Paano Natin Gagantihin si Jehova?
PAGKA mayroong taong nagpakita ng isang tunay na masidhing interes sa atin, marahil ay gumagawa ng isang bagay para sa ating kapakinabangan, paano tayo gumaganti? Ang kabaitan at kagandahang-loob ay karaniwan nang ginaganti, di ba? Kung gayon, ano ba ang ating nadarama ukol sa ating Diyos, si Jehova, sa kaniyang pagpapakita sa atin sa tuwina ng kaniyang kagandahang-loob?
Totoong napakadali, palibhasa’y madalian ang kilos natin dahilan sa araw-araw na mga kagipitan sa buhay na ipagwalang-bahala ang kagandahang-loob ni Jehova, at kung minsan ay kumikilos pa tayo na para bagang wala tayong utang na loob. Makabubuti, kung gayon, na huminto sumandali at bulay-bulayin ang tanong ng salmista: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat niyang kabutihan sa akin?” (Awit 116:12) Paano tayo gaganti?
Mga Kabutihan Buhat kay Jehova
Kung hindi tayo niregaluhan ni Jehova ng kaniyang Salita, ang Bibliya, tayo’y ligaw na ligaw! Ang malalakas-loob na mga lalaki at mga babae noong nakalipas na mga daan-daang taon ay nagsapanganib ng kanilang buhay upang sila’y magkaroon ng aklat na ito at makabasa sila nito, at ating napagkilala kung bakit. Ang mga tao ng Diyos ay sa tuwina nagpapasalamat dahilan sa kinasihang Kasulatan, sa pagkaalam na ito’y totoong kapakipakinabang “sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16.
Gayunman, batid natin na upang maging “lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa,” ang kailangan natin ay hindi lamang kaalamang nasa ulo tungkol sa Bibliya. (2 Timoteo 3:17) Iyon ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos na ang ating buhay ay nadudulutan ng kabutihan, at ang bagay na ito ay itinatawag-pansin sa atin ng kaakit-akit na mga pangungusap ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang Isaias: “At ngayon ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang nagsugo sa akin, at ng kaniyang espiritu. Ganito ang sabi ni Jehova, na inyong Manunubos, ang Banal na Isa ng Israel: ‘Akong, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo na mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.’” (Isaias 48:16-18) Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, kasuwato ng kaniyang Salita, tayo’y inaakay ni Jehova upang makinabang, habang bunga nito’y kapayapaan at katuwiran.
Isa pa, ang aktibong puwersa ni Jehova ay epektibong gumagana para sa ating ikabubuti sapagkat isang balangkas ang naitatag na, isang makalupang organisasyon, na sa pamamagitan nito ay gumagawa ang banal na espiritu. Sa 1 Corinto kabanata 12, ang kongregasyong Kristiyano ay inihahalintulad ni Pablo sa isang katawan at ang sabi niya sa talatang 7: “Datapuwat sa bawat isa ay ibinibigay ang paghahayag ng espiritu para pakinabangan.” Pagkatapos ay ipinakikita niya kung paano tayo nakikinabang sa pagiging bahagi ng makalupang organisasyon ng Diyos.
Humigit-kumulang limang taon pagkatapos na isulat niya ang mga salitang iyon, kaniyang pinalawak ang tungkol sa mga kapakinabangan ng pagiging kaugnay ng makalupang kaayusang iyan sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Efeso. Bagaman ang kaniyang sinabi ay kumapit unang-una sa mga pinahirang Kristiyano, hindi baga yaong kabilang sa “malaking pulutong” sa ngayon na pati sila’y ‘naibagay para sa gawaing ministeryal,’ nagiging ‘ganap ang pagkalalaki’ sa espirituwalidad, matatag sa pananampalataya, ‘hindi na mga sanggol,’ at ‘sa pag-ibig lumalaki sa lahat ng bagay sa kaniya na siyang ulo, si Kristo’? (Apocalipsis 7:9; Efeso 4:12-16) Lahat tayo ay may mainam na dahilan na magpasalamat.
