Patuloy na Magbigay-Babala Tungkol sa Pambihirang Gawain ni Jehova
“Si Jehova ay babangon na gaya sa Bundok ng Perazim, siya’y mapopoot na gaya sa mababang kapatagan malapit sa Gabaon.”—ISAIAS 28:21.
1, 2. Anong pambihirang gawa ang ginawa ni Jehova alang-alang sa Kaniyang bayan noong kaarawan ni David?
ISANG kataka-takang gawain! Isang pinakapambihirang gawa! Iyan ang isinagawa ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan noong sinaunang mga panahon ika-11 siglo B.C.E. At ang kataka-takang gawaing ito ay isang halimbawa para sa isang lalo pang pambihirang gawa na halos pasisimulan na niyang gawin sa malapit na hinaharap. Ano ba ang sinaunang gawaing iyan? Hindi nagtagal pagkatapos na iluklok si David bilang hari sa Jerusalem, ang karatig na mga mamamayang Filisteo ay naglunsad ng isang pagsalakay, at ito ang nagbigay ng daan para sa kataka-takang gawain ni Jehova. Una, ang sinalakay ng mga Filisteo ay ang mababang kapatagan ng Refaim. Si David ay nagtanong kay Jehova kung ano ang dapat niyang gawin at sa kaniya’y iniutos na siya’y sumalakay. Dahil sa pagsunod ni David sa salita ni Jehova, ang malakas na hukbong Filisteo ay lubusang naigupo ni David sa Baal-perazim. Subalit hindi tinanggap ng mga Filisteo na sila’y natalo. Di-nagtagal sila’y bumalik upang magwasak pa at magnakaw sa mababang kapatagan ng Refaim, at muli na namang humingi si David ng payo kay Jehova.
2 Ngayon ay sinabihan siya na pumaroon sa likuran ng mga Filisteo kasama ang kaniyang mga kawal. Sinabi ni Jehova: “Pagka iyong narinig ang hugong ng lakad sa itaas ng mga punò ng baca, sa sandaling iyan ay kikilos ka nang madalian, sapagkat sa sandaling iyan si Jehova ay yumaon na sa unahan mo upang saktan ang kampamento ng mga Filisteo.” At iyan nga ang nangyari. Si David ay naghintay hanggang sa pangyarihin ni Jehova ang hugong ng paglalakad ng mga nagmamartsa sa itaas ng mga punò ng baca—na marahil sa pamamagitan ng isang malakas na hangin. Karakaraka, si David at ang kaniyang mga kawal ay agad naglabasan sa kanilang pinagtataguan at umatake sa nalitong mga Filisteo, dinaig sila at naiwan ang napakaraming nasawi. Ang mga idolong relihiyoso na naiwanan ng mga Filisteo na naghambalang sa larangan ng labanan ay tinipon at sinilaban.—2 Samuel 5:17-25; 1 Cronica 14:8-17.
3. Bakit ang kataka-takang gawain ni Jehova ay kailangang pumukaw ng interes ng mga Judio noong kaarawan ni Isaias, at bakit dapat itong pumukaw ng interes ng Sangkakristiyanuhan ngayon?
3 Ito ay isang pambihirang gawa, isang kataka-takang gawain, na isinagawa ni Jehova laban sa mga Filisteo at alang-alang sa kaniyang pinahirang hari. Ang dakilang gawaing ito ay pumupukaw ng pantanging interes sapagkat si propeta Isaias ay nagbabala na si Jehova’y gagawa rin ng nakakatulad na kataka-taka at makapangyarihang gawain laban sa espirituwal na mga maglalasing ng Juda. Kaya naman, ang di-tapat na mga pinunong relihiyoso noong kaarawan ni Isaias ay kailangan sanang nagbigay-pansin. Ang Sangkakristiyanuhan sa ngayon ay dapat ding magbigay-pansin sapagkat ang nangyari sa Juda ay isang halimbawa ng mangyayari sa wakas sa Sangkakristiyanuhan.
