Medo-Persia—Ang Ikaapat na Dakilang Kapangyarihan ng Daigdig sa Kasaysayan ng Bibliya
Ang mga Medo at ang mga Persiano ay kasangkot sa maraming pangyayari na inilalahad sa Bibliya. Sila’y binabanggit din sa mga ilang hula sa Bibliya. Ibig mo bang malaman ang higit pa tungkol sa sinauna at interesanteng mga bayang ito?
ANG sinaunang mga Medo at mga Persiano ay nasa pagsulong! Nangunguna sa kanila si Ciro na Dakila, na isang imperyo na ang nasasakupan. Ngayon ay itinutok niya ang kaniyang pansin sa makapangyarihang Babilonya, ang pangunahing kapangyarihan ng daigdig noong kaarawang iyon.
Sa loob ng kabiserang lunsod ng Babilonya, si Haring Belsasar, na sinasabi ng Bibliya na “nasa ilalim ng impluwensiya ng alak,” ay punong-abala sa isang piging para sa isang libong mga dakilang panauhin. Sila’y nagkakatuwaan, samantalang pinupuri nila ang kanilang mga idolong diyos habang umiinom sila sa mga sagradong sisidlan na kinuha sa templo ni Jehova sa Jerusalem. (Daniel 5:1-4) Sila’y panatag na panatag sa loob ng matitibay na pader ng Babilonya.
Subalit, sa labas, ang tubig ng Ilog Eufrates na umaagos nang lagusan sa Babilonya ay ipinaagos sa ibang direksiyon ng mga kawal ni Ciro. Ngayong wala na ang natural na balakid na iyon, ang kaniyang mga kawal ay lumusong sa mababaw na tubig—sila’y naglampasan sa mga pader ng Babilonya patungo sa siyudad sa pamamagitan ng pagdaraan sa bukás na mga pintuang bayan na nakaharap sa ilog. Bago sumikat ang araw, si Belsasar ay patay na, ang Babilonya ay bumagsak na, at ang Medo-Persia ang naging ang ikaapat na dakilang kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya! Subalit sino ba ang mga Medo at mga Persianong ito?
Ang mga Medo ay galing sa rehiyon ng bulubunduking talampas sa gawing silangan ng Asiria. Sa mga alsadong larawan na natuklasan sa Asiria sila’y inilalarawan na may suot na waring mga kasuotang balat-tupa na nakapaibabaw sa mga tunika at mga botang may matataas na mga laso, na angkop sa kanilang trabahong pagpapastol sa matataas na talampas. Ang mga Medo ay halos walang naiwan na mga nasusulat na rekord. Ang karamihan ng alam natin tungkol sa kanila ay napag-alaman buhat sa Bibliya, sa mga dokumentong Asirio, at sa mga historyador ng klasikong Griego. Ang mga Persiano noong una ay kadalasan namumuhay nang palipat-lipat sa rehiyon na nasa gawing norte ng Golpo ng Persia. Habang lumalaki ang kanilang imperyo, sila’y nagkaroon ng pambihirang hilig sa mga luho.
Noong una ang mga Medo ang dominante, subalit noong 550 B.C.E., si Cirong Dakila ng Persia ay mabilis na nagtagumpay laban sa hari ng Media na si Astyages. Ang mga kustumbre at mga batas ng dalawang kaharian ay pinagsama ni Ciro, pinag-isa ang kanilang mga kaharian, at pinalawak pa ang kanilang mga sakop. Bagama’t ang mga Medo ay napaiilalim sa mga Persiano, tiyak na ang imperyo naman ay dalawang kaharian na pinagsanib. Ang mga Medo ang humahawak ng matataas na tungkulin at nangunguna sa mga hukbong Persiano. Mga Medo at mga Persiano ang pagkabanggit sa kanila ng mga banyaga, o kung ang ginagamit nila’y isang termino lamang, iyon ay “ang Medo.”
Bago ang mga Medo at mga Persiano ay umatake sa Babilonya, ang propetang si Daniel ay binigyan ng isang pangitain ng dalawang-sungay na tupang lalaki na kumakatawan sa dalawang-bahaging bansang ito. Si Daniel ay sumulat: “At ang dalawang sungay ay mataas, ngunit ang isa’y lalong mataas kaysa roon sa isa, at ang lalong mataas ay tumaas na uli.” Hindi na mapagkakamalan kung sino ang tupang lalaki, sapagkat sinabi ng anghel kay Daniel: “Ang tupang lalaki na nakita mo na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at ng Persia.”—Daniel 8:3, 20.