Kaisa ng kongregasyong Kristiyano ay ang tapat at maingat na alipin, na ang gawain, na magpakain sa atin sa espirituwal, ay isa pang patotoo na si Jehova’y nagbibigay sa atin ng kapakinabangan. (Mateo 24:45, 46) Narito tayo ngayon sa inihulang panahon ng pagkanaririto ng Panginoon. Ginagawa ba ng “alipin” ang kaniyang gawain? Sa kabila ng kalagim-lagim na “mga huling araw” na ito, hindi ba tayo puspos ng pag-asa? Hindi baga tayo ay may karapatdapat na layunin sa buhay? (2 Timoteo 3:1-5; Roma 5:5; 1 Timoteo 4:10) Oo! At ang ating pag-asa ay hindi lamang isang hamak na pagbabaka-sakali kundi isang tiyak na pananalig na nakasalig sa pananampalataya, na nakasalig naman sa matatag na ebidensiya.—Hebreo 11:1.
Maliwanag, kung gayon, na si Jehova, ang ating Dakilang Tagapagkaloob, ay nagbigay sa atin ng napakaraming bagay na dapat nating ipagpasalamat. Makatuwirang itanong ang ganito:
Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?
Una, kilalanin natin na si Jehova’y hindi nangangailangan ng anuman na galing sa atin. Siya ang nagsasabi, “Akin ang pilak, at akin ang ginto,” pati na rin “ang maiilap na hayop sa isanlibong mga bundok.” (Hagai 2:8; Awit 50:10; Job 41:11) Ito’y nangangahulugang hindi natin “mabibili” sa anumang paraan ang pabor ni Jehova; gayunman tayo ay hinihimok na kusang maghandog sa kaniya. (Ihambing ang 1 Cronica 29:14.) Gayunman, may mga kundisyon na kailangang masunod sa paghahandog kay Jehova.
“Ano ang aking ilalapit sa harap ni Jehova? Ano ang aking iyuyukod sa harap ng Diyos sa itaas? Lalapit baga ako sa kaniya na may mga buong handog na susunugin, na may guyang isang taon ang gulang? Kalulugdan baga ni Jehova ang mga libu-libong tupa, ang sampu-sampung libong ilog ng langis? Ibibigay ko baga ang aking panganay na lalaking anak dahil sa aking paghihimagsik, ang bunga ng aking katawan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa? Kaniyang ipinakikilala sa iyo, Oh makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa ng may katarungan at ibigin ang kaawaan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Mikas 6:6-8.
Napag-alaman natin buhat dito na ang mga kahilingan ni Jehova ay sa tuwina’y makatuwiran, sa tuwina’y maaaring maisagawa. Isa pa, binanggit ni Jesus ang kahilingan na kailangang wasto ang ating kaugnayan kay Jehova at pati na rin sa ating kapuwa upang ang ating mga handog ay tanggapin. (Mateo 5:23, 24) Pagkatapos na mailatag natin ang tamang saligan, makikita natin ngayon na lahat tayo ay may maibibigay kay Jehova, bilang pagpapahalaga sa kaniyang kabutihan sa atin.
Paano Natin Magagamit ang mga Bagay na Mayroon Tayo?
Kailangan ang panahon, pagsisikap, at salapi sa paano man, subalit anong laking pribilehiyo ang maging kinatawan ni Jehova sa gawaing pangangaral! Ang paghahain ng papuring ito ay isang bagay na lahat tayo’y makapagbibigay kay Jehova. Ganito ang nadama ng isang payunir na elder na may tatlong maliliit na anak:
“Ang pakikibahagi sa pribilehiyo ng buong-panahong paglilingkod ay sulit sa anumang personal na pagsasakripisyo—at higit pa—dahilan sa ito ang pinakaepektibong paraan ng pagpuri sa ating makalangit na Ama. Gayundin, sa pamamagitan nito sa kaunti mang paraan ay napasasalamatan ko siya sa kaniyang di-sana-nararapat na kaawaan na ipinakita mismo sa akin.”
