LANGIT
Ang Hebreong sha·maʹyim (laging nasa anyong pangmaramihan), na isinasaling “(mga) langit,” ay waring may saligang diwa ng bagay na mataas o matayog. (Aw 103:11; Kaw 25:3; Isa 55:9) Hindi matiyak ang etimolohiya ng salitang Griego para sa langit (ou·ra·nosʹ).
Pisikal na Langit. Saklaw ng termino sa orihinal na wika ang buong lawak ng pisikal na langit. Kadalasan, ang konteksto ay naglalaan ng sapat na impormasyon upang matiyak kung aling dako ng pisikal na langit ang tinutukoy.
Langit ng atmospera ng lupa. Ang “langit” ay maaaring kumapit sa kabuuan ng atmospera ng lupa kung saan nabubuo ang hamog at ang nagyelong hamog (Gen 27:28; Job 38:29), lumilipad ang mga ibon (Deu 4:17; Kaw 30:19; Mat 6:26), humihihip ang hangin (Aw 78:26), kumikislap ang kidlat (Luc 17:24), at lumulutang ang mga ulap at nagbabagsak ng kanilang ulan, niyebe, o mga graniso (Jos 10:11; 1Ha 18:45; Isa 55:10; Gaw 14:17). Kung minsan ang tinutukoy ay ang “kalangitan” (sky), samakatuwid nga, ang mistulang bobida o balantok na nakaarko sa ibabaw ng lupa.—Mat 16:1-3; Gaw 1:10, 11.
Ang rehiyong ito ng atmospera ay karaniwan nang katumbas ng “kalawakan [sa Heb., ra·qiʹaʽ; sa Ingles, expanse]” na inanyuan noong ikalawang yugto ng paglalang na inilarawan sa Genesis 1:6-8. Maliwanag na ang “langit” na ito ang tinutukoy ng Genesis 2:4; Exodo 20:11; 31:17 nang banggitin ang paglalang ng ‘langit at ng lupa.’—Tingnan ang KALAWAKAN.
Nang anyuan ang kalawakan ng atmospera, ang tubig sa ibabaw ng lupa ay inihiwalay sa iba pang tubig na nasa ibabaw ng kalawakan. Ito ang paliwanag sa pananalitang ginamit may kinalaman sa pangglobong Baha noong mga araw ni Noe, na “bumuka ang lahat ng bukal ng malawak na matubig na kalaliman at nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit.” (Gen 7:11; ihambing ang Kaw 8:27, 28.) Noong panahon ng Baha, lumilitaw na ang tubig na nakalutang sa ibabaw ng kalawakan ay bumaba na para bang dumaraan sa mga lagusan, gayundin bilang ulan. Nang maubos na ang laman ng napakalaking imbakang ito, ang gayong “mga pintuan ng tubig ng langit,” sa diwa, ay “nasarhan.”—Gen 8:2.
Malayong kalawakan. Saklaw ng pisikal na “langit” ang atmospera ng lupa hanggang sa ibayo pa nito sa mga rehiyon ng malayong kalawakan kasama ang mga bituin ng mga ito, “ang buong hukbo ng langit”—ang araw, buwan, mga bituin, at mga konstelasyon. (Deu 4:19; Isa 13:10; 1Co 15:40, 41; Heb 11:12) Inilalarawan ng unang talata ng Bibliya na nilalang ang gayong mabituing langit bago pa ginawa ang lupa upang panahanan ng tao. (Gen 1:1) Itinatanghal ng langit na ito ang kaluwalhatian ng Diyos, kung paanong ipinamamalas din ito ng kalawakan ng atmospera, yamang gawa ito ng “mga daliri” ng Diyos. (Aw 8:3; 19:1-6) Ang “mga batas ng langit” na itinakda ng Diyos ang komokontrol sa lahat ng gayong mga bagay sa kalangitan. Sa kabila ng kanilang makabagong kasangkapan at masulong na kaalaman sa matematika, hindi pa rin lubusang maunawaan ng mga astronomo ang mga batas na ito. (Job 38:33; Jer 33:25) Gayunman, pinagtitibay ng kanilang mga tuklas na talagang imposibleng masukat ng tao ang gayong langit o mabilang ang mga bituin nito. (Jer 31:37; 33:22; tingnan ang BITUIN.) Gayunman, ang mga ito ay binibilang at pinapangalanan ng Diyos.—Aw 147:4; Isa 40:26.
“Kalagitnaan ng langit” at ‘mga dulo ng langit.’ Ang pananalitang “kalagitnaan ng langit” ay kumakapit sa rehiyon na nasa loob ng kalawakan ng atmospera ng lupa kung saan lumilipad ang mga ibon, gaya ng agila. (Apo 8:13; 14:6; 19:17; Deu 4:11 [sa Heb., “puso ng langit”]) Ang waring katulad nito ay ang pananalitang “sa pagitan ng lupa at ng langit.” (1Cr 21:16; 2Sa 18:9) Maliwanag na ang paglusob ng mga sumalakay sa Babilonya mula sa “dulo ng langit” ay nangangahulugang dumating sila sa kaniya mula sa malayong kagiliran (kung saan waring nagtatagpo ang lupa at ang kalangitan at kung saan waring sumisikat at lumulubog ang araw). (Isa 13:5; ihambing ang Aw 19:4-6.) Sa katulad na paraan, lumilitaw na ang pananalitang “mula sa apat na dulo ng langit” ay tumutukoy sa apat na direksiyon ng kompas, sa gayon ay nagpapahiwatig na saklaw ang apat na bahagi ng lupa. (Jer 49:36; ihambing ang Dan 8:8; 11:4; Mat 24:31; Mar 13:27.) Kung paanong napalilibutan ng langit ang lupa sa lahat ng panig nito, nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay sa “silong ng buong langit” anupat saklaw ang buong globo.—Job 28:24.
