Ang Pagliligtas ay Nauukol kay Jehova
“Ang tunay na Diyos para sa atin ay isang Diyos na nagliligtas.”—AWIT 68:20.
1, 2. (a) Bakit natin masasabi na si Jehova ang Pinagmumulan ng kaligtasan? (b) Paano mo ipaliliwanag ang Kawikaan 21:31?
SI Jehova ang Tagapagligtas ng mga taong umiibig sa kaniya. (Isaias 43:11) Mula sa sariling karanasan ay batid ito ng bantog na si Haring David ng Israel, at siya’y buong-pusong umawit: “Ang pagliligtas ay nauukol kay Jehova.” (Awit 3:8) Gayunding mga salita ang ginamit ni propeta Jonas sa isang marubdob na panalangin habang nasa tiyan ng malaking isda.—Jonas 2:9.
2 Alam din ng anak ni David na si Solomon na si Jehova ang Pinagmumulan ng kaligtasan, sapagkat sinabi niya: “Ang kabayo ay isang bagay na inihanda ukol sa araw ng pagbabaka, ngunit ang pagliligtas ay nauukol kay Jehova.” (Kawikaan 21:31) Sa sinaunang Gitnang Silangan, mga barakong baka ang humihila ng araro, mga asno ang nagdadala ng mga kargada, mga mula ang sinasakyan ng mga tao, at mga kabayo ang ginagamit sa pakikipagbaka. Subalit bago pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, iniutos ng Diyos na ang kanilang magiging hari ay ‘huwag magpaparami ng mga kabayo para sa kaniyang sarili.’ (Deuteronomio 17:16) Hindi kakailanganin ang mga kabayong pandigma sapagkat ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan.
3. Anong mga tanong ang nararapat nating isaalang-alang?
3 Ang Soberanong Panginoong Jehova ay “isang Diyos na nagliligtas.” (Awit 68:20) Tunay na nakapagpapatibay-loob na isipin! Subalit ano bang mga ‘pagliligtas’ ang isinasagawa ni Jehova? At sino ang inililigtas niya?
Inililigtas ni Jehova ang mga Matuwid
4. Paano natin nalalaman na inililigtas ni Jehova ang mga taong makadiyos?
4 Lahat ng nagtataguyod ng matuwid na landasin bilang nakaalay na mga lingkod ng Diyos ay maaaliw sa mga salita ni apostol Pedro: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may maka-Diyos na debosyon mula sa pagsubok, ngunit magtaan ng mga taong di-matuwid para sa araw ng paghuhukom upang putulin.” Upang patunayan ang puntong ito, sinabi ni Pedro na ang Diyos ay ‘hindi nagpigil sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan, kundi iningatang ligtas si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-maka-Diyos.’—2 Pedro 2:5, 9.
5. Ano ang mga kalagayan noong naglilingkod si Noe bilang “isang mangangaral ng katuwiran”?
5 Gunigunihin na naroroon ka sa panahon ni Noe. Nasa lupa ang mga demonyong nagkatawang-tao. Ang mga supling ng masuwaying mga anghel na ito ay buong-lupit na nakitungo sa mga tao, at ‘ang lupa ay puno ng karahasan.’ (Genesis 6:1-12) Gayunman, si Noe ay hindi nagawang takutin upang talikuran ang paglilingkuran kay Jehova. Sa halip, siya ay “isang mangangaral ng katuwiran.” Siya at ang kaniyang pamilya ay nagtayo ng isang daong, anupat hindi kailanman nag-alinlangan na aalisin ang kabalakyutan sa kanilang kapanahunan. Hinatulan ng pananampalataya ni Noe ang sanlibutang iyon. (Hebreo 11:7) Ang mga kalagayan sa kasalukuyan ay katulad niyaong sa panahon ni Noe, anupat palatandaan na ito ang mga huling araw ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:37-39; 2 Timoteo 3:1-5) Kung gayon, tulad ni Noe, mapatutunayan bang tapat ka bilang isang mangangaral ng katuwiran na naglilingkod kasama ng bayan ng Diyos habang hinihintay mo ang pagliligtas ni Jehova?
