MAGNANAKAW
Isa na tahasang kumukuha ng pag-aari ng iba nang walang pahintulot, partikular na, isa na nandaraya at nanlilinlang o nagnanakaw nang palihim. Parehung-pareho ang mga pamamaraan ng mga magnanakaw noon at ngayon. Kadalasang sa gabi sila nagnanakaw (Job 24:14; Jer 49:9; Mat 24:43; Luc 12:39; Ju 10:10; 1Te 5:2-5; 2Pe 3:10; Apo 3:3; 16:15), at ang karaniwang pinapasukan nila ay ang bintana. (Joe 2:9) Sa kabilang dako naman, ang mga tulisan at ibang mga magnanakaw ay nag-aabang at dumadaluhong sa kanilang mga biktima sa mga liblib na lugar, kung saan halos imposibleng makahingi ng tulong. Kadalasan ay gumagamit sila ng karahasan o pinagbabantaan nila at isinasapanganib ang buhay ng mga pinagnanakawan nila.—Huk 9:25; Luc 10:30, 36; 2Co 11:26.
Ang mga termino sa orihinal na wika na isinaling “magnakaw” at “magnanakaw” ay maaari ring tumukoy sa pagkakait sa isang tao ng bagay na nararapat na mapasakaniya, o sa pagkuha ng mga bagay mula sa iba sa pamamagitan ng mapandayang mga paraan o sa pamamagitan ng paggamit, para sa sariling kapakinabangan, ng isang bagay na obligado ang isa na ibigay sa iba. Dahil hindi nagbabayad ng mga ikapu ang mga Judio bilang pagsuporta sa tunay na pagsamba sa templo, ‘ninanakawan nila ang Diyos’ noong panahon ni Malakias. (Mal 3:8, 9) Binabanggit sa Kawikaan 28:24 ang tungkol sa isang tao na nagnanakaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, anupat maliwanag na nangangahulugang sa paanuman ay ipinagkakait niya sa kaniyang mga magulang yaong nararapat na mapasakanila. Hinatulan ni Jesu-Kristo ang mga tagapagpalit ng salapi dahil ang templo ay ginawa nilang isang “yungib ng mga magnanakaw.” Ipinahihiwatig nito na napakataas ng singil nila para sa kanilang mga serbisyo.—Mat 21:12, 13.
Sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto, sumulat ang apostol na si Pablo: “Ang ibang mga kongregasyon ay ninakawan ko sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga paglalaan upang makapaglingkod sa inyo.” (2Co 11:8) Wala namang pandaraya sa pagtanggap ni Pablo ng mga paglalaan mula sa iba. Ngunit maliwanag na nagsalita siya na para bang ninakawan niya ang mga kongregasyong iyon sa diwa na ginamit niya yaong tinanggap niya mula sa kanila upang tustusan ang kaniyang mga pangangailangan habang nagpapagal, hindi para sa kanila, kundi alang-alang sa mga taga-Corinto.
Sa ilang kaso, ang pagnanakaw ay maaaring tumukoy sa makatuwirang pagkuha ng bagay na may karapatan ang isang tao na kunin, anupat ang idiniriin ay ang palihim na paraan ng pagsasagawa nito. Halimbawa, ‘ninakaw’ ng mga Israelita ang bangkay ni Saul mula sa liwasan ng Bet-san.—2Sa 21:12.
Hinahatulan ng Diyos. Gayunman, karamihan sa mga pagtukoy ng Bibliya sa pagnanakaw ay may kinalaman sa di-matuwid na pagkuha ng ari-arian ng iba. Tuwirang binabanggit ng kautusan ni Jehova sa Israel: “Huwag kang magnanakaw.” (Exo 20:15; Lev 19:11, 13; Deu 5:19; Mat 19:18) Kailangang magbayad ang magnanakaw nang makalawa, makaapat, o hanggang makalimang ulit pa nga, depende sa binalangkas ng Kautusan. Kung wala siyang kakayahang gawin iyon, ipagbibili siya sa pagkaalipin, anupat maliwanag na muli niyang makakamit ang kaniyang kalayaan kapag lubos na siyang nakabayad. (Exo 22:1-12) Bukod pa sa pagbabayad, ang napahiyang magnanakaw (Jer 2:26) ay magdadala ng handog ukol sa pagkakasala at hihilingan niya ang saserdote na magbayad-sala para sa kaniyang mga kasalanan.—Lev 6:2-7.
Nang bandang huli, ipinagwalang-bahala ng bansang Israel ang mga kautusang ito, at bilang resulta, ipinahintulot ni Jehova na salutin sila ng mga magnanakaw mula sa loob at labas ng bansa. (Deu 28:29, 31; Eze 7:22) Naging pangkaraniwan ang mapandayang mga gawain, lalo na ang paniniil sa mga taong dukha at nagdarahop.—Isa 1:23; 3:14; Jer 7:9-11; 21:12; 22:3; Eze 22:29; Mik 2:2.
Bagaman ang magnanakaw na nagnakaw dahil sa gutom ay maaaring hindi kasinsama ng isa na nagnakaw dahil sa kasakiman at masamang puso, gaya nina Acan at Hudas Iscariote (Jos 7:11, 20, 21; Kaw 6:30; Mat 15:19; Ju 12:4-6), hindi dapat magkasala ng pagnanakaw yaong mga nais magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos. (Isa 61:8; Ro 2:21) Kahit wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano, inuutusan naman sila na ibigin ang kanilang kapuwa. “Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa”; kaya naman ang pagnanakaw ay hindi para sa mga Kristiyano. (Ro 13:9, 10; Mat 22:39; San 2:8) Kung nais ng isang magnanakaw na mamuhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, dapat niyang pagsisihan ang dati niyang landasin ng paggawi at dapat siyang matutong magtrabaho nang masikap para sa kaniyang ikabubuhay. (1Co 6:10; Efe 4:28; 1Pe 4:15) At ang dating magnanakaw na tunay na nagsisisi ay makaaasang patatawarin siya ni Jehova.—Eze 33:14-16.
Isang idyomang Hebreo na literal na nangangahulugang “nakawin ang puso” ang may diwang “paglalangan.”—Gen 31:20, 26, tlb sa Rbi8; ihambing ang 2Sa 15:6.