Ang maulap na kalangitan. May isa pang termino, ang Hebreong shaʹchaq, na ginagamit din upang tumukoy sa “kalangitan” o sa mga ulap nito. (Deu 33:26; Kaw 3:20; Isa 45:8) Ang salitang ito ay may salitang-ugat na nangangahulugang isang bagay na pinukpok nang pino o pinulbos, gaya ng “manipis na alikabok” (shaʹchaq) sa Isaias 40:15. Angkop na angkop ang kahulugang ito, yamang ang mga ulap ay nabubuo kapag ang mainit na hangin, na sumisingaw mula sa lupa, ay lumamig hanggang sa marating nito ang tinatawag na dewpoint, at ang singaw nito ng tubig ay namuo at naging napakaliliit na partikula na kung minsan ay tinatawag na water dust. (Ihambing ang Job 36:27, 28; tingnan ang ULAP.) Isa pang dahilan kung bakit ito angkop ay sapagkat ang nakikitang asul na bobida ng kalangitan ay likha ng pangangalat ng mga sinag ng araw dahil sa mga molekula ng gas at sa iba pang mga partikula (kasama na ang alikabok) na bumubuo sa atmospera. Sa pamamagitan ng pag-aanyo ng Diyos sa gayong atmospera, sa diwa ay ‘pinukpok niya ang kalangitan na sintigas ng salaming binubo,’ anupat tinatakdaan ng tiyak na limitasyon, o malinaw na hangganan, ang asul na balantok ng atmospera na nasa ibabaw ng lupa.—Job 37:18.
“Mga langit ng mga langit.” Ipinapalagay na ang pananalitang “mga langit ng mga langit” ay tumutukoy sa pinakamataas na langit at sumasaklaw sa buong lawak ng pisikal na langit, gaano man iyon kalaki, yamang ang langit ay nasa ibabaw ng lupa sa lahat ng direksiyon.—Deu 10:14; Ne 9:6.
Si Solomon, ang tagapagtayo ng templo sa Jerusalem, ay nagsabi na sa “mga langit, oo, sa langit ng mga langit” ay hindi magkasya ang Diyos. (1Ha 8:27) Bilang Maylalang ng mga langit, ang posisyon ni Jehova ay malayong mas mataas sa lahat ng mga ito, at “ang kaniyang pangalan lamang ang di-maabot sa kataasan. Ang kaniyang dangal ay nasa itaas ng lupa at langit.” (Aw 148:13) Sinusukat ni Jehova ang pisikal na langit anupat kasindali lamang iyon ng pagsukat ng isang tao sa isang bagay sa pamamagitan ng pag-uunat ng kaniyang mga daliri upang ang bagay na iyon ay malagay sa pagitan ng mga dulo ng hinlalaki at ng kalingkingan. (Isa 40:12) Ang sinabi ni Solomon ay hindi nangangahulugan na walang espesipikong tirahan ang Diyos. Ni nangangahulugan man iyon na siya ay omnipresente sa diwa na literal siyang nasa lahat ng dako at nasa lahat ng bagay. Mauunawaan natin ito yamang binanggit din ni Solomon na si Jehova ay nakikinig “mula sa langit, ang iyong tatag na dakong tinatahanan,” samakatuwid nga, ang langit na dako ng mga espiritu.—1Ha 8:30, 39.
Kung gayon, sa pisikal na diwa, malawak ang saklaw ng terminong “langit.” Bagaman maaari itong tumukoy sa pinakamalalayong bahagi ng kalawakan ng sansinukob, maaari rin itong tumukoy sa isang bagay na basta mataas, o matayog, anupat sa isang antas na higit sa pangkaraniwan. Dahil dito, yaong mga lulan ng mga barkong hinahampas ng bagyo ay sinasabing ‘pumapaitaas sa langit, bumababa sa mga kailaliman.’ (Aw 107:26) Gayundin, nilayon ng mga tagapagtayo ng Tore ng Babel na magtayo ng isang istraktura na ang “taluktok nito ay nasa langit,” isang “skyscraper,” wika nga. (Gen 11:4; ihambing ang Jer 51:53.) At binabanggit ng hula sa Amos 9:2 na ang mga tao ay ‘aakyat sa langit’ sa kanilang bigong pagsisikap na umiwas sa mga kahatulan ni Jehova, maliwanag na nangangahulugang tatangkain nilang tumakas patungo sa matataas na bulubunduking rehiyon.
Espirituwal na Langit. Ang mga salitang iyon sa orihinal na wika na ginamit para sa pisikal na langit ay ikinakapit din sa espirituwal na langit. Gaya ng naipaliwanag na, ang Diyos na Jehova ay hindi tumatahan sa pisikal na langit, yamang isa siyang Espiritu. Gayunman, yamang siya ang “Isa na Mataas at Matayog” na tumatahan sa “kaitaasan” (Isa 57:15), ang saligang diwa ng bagay na “itinaas” o “matayog” na isinasaad ng salita sa wikang Hebreo ay angkop upang ilarawan ang “marangal na tahanan [ng Diyos] ng kabanalan at kagandahan.” (Isa 63:15; Aw 33:13, 14; 115:3) Bilang Maylikha ng pisikal na langit (Gen 14:19; Aw 33:6), si Jehova rin ang May-ari nito. (Aw 115:15, 16) Anuman ang kalugdan niyang gawin dito ay ginagawa niya, lakip na ang makahimalang mga gawa.—Aw 135:6.