“Ang Higaan ay Totoong Maikli”
4, 5. (a) Papaano buong-linaw na ipinaghahalimbawa ni Isaias ang di-maalwang kalagayan ng mga pinunong relihiyoso noong kaniyang kaarawan? (b) Ano ang dahilan ng di-kaalwanan ngayon ng Sangkakristiyanuhan?
4 “Una, ibinunyag ni Isaias ang katotohanan na ang mga kasunduan na pinagtiwalaan ng sinaunang espirituwal na mga maglalasing na iyon ay isang karayaan, isang kasinungalingan. Pagkatapos ay buong-linaw na ipinaghalimbawa niya ang di-maalwang kalagayan ng mga umaasa sa kasinungalingang iyan. Sinabi niya: “Ang higaan ay totoong maikli na doo’y hindi makaunat ang tao, at ang kumot ay totoong makitid at hindi makabalot sa kaniya.” (Isaias 28:20) Sinumang umuunat sa isang higaan na totoong maikli ay nakausli ang mga paa sa lamig. Sa kabilang dako, kung ibabaluktot niya ang kaniyang tuhod upang magkahusto siya sa maikling higaan, ang kumot ay totoong makitid at ang malaking bahagi ng kaniyang katawan ay nakalantad pa rin. Anuman ang kaniyang gawin, may parte pa rin ng kaniyang katawan na nakalantad sa lamig.
5 Ganiyan ang kalagayan, sa simbolikong pananalita, ng mga tao na noong kaarawan ni Isaias ay naglalagak ng kanilang pagtitiwala sa kanlungang kasinungalingan. Ito rin ang di-maalwang kalagayan ng mga taong sa ngayon ay naglalagak ng kanilang tiwala sa kanlungang kasinungalingan ng Sangkakristiyanuhan. Sila’y nakalantad sa lamig, wika nga. Hindi ito isang panahon ng paghahanap ng kaalwanan sa loob ng makasanlibutang mga kaayusan ukol sa kapayapaan at katiwasayan. Sa ilalim ng dumarating na mga gawang paghatol ng Diyos, ang mga alyansa ng pakikipagkasundo sa makapulitikang mga pinuno ay hindi magdudulot ng mainit na kaalwanan para sa Sangkakristiyanuhan.
Ang Kataka-takang Gawain ni Jehova
6. Papaano kumilos noon si Jehova laban sa Juda, at papaano siya kikilos laban sa Sangkakristiyanuhan?
6 Pagkatapos na buong-linaw na ilarawan ang di-maalwang kalagayan ng di-tapat na Jerusalem noong kaniyang kaarawan—at ng modernong di-tapat na Sangkakristiyanuhan—si Isaias ay nagpatuloy na nagsabi: “Si Jehova ay babangon na gaya sa Bundok ng Perazim, siya’y mapopoot na gaya sa mababang kapatagan malapit sa Gabaon, upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain—ang kaniyang kataka-takang gawain—at upang kaniyang gawin ang kaniyang gawa—ang kaniyang pambihirang gawa.” (Isaias 28:21) Oo, si Isaias ay nagbabala, hindi na magtatagal at babangon si Jehova gaya ng kaniyang pagbangon sa Baal-perazim. Subalit sa ngayon ay kikilos siya laban sa kaniyang di-tapat na bayan, at kaniyang gagawin ang gayon na gaya ng isang di-masusugpong baha ng tubig na bumubuhos sa pamamagitan ng isang puwang sa isang natitibag na prinsa. Ang pakikipagtipan ng Jerusalem sa kamatayan ay mahahayag na walang kabuluhan. Sa katulad na paraan, si Jehova ay kikilos sa malapit na hinaharap laban sa Sangkakristiyanuhan, at kaniyang makikita na lahat ng kaniyang nakalalasing na pakikipagkasundo sa sanlibutang ito ay walang kabuluhan. Ang kaniyang malawak na organisasyon ay magkakawatak-watak at mangangalat ang kaniyang mga tagasunod. Ang kaniyang mga diyus-diyusan ay lubusang matutupok.
