Gawing Alalay Mo ang Walang-Hanggang mga Bisig ni Jehova
“Ang walang-hanggang Diyos ay iyong tahanang-dako, at sa ibaba ay ang walang-hanggang mga bisig.”—DEUTERONOMIO 33:27, American Standard Version.
1, 2. Bakit ang bayan ni Jehova ay makapagtitiwala sa kaniyang pag-alalay?
SI Jehova ay nagmamalasakit sa kaniyang bayan. Halimbawa, sa lahat ng kadalamhatian ng mga Israelita, “iyon ay nagdulot sa kaniya ng kadalamhatian”! Sa kaniyang pag-ibig at pagkaawa, kaniyang “kinilik sila at kinalong.” (Isaias 63:7-9) Kaya kung tayo ay tapat sa Diyos, tayo ay makapagtitiwala sa kaniyang pag-alalay.
2 Si propeta Moises ay nagsabi: “Isang kanlungang dako ang Diyos nang sinaunang panahon, at sa ibaba ay ang walang-hanggang mga bisig.” (Deuteronomio 33:27) Nagsasabi ang isa pang salin: “Ang walang-hanggang Diyos ay iyong tahanang-dako, at sa ibaba ay ang walang-hanggang mga bisig.” (American Standard Version) Ngunit papaano inaalalayan ng mga bisig ng Diyos ang kaniyang mga lingkod?
Bakit Napakaraming Kahirapan?
3. Kailan lubusang tatamasahin ng masunuring sangkatauhan “ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos”?
3 Ang paglilingkod kay Jehova ay hindi nagsisilbing proteksiyon sa atin buhat sa mga kahirapan na karaniwang dinaranas ng di-sakdal na mga tao. Sinabi ng lingkod ng Diyos na si Job: “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay sa kaunting araw at lipos ng kabagabagan.” (Job 14:1) Tungkol sa “mga araw ng aming mga taon,” sabi ng salmista: “Laging may kabagabagan at nakasasamang mga bagay.” (Awit 90:10) Lagi nang magiging ganiyan ang buhay hanggang sa ‘palayain ang sangnilalang mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtamo ng maluwalhatiang kalayaan ng mga anak ng Diyos.’ (Roma 8:19-22) Iyan ay magaganap sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Dahilan sa inihandog ni Jesus na haing pantubos, ang mga taong sakop ng Kaharian sa panahong iyon ay makalalaya na buhat sa kasalanan at kamatayan. Sa may dulo ng Milenyo, ang masunuring sangkatauhan ay natulungan na ni Kristo at ng kaniyang kasamang mga haring-saserdote upang sumapit sa kasakdalan, at ang mga magtatapat sa Diyos sa panahon ng katapusang pagsubok ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ay mapapasulat nang palagian ang mga pangalan sa “aklat ng buhay.” (Apocalipsis 20:12-15) Kung magkagayon kanilang lubusang tatamasahin ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.
4. Sa halip na magreklamo tungkol sa kinalabasan ng ating buhay, ano ang dapat nating gawin?
4 Samantala, sa halip na magreklamo tungkol sa kinalabasan ng ating buhay, tayo’y magtiwala kay Jehova. (1 Samuel 12:22; Judas 16) Atin ding ipagpasalamat na mayroon tayo ng isang Mataas na Saserdote, si Jesus, na sa pamamagitan niya tayo’y makalalapit sa Diyos “upang tayo’y magtamo ng habag at makasumpong ng di-sana-nararapat na awa na tutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.” (Hebreo 4:14-16) Kailanman ay huwag nating tularan si Adan. Sa katunayan, may kamaliang pinaratangan niya si Jehova ng pagbibigay sa kaniya ng isang masamang asawa, na ang sabi: “Ang babaing ibinigay mo upang aking makasama, siya ang nagbigay sa akin ng bunga ng punong-kahoy at aking kinain.” (Genesis 3:12) Ang Diyos ay nagbibigay ng mabubuting bagay at hindi nagdudulot ng mga kahirapan sa atin. (Mateo 5:45; Santiago 1:17) Ang mga kahirapan ay kadalasang resulta ng ating sariling kakulangan ng karunungan o ng mga pagkakamali ng iba. Maaari ring ito’y dumarating sa atin dahil sa tayo’y makasalanan at namumuhay sa isang sanlibutang nalugmok sa kapangyarihan ni Satanas. (Kawikaan 19:3; 1 Juan 5:19) Gayunman, ang walang-hanggang mga bisig ni Jehova ay laging nakaalalay sa kaniyang tapat na mga lingkod na sa kaniya nagtitiwala kasabay ng panalangin at personal na nagkakapit ng payo ng kaniyang Salita.—Awit 37:5; 119:105.