6. Paano pinatutunayan ng 2 Pedro 2:7, 8 na inililigtas ni Jehova ang mga matuwid?
6 Naglaan si Pedro ng karagdagang patotoo na inililigtas ni Jehova ang mga matuwid. Sinabi ng apostol: “Iniligtas [ng Diyos] ang matuwid na si Lot, na lubhang nabagabag sa pagpapakasasa ng mga taong sumasalansang-sa-batas sa mahalay na paggawi—sapagkat ang taong matuwid na iyon sa kaniyang nakita at narinig habang naninirahan sa gitna nila sa araw-araw ay napahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang tampalasan.” (2 Pedro 2:7, 8; Genesis 19:1-29) Ang seksuwal na imoralidad ay naging paraan na ng pamumuhay ng milyun-milyong tao sa mga huling araw na ito. Tulad ni Lot, ikaw ba ay ‘lubhang nababagabag sa pagpapakasasa sa mahalay na paggawi’ ng napakaraming tao sa ngayon? Kung nababagabag ka, at kung nagsasagawa ka ng katuwiran, maaaring mapabilang ka sa mga ililigtas ni Jehova kapag winakasan na ang balakyot na sistemang ito.
Inililigtas ni Jehova ang Kaniyang Bayan Mula sa mga Mang-aapi
7. Paano pinatutunayan ng mga pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita sa Ehipto na inililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa pang-aapi?
7 Hangga’t umiiral ang matandang sistemang ito, pag-uusigin at aapihin ng mga kaaway ang mga lingkod ni Jehova. Ngunit makapagtitiwala sila na ililigtas sila ni Jehova, sapagkat iniligtas niya noon ang kaniyang inaaping bayan. Ipagpalagay na isa kang Israelitang dumaranas ng pang-aapi sa kamay ng mga Ehipsiyo noong panahon ni Moises. (Exodo 1:1-14; 6:8) Nagpasapit ang Diyos ng sunud-sunod na salot sa Ehipto. (Exodo 8:5–10:29) Nang bawiin ng nakamamatay na ikasampung salot ang buhay ng mga panganay ng Ehipto, pinahintulutan ni Paraon na lumisan ang Israel ngunit nang dakong huli ay pinakilos ang kaniyang mga hukbo at ipinatugis sila. Subalit hindi nagtagal, siya at ang kaniyang mga tauhan ay napuksa sa Dagat na Pula. (Exodo 14:23-28) Sumama ka kay Moises at sa buong Israel sa awit na ito: “Si Jehova ay isang tulad-lalaking persona ng digmaan. Jehova ang kaniyang pangalan. Ang mga karo ni Paraon at ang kaniyang mga hukbong pandigma ay ibinulusok niya sa dagat, at ang kaniyang piling mga mandirigma ay ipinaglulubog niya sa Dagat na Pula. Sila’y tinakpan ng bumubugsong katubigan; bumulusok sila sa kalaliman gaya ng isang bato.” (Exodo 15:3-5) Katulad na kapahamakan ang naghihintay sa lahat ng umaapi sa bayan ng Diyos sa mga huling araw na ito.
8, 9. Mula sa aklat ng Mga Hukom, magbigay ng halimbawang nagpapatunay na inililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa mga mang-aapi.
8 Sa loob ng maraming taon matapos pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, mga hukom ang naglalapat ng katarungan sa gitna nila. Kung minsan ay nagdurusa ang bayan sa ilalim ng paniniil ng mga ibang bansa, gayunma’y ginamit ng Diyos ang tapat na mga hukom upang iligtas sila. Bagaman tayo rin ay maaaring ‘dumaraing dahil sa mga nang-aapi at mga nagtataboy sa atin,’ ililigtas din naman tayo ni Jehova bilang kaniyang matapat na mga lingkod. (Hukom 2:16-18; 3:9, 15) Sa katunayan, ang aklat sa Bibliya na Mga Hukom ay nagbibigay sa atin ng katiyakan tungkol dito at sa lalong dakilang pagliligtas na ilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang hinirang na Hukom, si Jesu-Kristo.