7. Bakit ang mga layunin ni Jehova tungkol sa Juda ay tinutukoy na “kataka-taka” at “pambihira”?
7 Bakit ang pagkilos ni Jehova laban sa Jerusalem ay tinawag ni Isaias na isang kataka-taka at pambihirang gawa? Bueno, ang Jerusalem ang sentro ng pagsamba kay Jehova at ang lunsod ng pinahirang hari ni Jehova. (Awit 132:11-18) Sa ganiyang kalagayan, ito ay hindi pa kailanman dumaranas noon ng pagkawasak. Ang templo roon ay hindi pa dumaranas ng pagkasunog. Ang maharlikang angkan ni David, na dati’y matatag na naroroon sa Jerusalem, ay hindi pa naibabagsak. Ang gayong mga bagay ay di mo sukat maisip. Totoong kataka-taka nga na pag-iisipan ni Jehova na payagang mangyari ang gayong mga bagay.
8. Anong babala ang ibinigay ni Jehova tungkol sa kaniyang darating na pambihirang gawa?
8 Subalit si Jehova ay nagbigay ng makatuwirang babala sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta na nakagigitlang mga pangyayari ang magaganap. (Mikas 3:9-12) Halimbawa, ang propetang si Habacuc, na nabuhay noong ikapitong siglo B.C.E. ay nagsabi: “Magmasid, kayong mga tao, sa gitna ng mga bansa, at patuloy na magmasid kayo, at magtitigan sa panggigilalas sa isa’t isa. Kayo’y manggilalas; sapagkat may gawain na ginagawa ang isa sa inyo sa inyong mga kaarawan, na hindi ninyo paniniwalaan bagaman saysayin sa inyo. Sapagkat narito aking itinitindig ang mga Caldeo, yaong kakila-kilabot at marahas na bansa, na lumalakad sa kaluwangan ng lupa upang mag-ari ng mga tahanang dako na hindi kanila. Sila’y kakila-kilabot at nakatatakot.”—Habacuc 1:5-7.
9. Papaano tinupad ni Jehova ang kaniyang babala laban sa Jerusalem?
9 Noong 607 B.C.E., tinupad ni Jehova ang kaniyang babala. Pagkatapos pahintulutang lusubin ng mga hukbong Babiloniko ang Jerusalem, kaniyang pinayagan na wasakin nila kapuwa ang lunsod at ang templo. (Mga Panaghoy 2:7-9) Isa pa, kaniyang pinayagang ang Jerusalem ay mawasak nang ikalawang pagkakataon. Bakit? Bueno, pagkatapos ng 70 taóng pagkatapon, ang nagsising mga Judio ay bumalik sa kanilang sariling bayan, at sa wakas isa pang templo ang itinayo sa Jerusalem. Gayunman, ang mga Judio ay muling lumayo kay Jehova. Noong unang siglo C.E., ang mga salita ni Habacuc ay sinipi ni Pablo sa mga Judio noong kaniyang kaarawan, sa gayo’y nagbabala na magkakaroon ng isang hinaharap na katuparan ng hula. (Gawa 13:40, 41) Si Jesus mismo ay tiyakang nagbabala na ang Jerusalem at ang templo niyaon ay mawawasak dahilan sa kakulangan ng pananampalataya ng mga Judio. (Mateo 23:37–24:2) Ang unang-siglong mga Judio bang iyon ay nakinig? Hindi. Katulad ng kanilang mga ninuno, sila’y lubusang tumanggi sa babala ni Jehova. Kaya naman, inulit ni Jehova ang kaniyang kataka-takang gawa. Ang Jerusalem at ang kaniyang templo ay niwasak noong 70 C.E. sa pamamagitan ng mga hukbong Romano.
10. Papaano kikilos si Jehova laban sa Sangkakristiyanuhan sa malapit na hinaharap?
10 Kung gayon, bakit nga iisipin ninuman na hindi gagawa si Jehova sa panahon natin ng isang bagay na katulad niyan? Ang totoo ay, kaniyang tutuparin ang kaniyang layunin kahit na iyon ay waring kataka-taka at pambihira sa mga hindi naniniwala. Ngayon ang kaniyang wawasakin ay ang Sangkakristiyanuhan, na, katulad ng sinaunang Juda, nag-aangkin na sumasamba sa Diyos subalit naging liko na wala nang pag-asang mabago pa. Sa pamamagitan ng kaniyang Lalong-dakilang David, si Kristo Jesus, si Jehova ay magbabangon laban sa mga “Filisteo” ng Sangkakristiyanuhan sa oras na hindi nila inaasahan. Kaniyang isasagawa ang kaniyang pambihirang gawa hanggang sa sukdulang malipol ang huling bakas ng mga sistemang relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan.—Mateo 13:36-43; 2 Tesalonica 1:6-10.