Inaalalayan sa Panahon ng Pagkakasakit
5. Anong pampatibay-loob ang masusumpungan ng mga maysakit sa Awit 41:1-3?
5 Ang pagkakasakit ang nagbibigay sa karamihan sa atin ng kadalamhatian manaka-naka. Gayunman, sinabi ni David: “Maligaya ang sinumang nagpapakundangan sa dukha; sa araw ng kapahamakan ay maglalaan si Jehova ng kaligtasan para sa kaniya. Si Jehova ang magbabantay sa kaniya at iingatan siyang buháy. Siya’y ituturing na maligaya sa lupa; at mangyayaring hindi mo siya ibibigay sa kaluluwa ng kaniyang mga kaaway. Si Jehova ang aalalay sa kaniya sa banig ng karamdaman; iyong pinangangalagaan ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.”—Awit 41:1-3.
6, 7. Papaano tinulungan ng Diyos si David nang siya’y nasa banig ng karamdaman, at papaano ito makapagpapatibay-loob sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
6 Ang isang taong makonsiderasyon ay tumutulong sa dukha. “Ang araw ng kapahamakan” ay maaaring tumutukoy sa anumang kapaha-pahamak na pangyayari o sa mahabang panahon ng kahirapan na nagpapahina sa isang tao. Siya’y nagtitiwala na ang Diyos ang magbabantay sa kaniya sa panahon ng pagkakasakit, at ang mga iba ay ‘itinuturing siya na maligaya sa lupa’ sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng balita tungkol sa mahabaging pakikitungo sa kaniya ni Jehova. Ang Diyos ang umalalay kay David “sa banig ng karamdaman,” marahil sa panahon ng kagipitan nang ang anak ni David na si Absalom ay nagtangkang agawin ang paghahari sa Israel.—2 Samuel 15:1-6.
7 Yamang si David ay nagpakundangan sa dukha, kaniyang nadama na siya’y aalalayan ng Diyos habang siya’y mahina at nakaratay sa banig ng karamdaman. (Awit 18:24-26) Bagaman may malubhang sakit, siya’y nagtitiwala na ‘pangangalagaan siya sa kaniyang higaan’ ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng makahimalang pag-aalis sa kaniya ng sakit, kundi sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kaniya ng nakaaaliw na mga kaisipan. Para bagang ang kaniyang higaan ay binabago ni Jehova mula sa isang higaan ng pagkakasakit tungo sa isang higaan ng pagpapagaling. Sa katulad na paraan, kung tayo’y dumaranas ng sakit bilang mga lingkod ng Diyos, ang walang-hanggang mga bisig ni Jehova ay aalalay sa atin.
Pang-aliw sa Nanlulumo
8. Papaano ipinakita ng isang may sakit na Kristiyano ang kaniyang pagkaumaasa sa Diyos?
8 Ang sakit ay maaaring maging sanhi ng panlulumo ng pag-iisip. Ang isang Kristiyanong may malubhang sakit, na kung minsan kulang ng sapat na lakas upang magbasa, ay nagbibida: “Dahil dito ako’y nakararanas ng malimit na panlulumo, ang pagkadama na wala na akong silbi, at napapaluha pa nga ako.” Sa pagkaalam na ibig ni Satanas na maipahamak siya sa pamamagitan ng kaniyang sariling nadaramang panghihina ng kalooban, siya’y lumalaban, yamang naiisip niya na sa tulong ni Jehova ay hindi siya mabibigo. (Santiago 4:7) Ang taong ito ay isang pampapatibay-loob sa iba na nakaaalam na siya’y nagtitiwala sa Diyos. (Awit 29:11) Kahit na kung siya’y napapaospital, kaniyang tinatawagan sa telepono ang mga may sakit at ang mga iba pa upang patibayin sila sa espirituwal. Siya mismo ay napatitibay sa pamamagitan ng pakikinig sa audiocassette recordings ng mga awiting pang-Kaharian at ng mga artikulo sa magasing ito at sa kasamang magasin nito, na Gumising!, at pakikisama sa kapuwa mga Kristiyano. Sinabi ng kapatid na ito: “Ako’y palagiang nakikipag-usap kay Jehova sa panalangin, humihiling sa kaniya na bigyan ako ng lakas, patnubay, kaaliwan, at tulong upang makapagtiis.” Kung ikaw ay isang Kristiyanong dumaranas ng matitinding suliranin sa kalusugan, laging tumiwala kay Jehova at gawin mong alalay ang kaniyang walang-hanggang mga bisig.
9. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ang panlulumo ay bumabagabag kung minsan sa mga taong maka-Diyos?
9 Ang panlulumo ay isang matandang suliranin. Samantalang nasa ilalim ng pagsubok, si Job ay nagsalita na gaya ng isang taong nakadarama na siya’y abandonado na ng Diyos. (Job 29:2-5) Dahilan sa pagkabahala sa gibang kalagayan ng Jerusalem at ng mga pader nito kung kaya nalungkot si Nehemias, at si Pedro naman ay lubhang nanlumo dahil sa pagtatatwâ niya kay Kristo kung kaya’t siya’y tumangis sa sama ng loob. (Nehemias 2:1-8; Lucas 22:62) Si Epaprodito ay dumanas ng panlulumo sapagkat ang mga Kristiyano sa Filipos ay nakabalita na siya’y may sakit. (Filipos 2:25, 26) Ang panlulumo ay bumagabag sa mga ilang Kristiyano sa Tesalonica, sapagkat hinimok ni Pablo ang mga kapatid doon na “aliwin ang mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Kaya papaano nga tinutulungan ng Diyos ang gayong mga tao?
10. Ano ang makatutulong sa pagsisikap na malunasan ang panlulumo?
10 Kailangang gumawa ng isang personal na desisyon tungkol sa paggamot sa matinding panlulumo.a (Galacia 6:5) Ang sapat na pamamahinga at timbang na aktibidad ay makatutulong. Sa halip na malasin na minsanan ang sama-samang mga problema, baka makatulong sa isang taong nanlulumo na pagsikapang lutasin ang mga ito nang isa-isa. Ang nakaaaliw na tulong buhat sa matatanda sa kongregasyon ay baka lubhang kapaki-pakinabang, lalo na kung ang suliraning ito sa emosyon ay bumabagabag sa kaniyang espirituwalidad. (Santiago 5:13-15) Higit sa lahat, mahalaga na magtiwala kay Jehova, ‘na inilalagak sa kaniya ang lahat ng ating kabalisahan, sapagkat tayo’y ipinagmamalasakit niya.’ Ang walang patid at taos-pusong panalangin ay makapagdudulot sa isa ng ‘kapayapaan ng Diyos na mag-iingat sa puso at mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’—1 Pedro 5:6-11; Filipos 4:6, 7.
Tayo’y Tinutulungan ni Jehova na Mapagtiisan ang Pagkaulila
11-13. Ano ang makatutulong upang mabawasan ang lungkot sa pagkamatay ng isang minamahal sa buhay?
11 Ang isa pang karanasang nakapanlulumo ay ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Itinangis ni Abraham ang pagkamatay ng kaniyang asawa, si Sara. (Genesis 23:2) Nang mamatay ang kaniyang anak na si Absalom, si David ay nagdalamhati. (2 Samuel 18:33) Halimbawa, kahit ang sakdal na taong si Jesus ay “tumangis” sa pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Lazaro! (Juan 11:35) Kaya lungkot ang nananaig pagka yumao ang isang mahal sa buhay. Subalit ano ang makatutulong upang mabawasan ang gayong kalungkutan?
12 Tinutulungan ng Diyos ang kaniyang bayan upang mapagtiisan ang sukdulang dalamhati ng pagkaulila. Ang kaniyang Salita ay nagsasabi na magkakaroon ng pagkabuhay-muli. Kaya naman, tayo ay hindi “nalulumbay na gaya ng iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13; Gawa 24:15) Ang espiritu ni Jehova ay tumutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan at pananampalataya at magbulay-bulay sa kahanga-hangang kinabukasan na ipinangako sa kaniyang Salita, upang tayo’y huwag lubusang madaig ng malulungkot na mga kaisipan tungkol sa isang namatay na mahal sa buhay. Ang kaaliwan ay nanggagaling din sa pagbabasa ng Kasulatan at pananalangin sa “Diyos ng buong kaaliwan.”—2 Corinto 1:3, 4; Awit 68:4-6.
