‘Pagsakay Alang-alang sa Katotohanan’
“At sa iyong kamahalan ay humayo ka na nagtatagumpay; sumakay ka alang-alang sa katotohanan at sa kababaang-loob at sa katuwiran, at ang iyong kanan ay magtuturo sa iyo ng kakila-kilabot na mga bagay.”—AWIT 45:4.
1, 2. (a) Anong mensahe ang pumukaw sa salmista? (b) Bakit ang ganiyan ding mensahe ay dapat na pumukaw sa atin?
ANG makatang-mang-aawit ay sabik na pasimulan ang kaniyang awit. Ang kasabikan na dumating ang isang mabuting pamahalaan sa mga kamay ng isang walang pagkasirang, matuwid na tagapamahala ay lubhang matindi. Hindi siya makapanatiling walang imik. Palibhasa’y hindi na niya mapigil ang kaniyang sarili, ang salmista ay bumulalas ng mga salitang ito: “Ang aking puso ay napukaw ng isang mainam na bagay. Aking sinasabi: ‘Ang aking mga gawa ay tungkol sa isang hari.’ Ang aking dila sana ay maging panulat ng isang bihasang manunulat.” (Awit 45:1) Ang mismong makatang-mang-aawit na nagsalita niyan ay malaon nang namatay. Subalit ang kaniyang makahulang awit ay nabubuhay pa rin, at ang puwersa nito ay ngayon lalung-lalo nang matindi.—Ihambing ang Colosas 3:16.
2 Ano ang “mainam na bagay” na pumukaw sa puso ng salmista? Iyon ay may kaugnayan sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos! Totoong “mainam” ang balita ng Kaharian kung kaya’t nararapat na iyon ay ‘ipangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa’ bago sumapit “ang wakas” ng mga bansang ito. (Mateo 24:14) Sa ngayon, ang “mainam” na tema ng Mesianikong Kaharian ng Diyos ay nakapukaw ba ng iyong puso? Dapat naman. Bakit? Sapagkat ang pandiwang Hebreo na isinaling “napukaw” (ra·chashʹ) ay nangangahulugan ng masiglang pagkilos, tulad ng isang bumubulang, kumukulong likido. Ang pandiwa ay may kahulugan din na pagkalubos. At tandaan, sinabi ng ating Lider, si Jesu-Kristo: “Sa kasaganaan ng puso nagsasalita [ang] bibig.” (Lucas 6:45) Kung gayon, ikaw ba, tulad ng salmista, ay may pusong nag-uumapaw sa “mainam na bagay”? Kung gayon, walang makapipigil sa iyo sa masiglang pag-awit ng ganitong pinakadakilang katotohanan: Si Jesu-Kristo ay naghahari na sa Kaharian ng Diyos!
Palaganapin ang Awit ng Katotohanan
3. Sa pamamagitan ng anong dalawang pangunahing mga paraan pinalalaganap ang mabuting balita ng Kaharian ngayon?
3 Paano ngang ang awit na ito ng paghahari ay mapalalaganap? Sa pamamagitan ng banal na espiritu, ang dila ng salmista ay nagiging isang “panulat” sa mga kamay ni Jehova. (Ihambing ang 2 Samuel 23:2.) Ang kaniyang isinulat na mga liriko ay inawit upang marinig ng lahat ng sinaunang mga sumasamba kay Jehova. Tayo sa ngayon ay makapagtataguyod ng katotohanan ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng dalawang nahahawig na mga paraan. Una, sa pamamagitan ng ating mga salita na naririnig kung tayo’y nangangaral sa madla at, ikalawa, sa pamamagitan ng ating mga salita na nababasa sa ating mga babasahin. Samakatuwid, pagka tayo’y namamahagi ng mga babasahing salig sa Bibliya, ating sinasabi ang sinabi na ng dila ng kinasihang mga banal na tao. (2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:20, 21) At sa ngayon ang nilimbag na balita ng Kaharian ay may sirkulasyon na ang dami ng naipamamahagi at ang dami ng mga wika at ang bilis ng pamamahagi ay hindi abot-kayang gunigunihin ng salmista. Ikaw ba ay regular na namamahagi nito, lalo na ang pamamahagi ng mga magasing Bantayan at Gumising!?
4. (a) Paano ngang si Kristo Jesus ay naging “lalong maganda kaysa mga anak ng mga tao”? (b) Paanong tinutularan ng uring pinahirang bantay ang ‘halina ng mga labi ni Kristo’?