Pagbibigay-Babala ng Pagkilos ni Jehova
11, 12. Papaano nagbabala ang mga Saksi ni Jehova tungkol sa dumarating na mga kahatulan ni Jehova?
11 Maraming taon nang ang mga Saksi ni Jehova ay nagbababala tungkol sa dumarating na paghuhukom ni Jehova. Kanilang itinawag-pansin na ang pagkapuksa ng Jerusalem at ng templo nito noong 607 B.C.E. at muli na naman noong 70 C.E. ay makahulang mga babala ng mangyayari sa Sangkakristiyanuhan. Bukod dito, kanilang ipinakilala na ang Sangkakristiyanuhan, dahilan sa kaniyang apostasya, ay naging bahagi ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang Babilonyang Dakila. Dahilan dito, ang mga hatol ng Diyos sa Babilonyang Dakila ay tutuparin lalung-lalo na sa Sangkakristiyanuhan, yamang siya ang may pinakamatinding kasalanan sa lahat ng pinagsama-samang mga alipores ni Satanas.—Apocalipsis 19:1-3.
12 Itinatawag-pansin ng mga Saksi ni Jehova ang makahulang babala ng Bibliya na sa takdang panahon ni Jehova, ang makapulitikang mga kalaguyo ng Babilonyang Dakila ay babaling sa kaniya. Ang mga ito ay inilalarawan ng sampung sungay ng isang matingkad-pulang mabangis na hayop, at nagbababala ang Apocalipsis: “Ang sampung sungay na nakita mo, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot [ang Babilonyang Dakila] at kanilang wawasakin at huhubaran siya, at kanilang kakanin ang kaniyang laman at lubusang susunugin siya sa apoy.” (Apocalipsis 17:16) Ang relihiyosong Sangkakristiyanuhan ay susunugin at pupuksain kasama ng lahat ng iba pang mga huwad na relihiyon. Ito ang kataka-takang gawain ni Jehova, ang kaniyang pambihirang gawa sa ating kaarawan.
13. Papaanong ang epekto ng mga babala ni Jehova ngayon ay katulad din ng naranasan ni Isaias?
13 Pagka sinasalita ng mga Saksi ni Jehova ang babala ng pagdating na ito ng napipintong kapahamakan, malimit na sila’y napapaharap sa nagtatawang mga manlilibak. Iniisip ng mga tao kung sino ba sila sa kanilang akala upang magsalita ng gayong mga bagay. Ang Sangkakristiyanuhan ay wari nga namang napakatatag, napakatibay. Aba, inaakala ng iba na ang kaniyang puwesto ay lalo pang humuhusay. Mga pamahalaan na dati’y nang-aapi sa kaniya ay kamakailan pumayag na siya’y magkaroon ng lalong malaking kalayaan ng pagkilos. Gayunman, ang totoo, dapat sundin ng Sangkakristiyanuhan ang payo ni Isaias: “Huwag kayong maging mga manunuya, upang ang mga panali sa inyo ay huwag magsitibay, sapagkat may gagawing paglipol, na ipinasiya na, at narinig ko sa Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, para sa buong lupain.”—Isaias 28:22; 2 Pedro 3:3, 4.
14. Papaanong ang mga panali ng Sangkakristiyanuhan ay lalong titibay at lalong hihigpit?
14 Sa kalakhang bahagi, ang Sangkakristiyanuhan ay patuloy na magiging salungat sa Hari at sa Kaharian. (2 Tesalonica 2:3, 4, 8) Gayunman, ang kaniyang mga panali ay lalong titibay at lalong hihigpit. Sa ibang pananalita, ang kaniyang pagkapuksa ay higit at higit na magiging tiyak. Si Jehova ay hindi tatalikod sa kaniyang pasiya na puksain ang Sangkakristiyanuhan kung papaanong hindi siya nagbago sa kaniyang pasiya na payagang mapuksa ang Jerusalem at ang kaniyang templo noong 607 B.C.E.