13 Tayo’y makapagkakamit ng kaaliwan buhat sa pag-asa sa pagkabuhay-muli gaya ng maka-Diyos na si Job, na bumulalas: “Oh nawa ako’y ikubli mo [Jehova] sa Sheol, na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa ang iyong poot ay makaraan, na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon at iyong alalahanin ako! Kung ang isang malakas na tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya? Lahat ng araw ng aking puwersahang paglilingkod ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking katubusan. Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo. Ikaw ay magnanasa sa gawa ng iyong mga kamay.” (Job 14:13-15) Tayo’y karaniwan nang hindi nakararanas ng matinding kalungkutan pagka ang isang mahal na kaibigan ay humayo sa isang paglalakbay, sapagkat inaasahan natin na siya’y muling makikita natin. Ang matinding dalamhati na likha ng pagkawala ng isang minamahal ay maaaring mabawasan sa papaano man kung ang kamatayan ng isang tapat na Kristiyano ay mamalasin natin sa isang nakakatulad na paraan. Kung siya’y may makalupang pag-asa, siya ay gigisingin buhat sa tulog na kamatayan dito sa lupa sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. (Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:11-13) At kung tayo’y umaasang mabuhay sa lupa magpakailanman, marahil ay naririto tayo upang salubungin ang ating mga minamahal na bubuhayin.
14. Papaano nakayanan ng dalawang biyudang Kristiyano ang pagkamatay ng kani-kanilang asawa?
14 Pagkamatay ng kaniyang asawa, isang kapatid na babae ang nakatatalos na siya ay kailangang magpatuloy sa kaniyang pamumuhay sa paglilingkod sa Diyos. Bukod sa pananatiling abala at pagkakaroon ng ‘maraming gawain sa Panginoon,’ kaniyang pinagtagni-tagni ang 800 piraso ng tela upang makabuo ng isang kubre-kama. (1 Corinto 15:58) “Ito ay isang mabuting proyekto,” aniya, “sapagkat sa buong panahon na ako’y nagtatrabaho ako’y nakakapakinig ng mga awiting pang-Kaharian at ng mga tapes sa Bibliya, na anupa’t laging okupado ang aking pag-iisip.” Magiliw na nagunita niya ang isang pagdalaw na ginawa ng isang may karanasang elder at ng kaniyang maybahay. Buhat sa Bibliya, ipinakita ng elder na talagang may malasakit ang Diyos sa mga babaing balo. (Santiago 1:27) Isa pang babaing Kristiyano ang hindi nagpadaig sa pagkahabag sa sarili nang mamatay ang kaniyang asawa. Kaniyang pinasalamatan ang pag-alalay sa kaniya ng mga kaibigan at nagkaroon nang lalong malaking interes sa iba. “Ako’y nanalangin nang lalong madalas at pinaunlad ko ang isang lalong matalik na kaugnayan kay Jehova,” aniya. At anong laking pagpapala na alalayan ka ng walang-hanggang mga bisig ng Diyos!
Tulong Pagka Tayo’y Nagkasala
15. Ano ang pinakadiwa ng mga salita ni David sa Awit 19:7-13?
15 Bagaman iniibig natin ang kautusan ni Jehova, tayo’y nagkakasala kung minsan. Walang alinlangan na ito ay bumabagabag sa atin, gaya ng pagkabagabag ni David, na para sa kaniya ang mga batas ng Diyos, mga paalaala, mga utos, at makatarungang mga hatol ay higit na kanais-nais kaysa ginto. Sinabi niya: “Ang sarili mong lingkod ay pinapag-iingat nito; sa pagsunod dito ay may malaking gantimpala. Mga pagkakamali—sino ang makauunawa? Ako’y iyong pawalan ng sala sa mga kubling kasalanan. At sa mga gawang kapalaluan ay pigilin mo ang iyong lingkod; ang mga yao’y huwag mong pagtaglayin ng kapangyarihan sa akin. Kaya naman ako’y magiging sakdal, at magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang.” (Awit 19:7-13) Ating suriin ang mga salitang ito.