9 Bumalik naman tayo sa mga araw ni Hukom Barak. Dahil sa huwad na pagsamba at di-pagsang-ayon ng Diyos, naranasan ng mga Israelita ang 20 taon ng malupit na pananakop ng Canaanitang si Haring Jabin. Si Sisera ang puno ng malaking hukbo ng mga Canaanita. Subalit ‘hindi makakakita ng isang kalasag, ni ng isang lanse, sa gitna ng apatnapung libo sa Israel,’ bagaman ang bansa ay maaaring umabot na sa mga apat na milyon. (Hukom 5:6-8) Buong-pagsisising nanawagan ang mga Israelita kay Jehova. Gaya ng iniutos ng Diyos sa pamamagitan ng propetisang si Debora, tinipon ni Barak ang 10,000 kalalakihan sa Bundok Tabor, at dinala ni Jehova ang mga kaaway sa libis sa paanan ng matayog na Tabor. Dumadagundong sa pagdating ang mga lehiyon ni Sisera at 900 pandigmang karo patawid sa kapatagan at sa tuyong lunas ng ilog ng Kishon. Ngunit tinakpan ng tubig mula sa humuhugos na buhos ng ulan ang Kishon. Nang magmartsa si Barak at ang kaniyang mga tauhan pababa sa Bundok Tabor habang bumabagyo, nasaksihan nila ang kapahamakang sumapit bunga ng matinding galit ni Jehova. Pinabagsak naman ng mga tauhan ni Barak ang nahihintakutan at tumatakas na mga Canaanita, at walang nakaligtas. Tunay na isang babala sa mga nang-aapi sa atin na nangangahas makipaglaban sa Diyos!—Hukom 4:3-16; 5:19-22.
10. Bakit tayo makatitiyak na ililigtas ng Diyos ang kaniyang mga lingkod sa kasalukuyang panahon mula sa lahat ng nang-aapi sa kanila?
10 Ililigtas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa kasalukuyang panahon mula sa lahat ng kanilang mapang-aping mga kaaway, kung paanong iniligtas niya ang may-takot sa Diyos na Israel sa mga panahon ng panganib. (Isaias 43:3; Jeremias 14:8) Iniligtas ng Diyos si David “mula sa palad ng lahat ng kaniyang mga kaaway.” (2 Samuel 22:1-3) Kaya kahit na tayo ay inaapi o pinag-uusig bilang bayan ni Jehova, lakasan natin ang ating loob, sapagkat palalayain tayo ng kaniyang Mesiyanikong Hari mula sa pang-aapi. Oo, “ililigtas niya ang mga kaluluwa ng mga dukha. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa pang-aapi at karahasan.” (Awit 72:13, 14) Talagang malapit na ang katubusang iyan.
Inililigtas ng Diyos ang mga Nagtitiwala sa Kaniya
11. Anong halimbawa ng pananalig kay Jehova ang inilaan ng kabataang si David?
11 Upang makita ang pagliligtas ni Jehova, dapat na magtiwala tayo sa kaniya taglay ang lakas ng loob. Nagpamalas si David ng may-lakas-ng-loob na pananalig sa Diyos nang harapin niya ang higanteng si Goliat. Gunigunihin ang napakatangkad na Filisteong iyan na nakatayo sa harap ng kabataang si David, na nagsabi: “Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak at may sibat at may javelin, ngunit ako’y naparirito sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga kawal ng Israel, na iyong dinusta. Sa araw na ito ay ibibigay ka ni Jehova sa aking kamay, at sasaktan kita at pupugutin ko ang iyong ulo; at ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo ay tunay na ibibigay ko sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito at sa mababangis na hayop sa lupa; at malalaman ng mga tao sa buong lupa na may Diyos ang Israel. At malalaman ng buong kongregasyong ito na hindi nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ng tabak o ng sibat man, sapagkat kay Jehova ang pakikipagbaka.” Di-nagtagal at patay na si Goliat, at nalupig ang mga Filisteo. Maliwanag, iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan.—1 Samuel 17:45-54.
