Kung Paano Tayo Maililigtas ng Bautismo
“Ang bautismo . . . ay nagliligtas sa atin.”—1 PEDRO 3:21, The Emphatic Diaglott.
1, 2. Ano ang kailangan bago pabautismo sa tubig ang isang tao?
SI Jehova ay may espesipikong mga kahilingan para sa mga naghahanap ng kaligtasan. Sila’y kailangang kumuha ng tumpak na kaalaman, magsagawa ng pananampalataya, magsisi sa kanilang mga kasalanan, magbalik-loob, gumawa ng pag-aalay sa Diyos, at pabautismo bilang mga mananampalataya. (Juan 3:16; 17:3; Gawa 3:19; 18:8) Kailangang kilalanin sa harap ng madla ng mga kandidato sa bautismo na salig sa hain na inihandog ni Jesus sila ay nagsisi sa kanilang mga kasalanan at nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova. Kailangan ding maunawaan nila na ang pag-aalay at bautismo ang nagpapakilala sa kanila bilang mga Saksi ni Jehova.
2 Ang buong kaayusan sa bautismo, kasali na itong pangmadlang pagpapahayag ng pananampalataya, ay kailangan sa kaligtasan. (Roma 10:10) Ito ay pinagtibay nang sumulat si apostol Pedro: “Ang bautismo ay . . . nagliligtas sa atin.” (1 Pedro 3:21, ED) Subalit paano nga ba nating uunawain nang husto ang mga salitang ito? Ano ang ipinakikita ng konteksto?
Kung Paano Nagliligtas ang Bautismo
3. Sa iyong sariling pananalita, paano mo sasabihin sa maikli ang diwa ng 1 Pedro 3:18-21?
3 Ipinakita ni Pedro na bilang isang binuhay-muling espiritu, si Jesus ay nangaral ng isang pabalita na humahatol sa mga balakyot na espiritu na nakabilanggo, mga demonyong inilaan sa walang-hanggang mga tanikala ukol sa paghuhukom pagsapit ng dakilang araw ni Jehova. Sila’y sumuway sa pamamagitan ng pagbibihis ng mga katawang laman at pagsiping sa mga babae “nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe, habang itinatayo ang daong, na doo’y iilang mga tao, samakatuwid nga, walong kaluluwa [si Noe, ang kaniyang asawa, ang kaniyang mga anak na lalaki, at ang kani-kanilang asawa], ang iniligtas sa tubig.” Isinusog pa ni Pedro: “Yaong katumbas nito ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid baga, ang bautismo, (hindi [yaon lamang kinakailangan] ang pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi ang nakikisuyong paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi,) sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.”—1 Pedro 3:18-21; Genesis 6:1, 2; 2 Pedro 2:4; 2 Corinto 7:1.
4. Ano ba ang tinutukoy ni Pedro nang kaniyang sabihin, “Yaong katumbas nito”?
4 Ano ba ang tinutukoy ni Pedro nang kaniyang sabihin, “Yaong katumbas nito”? Tinutukoy niya na ang bautismong nakasalig sa pananampalataya ay katumbas ng pagkaligtas ni Noe at ng kaniyang pamilya, na iniligtas sa tubig-ng-baha na pumuksa sa mga nasa labas ng daong. Kung paano nangailangan si Noe ng pananampalataya upang maitayo ang daong, lahat ng nagiging bautismadong mga alagad ni Jesu-Kristo at mga Saksi ni Jehova ay kailangang may pananampalataya upang madaig ang mga panggigipit na ginagawa sa kanila ng walang pananampalatayang sanlibutang ito at ng diyos nito, si Satanas na Diyablo.—Hebreo 11:6, 7; 1 Juan 5:19.
5. Paano nga nangyayaring ang kaligtasan ay “sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo”?
5 Ang bautismo mismo ay hindi siyang nagliligtas. At bagaman kailangang ating ‘alisin ang karumihan ng laman,’ kung iyan lamang ay hindi magliligtas sa atin. Bagkus, ang kaligtasan ay “sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.” Ang mga kandidato sa bautismo ay kailangang may pananampalataya na ang kaligtasan ay posible lamang dahilan sa namatay ang Anak ng Diyos bilang isang handog na hain at binuhay-muli. Kailangan ding tanggapin nila si Jesus bilang kanilang Panginoon na may kapamahalaan na humatol sa mga buháy at sa mga patay. “Siya’y nasa kanan ng Diyos,” ang sabi ni Pedro, “sapagkat siya’y umakyat sa langit; at ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at mga kapamahalaan at mga kapangyarihan.”—1 Pedro 3:22.