Kaya naman, sa maraming teksto, ang “langit” ay kumakatawan sa Diyos mismo at sa kaniyang posisyon bilang soberano. Ang kaniyang trono ay nasa langit, samakatuwid nga, sa dako ng mga espiritu na pinamamahalaan din niya. (Aw 103:19-21; 2Cr 20:6; Mat 23:22; Gaw 7:49) Mula sa kaniyang kataas-taasan o sukdulang posisyon, si Jehova, sa diwa, ay ‘dumurungaw’ sa pisikal na langit at lupa (Aw 14:2; 102:19; 113:6), at mula sa matayog na posisyong ito ay nagsasalita rin siya, sumasagot sa mga kahilingan, at naglalapat ng hatol. (1Ha 8:49; Aw 2:4-6; 76:8; Mat 3:17) Kaya mababasa natin na sina Hezekias at Isaias, sa harap ng malubhang pagbabanta, ay “patuloy na nanalangin . . . at humingi ng saklolo sa langit.” (2Cr 32:20; ihambing ang 2Cr 30:27.) Ginamit din ni Jesus ang langit upang kumatawan sa Diyos nang tanungin niya ang mga lider ng relihiyon kung ang bautismo ba ni Juan ay “mula sa langit o mula sa mga tao.” (Mat 21:25; ihambing ang Ju 3:27.) Inamin ng alibughang anak na nagkasala siya “laban sa langit” at laban din sa kaniya mismong ama. (Luc 15:18, 21) Kung gayon, ang pananalitang “ang kaharian ng langit” ay hindi lamang nangangahulugan na ito ay nakasentro at namamahala mula sa espirituwal na langit kundi na ito rin “ang kaharian ng Diyos.”—Dan 2:44; Mat 4:17; 21:43; 2Ti 4:18.
Dahil din sa posisyon ng Diyos sa langit, kapuwa ang mga tao at ang mga anghel ay nagtataas ng kanilang mga kamay o mukha tungo sa langit kapag nananawagan sa kaniya upang kumilos (Exo 9:22, 23; 10:21, 22), kapag nanunumpa (Dan 12:7), at kapag nananalangin (1Ha 8:22, 23; Pan 3:41; Mat 14:19; Ju 17:1). Sa Deuteronomio 32:40, binabanggit ni Jehova na ‘itinataas niya ang kaniyang kamay sa langit sa panunumpa.’ Kasuwato ng Hebreo 6:13, maliwanag na nangangahulugan ito na sumusumpa si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang sarili.—Ihambing ang Isa 45:23.
Tahanang dako ng mga anghel. Ang espirituwal na langit din ang “wastong tahanang dako” ng mga espiritung anak ng Diyos. (Jud 6; Gen 28:12, 13; Mat 18:10; 24:36) Kung minsan, ang pananalitang “hukbo ng langit,” kadalasang ikinakapit sa mga bituing nilalang, ay lumalarawan sa anghelikong mga anak ng Diyos. (1Ha 22:19; ihambing ang Aw 103:20, 21; Dan 7:10; Luc 2:13; Apo 19:14.) Sa katulad na paraan, ang “langit” ay binibigyang-katauhan na waring kumakatawan sa mga anghel, ang “kongregasyon ng mga banal.”—Aw 89:5-7; ihambing ang Luc 15:7, 10; Apo 12:12.
Kumakatawan sa Pamamahala. Nalaman na natin na ang langit ay maaaring tumukoy sa Diyos na Jehova sa kaniyang posisyon bilang soberano. Kaya nga, nang sabihin ni Daniel kay Nabucodonosor na dahil sa karanasang sasapitin ng emperador ng Babilonya ay ‘malalaman niya na ang mga langit ay namamahala,’ ang kahulugan niyaon ay kagaya rin ng pagkaalam “na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao.”—Dan 4:25, 26.
Gayunman, bukod pa sa pagtukoy nito sa Kataas-taasang Soberano, ang terminong “langit” ay maaari ring tumukoy sa iba pang mga namamahalang kapangyarihan na dinadakila o itinataas sa mga taong kanilang nasasakupan. Ang mismong dinastiya ng mga Babilonyong hari na kinakatawanan ni Nabucodonosor ay inilalarawan sa Isaias 14:12 bilang tulad-bituin, isa na “nagniningning, anak ng bukang-liwayway.” Sa paglupig sa Jerusalem noong 607 B.C.E., iniangat ng Babilonyong dinastiyang iyon ang trono nito “sa itaas ng mga bituin ng Diyos,” anupat maliwanag na ang “mga bituin” na ito ay tumutukoy sa Davidikong linya ng mga Judeanong hari (kung paanong ang Tagapagmana ng Davidikong trono, si Kristo Jesus, ay tinatawag na “ang maningning na bituing pang-umaga” sa Apo 22:16; ihambing ang Bil 24:17). Sa pamamagitan ng pagpapabagsak nito sa Davidikong trono na awtorisado ng Diyos, sa diwa ay dinakila ng Babilonyong dinastiya ang sarili nito nang abot-langit. (Isa 14:13, 14) Ang matayog na karingalan at malawakang pamumunong ito ay kinatawanan din sa panaginip ni Nabucodonosor ng isang makasagisag na punungkahoy na ang taas ay “umabot sa langit.”—Dan 4:20-22.
Mga bagong langit at bagong lupa. Ang kaugnayan ng “langit” sa namamahalang kapangyarihan ay tumutulong upang maunawaan ang kahulugan ng pananalitang ‘mga bagong langit at isang bagong lupa’ na matatagpuan sa Isaias 65:17; 66:22 at sinipi ng apostol na si Pedro sa 2 Pedro 3:13. Palibhasa’y napuna ang gayong ugnayan, ang Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1891, Tomo IV, p. 122) ay nagkomento: “Sa Isa. lxv, 17, ang isang bagong langit at isang bagong lupa ay nangangahulugan ng isang bagong pamahalaan, bagong kaharian, bagong mga tao.”