16. Bakit dapat nating iwasan ang kapalaluan?
16 Ang mga gawang kapalaluan ay lalong higit na malulubhang kasalanan kaysa mga pagkakamali. Si Saul ay tinanggihan bilang hari dahilan sa may kapalaluang paghahandog ng hain at sa hindi pagpatay sa haring Amalekita na si Agag at sa pangangamkam ng pinakamagagaling na samsam, bagaman iniutos ng Diyos na ang mga Amalekita ay italaga sa pagkapuksa. (1 Samuel 13:8-14; 15:8-19) Si haring Uzzias ay dinapuan ng ketong dahilan sa palalong pangangamkam ng mga tungkulin ng saserdote. (2 Cronica 26:16-21) Nang ang kaban ng tipan ay dinadala sa Jerusalem at dahil sa pagkatisod ng mga bakang humihila sa kariton ay muntik nang tumaob iyon, si Uzza ay sinaktan ng Diyos at namatay dahil sa may kapangahasang sinunggaban niya ang kaban upang maitayong matatag. (2 Samuel 6:6, 7) Kaya, kung hindi natin alam ang gagawin o hindi natin tiyak kung tayo ba’y autorisado na gumawa ng isang bagay, tayo’y dapat magpakita nang kahinhinan at sumangguni sa mga may unawa. (Kawikaan 11:2; 13:10) Mangyari pa, kung tayo’y naging palalo, manalangin tayo na tayo’y patawarin at hilingin sa Diyos na tulungan tayo na mag-ingat laban sa kapalaluan sa hinaharap.
17. Papaano naaapektuhan ang isang tao ng ikinubling mga kasalanan, gayunman ay papaano matatamo ang kapatawaran at kaginhawahan?
17 Ang kubling mga kasalanan ay maaaring maging sanhi ng pagkabagabag. Sang-ayon sa Awit 32:1-5, sinikap ni David na ikubli ang kaniyang kasalanan, ngunit siya’y nagsabi: “Nang ako’y tumahimik ay nanlumo ang aking mga buto dahil sa aking pag-angal buong araw. Sapagkat araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay. Ang halumigmig ng aking buhay ay naging gaya ng sa kasagsagan ng tag-init.” Ang pagsisikap na sugpuin ang isang budhing nagkasala ay nagdulot kay David ng panlulumo, at dahilan sa pamimighati ay nawala ang kaniyang kasiglahan at naging mistulang punong-kahoy na natutuyuan ng nagbibigay-buhay na halumigmig sa panahon ng tagtuyot o sa kasagsagan ng tag-init. Malamang na naapektuhan ang kaniyang isip at pangangatawan at nawalan ng kagalakan dahilan sa pinagtakpan niya iyon. Tanging ang pagpapahayag niyaon sa Diyos ang makapagdadala ng kapatawaran at kaginhawahan. Sinabi ni David: “Maligaya siyang pinatawad ang pagsalangsang, na natakpan ang kasalanan. . . . Ang aking kasalanan ay sa wakas ipinagtapat ko sa iyo, at ang aking kasalanan ay hindi ko ikinubli. Aking sinabi: ‘Aking ipagtatapat kay Jehova ang aking mga pagkakasala.’ At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking mga kasalanan.” Ang maibiging tulong buhat sa Kristiyanong matatanda ay makatutulong upang muling manumbalik ang espirituwalidad.—Kawikaan 28:13; Santiago 5:13-20.
18. Ano ang patotoo na ang kasalanan ay maaaring magkaroon ng matagalang mga epekto, ngunit ano ang makapagbibigay ng kaaliwan kung nasa gayong mga kalagayan?
