Tularan ang Katapatan ni Ittai
“DAKILA at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang hanggan. Sino nga talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?” Ito ang inawit sa langit ng “mga nagtatagumpay sa mabangis na hayop at sa larawan nito.” Itinatampok nito ang katapatan ng Diyos. (Apoc. 15:2-4) Nais ni Jehova na tularan ng kaniyang mga mananamba ang magandang katangiang ito.—Efe. 4:24.
Sa kabaligtaran, ginagawa ni Satanas na Diyablo ang lahat upang ang mga lingkod ng Diyos sa lupa ay hindi makapanatili sa pag-ibig ng Diyos na kanilang sinasamba. Gayunpaman, marami ang nananatiling tapat sa Diyos, kahit sa napakahirap na mga kalagayan. Laking pasasalamat natin na lubos na pinahahalagahan ni Jehova ang gayong debosyon! Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat.” (Awit 37:28) Upang matulungan tayo na manatiling tapat, ipinasulat niya sa kaniyang Salita ang ginawa ng marami sa mga tapat niyang lingkod. Ang isa rito ay ang ulat tungkol kay Ittai na Giteo.
‘Isang Banyaga at Isang Tapon’
Malamang na si Ittai ay taga-Gat, isang kilalang lunsod ng mga Filisteo kung saan isinilang ang higanteng si Goliat at iba pang malalakas na kaaway ng Israel. Ang unang pagkakataon na binanggit sa Bibliya ang mahusay na mandirigmang si Ittai ay noong maghimagsik si Absalom kay Haring David. Sa panahong iyon, naninirahan bilang tapon malapit sa Jerusalem si Ittai at ang 600 lalaking Filisteo na sumama sa kaniya.
Maaaring naalaala ni David sa kalagayan ni Ittai at ng mga tagasunod nito ang kaniyang naging karanasan. Nanganlong siya noon kasama ang 600 mandirigmang Israelita sa teritoryo ng mga Filisteo at pumasok sa teritoryo ni Akis, ang hari ng Gat. (1 Sam. 27:2, 3) Ano ang gagawin ni Ittai at ng kaniyang mga tauhan ngayong naghihimagsik si Absalom laban kay David? Kakampi kaya sila kay Absalom, mananatiling neutral, o sasama kay David at sa mga tauhan nito?
Isip-isipin si David habang tumatakas siya mula sa Jerusalem. Huminto sila sa lugar na tinatawag na Bet-merhak na nangangahulugang “Bahay sa Malayo.” Malamang na ito ang huling bahay sa Jerusalem sa direksiyon ng Bundok ng mga Olibo bago tumawid sa Libis ng Kidron. (2 Sam. 15:17) Dito, tiningnan ni David kung sino ang mga sumama sa kaniya. Narito! Kasama niya hindi lamang mga tapat na Israelita kundi lahat ng Kereteo at Peleteo. Sumama rin sa kaniya ang lahat ng Giteo—si Ittai at ang 600 mandirigma nito.—2 Sam. 15:18.
Sinabi ni David kay Ittai: “Bakit ka pa rin sasama sa amin? Bumalik ka at manahanan kang kasama ng hari [lumilitaw na si Absalom]; sapagkat ikaw ay isang banyaga at, isa pa, ikaw ay isang tapon mula sa iyong lugar. Kahapon ka dumating at ngayon ba ay pagagala-galain na kitang kasama namin, upang yumaon kapag yayaon ako saanman ako paroroon? Bumalik ka at isama mo ang iyong mga kapatid, at pagpakitaan ka nawa ni Jehova ng maibiging-kabaitan at pagiging mapagkakatiwalaan!”—2 Sam. 15:19, 20.