Kung paanong ang “lupa” ay maaaring tumukoy sa isang lipunan ng mga tao (Aw 96:1; tingnan ang LUPA), ang “mga langit” ay maaari ring sumagisag sa nakatataas na namamahalang kapangyarihan o pamahalaan sa ibabaw ng gayong “lupa.” Ang hula na nangangako ng “mga bagong langit at isang bagong lupa,” na ibinigay sa pamamagitan ni Isaias, ay unang kaugnay sa pagsasauli ng Israel mula sa pagkatapon sa Babilonya. Nang makabalik ang mga Israelita sa kanilang sariling lupain, pumasok sila sa isang bagong sistema ng mga bagay. Ginamit ng Diyos si Cirong Dakila sa pantanging paraan upang maipatupad ang pagsasauling iyon. Pagkabalik sa Jerusalem, si Zerubabel (isang inapo ni David) ang naglingkod bilang gobernador, at si Josue naman bilang mataas na saserdote. Kasuwato ng layunin ni Jehova, ang bagong kaayusang ito ng pamamahala, o “mga bagong langit,” ang pumatnubay at nangasiwa sa mga taong nasasakupan. (2Cr 36:23; Hag 1:1, 14) Sa gayon, gaya ng inihula ng talata 18 ng Isaias kabanata 65, ang Jerusalem ay naging ‘sanhi ng kagalakan at ang kaniyang bayan naman ay sanhi ng pagbubunyi.’
Gayunman, ipinakikita ng pagsipi ni Pedro na maaasahan ang isang panghinaharap na katuparan, salig sa pangako ng Diyos. (2Pe 3:13) Yamang ang pangako ng Diyos, sa kasong ito, ay may kaugnayan sa pagkanaririto ni Kristo Jesus, gaya ng ipinakikita sa talata 4, tiyak na ang “mga bagong langit at isang bagong lupa” ay may kaugnayan sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos at sa pamamahala nito sa masunuring mga sakop. Sa pamamagitan ng kaniyang pagkabuhay-muli at pag-akyat sa langit sa kanan ng Diyos, si Kristo Jesus ay naging “mas mataas kaysa sa langit” (Heb 7:26) sa diwang inilagay siya “na lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon . . . hindi lamang sa sistemang ito ng mga bagay, kundi doon din sa darating.”—Efe 1:19-21; Mat 28:18.
Ang mga Kristiyanong tagasunod ni Jesus, bilang “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag” (Heb 3:1), ay inaatasan ng Diyos bilang “mga tagapagmana” na kaisa ni Kristo, na sa pamamagitan niya ay nilayon ng Diyos na “muling tipunin ang lahat ng mga bagay.” “Ang mga bagay na nasa langit,” samakatuwid nga, yaong mga tinawag ukol sa makalangit na buhay, ang unang titipunin tungo sa pakikipagkaisa sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. (Efe 1:8-11) Ang kanilang mana ay “nakataan sa langit.” (1Pe 1:3, 4; Col 1:5; ihambing ang Ju 14:2, 3.) Sila ay “nakatala” at ang kanilang “pagkamamamayan” ay sa langit. (Heb 12:20-23; Fil 3:20) Sila ang bumubuo sa “Bagong Jerusalem” na sa pangitain ni Juan ay nakitang “bumababang galing sa langit mula sa Diyos.” (Apo 21:2, 9, 10; ihambing ang Efe 5:24-27.) Yamang sinasabi sa pasimula na ang pangitaing ito ay hinggil sa “isang bagong langit at isang bagong lupa” (Apo 21:1), makatuwiran lamang na ang mga ito ay kapuwa kinakatawanan sa kasunod na paglalarawan. Samakatuwid, tiyak na ang “bagong langit” ay katumbas ni Kristo kasama ang kaniyang “kasintahang babae,” ang “Bagong Jerusalem,” at ang “bagong lupa” naman ay makikita sa ‘mga bayan ng sangkatauhan’ na mga sakop nila at tumatanggap ng mga pagpapala mula sa kanilang pamamahala, gaya ng inilalarawan sa talata 3 at 4.
Ikatlong langit. Sa 2 Corinto 12:2-4, inilalarawan ng apostol na si Pablo ang isa na “inagaw . . . tungo sa ikatlong langit” at “patungo sa paraiso.” Yamang walang ibang tao na binanggit sa Kasulatan na nagkaroon ng gayong karanasan, malamang na ito ay sariling karanasan ng apostol. Bagaman sinisikap ng ilan na pag-ugnayin ang pagtukoy ni Pablo sa ikatlong langit at ang sinaunang rabinikong pangmalas na ang langit ay may mga antas, anupat “pitong langit” pa nga sa kabuuan, ang pangmalas na ito ay walang saligan sa Kasulatan. Gaya ng nakita na natin, ang langit ay hindi espesipikong tinutukoy na para bang nahahati ito sa iba’t ibang palapag o antas, kundi sa halip ay dapat pagbatayan ang konteksto upang matiyak kung ang tinutukoy ay ang langit na nasa atmosperikong kalawakan ng lupa, ang langit ng malayong kalawakan, ang espirituwal na langit, o iba pa. Kung gayon, waring ang pagtukoy sa “ikatlong langit” ay nagpapahiwatig ng walang-kapantay na pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian. Pansinin kung paanong tatlong beses na inuulit ang mga salita at mga ekspresyon sa Isaias 6:3; Ezekiel 21:27; Juan 21:15-17; Apocalipsis 4:8, maliwanag na bilang pagdiriin.