4 Ang kagandahan ng Hari ni Jehova ay nagpapasigla sa salmista na sumulat: “Ikaw nga ay lalong maganda kaysa mga anak ng mga tao. Kahali-halina ang bumubuhos sa iyong mga labi. Kaya’t pinagpala ka ng Diyos hanggang kailanman.” (Awit 45:2) Mula sa araw ng pagpapahid sa kaniya ng espiritu ng Diyos, ang mga labi ni Jesus ay hindi naglubay ng pangangaral ng Kaharian, hanggang sa ang mga taong kinatawan ni Satanas ang pansamantalang nagpatahimik sa mga labing iyon. Dahilan sa pagiging tapat ni Jesus, nang magkagayo’y pinagpala siya ni Jehova magpakailanman sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya buhat sa mga patay at pagtataas sa kaniya sa itaas ng lahat ng iba pang mga nilalang. (Filipos 2:8-11) Mula nang luwalhatiin si Jesus sa langit, nang siya’y maging ‘ang tunay na larawan ng mismong Diyos,’ siya’y lalong maganda kaysa pinakamataas na tagapamahala, tao man o anghel. (Hebreo 1:3, 4) Ngayon, bilang ang nakaluklok na Hari, ang mga labi ng pinahirang uring bantay at pati ng labi ng kanilang mga kasamahan ay binigyang-lakas ni Jesus na umawit nang buong tapang ng mabuting balita ng Kaharian. Gayunman, ito ay isa ring awit ng digmaan.
5, 6. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng ‘pagsakay [ni Kristo] alang-alang sa katotohanan’? (b) Paano ginagamit ng uring bantay Ang Bantayan at Gumising!?
5 Ang salmista ay nananawagan ngayon sa nagpupunong Hari: “Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, Oh makapangyarihan, kalakip ang iyong kaluwalhatian at ang iyong kamahalan. At sa iyong kamahalan ay humayo ka na nagtatagumpay; sumakay alang-alang sa katotohanan at sa kababaang-loob at sa katuwiran, at ang iyong kanan ay magtuturo sa iyo ng kakila-kilabot na mga bagay.” (Awit 45:3, 4) Sapol noong 1914 si Kristo ay nakasakay na sa isang kabayong pandigma, handa sa pakikidigma. (Apocalipsis 6:1, 2) Sa kaniya’y may nakabigkis na tabak—ang sagisag ng digmaan at gayundin ng awtoridad at kapangyarihan na bigay ng Diyos upang lipulin ang sumasalansang na mga bansa. Si Kristo ay nakipagdigma na kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo, sila’y ibinulusok buhat sa langit at dito sila pinipigil sa kapaligiran ng lupa.—Apocalipsis 12:1-13.
6 Gayunman, bago mapanumbalik ang kapayapaan, mga bagay na lalong kakila-kilabot kaysa rito ang kailangang isagawa ng kanang kamay ng Hari pagka siya’y ‘sumakay alang-alang sa katotohanan’ sa Armagedon upang lipulin ang lahat ng mga kaaway ng Diyos sa lupa. (Awit 45:4; Apocalipsis 16:14, 16; 19:17, 18) Si Kristo ang nagpalakas-loob sa pinahirang uring bantay upang awitin din naman ang babalang ito. Ano ba ang ginagamit ng “bantay” upang palakasin ang kaniyang tinig? Unang-una na ay ang mga pahina ng magasing Bantayan—ang magasin na nangunguna sa paghahayag ng natatatag na Kaharian ni Jehova. Ang uring bantay, tulad ng isang hukbo ng kumakagat na mga alakdan at balang, ay may taglay ng ganoon ding espiritu na nag-udyok kay Kristo na ‘sumakay alang-alang sa katotohanan.’ (Apocalipsis 9:7-11) Mabisang ginagamit nila ang mga magasin na inihanda sa ilalim ng pamamatnugot ng “bantay”—Ang Bantayan at Gumising!—“alang-alang sa katotohanan.”—Mateo 24:45; ihambing ang Apocalipsis 9:16-19.