6. Upang magtamo ng isang mabuting budhi, ano ang kailangang nagawa na ng isang kandidato sa bautismo?
6 Ang bautismo ay iniugnay din ni Pedro sa “paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi.” Upang magtamo ng isang mabuting budhi, ang isang kandidato sa bautismo ay kailangang magsisi sa kaniyang mga kasalanan, magbalik-loob sa pamamagitan ng pagtalikod sa maling landas, at gumawa ng walang-pasubaling pag-aalay sa Diyos na Jehova sa panalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kung ang isang taong bautismado ay mananatiling may gayong mabuting budhi sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos, siya’y nananatili sa isang ligtas na kalagayan na wala sa ilalim ng paghatol ni Jehova.
Upang Maging Kuwalipikado sa Bautismo
7. Tungkol sa bautismo, ano ba ang ginawa ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan?
7 Nang iutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na magbautismo ng mga alagad, hindi niya sinabi sa kanila na ang libu-libong mga di-sumasampalataya ay wisikan nila. Subalit ano ba ang ginawa ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan? Tungkol sa India, ang Jesuitang si Francis Xavier ay sumulat noong 1545: “Sa kaharian ng Travancore . . . sa loob ng mga ilang buwan ako’y nakapagbautismo ng mahigit na sampung libong mga lalaki, babae, at mga bata. . . . Ako’y naparoon sa nayon at nayon at ginawa silang mga Kristiyano.” Hindi iyan ang paraan ni Jesus ng ‘paggawa ng mga Kristiyano.’ Ang mga tao ay kailangang maging kuwalipikado sa bautismo.
8. Ano ang sinabi ng umano’y mga canon ni Pablo tungkol sa mga nagpiprisinta ng kanilang sarili para sa bautismo?
8 Kahit na yaong mga nag-aangking Kristiyano noong panahong lumipas na ang mga apostol ay naniniwala na yaong mga nagpiprisinta ng kanilang sarili para sa bautismo ay kailangang makatugon sa mahigpit na mga kahilingan. Tungkol sa gayung mga kandidato sa bautismo, ang di-kinasihang mga canon na maling ipinagpapalagay na umano’y kay apostol Pablo, ay nagsasabi: “Ang kanilang mga asal at ang kanilang pamumuhay ang kailangang siyasatin . . . Kung sila’y walang asawa, matuto silang huwag makiapid, kundi mag-asawa ayon sa paraang legal. . . . Kung isang patutot ang pumarito, iwan niya ang pagpapatutot, o kung hindi ay tatanggihan siya. Kung isang manggagawa ng mga idolo ang pumarito, iwanan niya ang kaniyang hanapbuhay, o kung hindi ay tatanggihan siya. . . . Siyang gumagawa ng mga pagkakasala ay hindi tatanggapin, . . . ang isang mahiko, isang engkantador, isang astrologo, isang manghuhula batay sa mga bagay sa kalangitan, isang gumagamit ng orasyon, . . . siya na gumagawa ng mga anting-anting, isang mang-eengkanto, isang manghuhula ng mahihiwagang bagay, isang manghuhula ng kapalaran, isang manghihimalad . . . , hayaan ang mga ito’y subukin ng ilang panahon . . . at kung iwanan nila ang gayung kinaugaliang mga gawain, tanggapin sila; subalit kung hindi sila sang-ayon diyan, sila’y itakuwil.”
9. Bakit ang matatanda sa kongregasyon ay nakikipagtalakayan sa isang taong nagnanais na pabautismo?
9 Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sumusunod sa di-kinasihang mga kasulatan, tulad halimbawa ng kasisipi lamang, subalit ang matatanda ay nakikipagtalakayan sa mga nagnanais na pabautismo. Bakit? Upang tiyakin na ang mga taong ito ay mga mananampalataya na nakatutugon sa mga banal na kahilingan at sila’y nag-alay ng sarili kay Jehova. (Gawa 4:4; 18:8; 2 Tesalonica 3:2) Ang pakikipagtalakayan ng mga tanong sa aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo ay isang tulong upang tiyakin kung ang isang tao ay kuwalipikado sa bautismo. Kung ang mga ilang punto ay hindi malinaw sa kaniya, o ang kaniyang buhay ay hindi pa niya naiaayon sa mga pamantayan ng Diyos, ang matatanda ay nalulugod na tulungan siya sa espirituwal.
