Pupurihin ng Matuwid ang Diyos Magpakailanman
“Ang matuwid ay aalalahanin . . . Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.”—AWIT 112:6, 9.
1. (a) Ano ang magandang kinabukasang naghihintay sa lahat ng itinuturing ng Diyos na matuwid? (b) Anong tanong ang bumabangon?
TALAGA ngang kamangha-mangha ang kinabukasan ng lahat ng matuwid sa paningin ng Diyos! Masisiyahan silang matuto tungkol sa magagandang katangian ni Jehova magpakailanman. Mag-uumapaw ang kanilang puso sa pagpuri sa Diyos habang pinag-aaralan nila ang Kaniyang mga nilalang. Para maranasan ang magandang kinabukasang ito, napakahalaga na maging “matuwid.” Idiniriin ito sa Awit 112. Ngunit paano maituturing ni Jehova, isang banal at matuwid na Diyos, ang makasalanang mga tao bilang matuwid? Sa kabila ng pagsisikap nating gawin ang tama, nagkakamali pa rin tayo, at kung minsan ay malubha pa nga.—Roma 3:23; Sant. 3:2.
2. Anong dalawang himala ang ginawa ni Jehova dahil sa pag-ibig?
2 Dahil sa pag-ibig, gumawa si Jehova ng paraan para maituring na matuwid ang mga makasalanan. Una, makahimala niyang inilipat ang buhay ng kaniyang minamahal na Anak sa sinapupunan ng isang birhen upang maisilang bilang sakdal na tao. (Luc. 1:30-35) Nang patayin si Jesus ng kaniyang mga kaaway, gumawa ulit si Jehova ng isa pang pambihirang himala. Binuhay-muli ng Diyos si Jesus bilang espiritung nilalang.—1 Ped. 3:18.
3. Bakit nalulugod ang Diyos na gantimpalaan ang kaniyang Anak ng imortal na buhay sa langit?
3 Ginantimpalaan ni Jehova si Jesus ng imortal na buhay sa langit, na hindi niya taglay bago siya naging tao. (Heb. 7:15-17, 28) Nalulugod si Jehova na gawin ito dahil nanatiling tapat si Jesus sa kabila ng matitinding pagsubok. Sa gayon, lubusang napabulaanan ni Jesus ang pag-aangkin ni Satanas na naglilingkod lamang ang mga tao sa Diyos dahil sa pakinabang at hindi dahil sa pag-ibig.—Kaw. 27:11.
4. (a) Nang bumalik si Jesus sa langit, ano ang ginawa niya para sa atin, at paano tumugon si Jehova? (b) Ano ang nadarama mo sa ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa iyo?
4 Nang bumalik si Jesus sa langit, “humarap [siya] sa mismong persona ng Diyos para sa atin,” taglay ang halaga ng “sarili niyang dugo.” Tinanggap ito ng ating maibiging Ama bilang “pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” Dahil dito, makapag-uukol tayo ng “sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy” nang may ‘malinis na budhi.’ Napakaganda nga nitong dahilan para sambitin ang unang mga salita sa Awit 112, “Purihin ninyo si Jah”!—Heb. 9:12-14, 24; 1 Juan 2:2.
5. (a) Ano ang dapat nating gawin upang manatiling matuwid sa harap ng Diyos? (b) Ano ang pagkakaayos ng Awit 111 at Awit 112?
5 Para manatiling matuwid sa harap ng Diyos, dapat tayong patuloy na manampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus. Dapat nating pasalamatan si Jehova araw-araw dahil sa laki ng pag-ibig niya sa atin. (Juan 3:16) Kailangan din tayong patuloy na mag-aral ng Salita ng Diyos at mamuhay alinsunod sa mensahe nito. May mahusay na payo ang Awit 112 para sa lahat ng gustong manatiling malinis sa harap ng Diyos. Nauugnay ang awit na ito sa Awit 111. Pareho itong nagsisimula sa mga pananalitang “Purihin ninyo si Jah!” o “Hallelujah!” na sinusundan ng 22 taludtod. Ang bawat taludtod ay nagsisimula sa isa sa 22 letra ng Hebreong alpabeto.a
