Kanino Nakatingin ang Iyong mga Mata?
“Itinitingin ko sa iyo ang aking mga mata, O Ikaw na tumatahan sa langit.”—AWIT 123:1.
1, 2. Ano ang kailangan para masabing lagi tayong nakatingin kay Jehova?
NABUBUHAY tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” at lalo pang hihirap ang buhay bago magkaroon ulit ng tunay na kapayapaan dito sa lupa. (2 Tim. 3:1) Kaya tanungin ang sarili, ‘Kanino ako tumitingin para sa tulong at patnubay?’ Baka sabihin agad natin, “Kay Jehova,” at iyan naman ang pinakamagandang sagot.
2 Ano ang kailangan para masabing nakatingin tayo kay Jehova? At paano natin matitiyak na lagi tayong nakatingin sa kaniya habang napapaharap tayo sa mahihirap na hamon sa buhay? Daan-daang taon na ang nakalipas, nakita ng salmista na kailangan nating itingin kay Jehova ang ating mga mata kapag nangangailangan tayo ng tulong. (Basahin ang Awit 123:1-4.) Itinulad niya ito sa pagtingin ng isang lingkod sa kaniyang panginoon. Ano ang ibig sabihin ng salmista? Hindi lang tumitingin ang lingkod sa kaniyang panginoon para humingi ng pagkain at proteksiyon kundi kailangang lagi itong nakatingin sa kaniyang panginoon para malaman ang gusto nito at gawin iyon. Sa katulad na paraan, kailangan nating saliksikin ang Salita ng Diyos araw-araw para malaman ang kalooban ni Jehova para sa atin at gawin iyon. Sa gayon, makatitiyak tayong pagpapakitaan tayo ni Jehova ng lingap sa panahon ng pangangailangan.—Efe. 5:17.
3. Ano ang makahahadlang sa ating patuloy na pagtingin kay Jehova?
3 Alam natin ang kahalagahan ng patuloy na pagtingin kay Jehova, pero baka kung minsan, nadi-distract tayo. Ganiyan ang nangyari kay Marta, ang malapít na kaibigan ni Jesus. Nagambala siya dahil sa pag-aasikaso sa maraming tungkulin. (Luc. 10:40-42) Kung nangyayari iyan sa gayong tapat na tao habang kasama niya mismo si Jesus, hindi na tayo dapat magtaka kung mangyari din iyan sa atin. Kung gayon, ano ang puwedeng makagambala sa ating patuloy na pagtingin kay Jehova? Sa artikulong ito, susuriin natin kung paano puwedeng malihis ang ating pokus dahil sa paggawi ng iba. Aalamin din natin kung paano tayo makapananatiling nakapokus kay Jehova.
NAIWALA NG ISANG TAPAT NA TAO ANG KANIYANG PRIBILEHIYO
4. Bakit nakapagtatakang naiwala ni Moises ang pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako?
4 Tiyak na kay Jehova nakatingin si Moises para sa patnubay. Sa katunayan, “nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Basahin ang Hebreo 11:24-27.) Sinasabi ng Bibliya na “wala pang bumabangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na nakilala ni Jehova nang mukhaan.” (Deut. 34:10) Pero kahit may malapít siyang kaugnayan kay Jehova, naiwala pa rin niya ang pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako. (Bil. 20:12) Bakit kaya?
5-7. Anong problema ang bumangon hindi pa natatagalan matapos umalis sa Ehipto ang mga Israelita, at ano ang ginawa ni Moises?
5 Wala pang dalawang buwan matapos umalis ang mga Israelita sa Ehipto, isang seryosong problema ang bumangon—bago pa man sila makarating sa Bundok Sinai. Nagreklamo ang bayan dahil sa kawalan ng tubig. Nagbulong-bulungan sila laban kay Moises, at lumala pa ang sitwasyon kaya dumaing si Moises kay Jehova: “Ano ang gagawin ko sa bayang ito? Kaunti pa at babatuhin na nila ako!” (Ex. 17:4) Binigyan ni Jehova si Moises ng malinaw na mga tagubilin. Kukunin niya ang tungkod niya at ihahampas sa bato sa Horeb, at lalabas ang tubig. Mababasa natin: “Gayon ang ginawa ni Moises sa paningin ng matatandang lalaki ng Israel.” Uminom ang mga Israelita hanggang sa mapawi ang uhaw nila, at nalutas ang problema.—Ex. 17:5, 6.