12. Bakit kapaki-pakinabang na alalahanin ang malakas na tauhan ni David na si Eleazar?
12 Kapag nakaharap sa mga mang-uusig, baka kailangan tayong “magtipon ng lakas ng loob” at magtiwala pa nang lubusan sa Diyos. (Isaias 46:8-13; Kawikaan 3:5, 6) Pansinin ang pangyayaring ito sa isang lugar na tinatawag na Pas-damim. Umurong ang Israel sa mga hukbong Filisteo. Ngunit hindi natigilan sa takot si Eleazar, isa sa tatlong tauhan ni David na may pambihirang lakas. Pumuwesto siya sa isang bukid ng sebada at nag-iisang pumatay ng mga Filisteo sa pamamagitan ng tabak. Sa gayon ‘iniligtas ni Jehova ang Israel sa pamamagitan ng isang dakilang kaligtasan.’ (1 Cronica 11:12-14; 2 Samuel 23:9, 10) Walang sinuman ang umaasa na daraigin natin nang nag-iisa ang isang hukbo. Gayunman, baka kung minsan ay nag-iisa tayo at ginigipit ng mga kaaway. Tayo kaya ay may-pananalanging mananalig kay Jehova, ang Diyos na nagliligtas? Hihingin kaya natin ang kaniyang tulong upang maiwasang ipagkanulo ang ating kapananampalataya sa mga mang-uusig?
Inililigtas ni Jehova ang mga Nag-iingat ng Katapatan
13. Bakit naging mahirap mag-ingat ng katapatan sa Diyos sa sampung-tribong kaharian ng Israel?
13 Upang maranasan ang pagliligtas ni Jehova, dapat tayong mag-ingat ng katapatan sa kaniya anuman ang mangyari. Naranasan ng bayan ng Diyos noon ang sari-saring pagsubok. Isip-isipin kung ano ang maaaring nakaharap mo kung nabuhay ka noon sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Ang kalupitan ni Rehoboam ay nagbunsod sa sampung tribo upang iurong ang kanilang pagtangkilik sa kaniya at itatag ang hilagang kaharian ng Israel. (2 Cronica 10:16, 17; 11:13, 14) Sa maraming hari nito, si Jehu ang pinakamahusay, ngunit kahit siya ay ‘hindi lumakad sa kautusan ni Jehova nang kaniyang buong puso.’ (2 Hari 10:30, 31) Gayunpaman, may mga nag-ingat ng katapatan sa sampung-tribong kaharian. (1 Hari 19:18) Nanampalataya sila sa Diyos, at siya’y napatunayang sumakanila. Sa kabila ng mga pagsubok sa iyong pananampalataya, nag-iingat ka ba ng katapatan kay Jehova?
14. Anong pagliligtas ang isinagawa ni Jehova noong panahon ni Haring Hezekias, at ano ang umakay sa pananakop ng Babilonya sa Juda?
14 Napahamak ang kaharian ng Israel dahil sa palasak na pagwawalang-bahala sa Batas ng Diyos. Nang sakupin ito ng mga Asiryano noong 740 B.C.E., ang mga indibiduwal mula sa sampung tribo nito ay tiyak na tumakas patungo sa dalawang-tribong kaharian ng Juda, kung saan maaari silang sumamba kay Jehova sa kaniyang templo. Apat sa 19 na hari ng Juda mula sa angkan ni David—sina Asa, Jehosafat, Hezekias, at Josias—ang namumukod-tangi dahil sa kanilang debosyon sa Diyos. Noong panahon ng tapat na si Hezekias, sumalakay ang mga Asiryano laban sa Juda kasama ng isang makapangyarihang hukbo. Bilang sagot sa pakiusap ni Hezekias, ang Diyos ay gumamit ng isa lamang anghel upang patayin ang 185,000 Asiryano sa loob lamang ng isang gabi, kaya nakaligtas ang Kaniyang mga mananamba! (Isaias 37:36-38) Nang maglaon, dahil sa pagsuway ng bayan sa Batas at hindi pakikinig sa mga babala ng mga propeta ng Diyos, nasakop ng Babilonya ang Juda at nawasak ang kabisera nito, ang Jerusalem, at ang templo noong 607 B.C.E.
