ASAP
[Siya [Ang Diyos] ay Nagtipon].
1. Isang anak ni Levi sa pamamagitan ni Gersom. (1Cr 6:39, 43) Noong panahon ng paghahari ni Haring David (1077-1038 B.C.E.), si Asap ay inatasan ng mga Levita bilang isang punong mang-aawit at manunugtog ng mga simbalo, anupat kasama siya sa mga naghatid sa Kaban nang iahon ito mula sa tahanan ni Obed-edom patungo sa “Lunsod ni David.” (1Cr 15:17, 19, 25-29) Pagkatapos nito, si Asap, kasama nina Heman at Etan, ay naglingkod sa harap ng tabernakulo bilang tagapanguna sa pagtugtog at pag-awit. (1Cr 6:31-44) Tulad nina Heman at Jedutun (lumilitaw na siya rin si Etan), si Asap ay tinatawag ding isang “tagapangitain,” na “nanghuhula na may alpa.”—1Cr 25:1-6; 2Cr 29:30; 35:15.
Ang mga anak ni Asap ay nanatiling isang pantanging grupo sa mga kaayusan para sa orkestra at sa koro, anupat gumanap ng prominenteng bahagi noong pasinayaan ang templo at iahon ang Kaban mula sa Sion patungo sa lokasyon ng templo (2Cr 5:12); noong panahon ng mga reporma ni Haring Hezekias (2Cr 29:13-15); at noong ipagdiwang ang dakilang Paskuwa sa panahon ng paghahari ni Haring Josias. (2Cr 35:15, 16) Ang ilan sa kaniyang mga inapo ay kabilang din sa unang grupo na bumalik sa Jerusalem mula sa pagkatapon sa Babilonya.—Ezr 2:1, 41; Ne 7:44.
Sa mga superskripsiyon ng Awit 50 at 73 hanggang 83, binabanggit na si Asap ang kumatha ng mga awit na ito. Gayunman, malamang na ginamit ang pangalan niya sa mga ito upang tumukoy sa sambahayan sa panig ng ama kung saan siya ang ulo, yamang malinaw na ang inilalarawan ng ilan sa mga awit (Aw 79, 80) ay mga pangyayari na lampas pa sa mga araw ni Asap.
2. Isang inapo ng anak ni Levi na si Kohat. Ang kaniyang mga inapo ay naglingkod sa tabernakulo bilang mga bantay ng pintuang-daan noong panahon ni Haring David.—1Cr 26:1; Bil 16:1.
3. Si “Joa na anak ni Asap na tagapagtala” ay binabanggit na kabilang sa mga opisyal ni Haring Hezekias [745-717 B.C.E.]. (2Ha 18:18, 37; Isa 36:3, 22) Bagaman ikinakapit kay Asap ng Cyclopædia of Biblical Literature ni John Kitto (1880, Tomo I, p. 233) ang terminong “tagapagtala,” ipinapalagay ng karamihan sa mga iskolar na tumutukoy ito kay Joa (samakatuwid, si Joa ben Asap, na tagapagtala). Yamang ang terminong “anak” ay malimit gamitin upang tumukoy sa “inapo,” iniisip ng ilan na ang Asap na ito ay siya ring Blg. 1.
4. Ang “tagapag-ingat ng parke” ni Haring Artajerjes noong panahong bumalik si Nehemias sa Jerusalem (455 B.C.E.). (Ne 2:8) Ang parkeng ito ay isang makahoy na lugar, marahil ay nasa Lebanon, na kontrolado rin noon ng mga Persiano. Ang pangalang Hebreo ng tagapag-ingat ng parke ay maaaring nagpapahiwatig na siya ay isang Judio na may ganitong opisyal na posisyon, gaya rin ni Nehemias na naglingkod sa mahalagang posisyon bilang katiwala ng kopa ng hari.—Ne 1:11.