“Lumapit Kayo sa Diyos, at Lalapit Siya sa Inyo”
Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Tinulungan Siyang Magbago ng mga Simulain sa Bibliya
NOONG kabataan pa siya, si Adrian ay punô ng galit at hinanakit. Ang kaniyang pagkamagagalitin ay umakay sa mararahas na silakbo ng galit. Naging manginginom siya ng alak, maninigarilyo, at namuhay nang imoral. Kilala si Adrian bilang isang punk at mayroon siyang tato na doo’y masasalamin ang kaniyang paniniwala sa anarkiya. Sa paglalarawan sa mga taóng iyon, sinabi niya: “Ginupit ko ang aking buhok sa ayos na karaniwan sa isang punk, pinahiran ng makapit na pandikit upang tumayo, at kung minsan ay kinukulayan pa nga ng pula o iba pang kulay.” Binutasan din ni Adrian ang kaniyang ilong.
Lumipat si Adrian sa isang sira-sirang bahay kasama ang ilan pang mapaghimagsik na kabataan. Doon sila nag-inuman at nagdroga. “Gumamit ako ng shabu at kasabay nito’y nagturok ng Valium at ng anumang iba pang droga na madali kong makuha,” ang gunita ni Adrian. “Kapag wala akong magamit na droga o kola, kumukuha ako ng gasolina mula sa mga kotse ng mga tao at nagpapakahibang sa pamamagitan niyaon.” Palibhasa’y laging sangkot sa mga krimen sa lansangan, si Adrian ay naging nakatatakot at napakarahas. Ayaw makitungo sa kaniya ng mga tao sa pangkalahatan. Kasabay nito, ang kaniyang reputasyon ay umakit ng masasamang kasama.
Unti-unti, natanto ni Adrian na ang kaniyang “mga kaibigan” ay nakikisama lamang sa kaniya dahil sa kanilang nakukuhang pakinabang. Bukod dito, nahinuha niya na “ang lahat ng galit at karahasan ay walang anumang naidulot na mabuti.” Palibhasa’y nakadarama ng kawalan ng layunin at pagkasiphayo, iniwan niya ang kaniyang mga kasamahan. Nang makasumpong siya ng isang kopya ng Ang Bantayan sa isang lugar ng konstruksiyon, naakit siya sa mensahe nito na salig sa Bibliya, at umakay ito sa pag-aaral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Agad na tumugon si Adrian sa paanyayang: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Bilang resulta, di-nagtagal ay nakita ni Adrian na kailangang ikapit ang mga simulaing masusumpungan sa Banal na Kasulatan.
Ang lumalagong kaalaman niya sa Bibliya ay nagkaroon ng mabuting epekto sa budhi ni Adrian at nagtuwid ng kaniyang landasin sa buhay. Natulungan siyang supilin ang kaniyang pagkamagagalitin at linangin ang pagpipigil sa sarili. Dahil sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos, ang personalidad ni Adrian ay naging ibang-iba.—Hebreo 4:12.
Subalit paano ba nagkakaroon ng gayon kalakas na epekto ang Bibliya? Ang kaalaman sa Kasulatan ay tumutulong sa atin na “magbihis ng bagong personalidad.” (Efeso 4:24) Oo, nagbabago ang ating personalidad sa pagkakapit ng tumpak na kaalaman na masusumpungan sa Bibliya. Ngunit paano binabago ng gayong kaalaman ang mga tao?
Una, tinutukoy ng Bibliya ang di-kaayaayang mga katangian na kailangang hubarin. (Kawikaan 6:16-19) Ikalawa, hinihimok tayo ng Kasulatan na ipamalas ang kanais-nais na mga katangiang iniluluwal ng banal na espiritu ng Diyos. Kabilang dito ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”—Galacia 5:22, 23.
Ang mas malalim na pagkaunawa sa mga kahilingan ng Diyos ay tumulong kay Adrian na suriin ang kaniyang sarili at makita ang mga katangian na kailangan niyang linangin at ang mga dapat niyang alisin. (Santiago 1:22-25) Ngunit pasimula lamang iyon. Bukod sa kaalaman, kailangan ang pangganyak—isang bagay na magpapakilos kay Adrian upang naisin niyang magbago.
Natutuhan ni Adrian na hinuhubog ang kanais-nais na bagong personalidad “ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” (Colosas 3:10) Natanto niya na ang Kristiyanong personalidad ay dapat makatulad ng mismong personalidad ng Diyos. (Efeso 5:1) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, natutuhan ni Adrian ang mga pakikitungo ni Jehova sa sangkatauhan at napansin niya ang maiinam na katangian ng Diyos, tulad ng kaniyang pag-ibig, kabaitan, kabutihan, awa, at katuwiran. Ang gayong kaalaman ay nagpakilos kay Adrian upang ibigin ang Diyos at magsikap na maging ang uri ng tao na sinasang-ayunan ni Jehova.—Mateo 22:37.
Nang maglaon, sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, nasupil ni Adrian ang kaniyang marahas na galit. Sila ng kaniyang asawa ay abala ngayon sa pagtulong sa iba na linisin ang kanilang buhay sa tulong ng kaalaman sa Bibliya. “Di-tulad ng marami sa aking dating mga kaibigan na patay na ngayon, buháy ako at nagtatamasa ng maligayang buhay pampamilya,” ang sabi ni Adrian. Siya ay isang buháy na patotoo ng kapangyarihan ng Bibliya na bumago ng mga buhay ukol sa ikabubuti.
[Blurb sa pahina 25]
“Ang lahat ng galit at karahasan ay walang anumang naidulot na mabuti”
[Kahon sa pahina 25]
May Epekto ang mga Simulain ng Bibliya
Ang mga sumusunod ay ilang simulain sa Bibliya na nakatutulong sa maraming magagalitin at mararahas na tao na maging mapapayapa:
“Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot.” (Roma 12:18, 19) Hayaang ang Diyos ang magpasiya kung kailan at kanino maghihiganti. Magagawa niya ito nang may buong kabatiran sa mga pangyayari, at anumang pagganti na magmumula sa kaniya ay magpapamalas ng kaniyang sakdal na katarungan.
“Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.” (Efeso 4:26, 27) Kung minsan, may katuwirang magalit ang isang tao. Kapag nangyari ito, hindi siya dapat manatiling “pukáw sa galit.” Bakit? Dahil maaari siyang udyukan nito na gumawa ng masama, sa gayon ay ‘binibigyan ng dako ang Diyablo,’ anupat nagbubunga ng di-pagsang-ayon ng Diyos na Jehova.
“Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit; huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.” (Awit 37:8) Ang di-mapigil na emosyon ay umaakay sa di-masupil na mga gawa. Kung ang isang tao ay magbibigay-daan sa pagngangalit, malamang na makapagsalita o makagawa siya ng mga bagay na makasasakit sa lahat ng nasasangkot.