15. Bakit kinailangan ng mga Judiong ipinatapon sa Babilonya ang pagbabata, at paano pinapangyari ni Jehova ang katubusan nang dakong huli?
15 Kinailangang magbata ang mga Judiong ipinatapon upang maingatan ang katapatan sa Diyos samantalang bihag sa Babilonya sa loob ng mga 70 malulungkot na taon. (Awit 137:1-6) Isang kapansin-pansing tagapag-ingat ng katapatan si propeta Daniel. (Daniel 1:1-7; 9:1-3) Gunigunihin ang kaniyang kagalakan nang magkabisa ang dekreto ng Persianong Haring Ciro noong 537 B.C.E., na nagpapahintulot sa mga Judio na makabalik sa Juda upang muling itayo ang templo! (Ezra 1:1-4) Maraming taon nang nagbata si Daniel at ang iba pa, ngunit sa wakas ay nakita nila ang pagbagsak ng Babilonya at ang katubusan ng bayan ni Jehova. Dapat itong makatulong sa atin na magbata habang hinihintay natin ang pagpuksa sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.—Apocalipsis 18:1-5.
Laging Inililigtas ni Jehova ang Kaniyang Bayan
16. Anong pagliligtas ang pinapangyari ng Diyos noong panahon ni Reyna Esther?
16 Laging inililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan kapag sila’y tapat sa kaniyang pangalan. (1 Samuel 12:22; Isaias 43:10-12) Bumalik tayo sa panahon ni Reyna Esther—noong ikalimang siglo B.C.E. Hinirang ni Haring Ahasuero (Xerxes I) si Haman bilang punong ministro. Palibhasa’y ikinagalit ang pagtanggi ng Judiong si Mardokeo na yumukod sa kaniya, nagpakana si Haman na ipapatay siya at ang lahat ng Judio sa Imperyo ng Persia. Sinabi niya na sila ay mga manlalabag-batas, nag-alok pa nga siya ng salapi bilang pangganyak, at nakakuha ng pahintulot na gamitin ang panlagdang singsing ng hari upang tatakan ang isang dokumentong nag-uutos ng paglipol sa kanila. May lakas-ng-loob na ibinunyag ni Esther sa hari ang kaniyang pagiging Judio at inilantad ang ubod-samang pakana ni Haman. Di-nagtagal at si Haman ang ibinitay sa mismong tulos na inihanda niya para sa pagpatay kay Mardokeo. Si Mardokeo ay ginawang punong ministro, na may awtoridad na pahintulutan ang mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili. Gayon na lamang ang kanilang tagumpay laban sa mga kaaway. (Esther 3:1–9:19) Ang pangyayaring ito ay dapat magpatibay sa ating pananampalataya na ililigtas ni Jehova ang kaniyang masunuring mga lingkod sa kasalukuyang panahon.
17. Paano gumanap ng isang papel ang pagkamasunurin sa katubusan ng unang-siglong mga Judiong Kristiyano na naninirahan sa Judea?
17 Ang isa pang dahilan kung bakit inililigtas ng Diyos ang kaniyang bayan ay ang bagay na sila’y sumusunod sa kaniya at sa kaniyang Anak. Ilagay mo ang iyong sarili sa kalagayan ng mga Judiong alagad ni Jesus noong unang siglo. Sinabi niya sa kanila: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.” (Lucas 21:20-22) Lumipas ang mga taon, at iniisip mo kung kailan matutupad ang mga salitang ito. Pagkatapos ay naghimagsik ang mga Judio noong 66 C.E. Ang Jerusalem ay pinalibutan ng mga hukbong Romano sa pangunguna ni Cestius Gallus at umabante sila hanggang sa mga pader ng templo. Biglang-bigla, umurong ang mga Romano sa di-maliwanag na kadahilanan. Ano kaya ang gagawin ng mga Judiong Kristiyano? Sa kaniyang Ecclesiastical History (Aklat III, kabanata V, 3), sinabi ni Eusebius na sila’y tumakas mula sa Jerusalem at sa Judea. Nakaligtas sila dahil sinunod nila ang makahulang babala ni Jesus. Gayon ka rin ba kabilis sa pagsunod sa maka-Kasulatang patnubay na inilaan sa pamamagitan ng “tapat na katiwala” na inatasan sa lahat ng “mga pag-aari” ni Jesus?—Lucas 12:42-44.
