JEPTE
[Buksan Nawa [ng Diyos]; Binuksan [ng Diyos]].
Isang hukom ng Israel, mula sa tribo ni Manases. (Bil 26:29; Huk 11:1) Naglapat siya ng katarungan sa teritoryo ng Gilead sa loob ng anim na taon marahil noong panahon ng pagkasaserdote ni Eli at ng maagang bahagi ng buhay ni Samuel. (Huk 12:7) Dahil sa pagtukoy ni Jepte sa “tatlong daang taon” ng panunupil ng mga Israelita sa S ng Jordan, waring ang pasimula ng kaniyang anim na taon ng pagiging hukom ay papatak nang mga 1173 B.C.E.—Huk 11:26.
Jepte Isang Lehitimong Anak. Ang ina ni Jepte ay “isang babaing patutot,” ngunit hindi naman ito nangangahulugang si Jepte ay isinilang dahil sa pagpapatutot o isang anak sa ligaw. Ang kaniyang ina ay isang patutot noon bago ito napangasawa ni Gilead bilang pangalawahing asawa, gaya ni Rahab na dating isang patutot ngunit nang maglaon ay napangasawa ni Salmon. (Huk 11:1; Jos 2:1; Mat 1:5) Bilang katibayan na si Jepte ay hindi anak sa ligaw, ipinakikita ng ulat na pinalayas siya ng kaniyang mga kapatid sa ama mula sa pangunahing asawa ni Gilead upang hindi siya makabahagi sa mana. (Huk 11:2) Karagdagan pa, nang dakong huli ay si Jepte ang kinilalang lider ng mga lalaki ng Gilead (na sa mga ito ay waring pangunahin ang kaniyang mga kapatid sa ama). (Huk 11:11) Bukod diyan, naghandog siya ng hain sa Diyos sa tabernakulo. (Huk 11:30, 31) Hindi posible ang alinman sa mga bagay na ito para sa isang anak sa ligaw, sapagkat espesipikong sinabi ng Kautusan: “Walang anak sa ligaw ang makapapasok sa kongregasyon ni Jehova. Maging hanggang sa ikasampung salinlahi ay walang sinumang mula sa kaniya ang makapapasok sa kongregasyon ni Jehova.”—Deu 23:2.
Maliwanag na si Jepte ang panganay ni Gilead. Dahil dito, karaniwan nang dalawang bahagi ang dapat niyang manahin sa ari-arian ng kaniyang amang si Gilead (na lumilitaw na patay na nang panahong palayasin si Jepte ng kaniyang mga kapatid sa ama) at dapat din siyang maging ulo ng pamilya. Ang ilegal na pagpapalayas sa kaniya ang tanging paraan upang maipagkait kay Jepte ng kaniyang mga kapatid sa ama ang kaniyang kaukulang mana, sapagkat kahit ang panganay na anak ng isang ama ay anak ng isang pangalawahing asawa, o kahit ng isang di-paboritong asawa, gayunpaman ay siya ang tatanggap ng mga karapatan ng panganay.—Deu 21:15-17.
Pumisan kay Jepte ang “mga Lalaking Batugan.” Nang palayasin si Jepte ng kaniyang mga kapatid sa ama, nanahanan siya sa lupain ng Tob, isang rehiyon sa S ng Gilead, lumilitaw na nasa labas ng mga hanggahan ng Israel. Dito ay nasa mismong hanggahan si Jepte, nakahantad sa mga banyagang kaaway ng Israel, lalo na sa Ammon. Ang “mga lalaking batugan,” samakatuwid nga, mga lalaking maliwanag na naging batugan o nawalan ng trabaho dahil sa panliligalig ng mga Ammonita, at naghihimagsik laban sa pagkaalipin sa Ammon, ay pumaroon kay Jepte at nagpailalim sa kaniyang pangunguna. (Huk 11:3) Ang mga taong nakatira sa teritoryo sa S ng Ilog Jordan (ang mga tribo nina Ruben, Gad, at kalahati ng Manases) ay pangunahin nang mga tagapag-alaga ng baka, at lumilitaw na dahil sa mga pandarambong ng mga manlulusob na Ammonita (na tumatawid pa nga sa Jordan kung minsan) ay nawalan ng mga pag-aari at hanapbuhay ang marami sa mga tumatahan sa Gilead.—Huk 10:6-10.
Nagbantang Makikipagdigma ang mga Ammonita. Sa loob ng 18 taon ay nagpatuloy ang paniniil ng mga Ammonita. Pinahintulutan ito ng Diyos sapagkat may-kataksilang bumaling ang mga Israelita sa paglilingkod sa mga diyos ng mga bansa sa palibot. Ngunit ngayon ay natauhan na ang mga anak ni Israel, anupat pinagsisihan ang kanilang kahibangan at humingi ng tulong kay Jehova. Pinasimulan nilang alisin ang kanilang mga idolo at maglingkod kay Jehova. Sa pagkakataong ito, ang Ammon ay nagpisan sa Gilead para sa malawakang pakikidigma. (Huk 10:7-17; 11:4) Ipinahihiwatig ng bagay na ito na ang di-nakikitang pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, ang talagang nag-udyok sa mga bansang pagano laban sa Israel at na pagsamba sa tunay na Diyos ang tunay na usapin.—Ihambing ang Apo 12:9; Aw 96:5; 1Co 10:20.
Tinipon ng Israel sa Mizpa ang mga hukbo nito. Maliwanag na ang mga kapatid ni Jepte sa ama ay prominente sa matatandang lalaki ng Gilead. (Huk 10:17; 11:7) Nakita nila na kailangan ang wastong pangunguna at patnubay. (Huk 10:18) Natanto nila na dapat silang mapasailalim ng pagkaulo ng isang lalaking inatasan ng Diyos kung nais nilang talunin ang Ammon. (Huk 11:5, 6, 10) Tiyak na si Jepte at ang kaniyang mga tauhan ay nakagawa ng mga kabayanihan sa Tob, na nagpapahiwatig na siya ang pinili ng Diyos. (Huk 11:1) Ang mga lalaki ng Gilead ay nagpasiyang pumaroon kay Jepte, na hinamak nila noon, upang hilingin sa kaniya na maging kanilang ulo.
Naging Ulo ng Gilead si Jepte. Sumang-ayon si Jepte na pangunahan sila sa pakikipaglaban sa Ammon sa isang kundisyon: kung ibibigay ni Jehova sa kaniya ang tagumpay, mananatili siyang ulo pagkabalik mula sa labanan. Ang paggigiit niya nito ay hindi isang sakim na kahilingan. Naipakita na niya na ikinababahala niya ang pakikipaglaban alang-alang sa pangalan ng Diyos at sa kaniyang bayan. Ngayon, kung matatalo niya ang Ammon, patutunayan nito na ang Diyos ay sumasakaniya. Nais tiyakin ni Jepte na hindi na muling iiwan ang pamamahala ng Diyos kapag lumipas na ang krisis. Isa pa, kung talagang siya ang panganay na anak ni Gilead, itinatatag lamang niya ang kaniyang legal na karapatan bilang ulo ng sambahayan ni Gilead. Nang magkagayon ay pinagtibay ang tipan sa harap ni Jehova sa Mizpa. Dito ay muling ipinakita ni Jepte na umaasa siya kay Jehova bilang Diyos at Hari ng Israel at kanilang tunay na Tagapagligtas.—Huk 11:8-11.
Si Jepte, isang taong agad kumikilos, ay hindi nag-aksaya ng panahon at karaka-rakang nagsagawa ng aktibong pangunguna. Nagpadala siya ng mensahe sa hari ng Ammon, anupat binabanggit na ang Ammon ang naunang sumalakay sa lupain ng Israel. Tumugon ang hari na iyon ay lupaing kinuha ng Israel mula sa Ammon. (Huk 11:12, 13) Dito ay ipinakita ni Jepte na hindi siya isang magaspang at walang-pinag-aralang mandirigma kundi isang estudyante ng kasaysayan at lalo na ng mga pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan. Pinabulaanan niya ang argumento ng Ammonita, anupat ipinakita na (1) hindi niligalig ng Israel ang Ammon, Moab, o Edom (Huk 11:14-18; Deu 2:9, 19, 37; 2Cr 20:10, 11); (2) hindi pag-aari ng Ammon ang pinagtatalunang lupain noong panahong sakupin iyon ng mga Israelita, sapagkat iyon ay nasa mga kamay noon ng mga Canaanitang Amorita at ibinigay ng Diyos ang hari ng mga ito, si Sihon, at ang kaniyang lupain sa kamay ng Israel; (3) hindi tinutulan ng Ammon ang paninirahan ng Israel sa nakaraang 300 taon; samakatuwid, ano ang makatuwirang saligan upang gawin nila ito ngayon?—Huk 11:19-27.