Isinusog pa ng kaniyang maybahay: “Isang tunay na pribilehiyo na tulungan ang aking asawa na magpayunir. Dahil dito ang buong pamilya ay nagkakaroon ng lalong malaking bahagi sa ministeryo, at ang pagkakita na pinaglalaanan kami ng mapagmahal na kamay ni Jehova sa espirituwal at materyal na paraan ay nag-uudyok sa amin na maghangad na lalong higit na purihin siya.”
Ang Watch Tower Society ay namahagi ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya nang kusang-loob sa mahigit na isandaang taon na at ang mga ito’y inilimbag sa kaniyang sariling mga palimbagan sapol noong 1920. Ang panahon at pagod ng mga boluntaryong nagtatrabaho sa Bethel upang maihanda ang lahat ng mga publikasyon na mayroon tayo sa ngayon, kasali na yaong sa mga mamamahayag ng kongregasyon at mga payunir upang maipamahagi ang mga iyan, ay, sa katunayan, isang karagdagang donasyon sa mahalagang gawaing pangangaral.—Mateo 24:14.
Gayundin, ang mga Kristiyano sa mga bansang may lalong matatag na kabuhayan at natutuwang malaman na dahil sa kanilang pagmamagandang-loob na pagreregalo ng salapi, na ipinadala sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa kanilang bansa, marami sa kanilang mga kapatid sa mga ibang panig ng daigdig ang nakagagamit ng kanilang buong panahon sa pangangaral at paggawa ng alagad. Ang mga misyonero buhat sa Watchtower Bible School of Gilead, mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito, at mga special pioneer ay pawang natutulungan na magpatuloy sa kanilang buong-panahong paglilingkod dahil sa kusang-loob na mga abuloy na ito.
Baka imposible para sa iyo na maglingkod sa Bethel o bilang isang miyembro ng International Volunteer Construction Worker Program. Ngunit baka ikaw ay may pondo na makasusuporta sa mga nakikibahagi sa aktibidad na ito ngunit kulang ng “kasaganaan” ng pondo upang tumustos sa kanila. Samakatuwid ang makatutulong ay ang pagkakapantay-pantay, gaya ng binabanggit sa 2 Corinto 8:14. Sa mga liham na kasama ng mga donasyon ay narito ang isang nagbuhat sa isang may edad nang sister na sumulat:
“Pinasasalamatan ko ang lahat ng mga pagpapalang ibinibigay sa akin ni Jehova, at patuloy na idinadalangin ko ang mga proyekto ng pagtatayo at ang organisasyon.”
Isa pang sister ang nagsabi: “Mas gusto ko pang ang kaunting halagang ito ay mapakinabangan sa paraang teokratiko kaysa ito’y mamalagi sa isang bangko na hindi na magtatagal at babagsak na!”
Isang brother naman ang nagpahayag nang ganito: “Ang pagpapayo ni Jehova sa atin na gamitin ang ating mga ari-arian upang purihin siya ay isang tunay na proteksiyon buhat sa masakim na komersiyo, ang ‘ikatlong bagwis’ ng balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. Sinasamantala ko ang pagkakataong ito na ipahayag ang laki ng aking kagalakan na makapag-abuloy sa ikabibilis ng pag-unlad na ibinibigay sa atin ni Jehova at ako’y nagpapasalamat sa kaniya sa pagkakataon na ako’y magamit.”
Mga Regalo Buhat sa Matatanda Na at mga Nasa Kabataan
Nakapagpapatibay-loob na mabasa ang tungkol sa tapat na determinasyon ng mga matatanda na, na bagaman umaasang makatatawid nang buháy hanggang sa katapusan ng sistemang ito, ay kanilang sinisiguro, sa pamamagitan ng paggawa ng angkop na testamento, na makikinabang ang gawaing pang-Kaharian sakaling sila’y mamatay. Kabilang sa mga ilang pagpapahayag na tinanggap buhat sa mga administrador, na nagkukumento tungkol sa mainam na saloobin ng gayong mga may testamento, ay ganito:
“Isang napakabait na tao siya sa balana, sa buong buhay niya. . . kaniyang iniibig si Jehova at ang kaniyang paglalang.”
