KIDRON, AGUSANG LIBIS NG
[posibleng mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging maitim”].
Isang malalim na libis sa pagitan ng Jerusalem at ng Bundok ng mga Olibo. Ito’y bumabagtas nang patimog-silangan at pagkatapos ay patimog sa kahabaan ng lunsod. Wala itong tubig maging sa taglamig, maliban kung talagang malakas ang ulan. Ang Libis ng Kidron (Nahal Qidron) ay nagsisimula mga ilang distansiya sa dakong H ng mga pader ng Jerusalem. Bagaman sa umpisa’y isa itong malapad at mababaw na libis, patuloy itong kumikitid at lumalalim. Pagdating nito sa tapat ng dating lugar ng templo, humigit-kumulang ay 30 m (100 piye) na ang lalim nito at 120 m (390 piye) ang lapad. Sa mas gawing T pa, sumasanib sa Libis ng Kidron ang Libis ng Tyropoeon at pagkatapos ay ang Libis ng Hinom. Mula roo’y nagpapatuloy ito nang patimog-silangan at tumatawid sa tigang na Ilang ng Juda patungong Dagat na Patay. Ang makabagong pangalan na ibinigay sa mababang bahagi ng libis ay Wadi en-Nar (nangangahulugang “Wadi ng Apoy”), na nagpapahiwatig na kadalasan ito’y mainit at tuyo.
Sa tapat ng Jerusalem, mga libingang inuka sa bato ang nasa matatarik at mababatong dalisdis ng S panig ng libis. Sa K panig naman nito, sa kalagitnaan ng dating lugar ng templo at ng pinagsasalubungan ng mga libis ng Tyropoeon at ng Kidron, ay naroon ang bukal ng Gihon. (Tingnan ang GIHON Blg. 2.) Di-kalayuan sa bukal na ito, ang Libis ng Kidron ay lumalapad at nagiging hantad na lugar. Iminumungkahi na ang hantad na lugar na ito ay ang sinaunang “hardin ng hari.”—2Ha 25:4.
Nang tumatakas si Haring David mula sa mapaghimagsik na si Absalom, tinawid niya nang naglalakad ang Libis ng Kidron. (2Sa 15:14, 23, 30) Sinumpa ni Simei si David nang pagkakataong iyon. Dahil dito, nang maglaon ay pinagbawalan siya ni Solomon na lumabas sa Jerusalem at tumawid sa Libis ng Kidron at kung hindi’y papatayin siya. (1Ha 2:8, 9, 36, 37) Ito rin ang libis na tinawid ni Jesus nang pumunta siya sa hardin ng Getsemani. (Ju 18:1) Noong naghahari ang mga hari ng Juda na sina Asa, Hezekias, at Josias, ang Libis ng Kidron ay ginamit na tapunan ng mga kagamitan sa idolatriya. (1Ha 15:13; 2Ha 23:4, 6, 12; 2Cr 15:16; 29:16; 30:14) Nagsilbi rin itong dakong libingan. (2Ha 23:6) Dahil dito, naging isang maruming lugar ang Libis ng Kidron, kaya naman makahulugan ang inihula ni Jeremias na balang-araw, bilang kabaligtaran, “ang lahat ng mga hagdan-hagdang lupain hanggang sa agusang libis ng Kidron” ay magiging “banal kay Jehova.”—Jer 31:40.