“Lumabas Kayo sa Kaniya”
15. Anong daang tatakasan ang bukás sa matuwid-ang-pusong mga tao?
15 Papaanong ang sinuman ay makaiiwas sa kapahamakan ng Sangkakristiyanuhan? Noong mga kaarawan ng Israel, si Jehova ay nagsugo ng tapat na mga propeta upang ipanumbalik sa dalisay na pagsamba ang matuwid-ang-pusong mga tao. Sa ngayon, kaniyang ibinangon ang kaniyang mga Saksi, ngayo’y milyun-milyon na ang bilang, ukol sa nakakatulad na layunin. Sila’y walang-takot na nagbubunyag sa kalagayan ng Sangkakristiyanuhan na patay sa espirituwal. Sa paggawa ng gayon, kanilang buong-katapatang ibinabalita ang tulad-salot na mga pasabi na nagmumula sa humihihip na mga pakakak ng mga anghel sa Apocalipsis kabanata 8 at 9. At, kanilang masigasig na itinanyag ang payo na nasusulat sa Apocalipsis 18:4: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, . . . kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” Ang “kaniya” na tinutukoy rito ay ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang pangunahing miyembro nito ay ang Sangkakristiyanuhan.
16. Papaanong ang milyun-milyon ay tumakas buhat sa huwad na relihiyon?
16 Magbuhat noong 1919, at lalo na magbuhat noong 1922, isang lumalaking pulutong ng mga taong maaamo, sa pagtugon sa payong iyan, ang nagsilabas sa Babilonyang Dakila. Una ay libu-libo, pagkatapos ay daan-daang libo, at ngayon ay milyun-milyon na ang humiwalay sa huwad na relihiyon, lalo na sa Sangkakristiyanuhan, at tumakas tungo sa dalisay na pagsamba. (Isaias 2:2-4) Batid nila na tanging sa ganoong pag-alis sa Babilonyang Dakila maiiwasan nila ang kaniyang mga salot, na sasapit sa sukdulan sa kaniyang pagkapuksa pagka dumating na ang panahon upang matapos ang pambihirang gawa ni Jehova.
17, 18. Papaanong si Jehova ay naging isang putong ng marilag na hiyas at isang diadema ng kagandahan sa kaniyang bayan?
17 Inilalahad ni propeta Isaias ang maligayang kalagayan ng mga naninindigan sa panig ng dalisay na pagsamba. Kaniyang sinasabi: “Sa araw na iyan si Jehova ng mga hukbo ay magiging mistulang putong ng marilag na hiyas at mistulang isang diadema ng kagandahan sa mga nalabi ng kaniyang bayan, at pinaka-diwa ng katarungan sa isang nauupo sa paghatol, at pinaka-lakas sa mga nagpapaurong sa kaaway.”—Isaias 28:5, 6.
18 Dahilan sa kanilang katapatan sa katotohanan, si Jehova ang walang-kupas na putong ng kaluwalhatian para sa mga miyembro ng uring tapat at maingat na alipin. Ito’y lalung-lalo nang kapit magbuhat noong 1926. Nang taóng iyan ang Enero 1 labas ng The Watch Tower ang nagdiin ng mahalagang pangangailangan na dakilain ang pangalan ni Jehova sa isang nakapupukaw na artikulong pinamagatang “Who Will Honor Jehovah?” (Sino ang Magpaparangal kay Jehova?) Magbuhat noon, higit kailanman ang pangalang iyan ay inilathala sa buong daigdig ng pinahirang mga Kristiyano. Noong 1931 ang kanilang malapit na kaugnayan kay Jehova ay lalong napatanyag nang kanilang tanggapin ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Bukod dito, isang malaking pulutong ng mga ibang tupa ang nagsilabas din sa Sangkakristiyanuhan at sa natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila. Ang mga ito man ay tumanggap ng pangalan ng Diyos. Ang resulta? Si Jehova mismo—imbes na anumang pansamantalang pambansang kasarinlan—ay naging isang putong ng marilag na hiyas at isang diadema ng kagandahan para sa mahigit na apat na milyong katao sa mga 212 bansa at mga isla sa dagat. Kaylaking karangalan na taglayin ng mga ito ang pangalan ng tanging buháy at tunay na Diyos!—Apocalipsis 7:3, 4, 9, 10; 15:4.