6 Ayon pa sa Bibliya, “tinawag [ni Moises na] Masah at Meriba ang pangalan ng dakong iyon, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel at dahil sa paglalagay nila kay Jehova sa pagsubok, na sinasabi: ‘Si Jehova ba ay nasa gitna natin o wala?’” (Ex. 17:7) Angkop ang mga pangalang iyon dahil ang mga ito ay nangangahulugang “Pagsubok” at “Pagtatalo.”
7 Ano ang nadama ni Jehova sa nangyaring iyon sa Meriba? Ang ginawa ng mga Israelita ay itinuring niyang hamon sa kaniyang pagka-Diyos, at hindi lang basta pagrerebelde kay Moises. (Basahin ang Awit 95:8, 9.) Kitang-kitang mali ang ginawa ng mga Israelita. Sa pagkakataong iyon, tama ang ginawa ni Moises dahil tumingin siya kay Jehova at maingat na sumunod sa tagubilin Niya.
8. Anong problema ang bumangon sa pagtatapos ng 40-taóng paglalakbay sa ilang?
8 Pero ano ang nangyari nang maulit ang pangyayaring iyon makalipas ang mga 40 taon, nang patapos na ang paglalakbay sa ilang? Heto na naman ang mga Israelita sa isang lugar na tinawag ding Meriba. Pero ibang lugar ito, malapit ito sa Kades na malapit sa hangganan ng Lupang Pangako.a Nagreklamo na naman ang mga Israelita dahil sa kawalan ng tubig. (Bil. 20:1-5) Pero sa pagkakataong ito, iba ang ginawa ni Moises.
9. Anong mga tagubilin ang natanggap ni Moises, pero ano ang ginawa niya? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
9 Ano ang reaksiyon ni Moises sa pagrerebeldeng ito? Muli niyang itiningin ang kaniyang mga mata kay Jehova para sa tagubilin. Pero sa pagkakataong ito, hindi sinabi ni Jehova na hampasin ni Moises ang bato. Sa halip, sinabihan siyang kunin ang tungkod, tipunin ang bayan sa harap ng malaking bato, at saka magsalita sa bato. (Bil. 20:6-8) Pero hindi nagsalita si Moises sa malaking batong iyon. Sa halip, inilabas niya ang kaniyang inis. Sinigawan niya ang mga nagkakatipon doon: “Makinig kayo ngayon, kayong mga mapaghimagsik! Maglalabas ba kami ng tubig para sa inyo mula sa malaking batong ito?” Pagkatapos, hinampas niya ang bato, hindi lang isang beses, kundi dalawang beses.—Bil. 20:10, 11.
10. Ano ang reaksiyon ni Jehova sa ginawa ni Moises?
10 Si Jehova ay nagalit, at napoot pa nga, kay Moises. (Deut. 1:37; 3:26) Bakit? May ilang posibleng dahilan. Gaya ng nabanggit na, malamang na nagalit si Jehova dahil hindi sinunod ni Moises ang bagong mga tagubiling natanggap niya.
11. Sa paghampas ni Moises sa bato, bakit posibleng walang mag-iisip na himala iyon ni Jehova?
11 May isa pang posibleng dahilan. Napakatigas ng mga bato sa lugar ng unang Meriba. Kaya kahit anong hampas mo rito, walang lalabas na tubig. Pero ang mga bato sa ikalawang Meriba ay karaniwang binubuo ng malalambot na batong-apog. Dahil maraming maliliit na butas ang mga ito, kadalasan nang may nakaimbak na tubig sa ilalim nito na puwedeng pagkunan ng suplay. Kaya nang hampasin ni Moises nang dalawang beses ang batong-apog na iyon, may mag-iisip ba na himala iyon ni Jehova gayong natural lang naman na may lumabas na tubig doon? Sa paghampas ni Moises sa bato, sa halip na magsalita dito, hindi kaya pinalilitaw niyang siya ang gumawa ng himala sa halip na si Jehova?b Hindi tayo nakatitiyak.