‘Pagsakay Alang-alang sa Katotohanan’
7. Sa anong masiglang paraan itinataguyod ng ang Bantayan at Gumising! ang katotohanan ng Bibliya?
7 Sa loob ng mahigit isang daang taon, Ang Bantayan ay nagtataguyod ng ‘kapakanan ng katotohanan ng Kaharian.’ Ito’y bihasa ng paggamit ng Salita ng Diyos bilang isang tabak sa pagbaklas sa sapin-saping mga kasinungalingan na bumabalot sa mga turo ng huwad na relihiyon. (Ihambing ang Efeso 6:17; Hebreo 4:12.) Ang magasing Gumising! ay nagtataguyod din ng kapakanan ng katotohanan. Kung tungkol naman sa mga kasalukuyang nagaganap na mga pangyayari, binabaklas ng Gumising! ang tumatakip na talukbong sa siyentipikong mga teoriya na sumisira sa Bibliya at ang mapanganib na mga kausuhan sa lipunan at sa moral. Ano ba ang magagawa natin upang maipasakamay ang mga magasing ito sa higit pang maraming mga tao upang kanilang marinig ang nagliligtas-buhay na mensahe ng Kaharian?
8, 9. Paanong ang pagkakapit ng simulain ng Efeso 5:16 sa pagbabasa ng Ang Bantayan at Gumising! ay tutulong sa iyo na ‘mapukaw’ para sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng magasin? Magbigay ng mga halimbawa.
8 Lahat ng umiibig sa katotohanan ay dapat ‘mapukaw’ ng mensahe na taglay ng mga magasing Bantayan at Gumising! (Awit 45:1) Paano? Bakit hindi mo basahin ito sa sandaling tanggapin mo? ‘Hindi ako magbabasa ng isang sekular na magasin o aklat hangga’t hindi ko muna nababasa nang buo ang ating mga magasin,’ ang sabi ni Lillian sa kaniyang sarili may sampung taon na ngayon. Sinusunod pa rin niya ang ganiyang patakaran. (Mateo 6:33) Ano ang maaari mong gawin pagkatapos na mabasa mo ito? Makipag-usap sa iba tungkol sa nilalaman nito—sa pamilya at sa mga kakongregasyon. Ito ay dapat ding pumukaw ng iyong sigasig sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng mga magasin upang iyong maibalita sa iyong kapuwa ang mabubuting bagay na iyong nabasa. Walang alinlangan na nanaisin mo na makibahagi sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng mga magasin linggu-linggo, dalhan nito ang tahanan ng mga kalapit bahay. Ito ay maihahambing sa paraan na sa pamamagitan niyaon ay “lubusang nagpatotoo” si apostol Pablo.—Gawa 20:20, 21.
9 Si Peter at ang kaniyang maybahay na si Petra ay naglilingkod bilang mga misyonero sa isang bansa sa Aprika noong nakalipas na apat na taon. Ang mga magasin na Bantayan at Gumising! ang isa sa kanilang pangunahing pinagkukunan ng lakas sa espirituwal. “Ang Bantayan ang tumutulong sa amin upang manatiling gising sa espirituwal sa aming teritoryo,” ang sabi ni Petra. “Kami’y nagtatamo ng pampalakas-loob at lakas buhat sa bawat labas ng Ang Bantayan at Gumising!,” isinusog pa ni Peter, “at tuwing darating ang magasin, wari bagang kami’y tumatanggap ng isang liham buhat sa bahay.” (Ihambing ang Awit 46:1.) Ganiyan ba rin ang iyong matinding pagpapahalaga sa ating mga magasin at ang iyong kasabikan na basahin ito gaya nina Peter at Petra? Ang ganiyang saloobin ang mag-uudyok sa iyo na ang mga magasin ay palagiang ialok sa iba upang sila man ay makabasa nito.
10. Anong uri ng saloobin ang kailangan para sa epektibong pagpapatotoo sa pamamagitan ng magasin, at anong mga pakinabang ang makukuha rito?
