ARALING ARTIKULO 6
Manatiling Tapat!
“Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!”—JOB 27:5.
AWIT 34 Lumalakad Nang Tapat
NILALAMANa
1. Paano nanatiling tapat kay Jehova ang tatlong Saksi na binanggit sa parapo?
ISIPIN ang sumusunod na senaryo sa buhay ng tatlong Saksi ni Jehova. (1) Isang araw, habang nasa school ang isang batang babae, sinabi ng teacher nila na sasali ang lahat sa isang selebrasyon. Alam ng bata na ayaw ng Diyos ang selebrasyong iyon, kaya magalang niyang sinabi na hindi siya sasali. (2) Isang mahiyaing kabataang lalaki ang nagbabahay-bahay. Alam niya na ang nakatira sa susunod na bahay ay ang kaeskuwela niya na nanlalait sa mga Saksi ni Jehova. Pero kinatok pa rin niya ang pinto. (3) Isang lalaki ang nagtatrabahong mabuti para sa pamilya niya. Pero may ipinagagawang ilegal sa kaniya ang boss niya. Kahit puwede siyang masesante, ipinaliwanag niya na hindi siya puwedeng mandaya at na kailangan niyang sundin ang batas dahil iyan ang hinihiling ng Diyos sa mga lingkod niya.—Roma 13:1-4; Heb. 13:18.
2. Anong mga tanong ang tatalakayin natin, at bakit?
2 Anong katangian ang nakita mo sa kanilang tatlo? Baka napansin mong malakas ang loob nila at hindi sila nandaraya. Pero isang napakahalagang katangian ang naipakita nilang lahat—katapatan. Ang bawat isa sa kanila ay naging tapat kay Jehova. Hindi nila ikinompromiso ang pamantayan ng Diyos. Nanindigan sila. Siguradong ipinagmamalaki ni Jehova ang bawat isa sa kanila dahil sa katangiang iyan. Gusto nating ipagmalaki rin tayo ng ating Ama sa langit. Kaya talakayin natin ang mga tanong na ito: Ano ang katapatan? Bakit kailangan nating maging tapat? At paano natin mapapatibay ang ating determinasyon na manatiling tapat kahit sa mahirap na panahong ito?
ANO ANG KATAPATAN?
3. (a) Ano ang katapatan para sa mga lingkod ni Jehova? (b) Anong mga halimbawa ang tumutulong sa atin na maintindihan ang kahulugan ng katapatan?
3 Para sa mga lingkod ng Diyos, ang katapatan ay ang buong-pusong pag-ibig at di-natitinag na debosyon kay Jehova. Kaya naman inuuna natin ang kalooban niya sa mga desisyon natin. Isa sa literal na kahulugan ng salitang ginamit ng Bibliya para sa “katapatan” ay ganap, walang kapintasan, o buo. Halimbawa, ang mga Israelita ay naghahandog ng hayop kay Jehova, at sinasabi ng Kautusan na dapat na wala itong kapintasan.b (Lev. 22:21, 22) Ang bayan ng Diyos ay hindi puwedeng maghandog ng hayop na may sakit o kulang ang paa, tainga, o mata. Mahalaga kay Jehova na buo o walang kapintasan ang handog sa kaniya. (Mal. 1:6-9) Para maintindihan natin kung bakit, ipagpalagay nang bumili ka ng prutas, libro, o isang gamit. Hindi ba ayaw mo ng isa na may sira? Gusto natin na buo ito at walang depekto. Ganiyan din ang nadarama ni Jehova pagdating sa pag-ibig at katapatan natin sa kaniya. Dapat na ganap ito, walang kapintasan, at buo.
4. (a) Bakit puwedeng maging tapat ang isang tao kahit hindi siya perpekto? (b) Ayon sa Awit 103:12-14, ano ang inaasahan sa atin ni Jehova?
4 Dapat bang perpekto tayo para maging tapat? Baka iniisip nating mahirap na maging tapat dahil nagkakamali tayo at marami pa ngang kapintasan. Ano ang makakatulong sa atin para hindi natin maisip iyan? Una, tandaan na hindi nagpopokus si Jehova sa mga kapintasan natin. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Alam niyang makasalanan tayo at di-perpekto, at lagi siyang nakahanda na patawarin tayo. (Awit 86:5) Ikalawa, alam ni Jehova ang mga limitasyon natin, at hindi niya inaasahan ang isang bagay na hindi natin kayang gawin. (Basahin ang Awit 103:12-14.) Kung gayon, paano tayo magiging ganap, o buo, sa paningin niya?
