Jeremias
31 “Sa panahong iyon,” ang sabi ni Jehova, “ako ang magiging Diyos ng lahat ng pamilya ng Israel, at sila ay magiging bayan ko.”+
2 Ito ang sinabi ni Jehova:
“Ang mga nakaligtas sa espada ay pinagpakitaan ng kabutihan sa ilang
Noong ang Israel ay papunta sa pahingahan niya.”
3 Mula sa malayo ay nagpakita sa akin si Jehova at nagsabi:
“Minahal kita, at walang hanggan ang pagmamahal ko sa iyo.
Kaya inilapit kita sa akin sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig.*+
4 Muli kitang itatayo at muli kang matatayo.+
5 Muli kang magtatanim ng mga ubas sa mga bundok ng Samaria;+
Ang mga tagapagtanim ay magtatanim at masisiyahan sa kanilang bunga.+
6 Dahil darating ang araw na sisigaw ang mga tagapagbantay sa mga bundok ng Efraim:
‘Umakyat tayo sa Sion, kay Jehova na ating Diyos!’”+
7 Dahil ito ang sinabi ni Jehova:
“Humiyaw kayo nang may kagalakan kay Jacob.
Sumigaw kayo nang masaya dahil nakahihigit kayo sa mga bansa.+
Ipahayag ninyo iyon; purihin ninyo ang Diyos at sabihin,
‘O Jehova, iligtas mo ang iyong bayan, ang mga natira sa Israel.’+
8 Ibabalik ko sila mula sa lupain ng hilaga.+
Titipunin ko sila mula sa pinakamalalayong bahagi ng lupa.+
Kasama nila ang bulag at ang pilay,+
Ang babaeng nagdadalang-tao at ang nanganganak, lahat sila.
Babalik sila rito bilang isang malaking kongregasyon.+
Gagabayan ko sila habang nagsusumamo sila.
Dahil Ama ako ng Israel, at ang Efraim ang panganay ko.”+
10 Pakinggan ninyo ang salita ni Jehova, kayong mga bansa,
At ipahayag ninyo iyon sa malalayong isla:+
“Ang nagpangalat sa Israel ang magtitipon sa kaniya.
Babantayan niya siya gaya ng ginagawa ng pastol sa kawan niya.+
11 Dahil tutubusin ni Jehova ang Jacob+
At ililigtas* niya siya mula sa kamay ng mas malakas sa kaniya.+
12 Darating sila at hihiyaw sa kagalakan sa kaitaasan ng Sion,+
At magniningning sila dahil sa kabutihan ni* Jehova,
Dahil sa butil at bagong alak+ at langis,
At dahil sa mga anak ng mga tupa at ng mga baka.+
13 “Sa panahong iyon, ang dalaga ay masayang sasayaw,
Pati ang mga kabataang lalaki at ang matatandang lalaki nang magkakasama.+
Papalitan ko ng pagsasaya ang pagdadalamhati nila.+
Aaliwin ko sila at papalitan ko ng kaligayahan ang kalungkutan nila.+
14 Bibigyan ko ng saganang pagkain* ang mga saserdote,
At ang bayan ko ay masisiyahan sa kabutihan ko,”+ ang sabi ni Jehova.
15 “Ito ang sinabi ni Jehova:
‘Naririnig sa Rama+ ang paghagulgol at pagtangis:
Iniiyakan ni Raquel ang mga anak niya.+
Hindi siya maaliw sa pagdadalamhati sa mga anak niya,
Dahil wala na sila.’”+
16 Ito ang sinabi ni Jehova:
“‘Pigilan mo ang pagtangis at pagluha mo,
Dahil may gantimpala ang ginagawa mo,’ ang sabi ni Jehova.
‘Babalik sila mula sa lupain ng kaaway.’+
17 ‘At maganda ang magiging kinabukasan mo,’+ ang sabi ni Jehova.
‘Babalik ang mga anak mo sa sarili nilang teritoryo.’”+
18 “Dinig na dinig ko ang pagdaing ng Efraim,
‘Itinuwid mo ako, at naituwid ako,
Gaya ng isang guya* na hindi pa nasasanay.
Panumbalikin mo ako, at agad akong babalik,
Dahil ikaw si Jehova na aking Diyos.
19 Dahil matapos akong manumbalik ay nagsisi ako;+
Nang maipaunawa sa akin ang ginawa ko, hinampas ko ang hita ko sa pagdadalamhati.
Hiyang-hiya ako,+
Dahil sa ginawa ko noong kabataan ko.’”
20 “Hindi ba ang Efraim ay anak kong minamahal at kinagigiliwan?+
Dahil sa tuwing nagsasalita ako laban sa kaniya, naaalaala ko pa rin siya.