“Ang Espiritu ni Jehova ay Sasakaniya”
19. Sino ang isang nakaupo upang humatol, at papaanong si Jehova ay naging pinaka-diwa ng katarungan sa kaniya?
19 Kay Jesus, ang “isang nauupo sa paghatol,” si Jehova ay naging “pinaka-diwa ng katarungan.” Nang narito si Jesus sa lupa, siya ay tumangging padaig sa nakalalasing na espiritu ng makasanlibutang mga alyansa. Sa ngayon, bilang nakaluklok na Hari ni Jehova, siya ay puspos ng banal na espiritu, na pumapatnubay sa kaniya sa paggawa ng timbang, malinaw-ang-pangmalas na mga desisyon. Natupad kay Jesus ang hula: “Ang espiritu ni Jehova ay sasakaniya, ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:2) Totoo naman, sa pamamagitan ni Jesus, gagawin ni Jehova na “katarungan ang pinaka-pising panukat at katuwiran ang pinaka-pabató.” (Isaias 28:17) Samantalang ang mga kaaway na mga lasing sa espirituwal ay mangapupuksa bilang mga talunan, ang banal na pangalan at pansansinukob na soberanya ni Jehova ay maipagbabangong-puri nga.
20, 21. Ano ang epekto sa iyo ng pananalita ng Isaias 28:1-22?
20 Kung gayon, kaydaki-dakila ang kahulugan ng hulang ito ng Isaias kabanata 28 para sa atin ngayon! Kung tayo’y lubusang iiwas sa espirituwal na mga maglalasing ng Sangkakristiyanuhan at kakapit nang mahigpit sa dalisay na pagsamba, tayo’y maliligtas pagka isinagawa na ni Jehova ang kaniyang kataka-takang gawain at ang kaniyang pambihirang gawa. Kaylaki ng ating kagalakan na maalaman ito! At kayligaya natin na pag-isipang pagsapit ng bagay na ito, lahat ay mapipilitang kilalanin na kumilos na si Jehova ng mga hukbo alang-alang sa kaniyang tapat na bayan at ukol sa kaniyang sariling ikapagbabangong-puri sa pamamagitan ni Jesu-Kristo!—Awit 83:17, 18.
21 Kaya harinawang ang lahat ng tunay na Kristiyano ay patuloy na walang takot na magbabala tungkol sa kataka-takang gawain ni Jehova. Hayaang sila’y patuloy na magbalita ng kaniyang pambihirang gawa. Habang kanilang ginagawa iyan, hayaang ihayag nila sa lahat na ang ating di-natitinag na pag-asa ay nasa Kaharian ng Diyos sa ilalim ng kaniyang nakaluklok na Hari. Harinawang ang kanilang sigasig, determinasyon, at katapatan ay magkatulung-tulong ukol sa walang-hanggang ikapupuri ng ating Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova.—Awit 146:1, 2, 10.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang Sangkakristiyanuhan ay nasa isang di-maalwang kalagayan?
◻ Ano ang nilayon ni Jehova para sa Jerusalem, at bakit ito “kataka-taka” at “pambihira”?
◻ Anong babala ang ibinigay ng mga Saksi ni Jehova kung tungkol sa Sangkakristiyanuhan, at ano ang itinugon sa kanila?
◻ Papaano makaiiwas ang mga tao sa kapahamakan ng Sangkakristiyanuhan?
[Larawan sa pahina 24]
Uulitin ni Jehova ang kaniyang kataka-takang gawain, ngayon ay laban sa Sangkakristiyanuhan