5. Bakit kailangan ang pag-ibig para makapanatiling tapat ang mga lingkod ni Jehova?
5 Pag-ibig ang sekreto para manatiling tapat ang mga lingkod ni Jehova. Ang pag-ibig natin sa Diyos at ang di-natitinag na debosyon natin sa ating Ama sa langit ay dapat na ganap, walang kapintasan, at buo. Kung ganiyan ang pag-ibig natin kahit sa harap ng mga pagsubok, makapananatili tayong tapat. (1 Cro. 28:9; Mat. 22:37) Balikan natin ang tatlong Saksi na binanggit sa simula. Bakit ganoon ang naging desisyon nila? Ayaw bang mag-enjoy ng batang babae sa school? Gusto bang mapahiya ng kabataang brother? Gusto ba ng pamilyadong brother na mawalan ng trabaho? Siyempre hindi. Alam nila ang matuwid na pamantayan ni Jehova, at gusto nilang pasayahin ang kanilang Ama sa langit. Dahil sa pag-ibig nila sa kaniya, inuna nila ang Diyos sa kanilang mga desisyon. Sa ganitong paraan, napatunayan nilang tapat sila.
KUNG BAKIT DAPAT TAYONG MANATILING TAPAT
6. (a) Bakit dapat kang maging tapat? (b) Paano naiwala nina Adan at Eva ang kanilang katapatan?
6 Bakit dapat na maging tapat ang bawat isa sa atin? Kasi hinamon ni Satanas si Jehova, at hinahamon ka rin niya. Sa hardin ng Eden, ginawang Satanas, o “Mananalansang,” ng rebeldeng anghel na iyan ang sarili niya. Siniraang-puri niya ang pangalan ni Jehova nang pagbintangan niya ang Diyos bilang isang masama, makasarili, at di-tapat na Tagapamahala. Nakalulungkot, pumanig sina Adan at Eva kay Satanas at nagrebelde rin kay Jehova. (Gen. 3:1-6) Marami sana silang pagkakataon sa Eden para patibayin ang pag-ibig nila kay Jehova. Pero noong hamunin sila ni Satanas, hindi buo, o ganap, ang pag-ibig nila. May tanong pa na bumabangon: May tao bang mananatiling tapat sa Diyos na Jehova dahil mahal nila siya? Kaya bang maging tapat ng mga tao? Bumangon ang tanong na iyan noong panahon ni Job.
7. Gaya ng makikita sa Job 1:8-11, ano ang pananaw ni Jehova at ni Satanas sa katapatan ni Job?
7 Nabuhay si Job noong panahong nasa Ehipto ang mga Israelita. Natatangi ang katapatan niya. Gaya natin, hindi siya perpekto. Nagkakamali rin siya. Pero mahal ni Jehova si Job dahil tapat siya. Lumilitaw na noon pa kinukuwestiyon ni Satanas ang katapatan ng mga tao kay Jehova. Kaya ibinaling ni Jehova ang pansin ni Satanas kay Job. Makikita sa buhay ng taong ito na sinungaling si Satanas! Gustong subukin ni Satanas ang katapatan ni Job. May tiwala si Jehova sa kaibigan niyang si Job, kaya hinayaan niya si Satanas na subukin ito.—Basahin ang Job 1:8-11.
8. Paano sinubok ni Satanas si Job?
8 Malupit si Satanas, at isa siyang mamamatay-tao. Inubos niya ang mga ari-arian ni Job, pinatay ang mga alipin nito, at sinira ang reputasyon nito sa komunidad. At pinuntirya niya ang pamilya ni Job at pinatay ang 10 anak nito. Pagkatapos, si Job mismo ay binigyan niya ng masasakit na bukol mula ulo hanggang paa. Lungkot na lungkot at gulong-gulo ang isip ng asawa ni Job. Sinabihan nito si Job na sumuko na at isumpa ang Diyos para mamatay na siya. Gusto na ring mamatay ni Job, pero nanatili siyang tapat. Kaya gumamit pa ng ibang taktika si Satanas. Ginamit niya ang tatlong kasamahan ni Job. Dinalaw nila si Job at sinamahan nang ilang araw. Pero imbes na patibayin si Job, pinagalitan nila siya. Sinabi nila na ang Diyos ang nasa likod ng lahat ng problema ni Job at hindi siya interesado sa katapatan nito. Pinalabas pa nga nila na masamang tao si Job at nararapat lang sa kaniya ang lahat ng masamang bagay na nararanasan niya!—Job 1:13-22; 2:7-11; 15:4, 5; 22:3-6; 25:4-6.
