SABEANO, MGA
1. Ang katawagan sa isang pulutong ng mga manlulusob na sumalakay sa ari-arian ni Job ng lupain ng Uz. Kinuha ng mga Sabeanong ito ang mga baka at mga asnong babae ni Job at pinatay ang kaniyang mga tagapaglingkod. (Job 1:14, 15) Binanggit din ni Job ang “naglalakbay na pangkat ng mga Sabeano,” sa Job 6:19.
Mahirap kilalanin nang may katiyakan ang mga Sabeanong ito, yamang maaaring mga inapo sila ng ilang magkakaibang lalaki na nagngangalang Sheba. Ang anak ni Abraham na si Joksan ay may anak na nagngangalang Sheba (Gen 25:1-3), at may posibilidad din naman na ang mga manlulusob na Sabeano ay nagmula sa linyang ito. Gayunman, mas karaniwan nang iminumungkahi ng mga iskolar na ang mga Sabeano ay nanggaling sa Sheba na nagmula kay Ham sa pamamagitan ni Cus (Gen 10:6, 7) o kay Sheba na anak ni Joktan sa linya ni Sem.—Gen 10:21-29.
2. Matatangkad na tao na iniuugnay ng Isaias 45:14 sa mga trabahador ng Ehipto at mga mangangalakal ng Etiopia na kikilala kay Jehova at sa kaniyang bayan. Iniuugnay rin ng Isaias 43:3 ang Ehipto at Etiopia ngunit ang ginamit ay “Seba” sa halip na “mga Sabeano,” anupat ipinahihiwatig na ang mga lalaki ng Seba ay tinawag na mga Sabeano.—Tingnan ang SEBA Blg. 2.
3. Ang mga inapo ni Sheba (hindi matiyak kung sa linya ni Sem o ni Ham) na maliwanag na bumuo ng isang kaharian malapit sa dulo ng Peninsula ng Arabia. Malamang na nagmula sa lupaing ito ang reyna ng Sheba na dumalaw kay Solomon. (1Ha 10:1) Madalas tukuyin sa mga sekular na impormasyon ang kahariang ito bilang Sabeano, at maaaring gayundin ang Bibliya.—Tingnan ang SHEBA Blg. 6.
Ang ilang salin ay kababasahan ng “mga Sabeano” sa Ezekiel 23:42 (KJ, Yg, Da), anupat gayon ang pagpapakahulugan sa panggilid na impormasyon sa Bibliyang Hebreo. Gayunman, ang mismong teksto ay kababasahan ng “mga lasenggo,” at kadalasang ganiyan ang pagkakasalin sa talatang ito ng makabagong mga salin.—Ro, NW, AS, RS.