Dahilan Para Maging Maligaya
6. Paano pinagpala ang “taong natatakot kay Jehova” na inilalarawan sa Awit 112?
6 “Maligaya ang taong natatakot kay Jehova, na sa kaniyang mga utos ay lubha siyang nalulugod. Magiging makapangyarihan sa lupa ang kaniyang supling. Kung tungkol sa salinlahi ng mga matuwid, iyon ay pagpapalain.” (Awit 112:1, 2) Pansinin na unang binanggit ng salmista ang isang “taong natatakot kay Jehova” at pagkatapos ay ang “mga matuwid.” Ipinahihiwatig nito na ang Awit 112 ay maaaring kumapit sa isang grupo na binubuo ng maraming indibiduwal. Kapansin-pansin, kinasihan si apostol Pablo na ikapit ang Awit 112:9 may kaugnayan sa mga Kristiyano noong unang siglo. (Basahin ang 2 Corinto 9:8, 9.) Malinaw na ipinakikita ng awit na ito kung paano magiging maligaya ngayon ang mga tagasunod ni Kristo sa lupa.
7. Bakit dapat matakot sa Diyos ang kaniyang mga lingkod? Ano ang dapat mong maging saloobin sa mga utos ng Diyos?
7 Ipinakikita sa Awit 112:1 na maligaya ang mga tunay na Kristiyano na ito dahil ‘natatakot sila kay Jehova.’ Ang takot na ito na hindi siya mapalugdan ay tumutulong sa kanila na labanan ang espiritu ng sanlibutan ni Satanas. ‘Lubha silang nalulugod’ na pag-aralan ang Salita ng Diyos at sundin ang kaniyang mga utos. Kasama rito ang utos na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa. Nagsisikap silang gumawa ng mga alagad mula sa lahat ng bansa. Nagbibigay rin sila ng babala sa masasamang tao tungkol sa dumarating na araw ng paghatol ng Diyos.—Ezek. 3:17, 18; Mat. 28:19, 20.
8. (a) Paano ginagantimpalaan sa ngayon ang bayan ng Diyos dahil sa kanilang sigasig? (b) Anong mga pagpapala ang naghihintay sa mga may makalupang pag-asa?
8 Dahil sa pagsunod sa gayong mga utos, pinagpapala ang bayan ng Diyos. Mahigit pitong milyon na sila ngayon. Oo, hindi maikakaila na ang kaniyang bayan ay ‘naging makapangyarihan sa lupa.’ (Juan 10:16; Apoc. 7:9, 14) Tiyak na “pagpapalain” pa sila habang isinasakatuparan ng Diyos ang kaniyang layunin. Bilang isang grupo, ililigtas sa “malaking kapighatian” ang mga may makalupang pag-asa. Sila ang bubuo sa “bagong lupa” kung saan “tatahan ang katuwiran.” Sasalubungin ng mga makaliligtas sa Armagedon ang milyun-milyong bubuhaying muli. Talaga ngang kapana-panabik na pag-asa iyan! Sa dakong huli, ang mga ‘lubhang nalulugod’ sa mga utos ng Diyos ay magiging sakdal at tatamasahin nila magpakailanman ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—2 Ped. 3:13; Roma 8:21.
Matalinong Paggamit ng Kayamanan
9, 10. Paano ginagamit ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang espirituwal na kayamanan? Paano mananatili magpakailanman ang kanilang katuwiran?
9 “Mahahalagang pag-aari at kayamanan ay nasa kaniyang bahay; at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman. Suminag siya sa kadiliman bilang liwanag sa mga matuwid. Siya ay magandang-loob at maawain at matuwid.” (Awit 112:3, 4) Noong panahon ng Bibliya, may ilang lingkod ng Diyos na mayaman sa materyal. Gayunman, ang mga sinasang-ayunan ng Diyos ay tunay na mayaman hindi sa materyal na paraan. Karamihan sa mga nagpapakumbaba sa harap ng Diyos ay maaaring dukha at hinahamak gaya noong panahon ni Jesus. (Luc. 4:18; 7:22; Juan 7:49) Pero mahirap man o mayaman ang isang tao, posible siyang maging mayaman sa espirituwal na paraan.—Mat. 6:20; 1 Tim. 6:18, 19; basahin ang Santiago 2:5.
10 Hindi sinasarili ng mga pinahirang Kristiyano, pati na ng kanilang mga kasamahan, ang kanilang espirituwal na kayamanan. Sa halip, ‘sumisinag’ sila sa madilim na sanlibutan ni Satanas “bilang liwanag sa mga matuwid.” Ginagawa nila ito kapag ibinabahagi nila sa iba ang karunungan at kaalaman ng Diyos. Sinisikap ng mga mananalansang na pahintuin ang gawaing pangangaral ng Kaharian pero bigo sila. Oo, ang resulta ng matuwid na gawaing ito ay ‘mananatili magpakailanman.’ Kung mananatiling matuwid ang mga lingkod ng Diyos sa kabila ng pagsubok, sila rin ay ‘mananatili magpakailanman.’