9. Sa harap ng pagsubok, ano ang hindi ginawa ni Job?
9 Ano ang reaksiyon ni Job sa lahat ng dinanas niya? Hindi siya perpekto. Galít na galít siya sa kaniyang mga huwad na kaibigan, at nagsalita siya nang padalos-dalos, gaya ng inamin niya. Sinikap niyang patunayang matuwid siya imbes na ang Diyos. (Job 6:3; 13:4, 5; 32:2; 34:5) Pero kahit sa napakahirap na kalagayang iyon, hindi niya tinalikuran ang Diyos na Jehova. Hindi siya naniwala sa mga kasinungalingan ng huwad na mga kaibigan niya. Sinabi niya: “Malayong mangyari sa ganang akin na kayo ay ipahahayag kong matuwid! Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” (Job 27:5) Napakahalaga ng sinabi niya. Kung nakapanatiling tapat si Job, kaya rin natin.
10. Paano ka nasasangkot sa ibinibintang ni Satanas kay Job?
10 Pinagbibintangan din ni Satanas ang bawat isa sa atin. Paano? Para bang sinasabi niya na hindi mo talaga mahal ang Diyos na Jehova, na hihinto ka sa paglilingkod sa kaniya para mailigtas ang sarili mo, at na hindi totoong tapat ka sa kaniya! (Job 2:4, 5; Apoc. 12:10) Masakit, hindi ba? Pero isipin mo ito: Ganoon kalaki ang tiwala sa iyo ni Jehova kaya binigyan ka niya ng isang espesyal na oportunidad. Hinahayaan ni Jehova si Satanas na subukin ang katapatan mo. Nagtitiwala si Jehova na mananatili kang tapat at tutulungan mo siyang patunayan na sinungaling si Satanas. Nangangako rin siyang tutulungan ka niya. (Heb. 13:6) Napakalaking karangalan ang pagtiwalaan ng Soberano ng uniberso! Nakikita mo na ba kung bakit napakahalaga ng katapatan? Mapapatunayan mong sinungaling si Satanas, maitataguyod mo ang malinis na pangalan ng ating Ama, at masusuportahan mo ang pamamahala niya. Ano ang puwede nating gawin para makapanatili tayong tapat?
KUNG PAANO MAKAPANANATILING TAPAT SA NGAYON
11. Ano ang matututuhan natin kay Job?
11 Mas pinatindi ni Satanas ang pag-atake niya sa “mga huling araw” na ito. (2 Tim. 3:1) Sa ganito kahirap na panahon, paano tayo makapananatiling tapat? Marami pa tayong matututuhan kay Job. Bago siya subukin, may mahabang rekord na siya ng katapatan. Pag-isipan ang tatlong aral kung paano makapananatiling tapat.
12. (a) Ayon sa Job 26:7, 8, 14, paano lumalim ang paghanga at paggalang ni Job kay Jehova? (b) Ano ang puwede nating gawin para lalo nating hangaan at igalang si Jehova?
12 Ang paghanga at paggalang ni Job kay Jehova ay nagpalalim ng pag-ibig niya sa Diyos. Naglaan ng panahon si Job para bulay-bulayin ang kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova. (Basahin ang Job 26:7, 8, 14.) Kapag pinag-iisipan niya ang lupa, langit, mga ulap, at kulog, manghang-mangha siya, pero alam niyang kakaunti lang ang nalalaman niya sa lahat ng nilikha ng Diyos. Malaki rin ang paggalang ni Job sa salita ni Jehova. Sinabi niya: “Pinakaingatan ko ang mga pananalita ng kaniyang bibig.” (Job 23:12) Lumaki ang paghanga at paggalang ni Job kay Jehova. Mahal niya ang kaniyang Ama, at gusto niya Siyang pasayahin. Kaya naman lalong tumibay ang determinasyon niyang manatiling tapat. Dapat nating tularan si Job. Mas marami na tayong alam ngayon tungkol sa mga nilalang ni Jehova kaysa noong panahon ni Job. At nasa atin ang buong Bibliya na tutulong sa atin na makilala kung sino talaga si Jehova. Lahat ng natututuhan natin ay tutulong sa atin na lalong hangaan at igalang si Jehova. Magpapakilos naman ito sa atin na mahalin siya at sundin; magpapatibay rin ito sa determinasyon natin na manatiling tapat.—Job 28:28.
13-14. (a) Ayon sa Job 31:1, paano ipinakita ni Job na masunurin siya? (b) Paano natin matutularan ang halimbawa ni Job?