Ang paglipas ng dating langit at lupa. Tinutukoy ng pangitain ni Juan ang paglipas ng ‘dating langit at ng dating lupa.’ (Apo 21:1; ihambing ang 20:11.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang makalupang mga pamahalaan at ang kanilang mga mamamayan ay ipinakikitang sakop ng pamamahala ni Satanas. (Mat 4:8, 9; Ju 12:31; 2Co 4:3, 4; Apo 12:9; 16:13, 14) Tinukoy ng apostol na si Pablo ang “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako,” kasama ang kanilang mga pamahalaan, mga awtoridad, at mga tagapamahala ng sanlibutan. (Efe 6:12) Kaya ang paglipas ng “dating langit” ay nagpapahiwatig ng wakas ng pulitikal na mga pamahalaan na naiimpluwensiyahan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Kasuwato ito ng nakaulat sa 2 Pedro 3:7-12 may kinalaman sa pagkapuksa ng “mga langit . . . sa ngayon” na waring sa pamamagitan ng apoy. Sa katulad na paraan, inilalarawan ng Apocalipsis 19:17-21 ang pagkalipol ng isang pangglobong pulitikal na sistema kasama ang mga tagasuporta niyaon; sinasabi nito na ang makasagisag na mabangis na hayop ay “inihagis sa maapoy na lawa na nagniningas sa asupre.” (Ihambing ang Apo 13:1, 2.) Kung tungkol naman sa Diyablo, ipinakikita ng Apocalipsis 20:1-3 na inihagis siya “sa kalaliman” sa loob ng isang libong taon at pagkatapos ay ‘pinakawalan siya nang kaunting panahon.’
Pagbababa sa Bagay na Itinaas. Yamang ang langit ay kumakatawan sa bagay na mataas, ang pagbababa sa mga bagay na itinaas ay kinakatawanan kung minsan ng pagpapabagsak o ng ‘pag-uga’ o ‘pagligalig’ sa langit. Sinasabing “mula sa langit ay inihagis [ni Jehova] sa lupa ang kagandahan ng Israel” noong panahong itiwangwang ito. Kalakip sa kagandahang iyon ang kaharian nito at ang mga prinsipeng tagapamahala at ang kapangyarihan ng mga ito, at ang gayong kagandahan ay nilamon na waring sa pamamagitan ng apoy. (Pan 2:1-3) Ngunit nang maglaon, ang manlulupig ng Israel, ang Babilonya, ay dumanas ng pagligalig sa kaniyang sariling “langit” at ng pag-uga sa kaniyang “lupa” nang pabagsakin ng mga Medo at mga Persiano ang Babilonya at ang kaniyang makalangit na mga diyos ay mapatunayang huwad at walang kakayahang magligtas sa kaniya mula sa pagkawala ng pamumuno niya sa lupain.—Isa 13:1, 10-13.
Sa katulad na paraan, inihula na ang posisyon ng Edom na abot-langit ay hindi makapagliligtas sa kaniya mula sa pagkapuksa at na ang tabak ng paghatol ni Jehova ay matitigmak sa kaniyang mga kaitaasan, o “langit,” anupat walang tutulong sa kaniya mula sa anumang makalangit, o mataas, na pagmumulan. (Isa 34:4-7; ihambing ang Ob 1-4, 8.) Yaong mga lubhang naghahambog, na may-kabalakyutan at may-katayugang nagsasalita anupat waring “inilagay nila ang kanilang bibig sa mismong langit,” ay tiyak na malulugmok sa pagkawasak. (Aw 73:8, 9, 18; ihambing ang Apo 13:5, 6.) May dahilan ang lunsod ng Capernaum upang madamang pinagpakitaan ito ng malaking pabor dahil sa atensiyong tinanggap nito mula kay Jesus at sa kaniyang ministeryo. Gayunman, hindi ito tumugon sa kaniyang makapangyarihang mga gawa, nagtanong si Jesus, “Itataas ka kaya sa langit?” at sa halip ay humula siya, “Sa Hades ka ibababa.”—Mat 11:23.
Pagdidilim ng Langit. Kadalasan, ang pagdidilim ng langit o ng mga bituin ay ginagamit upang kumatawan sa pag-aalis ng masagana at kaayaayang mga kalagayan, at sa paghahalili sa mga ito ng mga kalagayang nagbabadya ng kapahamakan at kapanglawan, gaya ng kapag tinatakpan ng madidilim na ulap ang lahat ng liwanag sa araw at gabi. (Ihambing ang Isa 50:2, 3, 10.) Ang paggamit na ito sa pisikal na langit may kaugnayan sa mental na pangmalas ng mga tao ay waring kahawig ng matandang kasabihang Arabe, “Ang kaniyang langit ay bumagsak sa lupa,” anupat nangangahulugang lubhang nabawasan ang kataasan o kasaganaan ng isang iyon. Sabihin pa, bilang kapahayagan ng poot ng Diyos, may mga panahon na gumamit siya ng mga kababalaghan sa langit, anupat ang ilan sa mga ito ay literal na nagpadilim sa langit.—Exo 10:21-23; Jos 10:12-14; Luc 23:44, 45.
Ang gayong araw ng kadiliman ay sumapit sa Juda bilang katuparan ng kahatulan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Joel, at umabot ito sa kasukdulan nang itiwangwang ng Babilonya ang Juda. (Joe 2:1, 2, 10, 30, 31; ihambing ang Jer 4:23, 28.) Anumang pag-asa na tatanggap sila ng tulong mula sa langit ay waring natuyo, at gaya ng inihula sa Deuteronomio 28:65-67, sila ay ‘napasapanghihilakbot gabi at araw,’ anupat walang kaginhawahan o pag-asa man sa umagang may sikat ng araw o sa gabing may sinag ng buwan. Gayunman, sa pamamagitan ng propeta ring iyon, si Joel, binabalaan ni Jehova ang mga kaaway ng Juda na daranas sila ng gayunding situwasyon kapag naglapat siya ng kahatulan sa kanila. (Joe 3:12-16) Ginamit ni Ezekiel at ni Isaias ang mismong makasagisag na larawang ito nang ihula nila ang kahatulan ng Diyos sa Ehipto at sa Babilonya.—Eze 32:7, 8, 12; Isa 13:1, 10, 11.
Noong araw ng Pentecostes, sinipi ng apostol na si Pedro ang hula ni Joel nang himukin niya ang isang pulutong ng mga tagapakinig na ‘maligtas mula sa likong salinlahing ito.’ (Gaw 2:1, 16-21, 40) Ang mga hindi nakinig na kabilang sa salinlahing iyon ay dumanas ng isang panahon ng matinding kadiliman nang kubkubin ng mga Romano ang Jerusalem at sa wakas ay salantain nila ito pagkaraan ng wala pang 40 taon. Gayunman, bago ang Pentecostes, isang katulad na hula ang sinabi ni Jesus at ipinakita niyang matutupad ito sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.—Mat 24:29-31; Luc 21:25-27; ihambing ang Apo 6:12-17.