10. Kung ibig nating pabautismo, ano ang dapat na maging saloobin natin?
10 Kung pinahahalagahan natin ang kabaitan ng Diyos sa pagtulong sa atin na matuto ng kaniyang mga layunin, tayo’y magiging gaya ng mga tao na sa kanila’y nangaral si Pablo sa Antioquia, sa Asia Minor. Sa kabila ng pananalansang ng mga Judio, “nang yaong mga nasa mga bansa [mga Gentil] ay makabalita [sa pagkakataon na sila’y tanggapin ng Diyos], sila’y nagalak at niluwalhati nila ang salita ni Jehova, at lahat niyaong mga matuwid na nakahilig sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan ay naging mga mananampalataya.” (Gawa 13:48) Ang gayong mga mananampalataya ay napabautismo.
Ang Bautismo Kung ang Isa ay Nasa Kabataan
11. Tumpak ba na gumawa ng pag-aalay sa Diyos ang isang kabataan, at bakit ganiyan ang sagot mo?
11 Sa mga “matuwid na nakahilig sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan” ay kasali ang mga ilang kabataan. Maaaring pansinin na bagaman si Samuel at si Juan Bautista ay nakatalaga na ang kalooban sa Diyos bago isilang, ang mga magulang ay hindi makagagawa ng pag-aalay para sa kanilang mga anak. (1 Samuel 1:11, 24-28; 2:11, 18, 19; Lucas 1:15, 66) Subalit bilang resulta ng mabuting pagsasanay ayon sa Bibliya, maraming kabataan ang sumusulong hanggang sa bautismo. Isang sister na misyonera at nabautismuhan nang siya’y isang tin-edyer ang sumulat: “Waring ako’y nag-alay na maglingkod sa aking Maylikha sa kamusmusan pa lamang nang matalos ko na siya’y umiiral, subalit nang ako’y magkaroon ng ilang tumpak na kaalaman sa kaniya at sa kaniyang mga layunin, ibig ko nang pabautismo bilang panlabas na patotoo ng bagay na iyan. Gayunman, duda si Inay kung alam ko nga ang aking ginagawa noon, kaya’t iminungkahi niya na maghintay muna ako hanggang mayroon pang isa na handang pabautismo.” Nasumpungan ang isang babaing ibig pabautismo, at isinusog ng sister: “Walang mga klase na para sa pantanging pagtuturo sa mga kandidato noong mga kaarawang iyon, bagaman ang Samahan ay naglagay ng Service Director . . . na kumausap sa akin nang may kabaitan tungkol sa seryosong hakbang na gagawin ko noon. May kasabikang sumang-ayon ako sa lahat ng terminong itinakda, at isang maaliwalas na Linggo ng umaga noong Mayo 1921 [ang babae] at ako ay binautismuhan.”
12. Ano ang pangmalas ni Brother Russell sa pag-aalay ng isang menor-de-edad?
12 Noong 1914, si C. T. Russell (noo’y pangulo ng Watch Tower Society) ay tumanggap ng isang liham sa nagtatanong na isang kapuwa Kristiyano kung ang kaniyang 12-anyos na anak ay dapat himukin na mag-alay ng sarili sa Diyos. “Kung ako ikaw,” ang tugon ni Russell, “siya’y hindi ko pagmamadaliin sa pagtatalaga [pag-aalay], kundi ito’y imumulat ko sa kaniyang isip bilang ang tanging wastong hakbangin na dapat gawin ng lahat ng intelihenteng mga tao na nakakilala sa Diyos at sa kaniyang mapagmahal na mga layunin . . . Kung walang pagtatalaga walang sinuman na magtatamo ng buhay na walang-hanggan . . . Ang pagtatalaga ay hindi makapipinsala sa iyong anak, kundi makatutulong pa nga nang malaki. . . . Sino ang magsasabi na ang isang bata na sampung taon ay baka hindi lubusan at hustong magpahalaga sa lubos na pagtatalaga sa kaisipan at salita at gawa? Kung lilingon ako sa nakaraan nababatid ko na ang aking buong pagtatalaga ay unang ginawa na medyo maaga—lampas pa sa edad na 12 anyos.”