18 Ang kasalanan ay maaaring may matagalang mga epekto. Totoo iyan kay David, na nakiapid kay Bathseba, nagmaneobra sa pagpatay ng kaniyang asawang lalaki, at naging asawa ng biyudang nagdadalang-tao. (2 Samuel 11:1-27) Bagaman nagpakita ang Diyos ng kaawaan dahilan sa tipan sa Kaharian, sa pagsisi ni David, at sa kaniyang maawaing pakikitungo sa iba, si David ay nakaranas ng ‘kasamaan mula sa kaniyang sariling sambahayan.’ (2 Samuel 12:1-12) Namatay ang sanggol na bunga ng pakikiapid. Ang anak ni David na si Amnon ay nanggahasa sa kaniyang kinakapatid na si Tamar at pinatay siya [si Amnon] sa utos ng kapatid nito na si Absalom. (2 Samuel 12:15-23; 13:1-33) Si David ay dinulutan ng kahihiyan ni Absalom sa pamamagitan ng pagsiping sa mga babae ni David. Pinagtangkaan niyang agawin ang trono ngunit siya’y napatay. (2 Samuel 15:1–18:33) Mayroon pa ring pinsalang nagagawa ang kasalanan. Halimbawa, ang isang nagkasala na itiniwalag ay maaaring magsisi at maibalik sa kongregasyon, subalit marahil ay mangangailangan ng mga taon upang maalis ang mantsa sa nadungisang pangalan at maghilom ang sugat ng damdamin bunga ng kasalanan. Samantala, anong laking kaaliwan na kamtin ang pagpapatawad ni Jehova at ang alalay ng kaniyang walang-hanggang mga bisig!
Sinagip Buhat sa mga Kagipitang Sumapit sa Atin
19. Papaano makatutulong ang espiritu ng Diyos pagka tayo’y nasa mahigpit na pagsubok?
19 Pagka tayo’y nasa mahigpit na pagsubok, baka tayo’y kulang ng sapat na karunungan at lakas upang magpasiya at isagawa iyon. Sa gayon, ang espiritu ng Diyos ay “nakikisali at tumutulong sa atin sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat ayon sa dapat nating hilingin, ngunit ang espiritu rin ang namamagitan para sa atin sa mga hindi maisaysay na mga hibik.” (Roma 8:26) Kung pangyayarihin ni Jehova ang pagbabago ng mga kalagayan, tayo’y dapat na magpasalamat. Gayunman, ang kaniyang bisig ay maaaring magligtas sa atin sa isa pang paraan. Kung tayo’y mananalangin at hihingi ng karunungan, sa pamamagitan ng kaniyang espiritu ay maaaring ipaalam sa atin ni Jehova kung ano ang dapat nating gawin at bigyan tayo ng lakas na kinakailangan upang magawa iyon. (Santiago 1:5-8) Taglay ang kaniyang tulong, tayo’y makapagtitiis pagka “pinalumbay ng muli’t muling pagsubok” at mapagtagumpayan natin ito na taglay ang subók at matibay na pananampalataya.—1 Pedro 1:6-8.
20. Ano ang ating tatamasahin kung talagang ginagawa nating alalay ang walang-hanggang mga bisig ni Jehova?
20 Kailanman ay huwag tayong magsawa ng pananalangin sa Diyos. “Ang aking mga mata ay palaging nasa kay Jehova, sapagkat siya ang humuhugot buhat sa silo ng aking mga paa,” ang sabi ni David. “Masdan mo ako, maawa ka sa akin; sapagkat ako’y nag-iisa at nagdadalamhati. Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki; Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan. Malasin mo ang aking pagkapighati at ang aking kagipitan, at ipatawad mo ang lahat ng aking mga kasalanan.” (Awit 25:15-18) Tulad ni David, tatamasahin natin ang pagliligtas, awa, at kapatawaran ng Diyos kung talagang gagawin nating alalay ang walang-hanggang mga bisig ni Jehova.
[Talababa]
a Tingnan ang mga artikulo tungkol sa panlulumo sa Gumising! ng Oktubre 22, 1987, pahina 2-16, at Nobyembre 8, 1987, pahina 12-16.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na may sakit?
◻ Ano ang maaaring makatulong pagka tayo’y napaharap sa suliranin ng panlulumo?
◻ Ano ang tutulong upang mabawasan ang lungkot sa pagkamatay ng isang minamahal sa buhay?
◻ Papaano makapagtatamo ng kaginhawahan yaong mga nagkukubli ng kanilang mga kasalanan?
◻ Anong tulong ang matatamo pagka ang bayan ni Jehova ay nasa mahigpit na pagsubok?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Tayo’y makakakuha ng kaaliwan buhat sa pag-asa sa pagkabuhay-muli, gaya ng ginawa ng maka-Diyos na si Job