Tinukoy ni Jepte ang pinakaugat ng bagay na ito nang ipakita niya na ang usapin ay nakasentro sa pagsamba. Ipinahayag niya na ibinigay ng Diyos na Jehova sa Israel ang lupain at na sa dahilang ito ay hindi nila ibibigay ang isang pulgada man nito sa mga mananamba ng isang huwad na diyos. Tinawag niyang diyos ng Ammon si Kemos. Inaakala ng ilan na ito ay isang pagkakamali. Ngunit, bagaman ang diyos ng Ammon ay si Milcom, at bagaman si Kemos ay isang diyos ng Moab, ang magkamag-anak na mga bansang iyon ay sumamba sa maraming diyos. May-kamalian pa ngang dinala ni Solomon sa Israel ang pagsamba kay Kemos dahil sa kaniyang mga asawang banyaga. (Huk 11:24; 1Ha 11:1, 7, 8, 33; 2Ha 23:13) Bukod diyan, ang “Kemos” ay maaaring mangahulugang “Manunupil, Manlulupig,” ayon sa ilang iskolar. (Tingnan ang Gesenius’s Hebrew and Chaldee Lexicon, isinalin ni S. Tregelles, 1901, p. 401.) Maaaring itinawag-pansin ni Jepte ang diyos na ito bilang siyang pinaniniwalaan ng mga Ammonita na ‘nanupil’ o ‘nanlupig’ sa iba at nagbigay sa kanila ng lupain.
Ang Panata ni Jepte. Nakita ngayon ni Jepte na ang pakikipaglaban sa Ammon ay kalooban ng Diyos. Taglay ang espiritu ng Diyos na nagpapalakas sa kaniya, pinangunahan niya ang kaniyang hukbo sa labanan. Katulad ng pagkilos ni Jacob mga 600 taon na ang nakararaan, nanata si Jepte, anupat ipinakikita ang kaniyang buong-pusong pagnanais na matamo ang patnubay ni Jehova at kinikilalang si Jehova ang dahilan ng anumang tagumpay na kaniyang matatamo. (Huk 11:30, 31; Gen 28:20-22) Dininig ni Jehova nang may paglingap ang kaniyang panata, at nasupil ang mga Ammonita.—Huk 11:32, 33.
Paghahain ba ng tao ang nasa isip ni Jepte nang manata siyang ibibigay niya bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa kaniyang bahay?
Hinatulan ng ilang kritiko at iskolar si Jepte dahil sa kaniyang panata, sa pag-aakalang sinunod ni Jepte ang kaugalian ng ibang mga bansa, anupat inihandog ang kaniyang anak na babae at pinaraan sa apoy bilang isang taong handog na sinusunog. Ngunit hindi ganito ang nangyari. Magiging isang insulto kay Jehova, isang kasuklam-suklam na bagay na labag sa kaniyang kautusan, ang literal na maghain ng tao. Mahigpit niyang inutusan ang Israel: “Huwag mong pag-aralang gawin ang ayon sa mga karima-rimarim na bagay ng mga bansang iyon. Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang nagpaparaan ng kaniyang anak na lalaki o ng kaniyang anak na babae sa apoy . . . Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova, at dahil sa mga karima-rimarim na bagay na ito ay itinataboy sila ni Jehova na iyong Diyos mula sa harap mo.” (Deu 18:9-12) Susumpain ni Jehova, hindi pagpapalain, ang gayong tao. Mismong ang mga kalaban ni Jepte, ang mga Ammonita, ay naghahain ng tao sa kanilang diyos na si Molec.—Ihambing ang 2Ha 17:17; 21:6; 23:10; Jer 7:31, 32; 19:5, 6.