13. Ano ang sinabi ng magasing ito sa mga kabataan mga 94 na taon na ngayon ang lumipas?
13 Ganito ang sabi ng Zion’s Watch Tower ng Hulyo 1, 1894: “Sa lahat ng minamahal na mga anak at mga kabataan na nagbigay ng kanilang puso sa Diyos, at sa araw-araw ay nagsisikap na sumunod kay Jesus, sa kanila’y nagpapahatid ng pagbati ang WATCH TOWER. Kilala namin ang ilan sa pagkaliliit na mga batang umiibig kay Jesus, at hindi nangahihiyang manindigan sa panig ni Jesus sa gitna ng mga iba pang bata na hindi nagsisiibig sa kaniya o nagsisikap na magpalugod sa kaniya; at mga malalakas ang loob at tapat sa Diyos, kahit na sila’y pinagtatawanan at ipinagpapalagay na kakatuwa ng kanilang mga kamag-aral na pinangangaralan nila ng mabuting balita ng Kaharian. At aming ikinagagalak na makitang ang ilang kabataan, na may katapangang nagtakuwil sa sanlibutan at sa mga ambisyon at mga kalayawan nito, ay kabilang sa mga pinakatapat na mga taong [nag-alay] ng kanilang buhay sa Panginoon. Ang ilan sa aming mga katulong sa opisina, at gayundin ang marami sa matagumpay na mga colporteurs, ay nasa kabataan pa rin.” Kahit na kung ikaw ay nasa kabataan pa, bakit hindi mo kausapin ang iyong mga magulang tungkol sa pag-aalay sa Diyos na Jehova?
Ang Bahagi ng mga Magulang
14. Anong mga pakinabang ang tinatamasa ng mga kabataan na nag-aalay ng sarili kay Jehova?
14 Isaalang-alang ang mga pakinabang na tinatamasa ng mga anak na tumatanggap ng patnubay ng mga magulang na umaakay sa kanila tungo sa bautismo. (Efeso 6:4) Ang espirituwal na kaisipan ang tumutulong sa kanila na umiwas sa makasanlibutang mga silo at mga kagusutan. (1 Juan 2:15-17) Sila’y hindi nag-aani ng mapait na bunga na resulta ng ‘paghahasik sa laman.’ (Galacia 6:7, 8) Yamang sila’y tinuruan ng isang maka-Diyos na pamumuhay, sila’y kinakitaan ng mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Palibhasa’y nag-alay sila sa Diyos, kanilang tinatamasa ang isang matalik na kaugnayan sa kaniya. At dahil sa sila’y natutong “magtiwala kay Jehova,” sila’y inaakay ng makalangit na karunungan at lumalakad sa mga daan ng kaligayahan at kapayapaan.—Kawikaan 3:5, 6, 13, 17.
15. Ano ang magagawa ng mga magulang na Kristiyano upang hubugin ang buhay ng kanilang mga anak?
15 Yamang ang pag-aalay kay Jehova ay totoong kapaki-pakinabang sa mga kabataan, dapat gawin ng mga magulang na Kristiyano ang lahat na magagawa nila upang hubugin ang buhay ng kanilang mga anak. Tulad ni Timoteo, ang mga bata ay kadalasan nang natuturuan ng Kasulatan mula pa sa pagkasanggol upang sila’y ‘magpatuloy sa mga bagay na kanilang natutuhan at nahikayat na paniwalaan.’ (2 Timoteo 3:14, 15) Maipagsasanggalang ng maka-Diyos na mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng impluwensiya ng kanilang ulirang pamumuhay sa pagtuturo sa mga anak ng kaalaman tungkol sa kanilang sariling kaugnayan sa Diyos, ng karanasan, at maygulang na pagpapasiya. Kung wastong papatnubayan, ang mga pagsisikap na ito ay hindi nawawalan ng kabuluhan habang lumalaki ang bata.—Kawikaan 22:6.
16. Ano ang dapat makita ng inyong mga anak sa inyong halimbawa at turo?
16 Sa pamamagitan ng halimbawa at turo, tulungan ang inyong mga anak na makita kung gaanong kalinaw ang guhit na naghihiwalay sa organisasyon ni Jehova at sa organisasyon ni Satanas. Ipakita sa kanila na hindi maaaring makipagkompromiso sa sanlibutang ito, na kailangang itakuwil ng mga Kristiyano ang pailalim na mga kadayaan, ang likong mga kalayawan, ambisyon, at mga kasama. (1 Corinto 15:33; 2 Corinto 4:2) Sa pamamagitan ng inyong saloobin, gayundin ng inyong pagtuturo at halimbawa, hayaang makita ng inyong mga anak kung gaanong kawalang-kabuluhan ang makasanlibutang mga kalayawan, kung gaano katindi ang pagkáligáw ng mga tao ng sanlibutan kung ihahambing sa mga Saksi ni Jehova. Ipaliwanag kung paanong inakay kayo ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, at naiwasan ninyo ang maligaw sa mga landas na patungo sa kapahamakan, kaniyang inalalayan kayo sa mga panahon ng kahirapan at kadalamhatian. Huwag magkamaling isipin na kung ang inyong mga anak na kabataan ay papayagang tumakbu-takbo sa makasanlibutang mga landas ng pagmamataas, ambisyon, kalayawan, at kamangmangan, sila’y magiging mga mananampalataya. Bago masilo ng sanlibutang ito ang inyong mga anak, sila’y sangkapan ninyo ng kalasag upang huwag tagusin ng masasamang impluwensiya at tulungan sila na ang kanilang mga pagmamahal at mga pag-asa’y mapalagak kay Jehova.
Pagmamasid sa Kabila Pa Roon ng Bautismo
17. (a) Bakit ang mga ilang bautismadong Kristiyano ay nagbabalik sa dating gawi? (b) Paano natin dapat malasin ang ating pag-aalay?
17 Bata man o matanda, tiyak na ang isang kandidato sa bautismo ay nagnanais na manatiling tapat kay Jehova. Kung gayo’y bakit ang ilang mga bautismadong Kristiyano ay nagbabalik sa dating gawi? Bagaman iba’t ibang dahilan ang maaaring sanhi, waring may isang pangunahing dahilan—ang hindi pagkaunawa ng buong kahulugan ng pag-aalay. Ito ay hindi isang bagay na pag-aalay ng ating sarili sa isang gawain. Magiging abala tayo ngunit hindi tayo gagawin niyan na mga taong espirituwal. Kailangang tandaan natin na tayo’y nag-alay hindi sa isang gawain kundi sa isang Persona—ang Diyos na Jehova. Ito’y tumutulong sa atin na iwasan ang pagkakamali ng pagkakilala sa ating pag-aalay bilang isang kinaugaliang hakbang na kailangang gawin bago magpatuloy sa paggawa. Ang pag-aalay ay dapat malasin bilang pagpasok sa isang mahalagang relasyon na kailangang laging ingatan at itaguyod. Sa bagay na ito, tayo’y may halimbawa kay Jesu-Kristo. Sa pagpapahayag ng kaniyang taus-pusong saloobin nang ihandog niya kay Jehova ang kaniyang sarili ay sinabi niya ang makahulang mga pananalita: “Dumating ako . . . Aking kinalulugdang gawin ang iyong kalooban, Oh Diyos ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking kalooban.”—Awit 40:6-8; Hebreo 10:5-10.
18. Paanong ang kautusan ng Diyos ay nasa “kalooban” ni Jesus?
18 Paano ngang ang kautusan ni Jehova ay nasa “kalooban” ni Jesus? Kaniyang sinabi sa isang eskribang Judio na si Jehovang ating Diyos ay isa at wala nang iba, sa ganoo’y idiniriin ang pagiging kataastaasan ni Jehova. Pagkatapos ay ipinakita ni Jesus na ang pinakabuod ng kautusan ng Diyos ay ang pag-ibig kay Jehova nang ating buong puso, unawa, at lakas, samantalang iniibig natin ang ating kapuwa na gaya ng ating sarili. (Marcos 12:28-34) Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit naaring sabihin ni Jesus, ‘ako’y nalulugod na gawin ang kalooban ng Diyos.’ Siya’y nakapanatiling tapat sa kabila ng pinakamahihigpit na mga pagsubok at mga kahirapan, hindi lamang dahil sa nakita niyang ito’y isang mabuting gawain kundi dahilan sa may matalik siyang relasyon sa Diyos na Jehova. Kung katulad niya’y kinikilala natin ang pagiging kataastaasan ni Jehova at iibigin natin siya na taglay ang pagmamahal na hindi maaaring sirain, tayo ay mamumuhay ayon sa ating pag-aalay at bautismo.