Pagiging Permanente ng Pisikal na Langit. Sinabi ni Elipaz na Temanita tungkol sa Diyos: “Narito! Sa kaniyang mga banal ay wala siyang tiwala, at maging ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin.” Gayunman, sinabi ni Jehova kay Elipaz na siya at ang kaniyang dalawang kasamahan ay ‘hindi nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin gaya ng aking lingkod na si Job.’ (Job 15:1, 15; 42:7) Sa kabaligtaran, sinasabi ng Exodo 24:10 na ang langit ay kumakatawan sa kadalisayan. Kaya walang dahilang binabanggit sa Bibliya upang wasakin ng Diyos ang pisikal na langit.
Ang pagiging permanente ng pisikal na langit ay makikita sa pagkakagamit nito sa mga simili na nauugnay sa mga bagay na walang hanggan, gaya ng mapayapa at matuwid na mga resultang idudulot ng Davidikong kaharian na minana ng Anak ng Diyos. (Aw 72:5-7; Luc 1:32, 33) Sa gayon, ang mga tekstong gaya ng Awit 102:25, 26 na nagsasabing ang langit ay ‘naglalaho’ at ‘pinapalitang gaya ng kasuutang naluma na’ ay hindi dapat unawain sa literal na diwa.
Sa Lucas 21:33, sinasabi ni Jesus na “ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi sa anumang paraan lilipas.” Ipinakikita naman ng ibang mga kasulatan na ang “langit at lupa” ay mananatili magpakailanman. (Gen 9:16; Aw 104:5; Ec 1:4) Kaya ang “langit at lupa” rito ay malamang na makasagisag, gaya rin ng ‘dating langit at dating lupa’ sa Apocalipsis 21:1; ihambing ang Mateo 24:35.
Idiniriin ng Awit 102:25-27 ang kawalang-hanggan at kawalang-pagkasira ng Diyos, samantalang ang langit at lupa na kaniyang pisikal na mga lalang ay maaaring masira, samakatuwid nga, maaari itong mapuksa—kung iyon man ang layunin ng Diyos. Di-gaya ng walang-hanggang pag-iral ng Diyos, ang pagiging permanente ng alinmang bahagi ng kaniyang pisikal na paglalang ay may pasubali. Gaya ng makikita sa lupa, ang pisikal na mga lalang ay kailangang patuluyang sumailalim sa proseso ng pagpapanibago upang ito ay tumagal o manatili sa kasalukuyang anyo nito. Ang pisikal na langit ay nakadepende sa kalooban ng Diyos at sa kaniyang kapangyarihang tumustos, gaya ng ipinahihiwatig sa Awit 148, kung saan, matapos tukuyin ang araw, buwan, at mga bituin, kasama ang iba pang mga lalang ng Diyos, sinasabi ng talata 6 na ‘pinananatili sila ng Diyos magpakailanman, hanggang sa panahong walang takda. Isang tuntunin ang ibinigay niya, at hindi iyon lilipas.’
Ang mga salita ng Awit 102:25, 26 ay kumakapit sa Diyos na Jehova, ngunit sinipi ng apostol na si Pablo ang mga ito may kaugnayan kay Jesu-Kristo. Ito ay sapagkat ang bugtong na Anak ng Diyos ang personal na Ahente ng Diyos na ginamit sa paglalang ng pisikal na uniberso. Ipinakita ni Pablo ang kaibahan ng pagiging permanente ng pag-iral ng Anak kaysa roon sa pisikal na paglalang, na kapag nilayon ng Diyos ay maaari niyang ‘balutin gaya ng isang balabal’ at itago.—Heb 1:1, 2, 8, 10-12; ihambing ang 1Pe 2:3, tlb sa Rbi8.
Iba’t ibang Patula at Makasagisag na mga Pananalita. Dahil mahalagang bahagi ang ginagampanan ng pisikal na langit sa pagtustos at pagpapaunlad ng buhay sa lupa—sa pamamagitan ng sikat ng araw, ulan, hamog, nakarerepreskong hangin, at iba pang mga pakinabang na dulot ng atmospera—tinutukoy ang mga ito sa matulaing paraan bilang “mabuting imbakan” ni Jehova. (Deu 28:11, 12; 33:13, 14) Binubuksan ni Jehova ang “mga pinto” nito upang pagpalain ang kaniyang mga lingkod, gaya noong magpababa siya sa lupa ng manna, “ang butil ng langit.” (Aw 78:23, 24; Ju 6:31) Ang mga ulap ay tulad ng “mga pantubig na banga” sa mga pang-itaas na silid ng imbakang iyon, at ang ulan ay bumubuhos mula roon na parang dumaraan sa “mga paagusan,” anupat may ilang salik, gaya ng mga bundok o kahit ang makahimalang pamamagitan ng Diyos, na lumilikha ng kondensasyon ng tubig na sinusundan ng pag-ulan sa espesipikong mga rehiyon. (Job 38:37; Jer 10:12, 13; 1Ha 18:41-45) Sa kabilang dako, may mga pagkakataon na ipinagkakait ng Diyos ang kaniyang pagpapala, anupat ang resulta nito ay ‘nasasarhan’ ang langit sa ibabaw ng lupain ng Canaan, kung kaya nagtitingin itong matigas at solidong gaya ng bakal at nagkakaroon ito ng metalikong kinang na kulay-tanso, at may atmosperang punô ng alikabok at walang ulan.—Lev 26:19; Deu 11:16, 17; 28:23, 24; 1Ha 8:35, 36.