10 Ang mga mamamahayag ng Kaharian ay dapat na magkaroon ng positibong saloobin tungkol sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng mga magasin. Ang mga taong taimtim sa kanilang relihiyon ay malugod na tumatanggap pa rin sa salig-Bibliyang impormasyon na nasa ating mga magasin. (Ihambing ang Gawa 10:15, 30-33.) Bakit? Sapagkat ito’y hindi nila makukuha sa mga ibang babasahin. Mahigit na 45 taon na ngayon ang nakaraan nang doon sa Sweden, si Lars ay kumuha sa isang empleado ng isang tambak na magasing Bantayan. “May kabuluhan ito,” ang sabi niya sa kaniyang maybahay pagkatapos na basahin ang mga ito. “Ang sinasabi ng Bibliya, iyan ang sinasabi ng Ang Bantayan.” Ang nabasa ni Lars ang nag-udyok sa kaniya na pabautismo—noong Marso 1940. Pag-isipan ang isa pang halimbawa. Dalawang ministrong payunir na tagaroon sa timugang Estados Unidos ang nagsabi:
“Sa pamamahagi ng magasin ay natagpuan ang isang babae. Siya ang ingat-yaman ng isang malaking simbahang Baptist at isa ring totoong seryosong estudyante ng Bibliya. Nang kaniyang mabasa ang serye tungkol sa Armagedon sa mga labas ng Bantayan ng Enero 1 hanggang Pebrero 15, 1985, siya’y tuwang-tuwa. Bago nito, maraming oras ang ginugol niya sa pananaliksik sa paksang iyan at wala siyang nasaliksik kundi ang teksto na nasa Apocalipsis 16:16. Tinanong niya ang kaniyang ministro, ‘Ano po ba ang Armagedon? Puwede po ba ninyong ipaliwanag ito sa akin?’ Tinitigan lamang siya ng ministro at ang sabi, ‘Iyan ay isang malalim na paksa,’ at tumalikod na. Sa kabilang dako, ang sabi ng babae, sinagot naman ng Ang Bantayan ang bawat tanong niya at ito raw ang tanging babasahin na kung saan nakita niya ang kinakailangang mga teksto tungkol sa paksa ng Armagedon.”
11. (a) Bakit dapat mag-iskedyul para sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng magasin, at gaano kadalas? (b) Ang pagpapasakamay ba ng magasin ay nakatutulong para sa pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya? Ipaliwanag. (c) Paano ka makapagpapasakamay ng Ang Bantayan at Gumising!? Tingnan ang kahon.
11 Puwede ka bang mag-iskedyul ng kahit isang araw para sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng magasin linggu-linggo, na anupa’t ginagawa itong bahagi ng iyong espirituwal na rutina? (Ihambing ang Filipos 3:16.) “Ang mga mamamahayag, pati mga payunir, ay hindi gumugugol ng sapat na panahon sa pamamahagi ng magasin,” ayon sa obserbasyon ng sangay ng Watch Tower Society sa Nigeria. Subalit mas importante ba ngayon ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng magasin kaysa paggawa ng alagad? Sa kabaligtaran, ang mga ulat buhat sa mga sangay ng Samahan sa Australia at Brazil ay nagpapakita na ang pagpapasakamay ng mga magasin ay maaaring maging unang hakbang sa pagpapasimula ng maraming mga pag-aaral sa Bibliya. “Buhat sa aking pagpapasakamay muna ng magasin, tatlong pag-aaral ang napasimulan ko,” ang sabi ng isang sister na taga-Australia. Paano ngang makapagpapasakamay ka ng mga magasin na maaaring humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya? Tingnan ang kahon na pinamagatang “Pagpapasakamay ng mga Magasin” para sa mga mungkahi.
Sinubok Mo na ba ang mga Mungkahing Ito?
12. Anong mga mungkahi ang nakatulong sa isang mamamahayag?
12 Sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Marso 1984 (Mayo 1984 sa Pilipinas) ay may inilakip na apat na pahina tungkol sa pagpapatotoo sa magasin. Sinubok mo na bang ikapit ang mga mungkahi na ibinibigay nito? Mabuti marahil na basahin uli ng mga mamamahayag ng Kaharian ang kalakip na mga pahinang iyan at ikapit ang payo nito sa paglilingkod sa larangan. Isang sister na taga-Estados Unidos ang nagkapit na nito; siya’y nalugod at nagtaka sa naging resulta. Ganito ang kaniyang isinulat:
“Ikinakapit ko ang mga puntong binalangkas sa Marso 1984 Ministeryo sa Kaharian sa inilakip na mga pahina tungkol sa pagpapasakamay ng mga magasin, at ito’y gumagana! Nang dulo ng 1983 ako’y nakapagpasakamay lamang ng 36 na mga magasin sa buong santaon! Ako’y nalulungkot, hindi dahil sa numero sa report, kundi dahil sa ang nagbibigay-buhay na impormasyong ito ay hindi ko naipasakamay sa mga tao na nangangailangan nito. Ako’y nanalangin kay Jehova tungkol sa bagay na iyan at yamang disidido akong higit pang magsikap na makapagpasakamay ng Ang Bantayan at Gumising! ikinapit ko ang mga mungkahi tungkol sa pagkakaroon ng personal na tunguhin para sa pagpapasakamay ng mga magasin, at gumamit ako ng maikling presentasyon na nagtatampok ng isa lamang magasin, regular na lumalabas ako sa paglilingkod sa larangan kung araw ng magasin, at nagkaroon ako ng positibong saloobin. Ngayon pagka tinanggihan ng maybahay ang regular na alok, sinasabi ko: ‘Bueno po, kung gayon ay iiwanan ko na lamang kayo ng pinakabagong mga labas ng Ang Bantayan at Gumising! sa abuloy na 40 cents.’ (Ito’y sa Estados Unidos.) Ang mga puntong ito ay tunay na gumagana. Noong nakaraang apat na buwan, nakapagpasakamay ako ng sa katamtaman ay 14 na mga magasin bawat buwan!”