Si Daniel ay naroroon sa loob ng Babilonya nang iyon ay bumagsak, at nasaksihan niya ang pagdating ng mga Medo at mga Persiano. Si Dario na Medo, na unang tagapamahala ng bagong kasasakop na siyudad, ay humirang ng 120 satrapa ng kaharian at isinailalim sila ng tatlong opisyales. Si Daniel ay isa sa tatlong iyon. (Daniel 5:30–6:3) Dahilan sa taglay ni Daniel na mataas na puwesto ng pamamahala kapuwa bago bumagsak ang Babilonya at pagkatapos, mahirap gunigunihin na hindi batid ni Ciro ang hulang iyan sa Hebreo na, dalawang siglo patiuna, nagsasabing ang Babilonya ay masasakop ng isang lalaking may pangalang Ciro.—Isaias 45:1-3.
Muling Itinayo ang Jerusalem
Ang pagbagsak ng Babilonya ang naghanda ng daan para sa pagbangon ng isa pang siyudad—ang Jerusalem. Ito’y nanatiling giba sa loob ng halos 70 taon sapol nang wasakin ito ng mga Babiloniko noong 607 B.C.E. Sang-ayon sa mga hula ng Bibliya, ang Jerusalem ay muling itatayo sa pamamagitan ni Ciro at itatatag ang pundasyon ng templong ito.—Isaias 44:28.
Ito ba’y nangyari? Oo. Iniulat ng saserdote, iskolar, at eskriba na si Ezra na iniutos ni Ciro na ang mga mananamba kay Jehova ay maaaring “umakyat sa Jerusalem, na nasa Juda, at muling itayo ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel—siya ang tunay na Diyos—na nasa Jerusalem.” (Ezra 1:3) Humigit-kumulang 50,000 katao ang sumama sa apat-na-buwang paglalakbay sa pagbabalik sa Jerusalem, dala nila ang mga kayamanan ng templo. Noong 537 B.C.E. muli na namang natirhan ng mga tao ang lupain—70 taon pagkatapos na bumagsak ang Jerusalem.—Jeremias 25:11, 12; 29:10.
Pinagtibay ng arkeolohiya na ang gayong utos ay kasuwato ng patakaran ni Ciro. Sa isang silindrong luwad na natagpuan sa mga guho ng Babilonya, sinasabi ni Ciro: “Aking ibinalik sa mga sagradong siyudad (na ito) . . . na ang mga santuwaryo ay mga nagiba nang matagal na panahon, ang mga imahen na (dating) naroroon at ipinagtayo sila ng permanenteng mga santuwaryo. Aking tinipon (din naman) ang lahat ng kanilang (dating) mga mamamayan at ibinalik (sa kanila) ang kanilang bayan.”
Nang malaunan, sa pamamagitan ng utos ng imperyo, nagawa ng mga Samaritanong mga kaaway ng mga Judio na ipahinto ang muling pagtatayo ng templo. Ang bayan ay pinasigla ng mga propeta ni Jehova na sina Haggai at Zacarias, at ang pagtatayo ay muling ipinagpatuloy. Si “Dario na hari” ay nag-utos na maghalughog upang hanapin ang unang utos ni Ciro na nagpapahintulot na muling itayo ang templo. Sinasabi ng Bibliya na sa Ecbatana, ang tirahan ni Ciro kung tag-init, nakatuklas ng isang balumbon na may ulat na nagpapatunay na legal ang pagtatayo ng templo. Ang gawaing iyon ay natapos noong ikaanim na taon ng haring Persiano na si Dario I.—Ezra 4:4-7, 21; 6:1-15.
Katunayan ng Kadakilaan
Sa pangitain na nabanggit na, nakita roon ni Daniel ang Medo-Persia, ang dalawang-sungay na “tupang lalaki na nanunudlong sa kanluran at sa hilagaan at sa timugan, at walang mababangis na hayop [mga ibang bansa] na makatayo sa harap niya, at walang sinuman na makapagligtas mula sa kaniyang kamay. At ginawa niya ang ayon sa kaniyang kalooban, at naghambog nang mainam.” (Daniel 8:4) Humigit-kumulang noong panahon ni Dario, ang pangitaing ito ay natupad na. Bilang patotoo sa kaniyang mga dakilang tagumpay, nagawa ni Dariong Dakila na siya’y maiguhit sa isang malaking alsadong larawan na makikita pa rin hanggang sa ngayon sa itaas ng isang matarik na dalisdis sa Bisitun, sa dating daan na nasa pagitan ng Babilonya at Ecbatana. Bukod sa pananakop sa Babilonya, ang Medo-Persiang “lalaking tupa” ay nangamkam ng teritoryo sa tatlong pangunahing direksiyon: pahilaga sa Asiria, sa kanluran hanggang sa Asia Minor at patimog hanggang sa Ehipto.