11, 12. Paano ginagamit ng bayan ng Diyos ang kanilang materyal na mga pag-aari?
11 Ang bayan ng Diyos, kapuwa ang mga miyembro ng uring alipin at ng “malaking pulutong,” ay bukas-palad din sa materyal na paraan. Sinasabi ng Awit 112:9: “Namahagi siya nang malawakan; namigay siya sa mga dukha.” Sa ngayon, ang mga tunay na Kristiyano ay nagbibigay ng materyal na tulong sa mga kapuwa Kristiyano at maging sa mga di-kapananampalatayang nangangailangan. Nagbibigay rin sila ng tulong sa mga biktima ng sakuna. Gaya ng sinabi ni Jesus, ang ganitong pagbibigay ay nagdudulot din ng kaligayahan.—Basahin ang Gawa 20:35; 2 Corinto 9:7.
12 Karagdagan pa, isipin na lamang ang laki ng gastusin sa paglalathala ng magasing ito sa 172 wika. Marami sa nagsasalita ng mga wikang ito ay mahihirap. Isipin din na ang babasahing ito ay isinasalin sa mga wikang pasenyas para sa mga bingi, at sa Braille para sa mga bulag.
Magandang-Loob at Makatarungan
13. Sino ang mga nagpakita ng pinakamagandang halimbawa sa pagiging magandang-loob? Paano natin matutularan ang kanilang mga halimbawa?
13 “Ang taong magandang-loob at nagpapahiram ay mabuti.” (Awit 112:5) Malamang na napapansin mong may mga taong nagbibigay ng tulong pero hindi udyok ng kagandahang-loob. May nagbibigay para magpasikat; ang iba naman ay napipilitan lamang. Karaniwan nang hindi tayo nasisiyahang tumanggap ng tulong sa gayong mga tao. Sa kabaligtaran naman, napakasarap tumanggap ng tulong sa isang taong magandang-loob. Nagpakita si Jehova ng napakagandang halimbawa sa pagiging magandang-loob. Maligaya siyang nagbibigay. (1 Tim. 1:11; Sant. 1:5, 17) Tinularan ni Jesu-Kristo ang halimbawa ng kaniyang Ama. (Mar. 1:40-42) Kaya para ituring ng Diyos na matuwid, dapat na bukal sa loob ang ating pagbibigay, lalo na kapag tumutulong tayo sa ibang mga tao na makilala si Jehova.
14. Ano ang ilang paraan upang maipakita nating ‘inaalalayan ng katarungan ang ating gawain’?
14 “Inaalalayan niya ng katarungan ang kaniyang mga gawain.” (Awit 112:5) Gaya ng inihula, pinangangasiwaan ng uring tapat na katiwala ang mga pag-aari ng Panginoon. Habang ginagawa nila ito, sinisikap nilang tularan ang katarungan ni Jehova. (Basahin ang Lucas 12:42-44.) Makikita ito sa maka-Kasulatang tagubilin na ibinibigay nila sa mga elder na humahawak ng kasong nagsasangkot ng malulubhang kasalanan. Makikita rin ang katarungan ng uring alipin sa kanilang salig-Bibliyang mga tagubilin para sa lahat ng kongregasyon, tahanan ng mga misyonero, at tahanang Bethel. Hindi lamang mga elder ang dapat maging makatarungan kundi ang lahat ng Kristiyano. Dapat silang maging makatarungan sa pakikitungo sa isa’t isa at maging sa mga di-kapananampalataya. Totoo rin ito kung tungkol sa negosyo.—Basahin ang Mikas 6:8, 11.
Pagpapala Para sa Matuwid
15, 16. (a) Paano naaapektuhan ng masasamang balita sa daigdig ang mga matuwid? (b) Ano ang determinadong gawin ng mga lingkod ng Diyos?