“Sa tuwina, ang mga kapakanan ng Kaharian ang unang inaasikaso niya.”
“Kaniyang tinamo ang kaniyang makalangit na gantimpala pagkatapos ng 70 taon ng tapat na paglilingkod. . . sa tuwina’y nais niya na mapaunlad ang katotohanan sa pamamagitan ng kaniyang mga pag-aari.”
Tayo’y nagagalak ding makabalita sa mga nasa kabataan, na disididong gamitin ang kanilang materyal na mga bagay para sa gawain ni Jehova. Isang liham na tinanggap sa opisina ng Samahan sa Britaniya ang nanggaling sa isang nag-aaral na mamamahayag. Sinabi niya na siya’y nanalo ng primera premyo sa isang timpalak ng sanaysay. Kaniyang inilakip ang buong halaga ng salaping kaniyang napanalunan. Ang mga publikasyon ng Samahan ang tanging pinagkunan niya ng materyal para sa kaniyang sanaysay na “Pangako ng Kristiyano,” kaya inaakala niyang ang matuwid na mag-ari ng salapi ay si Jehova.
Pagkatapos magtanong kung ano ang kaniyang igaganti kay Jehova, ang sumulat ng Awit 116 ay nagpapatuloy na magsabi sa talatang 13 at 14: “Aking kukunin ang saro ng dakilang kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ni Jehova. Aking tutupdin ang mga panata ko kay Jehova, oo, sa harapan ng kaniyang buong bayan.” Sa pagpapasalamat dahil sa mahalagang kaloob na kaligtasan buhat kay Jehova na ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang Anak, tayo’y napakikilos, gaya rin ng salmista, na tumawag sa Kaniya at tupdin ang ating mga pangako sa Kaniya.
Tayo’y nakinabang nang napakalaki kay Jehova, at anuman ang maaari nating gawin bilang pagganti ay waring maliit kung ihahambing. Anong pagkaangkop-angkop, kung gayon, na bilang pagkilala ng utang na loob, gawin natin ang lahat ng ating magagawa, sa lahat ng paraan! “Sa iyo ihahandog ko ang hain ng pasasalamat, at sa pangalan ni Jehova tatawag ako.”—Awit 116:17.
[Kahon sa pahina 26]
KUNG PAANONG ANG IBA’Y NAG-AABULOY SA GAWAING PANGKAHARIAN
◻ KALOOB: Kusang-loob na mga donasyon ng salapi ang maaaring tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan sa inyong bansa. Mga ari-arian na katulad ng lupa’t bahay, ng mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ang maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang donasyon ang dapat kasama ng mga abuloy na ito.
◻ KAAYUSAN NA KONDISYONAL NA DONASYON: Maaaring magbigay ng salapi sa Watch Tower Society upang ito ang maghawak niyaon, kasama ng probisyon na sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito’y ibabalik sa nagkaloob.
◻ SEGURO: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisiyario ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano tungkol sa pagriretiro/pensiyon. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
◻ DEPOSITO: Ang mga deposito sa bangko ay maaaring ilagay sa pangalan ng Samahan. Kung ito’y gagawin, pakisuyong ipagbigay-alam sa Samahan. Mga aksiyon, bono, at ari-arian ay maaari ring ibigay na donasyon sa ilalim ng isang kaayusan na pakikinabangan ito ng nagkaloob sa panahon na kaniyang ikinabubuhay. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito ay naiiwasan ang gastos at kawalang-kasiguruhan ng paghaharap ng kaso sa hukuman tungkol sa naiwang ari-arian, samantalang siniseguro na tatanggapin ng Samahan ang ari-arian pagkamatay ng may-ari.
◻ TESTAMENTO: Ang ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang testamento na isinaayos ayon sa legal na paraan. Isang kopya ang dapat na ipadala sa Samahan.
Para sa higit pang impormasyon at payo tungkol sa gayong mga bagay, sumulat sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan.