Mga Hukom
11 Si Jepte+ na Gileadita ay isang malakas na mandirigma; anak siya ng isang babaeng bayaran, at si Gilead ang kaniyang ama. 2 Pero nagkaroon din si Gilead ng mga anak na lalaki sa asawa niya. Nang lumaki na ang mga anak ng kaniyang asawa, pinalayas nila si Jepte at sinabi rito: “Wala kang mamanahin sa sambahayan ng aming ama, dahil anak ka ng ibang babae.” 3 Kaya lumayo si Jepte sa mga kapatid niya at tumira sa lupain ng Tob. May mga lalaking walang trabaho na sumama kay Jepte, at sumunod sila sa kaniya.
4 Nang maglaon, nakipaglaban ang mga Ammonita sa Israel.+ 5 At nang makipaglaban ang mga Ammonita sa Israel, agad na pinuntahan ng matatandang lalaki ng Gilead si Jepte para pabalikin ito mula sa lupain ng Tob. 6 Sinabi nila kay Jepte: “Sumama ka sa amin at ikaw ang maging kumandante namin, para malabanan natin ang mga Ammonita.” 7 Pero sinabi ni Jepte sa matatandang lalaki ng Gilead: “Hindi ba nasusuklam kayo sa akin kaya pinalayas ninyo ako mula sa bahay ng aking ama?+ Bakit kayo lumalapit sa akin ngayong nagigipit kayo?” 8 Sinabi ng matatandang lalaki ng Gilead kay Jepte: “Kaya nga nakikiusap kami sa iyo ngayon. Kung sasama ka sa amin at makikipaglaban sa mga Ammonita, ikaw ang magiging pinuno naming lahat sa Gilead.”+ 9 Kaya sinabi ni Jepte sa matatandang lalaki ng Gilead: “Kung isasama ninyo ako para lumaban sa mga Ammonita at talunin sila ni Jehova para sa akin, ako nga ang magiging pinuno ninyo!” 10 Sinabi naman ng matatandang lalaki ng Gilead kay Jepte: “Si Jehova nawa ang maging saksi* sa pagitan natin kung hindi namin gagawin ang sinabi mo.” 11 Kaya sumama si Jepte sa matatandang lalaki ng Gilead, at itinalaga siya ng bayan bilang kanilang pinuno at kumandante. At ang lahat ng sinabi ni Jepte ay inulit niya sa harap ni Jehova sa Mizpa.+
12 Pagkatapos, nagsugo si Jepte ng mga mensahero sa hari ng mga Ammonita+ para sabihin: “Ano ba ang nagawa ko sa iyo* at sasalakayin mo ang lupain ko?” 13 Kaya sinabi ng hari ng mga Ammonita sa mga mensahero ni Jepte: “Nang lumabas ang Israel mula sa Ehipto,+ kinuha nila ang lupain ko, mula sa Arnon+ hanggang sa Jabok at hanggang sa Jordan.+ Ngayon ay ibalik mo iyon nang mapayapa.” 14 Pero nagsugo ulit si Jepte ng mga mensahero sa hari ng mga Ammonita 15 para sabihin dito:
“Ito ang sinabi ni Jepte: ‘Hindi kinuha ng Israel ang lupain ng mga Moabita+ at ang lupain ng mga Ammonita,+ 16 dahil nang lumabas sila mula sa Ehipto, naglakad ang Israel sa ilang hanggang sa Dagat na Pula+ at nakarating sa Kades.+ 17 Pagkatapos ay nagsugo ang Israel ng mga mensahero sa hari ng Edom+ para sabihin: “Pakisuyo, paraanin mo kami sa lupain mo,” pero hindi nakinig ang hari ng Edom. Nagpadala rin sila ng mensahe sa hari ng Moab,+ pero hindi ito pumayag. Kaya ang Israel ay nanatili sa Kades.+ 18 Nang maglakbay sila sa ilang, hindi nila dinaanan ang lupain ng Edom+ at ang lupain ng Moab. Naglakbay sila sa silangan ng lupain ng Moab+ at nagkampo sa rehiyon ng Arnon; hindi sila pumasok sa lupain ng Moab,+ dahil ang Arnon ang hangganan ng Moab.
19 “‘Pagkatapos, nagsugo ang Israel ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amorita, na namamahala sa Hesbon, at sinabi ng Israel sa kaniya: “Pakisuyo, paraanin mo kami sa lupain mo papunta sa sarili naming lugar.”+ 20 Pero hindi nagtiwala si Sihon sa Israel kaya hindi niya sila pinayagang dumaan sa kaniyang teritoryo. At tinipon ni Sihon ang kaniyang buong bayan at nagkampo sila sa Jahaz at nakipaglaban sa Israel.+ 21 Dahil dito, ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel si Sihon at ang buong bayan nito sa kamay ng Israel, kaya tinalo nila ang mga ito at kinuha ng Israel ang buong lupain ng mga Amorita, ang mga nakatira sa lupaing iyon.+ 22 Sa gayon, kinuha nila ang buong teritoryo ng mga Amorita mula sa Arnon hanggang sa Jabok at mula sa ilang hanggang sa Jordan.+
23 “‘Si Jehova na Diyos ng Israel ang nagtaboy sa mga Amorita mula sa harap ng kaniyang bayang Israel,+ at ngayon ba ay itataboy mo sila? 24 Hindi ba kinukuha mo ang anumang ibinibigay sa iyo ng diyos mong si Kemos?+ Kaya ang lahat ng itinataboy ni Jehova na aming Diyos mula sa harap namin ang itataboy namin.+ 25 Ngayon, nakahihigit ka ba kay Balak+ na anak ni Zipor, na hari ng Moab? Nakipag-away ba siya sa Israel, o nakipaglaban ba siya sa kanila? 26 Ang Israel ay 300 taon nang nakatira sa Hesbon at sa katabing mga nayon nito*+ at sa Aroer at sa katabing mga nayon nito at sa lahat ng lunsod na nasa tabi ng mga pampang ng Arnon. Bakit hindi ninyo binawi ang mga iyon sa loob ng panahong iyon?+ 27 Hindi ako nagkasala sa iyo, kaya hindi tamang salakayin mo ako. Si Jehova nawa na Hukom+ ang humatol ngayon sa pagitan ng bayan ng Israel at ng bayan ng Ammon.’”
28 Pero ayaw makinig ng hari ng mga Ammonita sa mensaheng ipinadala ni Jepte.
29 Si Jepte ay napuspos ng espiritu ni Jehova,+ at dumaan siya sa Gilead at sa Manases para makapunta sa Mizpe ng Gilead,+ at mula sa Mizpe ng Gilead ay nagpunta siya sa mga Ammonita.
30 Pagkatapos ay nanata si Jepte+ kay Jehova: “Kung ibibigay mo sa aking kamay ang mga Ammonita, 31 sinumang lalabas sa pinto ng bahay ko para salubungin ako pagbalik ko nang payapa mula sa mga Ammonita ay magiging kay Jehova,+ at ihahandog ko siya bilang handog na sinusunog.”+
32 At si Jepte ay nakipagdigma sa mga Ammonita, at ibinigay sila ni Jehova sa kamay niya. 33 Napakarami niyang napatay sa kanila mula sa Aroer hanggang sa Minit—20 lunsod—at hanggang sa Abel-keramim. Kaya natalo ng mga Israelita ang mga Ammonita.
34 Pag-uwi ni Jepte sa bahay niya sa Mizpa,+ lumabas ang kaniyang anak na babae para salubungin siya habang tumutugtog ng tamburin at sumasayaw! Ito ang kaisa-isa niyang anak. Wala siyang ibang anak, lalaki man o babae. 35 Nang makita niya ang anak niya, pinunit niya ang kaniyang damit at sinabi: “Anak ko! Dinurog mo ang puso ko,* dahil ikaw ang paaalisin ko. Nangako ako kay Jehova, at hindi ko na iyon mababawi.”+
36 Pero sinabi nito sa kaniya: “Ama ko, kung nangako ka kay Jehova, gawin mo sa akin ang ayon sa ipinangako mo,+ dahil ipinaghiganti ka ni Jehova sa mga kaaway mo, ang mga Ammonita.” 37 Pagkatapos, sinabi nito sa kaniyang ama: “Isa lang ang hiling ko: Hayaan mo akong magpunta sa kabundukan at manatili roon nang dalawang buwan para iyakan ang aking pagkadalaga kasama ng mga kaibigan kong babae.”*
38 Sinabi ni Jepte: “Sige!” Kaya pinayagan niya itong umalis nang dalawang buwan, at nagpunta ito sa kabundukan kasama ng mga kaibigan nitong babae para iyakan ang pagkadalaga nito. 39 Pagkatapos ng dalawang buwan, bumalik ito sa kaniyang ama, at tinupad ni Jepte ang ipinanata niya tungkol sa anak niya.+ Hindi ito nag-asawa.* At ganito ang naging kaugalian* sa Israel: 40 Taon-taon, nagpupunta ang mga kabataang babae ng Israel sa anak ni Jepte na Gileadita para purihin ito, apat na araw sa isang taon.