KUNG PAANO NAGREBELDE SI MOISES
12. Ano ang isa pang posibleng dahilan kung bakit nagalit si Jehova kay Moises, pati na rin kay Aaron?
12 May isa pang posibleng dahilan kung bakit nagalit si Jehova kay Moises, pati na rin kay Aaron. Pansinin ang sinabi ni Moises sa bayan: “Maglalabas ba kami ng tubig para sa inyo mula sa malaking batong ito?” Sa paggamit ng salitang “kami,” malamang na ang tinutukoy ni Moises ay siya at si Aaron. Ipinakikita ng mga salitang iyan na walang respeto si Moises kay Jehova, ang tunay na Pinagmulan ng himalang iyon. Parang pinatutunayan ito ng sinasabi sa Awit 106:32, 33: “Pumukaw sila ng pagkagalit sa tubig ng Meriba, anupat napahamak si Moises dahil sa kanila. Sapagkat pinapait nila ang kaniyang espiritu at nagsalita siya nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.”c (Bil. 27:14) Anuman ang nangyari, ang ginawa ni Moises ay nag-alis ng karangalang nararapat kay Jehova. Sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: “Naghimagsik kayo laban sa aking utos.” (Bil. 20:24) Isa ngang malubhang kasalanan!
13. Bakit makatuwiran ang hatol ni Jehova kay Moises?
13 Mas malaki ang pananagutan nina Moises at Aaron dahil sila ang nangunguna sa bayan ni Jehova. (Luc. 12:48) Bago nito, hindi pinahintulutan ni Jehova na makapasok sa lupain ng Canaan ang isang salinlahi ng mga Israelita dahil sa kanilang pagrerebelde. (Bil. 14:26-30, 34) Kaya makatuwiran lang na ganoon din ang ihatol ni Jehova kay Moises dahil sa pagrerebelde nito. Gaya ng ibang rebelde, hindi rin siya pinahintulutang makapasok sa Lupang Pangako.
ANG UGAT NG PROBLEMA
14, 15. Bakit nagrebelde si Moises?
14 Bakit nga ba naging rebelde si Moises? Pansinin ulit ang Awit 106:32, 33: “Pumukaw sila ng pagkagalit sa tubig ng Meriba, anupat napahamak si Moises dahil sa kanila. Sapagkat pinapait nila ang kaniyang espiritu at nagsalita siya nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.” Kahit si Jehova ang ginalit ng mga Israelita, si Moises ang nagalit. Nawalan siya ng pagpipigil sa sarili, kaya nakapagsalita siya nang padalos-dalos.
15 Hinayaan ni Moises na mawala ang pokus niya kay Jehova dahil sa paggawi ng iba. Tama ang ginawa ni Moises sa unang pagkakataon. (Ex. 7:6) Pero posibleng napagod na siya at nainis dahil sa ilang dekadang pakikisama sa mga rebeldeng Israelita. Mas inisip ba ni Moises ang damdamin niya kaysa sa pagluwalhati kay Jehova?
16. Bakit dapat nating isaisip ang naging paggawi ni Moises?
16 Kung ang tapat na propetang gaya ni Moises ay nalilihis ng pokus at nagkakamali, hindi rin malayong mangyari iyan sa atin. Gaya ni Moises, papasók na rin tayo sa isang simbolikong lupain, ang bagong sanlibutan na ipinangako ni Jehova. (2 Ped. 3:13) Hindi gugustuhin ng sinuman sa atin na maiwala ang espesyal na pribilehiyong iyan. Pero para makamit ang tunguhin natin, dapat na patuloy nating itingin ang ating mga mata kay Jehova, na laging ginagawa ang kalooban niya. (1 Juan 2:17) Ano ang matututuhan natin sa pagkakamali ni Moises?