Nang sabihin ni Jepte: “Mangyayari rin nga na yaong lalabas, na lalabas sa mga pinto ng aking bahay upang salubungin ako . . . ay magiging kay Jehova nga,” ang tinutukoy niya ay isang tao at hindi isang hayop, yamang malayong mangyari na ang mga hayop na angkop sa paghahain ay aalagaan sa mga tahanan ng mga Israelita, anupat malayang nakagagala-gala roon. Isa pa, ang paghahandog ng isang hayop ay hindi magpapakita ng pambihirang debosyon sa Diyos. Alam ni Jepte na maaari ngang ang kaniyang anak na babae ang lalabas upang sumalubong sa kaniya. Dapat isaisip na ang espiritu ni Jehova ay sumasa kay Jepte nang pagkakataong iyon; hahadlangan nito si Jepte sa paggawa ng anumang padalus-dalos na panata. Kung gayon, paanong ang tao na lalabas upang sumalubong kay Jepte upang batiin siya sa kaniyang tagumpay ay “magiging kay Jehova” at ihahandog “bilang handog na sinusunog”?—Huk 11:31.
Ang mga tao ay maaaring italaga sa bukod-tanging paglilingkod kay Jehova may kaugnayan sa santuwaryo. Iyon ay isang karapatan na maaaring gamitin ng mga magulang. Si Samuel ay gayong uri ng tao, ipinangako ukol sa paglilingkod sa tabernakulo sa pamamagitan ng isang panata ng kaniyang inang si Hana bago siya ipinanganak. Ang panatang ito ay sinang-ayunan ng asawa nitong si Elkana. Pagkaawat kay Samuel sa suso, inihandog siya ni Hana sa santuwaryo. Kasama niya, nagdala si Hana ng isang haing hayop. (1Sa 1:11, 22-28; 2:11) Si Samson ay isa pang bata na pantanging itinalaga sa paglilingkod sa Diyos bilang isang Nazareo.—Huk 13:2-5, 11-14; ihambing ang awtoridad ng ama sa isang anak na babae gaya ng binalangkas sa Bil 30:3-5, 16.
Nang dalhin ni Jepte ang kaniyang anak na babae sa santuwaryo, na nasa Shilo noong panahong iyon, tiyak na ang paghahandog niya sa kaniya ay nilakipan niya ng isang hayop na handog na sinusunog. Ayon sa Kautusan, ang handog na sinusunog ay papatayin, babalatan, at pagpuputul-putulin; ang mga bituka at mga binti ay huhugasan; at ang katawan nito, lahat pati ulo, ay susunugin sa altar. (Lev 1:3-9) Ang pagiging buo ng gayong handog ay sumasagisag sa lubos, walang-pasubali, at buong-pusong pag-aalay kay Jehova, at kapag kalakip nito ang isa pang handog (halimbawa, kapag sinusundan ng handog na sinusunog ang handog ukol sa kasalanan sa Araw ng Pagbabayad-Sala), katumbas ito ng paghiling kay Jehova na tanggapin ang handog na iyon.—Lev 16:3, 5, 6, 11, 15, 24.
Iyon ay isang tunay na pagsasakripisyo sa bahagi ni Jepte at ng kaniyang anak na babae, sapagkat wala siyang ibang anak. (Huk 11:34) Kaya wala siyang inapo na magpapanatili ng kaniyang pangalan at ng kaniyang mana sa Israel. Ang anak na babae ni Jepte ang kaniyang tanging pag-asa para rito. Tinangisan nito, hindi ang kaniyang kamatayan, kundi ang kaniyang “pagkadalaga,” sapagkat ninanasa ng bawat Israelitang lalaki at babae na magkaanak at panatilihing buháy ang pangalan at mana ng pamilya. (Huk 11:37, 38) Ang pagkabaog ay isang kasawian. Ngunit ang anak na babae ni Jepte ay sinasabing ‘hindi nasipingan ng lalaki.’ Kung ang mga salitang ito ay kapit lamang noong panahon bago tuparin ang panata, kalabisan na ang mga ito, sapagkat espesipiko nang sinabi na siya ay isang dalaga. Sa halip, ang pananalitang iyon ay may kinalaman sa pagtupad sa panata, sapagkat kasunod ito ng pangungusap na, “Tinupad niya ang kaniyang ipinanata tungkol sa kaniya.” Ang totoo, nililinaw ng ulat na pagkatapos tuparin ang panata ay iningatan din niya ang kaniyang pagkadalaga.—Huk 11:39; ihambing ang mga salin sa KJ; Dy; Yg; NW.
