SUNGAY, TAMBULI
[sa Ingles, horn].
Sa Israel, ang mga sungay ng mga hayop ay ginagamit bilang mga sisidlan ng langis, mga praskong inuman, mga tintero at mga lalagyan ng kosmetik, at mga panugtog o mga instrumentong panghudyat.—1Sa 16:1, 13; 1Ha 1:39; Eze 9:2; tingnan ang TINTERO NG KALIHIM.
Mga Panugtog at mga Instrumentong Panghudyat. Ang salitang Hebreo na qeʹren ang pangkalahatang katawagan para sa sungay ng isang hayop. (Gen 22:13) Ginamit ito nang minsan upang tumukoy sa isang panugtog na hinihipan, samakatuwid nga, sa pananalitang “tambuling sungay [sa Heb., qeʹren] ng barakong tupa” sa Josue 6:5. Doon, ang pananalitang ito ay ginamit kasama ng salitang Hebreo na shoh·pharʹ (tambuli), isang termino na laging tumutukoy sa sungay ng barakong tupa na ginagamit bilang panugtog. Ang makabagong shoh·pharʹ ay isang hungkag na sungay ng barakong tupa na may haba na mga 36 na sentimetro (14 na pulgada), anupat itinuwid sa pamamagitan ng init ngunit nakakurba sa nakabukang dulo nito. Mayroon itong hiwalay na bokilya para sa paghihip. Ipinapalagay na ang shoh·pharʹ noong panahon ng Bibliya ay walang hiwalay na bokilya, at ayon sa Talmud, hindi itinutuwid ang sungay ng barakong tupa kundi hinahayaang nakakurba.
Pangunahin nang ginagamit ang shoh·pharʹ bilang instrumentong panghudyat. Tinitipon nito ang mga hukbong Israelita, kung minsa’y pinatutunog ang “babalang hudyat” laban sa isang lunsod na sasalakayin, at inihuhudyat ang iba pang mga maniobra para sa pakikipagdigma. (Huk 3:27; 6:34; 2Sa 2:28; Joe 2:1; Zef 1:16) Nagbibigay-babala rin ang shoh·pharʹ sakaling sumalakay ang mga kaaway. (Ne 4:18-20) Yamang ang tambuli ay isa lamang instrumentong panghudyat sa pakikipagbaka, ang tunog ng 300 tambuli, sa normal na mga kalagayan, ay magpapahiwatig ng isang malaking hukbo. Kaya nang marinig ng mga Midianita ang mga tambuli ng bawat isa sa 300 tauhan ni Gideon, “ang buong kampo ay tumakbo” dahil sa matinding takot.—Huk 7:15-22.
Bukod sa pagpapatalastas ng bawat bagong buwan [new moon], inihahayag din ng tambuli ang taon ng Jubileo at nakadaragdag ito sa kagalakan ng iba pang mga okasyon. (Aw 81:3; Lev 25:8-10; 2Sa 6:15; 2Cr 15:14) Noong ipahayag ni Jehova ang mga kundisyon ng tipang Kautusan, ang makahimalang tunog ng tambuli ang isa sa kamangha-manghang mga pangyayari sa Bundok Sinai. (Exo 19:16-19; 20:18) Waring ang pagpapatalastas ng pasimula at ng katapusan ng Sabbath sa pamamagitan ng shoh·pharʹ ay naging isang kaugalian bago pa ang Karaniwang Panahon.
Lumilitaw na ang karamihan sa mga Israelita, anuman ang katayuan nila sa buhay, ay marunong gumamit ng shoh·pharʹ. Hinipan ito ng mga saserdote noong humayo sila sa palibot ng Jerico, at malamang na sila ang nagpapatalastas ng Jubileo sa pamamagitan nito. (Jos 6:4, 5, 15, 16, 20; Lev 25:8-10) Yamang pinatunog ito ni Ehud, ni Gideon at ng kaniyang 300 tauhan, at ni Joab, pati ng mga bantay, na hindi naman mga Levita, ipinahihiwatig nito na ang karamihan ay pamilyar sa instrumentong ito.—Huk 3:27; 6:34; 7:22; 2Sa 2:28; Eze 33:2-6.
Ang terminong Hebreo na yoh·velʹ (barakong tupa) ay ginagamit na singkahulugan ng shoh·pharʹ sa Exodo 19:13, kung saan isinalin ito bilang “tambuling sungay ng barakong tupa.” Sa Daniel 3:5, 7, 10, 15 naman, lumilitaw ang qeʹren sa Aramaiko bilang bahagi ng orkestrang Babilonyo.—Tingnan ang TRUMPETA.