Kaya nababagbag ang loob ko* dahil sa kaniya.+
At maaawa ako sa kaniya,” ang sabi ni Jehova.+
Magbigay-pansin ka sa lansangang-bayan, sa dadaanan mo.
Bumalik ka, O dalaga ng Israel, bumalik ka sa mga lunsod mong ito.
22 Hanggang kailan ka mag-aalinlangan, O anak na babaeng taksil?
Dahil lumikha si Jehova ng isang bagong bagay sa lupa:
Hahabulin ng isang babae ang isang lalaki.”
23 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Muli nilang sasabihin ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa mga lunsod nito kapag tinipon ko ang mga nabihag sa kanila: ‘Pagpalain ka nawa ni Jehova, O matuwid na tirahan,+ O banal na bundok.’+ 24 At doon ay titirang magkakasama ang Juda at ang lahat ng lunsod nito, ang mga magsasaka at ang mga umaakay sa kawan.+ 25 Dahil ibibigay ko ang pangangailangan ng napapagod, at bubusugin ko ang nanghihina sa gutom.”+
26 At nagising ako at iminulat ko ang mga mata ko; masarap ang naging tulog ko.
27 “Darating ang panahon,” ang sabi ni Jehova, “na hahasikan ko ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda ng binhi* ng tao at ng binhi ng mga alagang hayop.”+
28 “At kung paanong binantayan ko sila para bunutin, ibagsak, gibain, wasakin, at pinsalain,+ babantayan ko rin sila para itayo at itanim,”+ ang sabi ni Jehova. 29 “Sa panahong iyon, hindi na nila sasabihin, ‘Ang mga ama ang kumain ng maasim na ubas, pero ang ngipin ng mga anak ang nangilo.’*+ 30 Sa halip, ang bawat isa ay mamamatay dahil sa sarili niyang kasalanan. Ang ngipin ng taong kumakain ng maasim na ubas ang mangingilo.”
31 “Darating ang panahon,” ang sabi ni Jehova, “na makikipagtipan ako ng isang bagong tipan+ sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. 32 Hindi ito gaya ng tipan ko sa kanilang mga ninuno noong hawakan ko ang kamay nila at akayin sila palabas ng lupain ng Ehipto,+ ‘ang tipan ko na sinira nila,+ kahit ako ang totoong panginoon* nila,’ ang sabi ni Jehova.”
33 “Dahil ito ang ipakikipagtipan ko sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng panahong iyon,” ang sabi ni Jehova. “Ilalagay ko sa loob nila ang kautusan ko,+ at isusulat ko iyon sa puso nila.+ At ako ang magiging Diyos nila, at sila ay magiging bayan ko.”+
34 “At ang bawat isa sa kanila ay hindi na magtuturo sa kapuwa niya at sa kapatid niya at magsasabi, ‘Kilalanin ninyo si Jehova!’+ dahil ako ay makikilala nilang lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila,”+ ang sabi ni Jehova. “Dahil patatawarin ko ang pagkakamali nila, at hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila.”+
35 Ito ang sinabi ni Jehova,
Ang nagbibigay ng araw bilang liwanag sa maghapon,
Ng mga batas ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag sa gabi,
Ang kumokontrol sa dagat at nagpapalakas ng mga alon nito,
Na ang pangalan ay Jehova ng mga hukbo:+
36 “‘Kung ang mga tuntuning ito ay mabigo,’ ang sabi ni Jehova,
‘Saka lang hindi na magiging bansa sa harap ko ang mga supling ni Israel.’”+
37 Ito ang sinabi ni Jehova: “‘Kung masusukat ang langit sa itaas at masasaliksik ang mga pundasyon ng lupa sa ibaba, saka ko lang maitatakwil ang lahat ng supling ni Israel dahil sa lahat ng ginawa nila,’ ang sabi ni Jehova.”+
38 “Darating ang panahon,” ang sabi ni Jehova, “na ang lunsod ay itatayo+ para kay Jehova mula sa Tore ni Hananel+ hanggang sa Panulukang Pintuang-Daan.+ 39 At ang pising panukat+ ay aabot sa burol ng Gareb at liliko papuntang Goa. 40 At ang buong lambak* ng mga bangkay at ng mga abo,* at ang lahat ng hagdan-hagdang lupain hanggang sa Lambak ng Kidron,+ hanggang sa panulukan ng Pintuang-Daan ng mga Kabayo+ papunta sa silangan, ay magiging banal kay Jehova.+ Hindi na iyon muling wawasakin o gigibain.”