19. Ano ang kaugnayan ng ating relasyon kay Jehova at ng gawain na ating ginagawa?
19 Mangyari pa, may kaugnayan ang ating relasyon sa Diyos at ang gawain na ating ginagawa. Ating ipinakikilala ang pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pagganap sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Sa bagay na ito, ang yumaong si Grant Suiter, isang dating miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay sumulat noong minsan: “Sa pakikinig ko sa [isang naglalakbay na tagapangasiwa] sa pagpapahayag tungkol sa mga pribilehiyo ng paglilingkod kay Jehova at sa pananagutan na gawin iyon, natanto ko kung ano ang dapat kung gawin at ano ang nais kong gawin. Kaya ako ay gumawa ng isang personal na pag-aalay kay Jehova, at halos kasabay din nito na ganoon din ang ginawa ng mga ibang miyembro ng aking pamilya. Noong Oktubre 10, 1926, sa San Jose, California, lahat kami ay sama-samang sinagisagan namin ang aming pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig. . . . Pagkatapos ng bautismo . . . sinabi ng aking ama sa elder na nangangasiwa sa bautismo: ‘Kayo’y lumalabas dala ang mga literatura, di ba? Nais din naming gawin ngayon ang gawaing iyan.’ Kaya ang aming pamilya ay nagsimula na ng paglilingkod sa ministeryo sa larangan.” Sa ngayon, ang mga taong kuwalipikado ay nagsisimulang magkaroon ng makabuluhang bahagi sa paglilingkod sa larangan kahit na bago sila mabautismuhan.
Maililigtas Tayo ng Bautismo
20, 21. (a) Paano ‘tinatatakan’ ang mga alipin ni Jehova? (b) Ano ba ang ‘tandang’ ito, at ano ang kahulugan ng pagkakaroon nito?
20 Sa pamamagitan ng ating mga gawa, maipakikita natin na “tayo ay kay Jehova.” Oo, ang kaligtasan ay depende sa paggawang may katapatan bilang kaniyang nag-alay na mga alipin! (Roma 6:20-23; 14:7, 8) Noong sinaunang mga panahon, ang mga alipin ay kadalasan tinatatakan ng tanda sa noo. Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral sa ngayon, ang antitipikong ‘lalaking nakasuot ng lino’—ang nalabi ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus—ay ‘nagtatanda’ sa mga ililigtas sa katapusan ng sistemang ito. Sa gawaing ito ang mga pinahiran ay tinutulungan ng kanilang mga kasamahan, ang “mga ibang tupa.” (Ezekiel 9:1-7; Juan 10:16) At ano ba ang “tanda”? Iyon ay ang katunayan na tayo’y nag-alay kay Jehova at mga bautismadong alagad ni Jesus na may tulad-Kristong personalidad.
21 Lalung-lalo na ngayon na kailangang taglay natin ang “tanda” at mamalaging taglay natin iyon, sapagkat tayo’y nasa dulo na ng “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Upang maligtas tayo’y kailangang ‘magtiis hanggang sa kawakasan’ ng ating kasalukuyang buhay o ng sistemang ito. (Mateo 24:13) Tangi lamang kung tayo’y mananatiling tapat bilang mga Saksi ni Jehova maililigtas tayo ng bautismo.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Upang maligtas, ano ang hinihiling sa atin?
◻ Bakit ang matatanda ay nakikipagtalakayan sa mga ibig pabautismo?
◻ Ano ang magagawa ng mga magulang upang bigyan ang kanilang mga anak ng espirituwal na patnubay na umaakay tungo sa bautismo?
◻ Tayo ba’y nag-aalay sa isang gawain?
◻ Paano tayo maililigtas ng bautismo?
[Larawan sa pahina 16]
Alam mo ba kung paano ang bautismo ay katumbas ng pagkaligtas ni Noe at ng kaniyang pamilya sa daong?
[Larawan sa pahina 18]
Ang pag-aalay at bautismo ay pinakikinabangan ng mga kabataan. Alam mo ba kung paano?