IWASANG MALIHIS ANG POKUS DAHIL SA PAGGAWI NG IBA
17. Ano ang tutulong sa atin para hindi tayo madala ng pagkainis?
17 Huwag magpadala sa inis. Kahit iyon at iyon ding problema ang mapaharap sa atin, “huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” (Gal. 6:9; 2 Tes. 3:13) Kapag napapaharap sa nakaiinis na mga sitwasyon o paulit-ulit na di-pagkakaunawaan, kinokontrol ba natin ang ating labi at ang ating emosyon? (Kaw. 10:19; 17:27; Mat. 5:22) Kapag ginagalit tayo ng iba, matuto tayong ‘bigyan ng dako ang poot.’ Kaninong poot? Kay Jehova. (Basahin ang Roma 12:17-21.) Kung lagi tayong nakatingin kay Jehova, maipakikita natin ang paggalang na nararapat sa kaniya sa pamamagitan ng pagbibigay ng dako sa kaniyang poot, na matiyagang naghihintay sa kaniyang pagkilos. Kung maghihiganti tayo, hindi ito pagpapakita ng paggalang kay Jehova.
18. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa pagsunod sa mga tagubilin?
18 Maingat na sundin ang mga bagong tagubilin. Sinusunod ba natin ang mga bagong tagubilin ni Jehova? Kung oo, hindi tayo aasa na lang sa paraang nakasanayan na natin. Sa halip, agad nating susundin ang anumang bagong tagubilin na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. (Heb. 13:17) Kasabay nito, iingatan din natin na “huwag higitan ang mga bagay na nakasulat.” (1 Cor. 4:6) Sa paggawa nito, masasabing patuloy nating itinitingin ang ating mga mata kay Jehova.
19. Paano natin maiiwasang masira ang ating kaugnayan kay Jehova kahit may nagagawang pagkakamali ang iba?
19 Huwag hayaang sirain ng pagkakamali ng iba ang iyong kaugnayan kay Jehova. Kung lagi nating ititingin kay Jehova ang ating makasagisag na mga mata, hindi natin hahayaang magalit tayo o masira ang ating kaugnayan sa kaniya dahil sa ginagawa ng iba. Mahalaga ito lalo na kung, gaya ni Moises, mayroon tayong mabigat na responsibilidad sa organisasyon ng Diyos. Bagaman bawat isa sa atin ay kailangang ‘patuloy na gumawa ukol sa kaniyang sariling kaligtasan nang may takot at panginginig,’ dapat nating tandaan na hinahatulan tayo ni Jehova ayon sa ating kalagayan. (Fil. 2:12) Kaya kapag mas marami ang ating responsibilidad, mas malaki ang inaasahan sa atin ni Jehova. (Luc. 12:48) Pero kung talagang mahal natin si Jehova, walang makatitisod o makapaghihiwalay sa atin sa kaniyang pag-ibig.—Awit 119:165; Roma 8:37-39.
20. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
20 Sa mahirap na panahong ito, patuloy sana nating itingin ang ating mga mata sa Isa na “tumatahan sa langit,” para malaman natin ang kalooban niya. Huwag na huwag sana nating hayaang masira ang ating kaugnayan kay Jehova dahil sa paggawi ng iba. Nakita natin sa nangyari kay Moises ang kahalagahan nito. Sa halip na mag-overreact dahil sa di-kasakdalan ng iba, maging determinadong ‘itingin ang ating mga mata kay Jehova na ating Diyos hanggang sa pagpakitaan niya tayo ng lingap.’—Awit 123:1, 2.
a Hindi ito ang Meriba na malapit sa Repidim. Di-gaya ng unang lokasyon, ang lugar na ito ay iniuugnay sa Kades, hindi sa Masah. Pero pareho itong pinanganlang Meriba dahil sa pagtatalong naganap sa dalawang lugar na iyon.—Tingnan ang mapa sa Seksiyon 7, pahina 38 ng Tulong sa Pag-aaral ng Salita ng Diyos.
b Tungkol dito, sinabi ni propesor John A. Beck: “Ayon sa isang tradisyong Judio, tinuya si Moises ng mga rebelde, sa pagsasabi: ‘Alam ni Moises ang kayarian ng batong ito! Kung talagang gusto niyang patunayang nakakagawa siya ng himala, magpalabas siya ng tubig mula sa ibang bato.’” Pero siyempre, tradisyon lang ito.
c Tingnan ang Bantayan, Oktubre 15, 1987, “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa.”