamataba o pinakapiling bunga. (Ihambing ang Isa 5:2; Jer 2:21, kung saan lumilitaw ang kaugnay na terminong so·reqʹ.) Mga ilang araw bago ang karatula na kababasahan ng “Ang Hari ng mga Judio” ay ipinaskil sa itaas niya sa pahirapang tulos (Mar 15:26), si Jesu-Kristo, na mula sa tribo ni Juda, ay pumasok sa Jerusalem na nakasakay sa isang bisiro, ang anak ng isang asno, sa gayon ay inihaharap siya sa Jerusalem bilang hari nito. (Mat 21:1-9; Zac 9:9) Bagaman hindi itinali ni Jesus ang bisiro ng asnong babae sa isang literal na punong ubas, ibinigkis naman niya ang kaniyang mga pag-aangkin ng karapatan bilang hari sa isang makasagisag na punong ubas, isa na espirituwal, samakatuwid nga, ang Kaharian ng Diyos.—Ihambing ang Mat 21:41-43; Ju 15:1-5.
Bukod sa lalong dakilang kahulugang ito, ang hula ni Jacob ay nagkaroon ng literal na pagkakapit sa manang ibinigay sa tribo ni Juda sa Lupang Pangako. Kasama rito ang bulubunduking pook, pati na ang mabungang mga libis nito at ang matataas na “mabungang dalisdis ng burol” na ginawang hagdan-hagdan upang maging mga ubasan.—Isa 5:1.
Sa aklat ng Apocalipsis, pagkatapos banggitin ang “aanihin sa lupa,” isang anghel ang narinig na nagbibigay ng utos: “Tipunin mo ang mga kumpol ng punong ubas ng lupa, sapagkat nahinog na ang mga ubas nito.” Kaagad, “ang punong ubas ng lupa” ay tinipon at inihagis “sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.” Ang punong ubas na ito ay naiiba sa “tunay na punong ubas,” na namumunga sa ikaluluwalhati ng Diyos. Maliwanag na “ang punong ubas ng lupa” ay namumunga ng nakasasakit na bunga, sapagkat wawasakin ito sa utos ng Diyos.—Apo 14:15, 18, 19.