Tumutulong ito sa atin na maunawaan ang larawang inihaharap sa Oseas 2:21-23. Matapos ihula ang kapaha-pahamak na mga resulta ng kawalang-katapatan ng Israel, binanggit naman ni Jehova ang hinggil sa panahon ng pagsasauli rito at ang ibubunga nitong mga pagpapala. Sa araw na iyon, sabi niya, “sasagutin ko ang mga langit, at sasagutin naman nila ang lupa; at sasagutin naman ng lupa ang butil at ang matamis na alak at ang langis; at sasagutin naman nila ang Jezreel.” Maliwanag na lumalarawan ito sa pakiusap ng Israel na pagpalain sila ni Jehova sa pamamagitan ng kawing ng mga bagay na nilalang ni Jehova at binanggit dito. Sa dahilang iyon, minamalas na ang mga bagay na ito ay binigyang-katauhan, anupat para bang maaari silang humiling, o makiusap. Humihingi ang Israel ng butil, alak, at langis; ang mga produktong ito naman ay kumukuha ng kanilang pagkain bilang halaman at tubig mula sa lupa; ang lupa naman, upang mapaglaanan ang pangangailangang ito, ay nangangailangan ng (o makasagisag na tumatawag sa) araw, ulan, at hamog mula sa langit; at ang mga langit (na noon ay ‘nasasarhan’ pa dahil ipinagkait ng Diyos ang kaniyang pagpapala) ay makatutugon lamang kung diringgin ng Diyos ang pakiusap at isasauli sa bansa ang kaniyang lingap, sa gayon ay muli niyang paiikutin ang siklo ng produksiyon. Tinitiyak ng hula na gayon ang kaniyang gagawin.
Sa 2 Samuel 22:8-15, lumilitaw na ginagamit ni David ang larawan ng isang napakalakas na bagyo upang ipakita ang epekto nang mamagitan ang Diyos alang-alang kay David, anupat pinalaya siya mula sa kaniyang mga kaaway. Niligalig ng bangis ng makasagisag na bagyong ito ang pundasyon ng langit, at ‘yumukod’ iyon kasama ang madidilim at mabababang ulap. Ihambing ang mga kalagayan ng isang literal na bagyo na inilarawan sa Exodo 19:16-18; gayundin ang patulang mga pananalita sa Isaias 64:1, 2.
Si Jehova, ang “Ama ng makalangit na mga liwanag” (San 1:17), ay malimit tukuyin na ‘nag-uunat ng langit,’ kung paanong iniuunat ng isa ang telang pantolda. (Aw 104:1, 2; Isa 45:12) Ang langit, kapuwa ang kalawakan ng atmospera kung araw at ang mabituing langit kung gabi, ay mistulang isang pagkalaki-laking hugis-bobidang kulandong sa pangmalas ng mga tao sa lupa. Sa Isaias 40:22, inihahalintulad ito sa pag-uunat ng “manipis na gasa,” sa halip na ng mas magaspang na telang pantolda. Inilalarawan nito ang maririkit na palamuti ng gayong makalangit na kulandong. Totoo naman, kapag maaliwalas ang gabi, ang libu-libong bituin ay parang telang leys na nakaunat sa ibabaw ng maitim na kalawakan. Mapapansin din na maging ang pagkalaki-laking galaksi na kilala bilang Via Lactea, o Milky Way, na kinaroroonan ng ating sistema solar, ay mistulang manipis na gasa kung titingnan mula sa lupa.
Batay sa mga nabanggit na, dapat na laging isasaalang-alang ang konteksto upang matiyak ang diwa ng makasagisag na mga pananalitang ito. Kaya naman nang tawagan ni Moises “ang langit at ang lupa” upang maging mga saksi sa mga bagay na ipinahayag niya sa Israel, maliwanag na hindi ang mga nilalang na walang buhay ang tinutukoy niya kundi sa halip ay ang matatalinong tumatahan sa langit at lupa. (Deu 4:25, 26; 30:19; ihambing ang Efe 1:9, 10; Fil 2:9, 10; Apo 13:6.) Totoo rin ito may kaugnayan sa pagsasaya ng langit at ng lupa dahil sa pagbagsak ng Babilonya, na nasa Jeremias 51:48. (Ihambing ang Apo 18:5; 19:1-3.) Gayundin, tiyak na ang espirituwal na langit ang ‘nagpapatak ng katuwiran,’ gaya ng inilalarawan sa Isaias 45:8. Sa ibang mga kaso, literal na langit naman ang tinutukoy ngunit makasagisag na inilalarawan ito bilang nagsasaya o sumisigaw nang malakas. Kapag dumating si Jehova upang hatulan ang lupa, gaya ng inilalarawan sa Awit 96:11-13, ang langit, pati na ang lupa, dagat, at parang, ay magkakaroon ng masayang anyo. (Ihambing ang Isa 44:23.) Pinapupurihan din ng pisikal na langit ang kanilang Maylalang, kung paanong ang isang produkto na maganda ang pagkakadisenyo ay nagdudulot ng kapurihan sa bihasang manggagawa na lumikha rito. Sa diwa, isinasaysay nila ang kapangyarihan, karunungan, at karingalan ni Jehova.—Aw 19:1-4; 69:34.
