ADRIEL
Ang anak na lalaki ni Barzilai, mula sa lunsod ng Abel-mehola.
Ibinigay kay Adriel ang pinakamatandang anak na babae ni Saul na si Merab bilang asawa, bagaman naipangako na ito kay David noong una. (1Sa 18:17-19) Ang lahat ng limang anak ni Adriel ay ibinigay nang dakong huli para patayin upang maipagbayad-sala ang pagtatangka ni Saul na lipulin ang mga Gibeonita. (2Sa 21:8, 9) Sa ulat na ito, si Mical ang tinutukoy na ina ng limang anak ni Adriel sa halip na si Merab. Yamang si Mical ay namatay na walang anak (2Sa 6:23) at hindi binabanggit saanman na naging asawa siya ni Adriel, itinuturing ng ilang tagapagsalin na lumitaw ang pangalan ni Mical dahil sa pagkakamali ng eskriba. Gayunman, ang pangalan ni Mical ang masusumpungan sa halos lahat ng manuskritong Hebreo. Ayon sa tradisyonal na paliwanag, si Merab na nakatatandang kapatid ni Mical ay maagang namatay matapos magsilang ng limang anak kay Adriel kung kaya si Mical ang nagpalaki sa limang anak ng kaniyang kapatid, at ito ang dahilan kung bakit tinutukoy ang mga ito bilang kaniyang mga anak. Ang salin ni Isaac Leeser sa 2 Samuel 21:8 ay kababasahan: “At ang limang anak ni Mical na anak ni Saul, na pinalaki niya para kay Adriel.”