Mga Sungay ng mga Altar. Sa tabernakulo, ang mga sungay ng altar ng insenso at ng altar na pinaghahainan ay tulad-sungay na mga bahaging nakausli mula sa apat na panulukan ng mga ito. Ang mga ito ay kinalupkupan ng materyales na kapareho niyaong ginamit sa altar, alinman sa tanso o ginto. (Exo 27:2; 37:25, 26) Malamang na ang mga altar sa templo ni Solomon ay itinulad sa mga altar ng tabernakulo.—1Ha 6:20, 22.
Noong panahon ng serbisyo ng pagtatalaga, ang mga sungay ng altar na pinaghahainan ay nilagyan ni Moises ng dugo ng toro na handog ukol sa kasalanan upang ‘dalisayin ang altar mula sa kasalanan.’ (Lev 8:14, 15) Ayon sa tagubilin ni Jehova, ang dugo ng partikular na mga hain ay ilalagay ng saserdote sa mga sungay ng isa sa mga altar, depende sa hain na inihahandog.—Lev 4:7, 18, 25, 30, 34; 16:18.
Sinabi ni Jehova na ang mga kasalanan ng Juda ay nakalilok “sa mga sungay ng kanilang mga altar” (Jer 17:1), anupat dahil dito ay naging marumi ang kanilang mga altar at naging di-kaayaaya ang kanilang mga hain; at sa Amos 3:14, ipinahayag ni Jehova na layunin niyang lapastanganin ang mga altar sa Bethel na ginagamit sa pagsamba sa guya sa pamamagitan ng pagputol sa mga sungay ng mga ito.
Maaaring ang pananalita sa Exodo 21:14 ay nangangahulugan na kahit ang isang saserdote ay dapat patayin kung nagkasala ito ng pagpaslang, o na hindi maipagsasanggalang ng paghawak sa mga sungay ng altar ang isang mamamaslang.—Ihambing ang 1Ha 2:28-34.
May mga sungay ang mga altar na nakita nina Ezekiel at Juan sa pangitain.—Eze 43:15; Apo 9:13, 14.
Makasagisag na Paggamit. Ang sungay ng hayop (sa Heb., qeʹren; sa Gr., keʹras) ay isang kakila-kilabot na sandata at madalas gamitin sa Bibliya sa makasagisag na diwa, lalo na sa Hebreong Kasulatan. Ang mga tagapamahala at mga namamahalang dinastiya, kapuwa ang matuwid at ang balakyot, ay sinasagisagan ng mga sungay, at ang kanilang panlulupig ay inihahalintulad sa pagtulak sa pamamagitan ng mga sungay.—Deu 33:17; Dan 7:24; 8:2-10, 20-24; Zac 1:18-21; Luc 1:69-71; Apo 13:1, 11; 17:3, 12; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Noong minsan, nang tiyakin ni Jehova sa kaniyang bayan na sila’y magtatagumpay, sinabi niya na kaniyang ‘gagawing bakal ang sungay ng anak na babae ng Sion.’ (Mik 4:13) Bagaman itinaas ni Jehova ang sungay ng kaniyang bayan, o pinangyari niyang maging dakila iyon, binababalaan naman ang mga balakyot na huwag itaas nang may pagpapalalo ang kanilang sungay, sapagkat puputulin ang mga sungay ng balakyot. (1Sa 2:10; Aw 75:4, 5, 10; 89:17; Am 6:12-14) Dahil sa pagkadamang siya’y lubusang pinabayaan, malungkot na sinabi ni Job: “Ibinaon ko ang aking sungay sa mismong alabok.”—Job 16:15.
Maaari ring gamitin ang salitang “sungay” upang ilarawan ang isang bagay na hugis-sungay. Sa Ezekiel 27:15, malamang na ang “mga sungay na garing” ay tumutukoy sa mga pangil ng elepante. Sa Isaias 5:1 naman, maliwanag na ang pariralang Hebreo na “isang sungay na anak ng langis [o, katabaan]” ay tumutukoy sa “isang mabungang dalisdis ng burol,” anupat ginagamit ang “sungay” upang kumatawan sa pataas na dalisdis ng burol.—Tlb sa Rbi8.