15 “Sapagkat hindi siya kailanman makikilos. Ang matuwid ay aalalahanin hanggang sa panahong walang takda. Hindi siya matatakot kahit sa masamang balita. Ang kaniyang puso ay matatag, na nananalig kay Jehova. Ang kaniyang puso ay di-natitinag; hindi siya matatakot, hanggang sa pagmasdan niya ang kaniyang mga kalaban.” (Awit 112:6-8) Kung ihahambing noon, di-hamak na mas marami tayong naririnig na masamang balita ngayon gaya ng mga digmaan at terorismo. Nariyan din ang krimen, kahirapan, polusyon, at pagdami ng sakit. Bagaman naaapektuhan din ng masasamang balitang ito ang mga taong matuwid, hindi sila nawawalan ng pag-asa. Sila ay “matatag” at “di-natitinag” anupat hinihintay ang matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos na malapit nang dumating. Kung may dumating mang problema, nakakayanan nila ito dahil umaasa sila kay Jehova. Hindi kailanman hinahayaan ni Jehova na ‘makilos’ ang mga matuwid. Tinutulungan niya sila at pinalalakas para makapagbata.—Fil. 4:13.
16 Pinagtitiisan din ng mga matuwid ang pagkapoot ng mga mananalansang at ang mga kasinungalingang ikinakalat ng mga ito. Pero hinding-hindi mapahihinto ng mga mananalansang ang mga tunay na Kristiyano sa pagtupad sa atas na ibinigay sa kanila ni Jehova—ang gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at paggawa ng alagad. Tiyak na titindi pa ang pagsalansang habang papalapit ang kawakasan. Sa dakong huli, sasalakayin ni Satanas na Diyablo bilang Gog ng Magog ang mga lingkod ng Diyos sa buong daigdig. Pagkatapos, ‘mamamasdan’ natin ang lubusang pagkatalo ng ating mga kalaban. Isa ngang pribilehiyo na masaksihan ang lubusang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova!—Ezek. 38:18, 22, 23.
“Itataas na May Kaluwalhatian”
17. Paano “itataas na may kaluwalhatian” ang matuwid?
17 Talagang masisiyahan tayong purihin si Jehova kapag wala na ang Diyablo at ang kaniyang sanlibutan! Lahat ng mananatiling matuwid sa harap ng Diyos ay masayang pupuri kay Jehova magpakailanman. Hinding-hindi sila mapapahiya at magagapi yamang ipinapangako rin ni Jehova na ang kaniyang matuwid ay “itataas na may kaluwalhatian.” (Awit 112:9) Magbubunyi sila sa pagbagsak ng lahat ng sumasalansang sa soberanya ni Jehova.
18. Paano matutupad ang mga huling salita ng Awit 112?
18 “Makikita ng balakyot at tiyak na maliligalig. Pagngangalitin niya ang kaniyang mga ngipin at talagang matutunaw. Ang pagnanasa ng mga balakyot ay maglalaho.” (Awit 112:10) Di-magtatagal, lahat ng patuloy na sumasalansang sa bayan ng Diyos ay “matutunaw” sa inggit at galit. Maglalaho sila at ang kanilang hangaring wakasan ang ating gawain sa darating na “malaking kapighatian.”—Mat. 24:21.
19. Sa ano tayo makatitiyak?
19 Makakasama ka kaya sa mga makaliligtas sa kawakasang iyan? Kung mamatay ka man dahil sa sakit o pagtanda bago wakasan ang sanlibutan ni Satanas, isa ka kaya sa mga “matuwid” na bubuhaying muli? (Gawa 24:15) Makatitiyak kang gayon nga kung patuloy kang mananampalataya sa haing pantubos ni Jesus at kung patuloy mong tutularan si Jehova, gaya ng ginawa ng “taong” matuwid na inilalarawan sa Awit 112. (Basahin ang Efeso 5:1, 2.) Walang-alinlangang “aalalahanin” ni Jehova ang mga matuwid at ang kanilang mga gawa. Mamahalin sila ni Jehova magpakailanman.—Awit 112:3, 6, 9.
[Talababa]
a Ang kaugnayan ng dalawang awit na ito ay makikita sa pagkakaayos at nilalaman nito. Ang mga katangian ng Diyos na pinuri sa Awit 111 ay tinutularan ng “taong” may takot sa Diyos na inilalarawan sa Awit 112. Bilang halimbawa, paghambingin ang Awit 111:3, 4 at Awit 112:3, 4.
Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay
• Ano ang ilang dahilan para sambitin natin ang “Hallelujah”?
• Anong pagsulong sa ngayon ang dahilan ng kagalakan ng mga tunay na Kristiyano?
• Anong uri ng pagbibigay ang gusto ni Jehova?
[Larawan sa pahina 25]
Para ituring na matuwid, dapat tayong manampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang mga kusang-loob na kontribusyon ay ginagamit sa pagtulong sa mga biktima ng sakuna at pamamahagi ng mga literatura