Mga Bilang
20 Noong unang buwan, nakarating ang buong bayan ng Israel sa ilang ng Zin, at tumira ang bayan sa Kades.+ Doon namatay at inilibing si Miriam.+
2 At walang makuhang tubig ang bayan,+ kaya nagsama-sama sila laban kina Moises at Aaron. 3 Nakipag-away ang bayan kay Moises,+ at sinabi nila: “Namatay na sana kami nang mamatay ang mga kapatid namin sa harap ni Jehova! 4 Bakit pa ninyo dinala ang kongregasyon ni Jehova sa ilang na ito para mamatay, kami at ang mga alagang hayop namin?+ 5 At bakit ninyo kami inilabas sa Ehipto para dalhin sa kasuklam-suklam na lugar na ito?+ Hindi ito matamnan ng binhi, igos, punong ubas, at granada,* at walang tubig na maiinom.”+ 6 Pagkatapos, umalis sina Moises at Aaron sa harap ng kongregasyon, pumunta sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, at sumubsob sa lupa, at lumitaw sa harap nila ang kaluwalhatian ni Jehova.+
7 Sinabi ni Jehova kay Moises: 8 “Kunin mo ang tungkod at tipunin mo ang bayan, ikaw at ang kapatid mong si Aaron, at kausapin ninyo ang malaking bato sa harap nila para magbigay ito ng tubig; sa gayon ay maglalabas ka ng tubig para sa kanila mula sa malaking bato at mabibigyan mo ng maiinom ang bayan at ang mga alagang hayop nila.”+
9 Kaya kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ni Jehova,+ gaya ng iniutos Niya sa kaniya. 10 Pagkatapos, tinipon nina Moises at Aaron ang kongregasyon sa harap ng malaking bato, at sinabi niya: “Makinig kayo ngayon, kayong mga mapaghimagsik! Maglalabas ba kami ng tubig para sa inyo mula sa malaking batong ito?”+ 11 Kaya itinaas ni Moises ang kamay niya at dalawang beses na hinampas ang malaking bato gamit ang tungkod niya, at lumabas ang maraming tubig, at uminom ang bayan at ang mga alagang hayop nila.+
12 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: “Dahil hindi kayo nanampalataya sa akin at hindi ninyo ako pinabanal sa harap ng bayang Israel, hindi kayo ang magdadala sa kongregasyong ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”+ 13 Ito ang tubig sa Meriba,*+ kung saan nakipag-away ang mga Israelita kay Jehova, kaya napabanal siya sa gitna nila.
14 At mula sa Kades ay nagsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom:+ “Ito ang sinabi ng kapatid mong si Israel,+ ‘Alam na alam mo ang lahat ng hirap na dinanas namin. 15 Pumunta sa Ehipto ang aming mga ninuno,+ at nanirahan kami sa Ehipto nang maraming taon,*+ at ang mga Ehipsiyo ay naging malupit sa amin at sa aming mga ninuno.+ 16 Nang bandang huli, humingi kami ng tulong kay Jehova,+ at dininig niya kami at nagsugo siya ng anghel+ at inilabas kami sa Ehipto, at nandito kami ngayon sa Kades, isang lunsod sa may hangganan ng iyong teritoryo. 17 Pakiusap, paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami dadaan sa alinmang bukid o ubasan, at hindi kami iinom ng tubig sa alinmang balon. Sa Daan ng Hari kami maglalakad at hindi kami liliko sa kanan o kaliwa hanggang sa makadaan kami sa iyong teritoryo.’”+
18 Pero sinabi sa kaniya ng Edom: “Huwag kang dadaan sa teritoryo namin. Kapag ginawa mo iyan, sasalubungin kita ng espada.” 19 Sinabi naman ng mga Israelita: “Sa lansangang-bayan kami dadaan, at kung kami at ang mga alagang hayop namin ay uminom ng tubig mo, babayaran namin iyon.+ Gusto lang naming makiraan.”*+ 20 Pero sinabi pa rin niya: “Hindi ka puwedeng dumaan.”+ At lumabas ang Edom para harapin siya kasama ang maraming tao at isang malakas na hukbo.* 21 Sa gayon, hindi pumayag ang Edom na dumaan ang Israel sa teritoryo niya; kaya lumayo ang Israel sa kaniya.+
22 Ang buong bayan ng Israel ay umalis sa Kades at nakarating sa Bundok Hor.+ 23 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron sa Bundok Hor na nasa may hangganan ng lupain ng Edom: 24 “Si Aaron ay mamamatay at ililibing gaya ng mga ninuno niya.*+ Hindi siya papasok sa lupaing ibibigay ko sa mga Israelita dahil sumuway kayong dalawa sa utos ko may kinalaman sa tubig sa Meriba.+ 25 Isama mo si Aaron at ang anak niyang si Eleazar sa Bundok Hor. 26 Hubarin mo kay Aaron ang mga kasuotan niya+ at isuot mo sa anak niyang si Eleazar,+ at mamamatay roon* si Aaron.”
27 Kaya ginawa ni Moises ang iniutos ni Jehova, at umakyat sila sa Bundok Hor sa harap ng buong bayan. 28 At hinubad ni Moises kay Aaron ang mga kasuotan nito at isinuot sa anak nitong si Eleazar. Pagkatapos ay namatay roon si Aaron sa tuktok ng bundok.+ At bumaba sina Moises at Eleazar mula sa bundok. 29 Nang makita ng buong bayan na namatay na si Aaron, 30 araw na umiyak ang buong sambahayan ng Israel dahil kay Aaron.+