Mga 640 kilometro sa gawing timog-silangan ng kanilang tirahan kung tag-araw sa Ecbatana, ang mga imperador Persiano ay nagtayo ng isang malaking palasyo sa Persepolis. Sa isang alsadong larawan niyaon ay makikita si Dario na nakaluklok sa kaniyang trono, at sa isang nakasulat na pahiwatig ay ipinangangalandakan niya: “Ako’y si Dario, na dakilang hari, hari ng mga hari, hari ng mga bansa . . . na nagtayo ng palasyong ito.” Ang mga ilang matatayog na dambuhalang haligi ng maningning na kabiserang lunsod na ito ay nakatayo pa hanggang sa ngayon. Ang isa pang kabiserang lunsod ay nasa Susa (Shushan), nasa kalagitnaan sa pagitan ng Babilonya, Ecbatana, at Persepolis. Doon si Dario na Dakila ay nagtayo ng isa pang maningning na palasyo.
Ang humalili kay Dario ay ang kaniyang anak na si Xerxes, na marahil siyang si “Ahasuero” na tinutukoy sa Bibliya sa aklat ng Esther. Sinasabi nito na si Ahasuero “ay naghahari mula sa India hangang sa Etiopia, sa isang daan at dalawampu’t pitong sakop na mga distrito” sa kaniyang pagluklok sa “kaniyang maharlikang trono, na naroroon ang kastilyo sa Shushan.” Doon sa lugar na iyon naging reyna ni Ahasuero ang magandang kabataang si Esther. (Esther 1:1, 2; 2:17) Sa museo ng Louvre sa Paris, makikita mo ang isang marangyang kabisera na nasa itaas ng isang matayog na kolumna sa palasyong ito at mayroon pa ring mga dekorasyon sa dingding na naglalarawan sa may ipinagmamalaking mga arkero ng Persia at ng natatanging mga hayop. Mga botelyang alabasto, alahas, at iba pang mga bagay-bagay ang natuklasan doon na naaayon sa mga pangungusap ng Bibliya tungkol sa mga paraan ng pagpapaganda na pinagdaanan ni Esther, at gayundin tungkol sa luho na umiiral sa Shushan.—Esther 1:7; 2:9, 12, 13.
Mga istorya na inilahad ng mga kaaway ni Xerxes na Griego ang tungkol sa mga hidwaan ng mag-asawa at ipinagpapalagay na pagkadominante sa haring Persiano ng ilan sa kaniyang mga tauhan sa palasyo. Bagama’t ang mga katibayan ay marahil magulo at pinilipit, waring ang mga istoryang ito ay nagpapahiwatig ng mga ilang mapagbabatayang mga punto sa aklat ni Esther, na nagsasabing inalis ng hari ang matigas ang ulong si Reyna Vasti at sa kaniya’y inihalili si Esther, at na ang pinsan ni Esther na si Mordechai ay binigyan ng isang puwestong may malawak na kapangyarihan sa imperyo.—Esther 1:12, 19; 2:17; 10:3.
Pinagpakitaan ng Kabaitan ang mga Mananamba kay Jehova
Noong taóng 468 B.C.E., ang humalili kay Xerxes na si Artaxerxes (Longimanus) ay nagpahintulot sa saserdoteng si Ezra, na nanirahan sa Babilonya pagkatapos ng unang pagpapalaya ni Ciro sa mga Judio, na bumalik sa Jerusalem at palawakin doon ang tunay na pagsamba kay Jehova. Mga 1,500 lalaki at ang kani-kanilang pamilya—marahil 6,000 katao lahat-lahat—ang sumama kay Ezra, at dala nila ang malaking abuloy para sa templo ni Jehova.—Ezra 7:1, 6, 11-26.