Pag-akyat sa Langit. Sa 2 Hari 2:11, 12, ang propetang si Elias ay inilalarawan na “umakyat sa langit sa pamamagitan ng buhawi.” Ang langit na tinutukoy rito ay ang atmosperikong langit kung saan namumuo ang mga buhawi, hindi ang espirituwal na langit na kinaroroonan ng Diyos. Hindi namatay si Elias nang panahong iyon ng pag-akyat niya, kundi nabuhay pa siya nang maraming taon pagkatapos siyang kunin tungo sa langit mula sa kahalili niyang si Eliseo. Hindi rin naman umakyat si Elias sa espirituwal na langit nang mamatay siya, yamang maliwanag na sinabi ni Jesus noong naririto Siya sa lupa na “walang taong umakyat sa langit.” (Ju 3:13; tingnan ang ELIAS Blg. 1 (Hinalinhan ni Eliseo).) Noong Pentecostes, sinabi rin ni Pedro tungkol kay David na ‘hindi ito umakyat sa langit.’ (Gaw 2:34) Sa katunayan, walang anumang mababasa sa Kasulatan na nagpapakitang isang makalangit na pag-asa ang inialok sa mga lingkod ng Diyos bago dumating si Kristo Jesus. Ang gayong pag-asa ay unang lumitaw sa mga pananalita ni Jesus sa kaniyang mga alagad (Mat 19:21, 23-28; Luc 12:32; Ju 14:2, 3) at lubusan lamang nila itong naunawaan pagkaraan ng Pentecostes ng 33 C.E.—Gaw 1:6-8; 2:1-4, 29-36; Ro 8:16, 17.
Ipinakikita ng Kasulatan na si Kristo Jesus ang unang umakyat mula sa lupa patungo sa langit na kinaroroonan ng Diyos. (1Co 15:20; Heb 9:24) Sa pamamagitan ng pag-akyat na iyon at ng paghaharap niya roon ng kaniyang haing pantubos, ‘binuksan niya ang daan’ para sa mga kasunod niya—ang inianak-sa-espiritu na mga miyembro ng kaniyang kongregasyon. (Ju 14:2, 3; Heb 6:19, 20; 10:19, 20) Sa kanilang pagkabuhay-muli, dapat taglayin ng mga ito “ang larawan niyaong isa na makalangit,” si Kristo Jesus, upang makaakyat sila sa langit na dako ng mga espiritu, sapagkat ang “laman at dugo” ay hindi makapagmamana ng makalangit na Kahariang iyon.—1Co 15:42-50.
Sa anong paraan nasa “makalangit na mga dako” ang mga tao na naririto pa sa lupa?
Sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso, tinutukoy ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na noon ay nabubuhay pa sa lupa na para bang nagtatamasa na ang mga ito ng isang makalangit na posisyon, anupat ibinangon at “pinaupo . . . [na] magkakasama sa makalangit na mga dako kaisa ni Kristo Jesus.” (Efe 1:3; 2:6) Ipinakikita ng konteksto na gayon ang pangmalas ng Diyos sa mga pinahirang Kristiyano dahil kaniyang ‘itinakda sila bilang mga tagapagmana’ kasama ng kaniyang Anak sa makalangit na mana. Bagaman narito pa sa lupa, sila ay dinakila, o ‘itinaas,’ ng gayong pag-aatas. (Efe 1:11, 18-20; 2:4-7, 22) Binibigyang-linaw rin ng mga puntong ito ang makasagisag na pangitain sa Apocalipsis 11:12. Gayundin, naglalaan ito ng susi upang maunawaan ang makahulang larawan na nasa Daniel 8:9-12, kung saan yaong ipinakita noong una bilang kumakatawan sa isang pulitikal na kapangyarihan ay sinasabing “patuloy na lumaki hanggang umabot sa hukbo ng langit,” at pinalaglag pa nga nito sa lupa ang ilan sa hukbong iyon at sa mga bituin. Sa Daniel 12:3, yaong mga lingkod ng Diyos sa lupa sa inihulang panahon ng kawakasan ay sinasabing sumisikat na “tulad ng mga bituin hanggang sa panahong walang takda.” Pansinin din ang makasagisag na paggamit ng mga bituin sa aklat ng Apocalipsis, mga kabanata 1 hanggang 3, kung saan ipinakikita ng konteksto na ang gayong “mga bituin” ay tumutukoy sa mga tao na maliwanag na nabubuhay pa sa lupa at sumasailalim sa mga karanasan at mga tukso sa lupa, anupat ang “mga bituin” na ito ang may pananagutan sa mga kongregasyon na nasa kanilang pangangalaga.—Apo 1:20; 2:1, 8, 12, 18; 3:1, 7, 14.
Ang daan tungo sa makalangit na buhay. Ang daan tungo sa makalangit na buhay ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa pagkakaroon lamang ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo at ng mga gawa ng pananampalataya bilang pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos. Ipinakikita ng kinasihang mga akda ng mga apostol at mga alagad na ang isa ay dapat ding tinawag at pinili ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (2Ti 1:9, 10; Mat 22:14; 1Pe 2:9) Kasangkot sa paanyayang ito ang paggawa ng maraming hakbang, o pagkilos, upang ang isa ay maging kuwalipikado para sa makalangit na mana; ang Diyos ang gumagawa ng marami sa mga hakbang na iyon, ang iba naman ay ginagawa niyaong tinawag. Kabilang sa gayong mga hakbang, o mga pagkilos, ang pagpapahayag na matuwid sa Kristiyano na tinawag (Ro 3:23, 24, 28; 8:33, 34); ang pagluluwal sa kaniya (‘pag-aanak sa kaniya’) sa pamamagitan ng banal na espiritu (Ju 1:12, 13; 3:3-6; San 1:18); ang pagbabautismo sa kaniya sa kamatayan ni Kristo (Ro 6:3, 4; Fil 3:8-11); ang pagpapahid sa kaniya (2Co 1:21; 1Ju 2:20, 27); ang pagpapabanal sa kaniya (Ju 17:17). Dapat ingatan ng isa na tinawag ang kaniyang katapatan hanggang sa kamatayan (2Ti 2:11-13; Apo 2:10), at pagkatapos siyang mapatunayang tapat sa pagkatawag at pagpili sa kaniya (Apo 17:14), sa wakas ay bubuhayin siyang muli tungo sa buhay bilang espiritu.—Ju 6:39, 40; Ro 6:5; 1Co 15:42-49; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID; PAGKABUHAY-MULI; PAGPAPABANAL; PINAHIRAN, PAGPAPAHID.