Ipinahayag naman ni Ittai ang kaniyang di-matitinag na katapatan kay David, at sinabi: “Buháy si Jehova at buháy ang panginoon kong hari, sa dakong paroroonan ng panginoon kong hari, maging sa kamatayan man o sa buhay, ay doon paroroon ang iyong lingkod!” (2 Sam. 15:21) Malamang na nang marinig ito ni David, naalaala niya ang sinabi ng kaniyang lola sa tuhod na si Ruth. (Ruth 1:16, 17) Naantig si David ng mga sinabi ni Ittai kaya tumugon siya: “Yumaon ka at tumawid ka” sa Libis ng Kidron. Sa gayon, “tumawid si Ittai na Giteo, at gayundin ang lahat ng kaniyang mga tauhan at lahat ng maliliit na batang kasama niya.”—2 Sam. 15:22.
“Sa Ating Ikatututo”
“Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo,” ang sabi ng Roma 15:4. Kaya mabuting itanong natin, Anong mga aral ang matututuhan natin sa halimbawa ni Ittai? Isaalang-alang kung ano ang nag-udyok sa kaniya na maging tapat kay David. Kahit na si Ittai ay isang banyaga at tapon mula sa Filistia, kinilala niya si Jehova bilang buháy na Diyos at si David naman bilang pinahiran ni Jehova. Hindi niya hinayaang makaapekto sa kaniya ang naging alitan noon ng mga Israelita at Filisteo. Hindi itinuring ni Ittai si David bilang isang kaaway na pumatay sa tagapagtanggol ng mga Filisteo na si Goliat at sa marami pa niyang kababayan. (1 Sam. 18:6, 7) Sa halip, alam niyang mahal ni David si Jehova at tiyak na nakita niya ang magagandang katangian nito. Mataas din ang tingin ni David kay Ittai. Aba, inilagay pa nga ni David “sa ilalim ng kamay ni Ittai” ang sangkatlo ng kaniyang hukbo nang makipagharap siya kay Absalom!—2 Sam. 18:2.
Hindi rin natin dapat hayaan ang pagkakaiba ng kultura, lahi, o etnikong pinagmulan na maging sanhi ng pagtatangi o alitan. Sa halip, dapat nating makita ang magagandang katangian ng iba. Pinatunayan ng halimbawa nina Ittai at David na ang pagkakaroon ng kaalaman at pag-ibig kay Jehova ay makatutulong sa atin na mapagtagumpayan ang pagtatangi.
Habang binubulay-bulay natin ang halimbawa ni Ittai, maaari nating itanong sa ating sarili: ‘Ipinakikita ko rin ba na tapat ako sa Lalong Dakilang David, si Kristo Jesus? Ipinakikita ko ba ang aking katapatan sa pamamagitan ng pagiging masigasig sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad?’ (Mat. 24:14; 28:19, 20) ‘Ano ang handa kong isakripisyo para mapatunayan ang aking katapatan?’
Makikinabang rin ang mga ulo ng pamilya sa pagbubulay-bulay sa halimbawa ni Ittai. Nakaapekto sa mga tauhan ni Ittai ang kaniyang katapatan kay David at ang kaniyang pasiya na pumanig sa haring pinahiran ng Diyos. Sa katulad na paraan, ang mga pagpapasiya ng mga ulo ng pamilya para itaguyod ang tunay na pagsamba ay nakaaapekto sa kanilang pamilya at maaaring mangailangan ng ilang pagsasakripisyo. Pero isang bagay ang tiyak: “Sa matapat ay kikilos [si Jehova] nang may pagkamatapat.”—Awit 18:25.
Wala nang binanggit pa ang Bibliya tungkol kay Ittai pagkatapos ng pakikipagdigma ni David kay Absalom. Makikita sa maikling ulat hinggil sa kaniya ng Salita ng Diyos ang kahanga-hanga niyang katangian noong maiigting na panahon sa buhay ni David. Ang pagbanggit kay Ittai sa kinasihang ulat ay nagpapatunay na kinikilala at pinagpapala ni Jehova ang mga tapat.—Heb. 6:10.