13 Ang pagkamasunurin ni Job sa lahat ng bagay ay nakatulong para makapanatili siyang tapat. Alam ni Job na kailangan niyang maging masunurin para maging tapat. Ang totoo, sa tuwing sumusunod tayo, tumitibay ang determinasyon natin na manatiling tapat. Pinagsikapan ni Job na maging masunurin sa Diyos araw-araw. Halimbawa, naging maingat siya sa pakikitungo sa di-kasekso. (Basahin ang Job 31:1.) Dahil may asawa siya, alam niyang maling ibaling ang kaniyang atensiyon sa ibang babae maliban sa asawa niya. Sa ngayon, laganap sa mundo ang kahalayan at imoralidad. Gaya ni Job, kung may asawa tayo, iiwasan din ba nating tumingin nang may pagnanasa sa iba? Iiwasan ba nating tumingin sa anumang mahahalay o pornograpikong larawan at eksena? (Mat. 5:28) Kung ipapakita natin ang ganiyang pagpipigil sa sarili araw-araw, makapananatili tayong tapat.
14 Naging masunurin din si Job kay Jehova sa pananaw niya sa materyal na mga bagay. Alam ni Job na kung magtitiwala siya sa kaniyang mga ari-arian, makagagawa siya ng kasalanan na karapat-dapat sa parusa. (Job 31:24, 25, 28) Nabubuhay tayo sa napakamateryalistikong sanlibutan. Kung magkakaroon tayo ng balanseng pananaw sa pera at ari-arian, gaya ng ipinapayo ng Bibliya, titibay ang determinasyon natin na manatiling tapat.—Kaw. 30:8, 9; Mat. 6:19-21.
15. (a) Ano ang nakatulong kay Job na manatiling tapat? (b) Bakit mahalagang isaisip ang mga pangako sa atin ni Jehova?
15 Nakapanatiling tapat si Job dahil umasa siyang gagantimpalaan siya ng Diyos. Naniniwala si Job na mahalaga sa Diyos ang katapatan niya. (Job 31:6) Sa kabila ng mga pagsubok, nagtiwala siyang gagantimpalaan siya ni Jehova. Siguradong nakatulong iyan sa kaniya para manatiling tapat. Masayang-masaya si Jehova sa katapatan ni Job, kaya talagang pinagpala niya si Job kahit hindi ito perpekto. (Job 42:12-17; Sant. 5:11) At mas marami pang gantimpala ang naghihintay sa kaniya! Ganiyan din ba katibay ang pagtitiwala mo na gagantimpalaan ni Jehova ang iyong katapatan? Ang ating Diyos ay hindi nagbabago. (Mal. 3:6) Kung tatandaan natin na mahalaga kay Jehova ang ating katapatan, mananatiling buháy sa ating puso ang magandang kinabukasan na ipinangako niya.—1 Tes. 5:8, 9.
16. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
16 Kaya maging determinado na manatiling tapat! Minsan, baka pakiramdam mo, wala kang kakampi at ikaw lang ang nananatiling tapat. Pero hindi ka nag-iisa! Kasama mo ang milyon-milyong tapat na lingkod sa buong mundo. Mapapabilang ka rin sa mga lingkod ng Diyos noon na nanatiling tapat kahit sa harap ng kamatayan. (Heb. 11:36-38; 12:1) Maging determinado nawa tayong lahat na tularan si Job, na nagsabi: “Hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” At magbigay nawa ng kaluwalhatian kay Jehova ang ating katapatan magpakailanman!
AWIT 124 Ipakita ang Katapatan
a Ano ang katapatan? Bakit gustong-gustong makita ni Jehova ang katangiang ito sa mga lingkod niya? Bakit mahalagang manatiling tapat ang bawat isa sa atin? Tutulungan tayo ng artikulong ito na makita ang sagot ng Bibliya. Matutulungan din tayo nito na makita ang mga puwede nating gawin para makapanatili tayong tapat araw-araw at sa gayon ay tumanggap ng maraming pagpapala.
b Ang salitang Hebreo para sa “walang kapintasan” na ginagamit sa hayop at ang salita para sa “katapatan” na ginagamit naman sa tao ay magkaugnay.
c LARAWAN: Tinuturuan ni Job ang ilan sa mga anak niya tungkol sa mga kamangha-manghang nilalang ni Jehova.
d LARAWAN: Tumanggi ang isang brother na tumingin sa pornograpya na pinapanood ng mga katrabaho niya.
e LARAWAN: Tumanggi ang brother na bilhin ang malaki at mamahaling TV na hindi niya kailangan at lampas sa budget.
f LARAWAN: Naglaan ng panahon ang isang brother para bulay-bulayin ang pag-asang mabuhay sa Paraiso.