Karagdagan pa, ang anak na babae ni Jepte ay dinadalaw “taun-taon” ng kaniyang mga kaibigan upang ‘magbigay sa kaniya ng papuri.’ (Huk 11:40) Ang salitang Hebreo na ta·nahʹ, na ginamit dito, ay lumilitaw rin sa Hukom 5:11, at sa tekstong iyon ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “isinalaysay” (NW, AT), “magsanay” (KJ), “ulitin” (RS). Ang salita ay binigyang-katuturan sa A Hebrew and Chaldee Lexicon (inedit ni B. Davies, 1957, p. 693) na “ulitin, magsanay.” Sa Hukom 11:40 isinalin ng King James Version sa Ingles ang terminong iyon na “lament (taghuyan),” ngunit ang panggilid ay kababasahan ng “talk with (kausapin).” Habang naglilingkod sa santuwaryo ang anak na babae ni Jepte, walang alinlangang tulad ng iba pang mga Netineo (“Mga Ibinigay” na itinalaga sa paglilingkod sa santuwaryo), marami siyang maaaring gawin. Ang mga taong ito ay naglingkod sa pagkuha ng kahoy, pagsalok ng tubig, pagkukumpuni, at tiyak na sa pagsasagawa ng maraming iba pang atas bilang mga katulong ng mga saserdote at mga Levita na naroon.—Jos 9:21, 23, 27; Ezr 7:24; 8:20; Ne 3:26.
Nilabanan ng mga Efraimita si Jepte. Ang mga Efraimita, na nagturing sa kanilang sarili bilang pangunahing tribo ng hilagang Israel (kasama ang Gilead), ay buong-pagmamapuring tumangging kilalanin si Jepte at nagsikap na ipagmatuwid ang kanilang sarili. Kaya kumatha sila ng isang bulaang paratang upang may dahilan silang magalit sa kaniya. Isang katulad na saloobin ang ipinakita nila maraming taon na ang nakararaan, noong panahon ni Hukom Gideon. (Huk 8:1) Ikinatuwiran nila na hindi sila tinawag ni Jepte sa pakikipaglaban sa Ammon, at nagbanta silang susunugin ang bahay ni Jepte kasama siya.—Huk 12:1.
Sumagot si Jepte na tinawag niya sila ngunit tumanggi silang tumugon. Nangatuwiran siya: “Ibinigay sila [ang Ammon] ni Jehova sa aking kamay. Kaya bakit kayo sumampa laban sa akin sa araw na ito upang makipaglaban sa akin?” (Huk 12:2, 3) Ikinatuwiran ng mga Efraimita tungkol sa mga hukbo ni Jepte: “Kayo ay mga lalaking tumakas mula sa Efraim, O Gilead, sa loob ng Efraim, sa loob ng Manases.” (Huk 12:4) Sa ganito ay maaaring nagpapasaring sila kay Jepte sa pagbanggit na pinalayas siya noon at nakisama sa kaniya ang “mga lalaking batugan,” mga walang trabaho, bilang ‘mga takas.’—Huk 11:3.
Sa kinauwian nitong labanan, ang Efraim ay natalo at nagkawatak-watak. Pinigilan sila ng mga tauhan ni Jepte sa mga tawiran ng Jordan. Nang tangkain ng tumatakas na mga Efraimita na ikubli ang kanilang pagkatao, nahalata sila dahil sa kanilang pagbigkas. Nang subukin at hilingang sabihin ang salitang “Shibolet,” hindi nila mabigkas ang magaspang na “sh” kundi ang nabubuo lamang ay ang banayad na “Sibolet.” Dahil sa mapaghimagsik na pagkilos laban sa isa na inatasan ni Jehova upang magligtas sa kanila, 42,000 Efraimita ang nasawi.—Huk 12:5, 6.
Sinang-ayunan ng Diyos. Sa 1 Samuel 12:11 ay binabanggit si Jepte bilang isinugo ni Jehova upang maging tagapagligtas, at sa Hebreo 11:32 ay itinatala siyang kabilang sa tapat na “ulap ng mga saksi.”—Heb 12:1.