Doon din sa palasyo sa Shushan nangyari na ang Artaxerxes na ito, noong kaniyang ika-20 taon (455 B.C.E.) ay nagpaunlak sa kahilingan ni Nehemias na siya’y makabalik at muling itayo ang Jerusalem at ang mga pader nito. Ito ang siyang palatandaan ng pasimula ng “pitumpung sanlinggo” ng mga taon ng hula ni Daniel, na patiunang nagpapahiwatig ng paglitaw ni Jesus bilang “Mesiyas na Lider” sa tiyak na tiyak na panahon noong taóng 29 C.E.a—Daniel 9:24, 25; Nehemias 1:1; 2:1-9.
May mga dokumentong isinulat sa papiro sa wikang Aramaika na natuklasan sa Elephantine, isang isla sa Ilog Nilo sa Ehipto. Ipinakikita ng mga dokumentong ito ang kawastuan ng pagkalahad ng mga manunulat ng Bibliyang sina Ezra at Nehemias sa kapuwa mga kalagayan at opisyal na komunikasyon noong panahon ng paghahari ng Persia. Sa Biblical Archeology, ganito ang sabi ni Propesor G. Ernest Wright: “Ngayon . . . nakikita natin na ang Aramaika ni Ezra ang talagang umiiral noong kaniyang kapanahunan, samantalang ang mga dokumento ng gobyerno ay kabilang sa pangkalahatang uri na nahirati na tayong iugnay sa rehimen na Persiano.” Isa sa mga dokumentong ito ang may utos ng isang haring Persiano tungkol sa pagdiriwang ng Paskua ng mga mamamayang Judio sa Ehipto.
Ang Medo-Persia ay Sumuko sa Gresiya
Sa pangitain, nakita ni Daniel na ang Medo-Persia ay kinakatawan ng isang dalawang-sungay na tupang lalaki. Pagkatapos, dalawang siglo bago pa ito mangyari, kaniyang nakita “ang isang kambing na lalaki na nagmula sa lubugan ng araw [ang kanluran]” at tumatakbo nang napakabilis na anupa’t “iyon ay hindi sumasayad sa lupa.” Ang mabilis-kumilos na kambing na lalaki ay humayo upang “saktan ang tupang lalaki at baliin ang kaniyang dalawang sungay, at ang tupang lalaki ay walang kapangyarihang makatayo sa harap niya.” (Daniel 8:5-7). Ipinakikita ba ng kasaysayan na talagang nangyari ito sa Medo-Persia?
Oo, noong taong 334 B.C.E., si Alejandrong Dakila ay lumabas ng Gresiya patungo sa kanluran. Singbilis ng kidlat na gaya niyaong sa kambing na lalaki, siya’y lumusob sa Asia, nagkamit ng sunud-sunod na tagumpay laban sa mga Persiano. Sa wakas, noong 331 B.C.E., sa Gaugamela, kaniyang pinapanabog ang isang milyong mga lalaki ng hukbong Persiano. Ang lider nito, na si Dario III, ay tumakas, at nang bandang huli ay pinaslang ng kaniyang dating mga kaibigan. Ang ikaapat na kapangyarihan ng daigdig ay naigupo, ang mga sungay ay nabali, at ang imperyo ni Alejandro ang naging ikalima sa mga dakilang kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya. Iyan ang tatalakayin sa aming labas ng Abril 15, 1988.
Ang Pandaigdig na Kapangyarihan ng Medo-Persia ay umiral nang mahigit lamang na dalawang siglo—mula noong gabi na ibagsak nito ang Babilonya noong 539 B.C.E. hanggang sa maibagsak naman ito ni Alejandro. Ito ay halos siya ring haba ng panahon na lumipas sapol nang maganap ang rebolusyong Pranses o ang pagkatatag ng Estados Unidos ng Amerika. Sa loob ng maikling yugtong iyan ng panahon kung ihahambing sa iba, ang mga Medo at mga Persiano sa di-sinasadya ay nagkaroon ng malaking bahagi sa ikatutupad ng mga layunin ng Diyos na Jehova at ng kaniyang di-nagkakabulang mga hula.
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay ng hulang ito at ng katuparan nito, basahin ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 56-66.
[Mapa/Larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Imperyo ng Medo-Persia
INDIA
Ecbatana
Susa (Shusan)
Persepolis
Babilonya
Jerusalem
EHIPTO
[Larawan]
Mga guho ng Persepolis, ang panseremonyang kabisera ng Persia
[Credit Line]
Manley Studios
[Larawan sa pahina 29]
Libingan ni Ciro sa Iran