Kaligtasan Tungo sa Buhay na Walang Hanggan
18, 19. (a) Anong kaligtasan ang ginawang posible ng kamatayan ni Jesus, at para kanino? (b) Ano ang determinadong gawin ni apostol Pablo?
18 Naligtas ang buhay ng mga Judiong Kristiyano sa Judea dahil nagbigay-pansin sila sa babala ni Jesus. Ngunit nagiging posible ang kaligtasan ng “lahat ng uri ng mga tao” tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus. (1 Timoteo 4:10) Kinailangan ng sangkatauhan ang pantubos nang magkasala si Adan, sa gayo’y naiwala ang kaniyang buhay at naipagbili sa pagkaalipin at kamatayan ang sangkatauhan. (Roma 5:12-19) Ang mga hayop na inihahain sa ilalim ng Batas Mosaiko ay bahagyang pantakip lamang sa kasalanan. (Hebreo 10:1-4) Yamang si Jesus ay walang ama na tao at ang banal na espiritu ng Diyos ay maliwanag na ‘lumilim’ kay Maria mula nang siya ay maglihi hanggang sa isilang si Jesus, kung kaya ito ay hindi nagmana ng kasalanan o ng di-kasakdalan. (Lucas 1:35; Juan 1:29; 1 Pedro 1:18, 19) Nang mamatay si Jesus bilang isang sakdal na tagapag-ingat ng katapatan, inihandog niya ang kaniyang sariling sakdal na buhay upang bilhing-muli at palayain ang sangkatauhan. (Hebreo 2:14, 15) Kaya si Kristo ay “nagbigay ng kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat.” (1 Timoteo 2:5, 6) Hindi lahat ay tutugon sa paglalaang ito ukol sa kaligtasan, ngunit sinang-ayunan ng Diyos na ikapit ang mga kapakinabangan nito sa mga tatanggap dito nang may pananampalataya.
19 Sa paghaharap ng halaga ng kaniyang haing pantubos sa Diyos sa langit, muling binili ni Kristo ang mga supling ni Adan. (Hebreo 9:24) Sa gayon ay nagkaroon si Jesus ng isang Kasintahang Babae, na binubuo ng kaniyang 144,000 pinahirang mga tagasunod na ibinangon tungo sa makalangit na buhay. (Efeso 5:25-27; Apocalipsis 14:3, 4; 21:9) Siya rin ay naging “Walang-Hanggang Ama” sa mga tumatanggap ng kaniyang hain at nagtatamo ng buhay na walang hanggan sa lupa. (Isaias 9:6, 7; 1 Juan 2:1, 2) Tunay na isang maibiging kaayusan! Makikita ang pagpapahalaga rito ni Pablo sa kaniyang ikalawang kinasihang liham sa mga Kristiyano sa Corinto, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo. Sa katunayan, determinado si Pablo na huwag hayaan ang anuman na humadlang sa kaniya sa pagtulong sa mga tao na makamit para sa kanilang sarili ang kahanga-hangang paglalaan ni Jehova para sa kaligtasan tungo sa buhay na walang hanggan.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang patotoo sa Kasulatan na inililigtas ng Diyos ang kaniyang matuwid na bayan?
◻ Paano natin nalalaman na inililigtas ni Jehova yaong mga nagtitiwala sa kaniya at nag-iingat ng kanilang katapatan?
◻ Anong paglalaan ang ginawa ng Diyos para sa kaligtasan tungo sa buhay na walang hanggan?
[Larawan sa pahina 12]
Nagtiwala si David kay Jehova, ang “Diyos na nagliligtas.” Nagtitiwala ka ba?
[Larawan sa pahina 15]
Laging inililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan, gaya ng pinatunayan niya noong panahon ni Reyna Esther