13. Anong payo na inilathala noong 1888 ang praktikal pa rin hanggang ngayon?
13 Sa Disyembre 1888 na labas ng Zion’s Watch Tower, sa ilalim ng pamagat na “A Suggestion to the Reapers” (Isang Mungkahi sa mga Mang-aani), ang payo ay ganito: “Ang pinakamalaking suliranin sa marami ay wari nga, na ang kanilang mga puso ay punung-puno ng mabuting balita na anupa’t natutukso sila na medyo sumobra nang pagsasalita tungkol sa Plano ng Diyos.” Ang payo bang iyan ay kapit pa rin? Nang tanungin kung ano ang magagawa ng mga mamamahayag upang maparami nila ang ipinasasakamay na mga magasin, isang tagapangasiwa ng sirkito na taga-Pransiya ang sumagot: “Magsalita ka nang maikli. Diretso sa punto.”
14, 15. Paanong ang mga larawan sa Ang Bantayan at Gumising! ay magagamit sa pagpapatotoo? Magbigay ng mga halimbawa.
14 Sa maraming wika na kinalalathalaan ng mga magasin, kaakit-akit na mga ilustrasyon sa apat na kulay ang lalong nagpatingkad sa kagandahan ng mensahe ng Kaharian samantalang dumarating ito sa iba’t ibang klase ng tao. Magmula sa Enero 8, 1987 na labas, ang Gumising! ay kaparis na rin ng Ang Bantayan na nililimbag sa apat na kulay sa karamihan ng mga pangunahing wika. Ginagamit mo ba ang mga ilustrasyon at mga larawan sa magasin bilang puntong mapag-uusapan? Marami ang gumagamit nito, at nagtatamo ng mabubuting resulta. Si Theresa, isang misyonera sa Dulong Silangan simula noong 1976, ay gumamit nito. Siya’y nakapamamahagi ng 260 mga magasin isang buwan. “Ginagamit ko ang mga larawan upang itampok ang pangunahing punto ng aking presentasyon,” ang sabi niya. “Malimit na ipinakikita ko lamang sa maybahay ang pabalat ng magasin at binabanggit ko ang tema, at ang magasin na ang bahalang magpasakamay ng kaniyang sarili.”
15 Si Kay, isang misyonera sa bansa ng Suriname, ay nagkaroon ng ganiyan ding karanasan. Siya at ang kaniyang asawa ay sampung taon na roon, at kanilang nasumpungan na ang mga larawan ay epektibo kung nagpapatotoo sila, lalo na sa mga taong may relihiyong Hindu. Bakit? Ganito ang paliwanag ni Kay:
“Ang relihiyong Hindu ay isang relihiyon ng mga larawan. Sa isang bahay, isang babae ang tinanong ko: ‘Pakisuyong sabihin mo sa akin ang pangalan ng inyong mga diyos na nasa inyong mga larawan.’
“‘Ang isang ito ay si Shiva,’ ang sagot niya.
“‘Bueno, alin ba ang pinakamataas na diyos?’ ang tanong ko uli. Walang sagot. ‘Puwede bang basahin natin ang Jeremias 10:10-12? Aling Diyos ang makapag-aangkin na Maylikha? Si Jehova lamang. Alam namin na mahilig kayo sa mga larawan. Hindi baga ang mga larawang ito na nasa Ang Bantayan at Gumising! ay magaganda at interesante? Hindi mo ba ibig na tamasahin ang kagalakan ng pagkaalam kung ano ang kahulugan ng mga iyan?’ ”
Bakit hindi subukin na ang mga larawan ay isali sa inyong pakikipag-usap sa susunod na pagkakataong kayo’y maglilingkod sa pamamahagi ng mga magasin?
16. Anong mga mungkahi buhat sa isang mamamahayag sa Hong Kong ang makatutulong sa iyo?
16 Samantalang naglilingkod sa Hong Kong, ang katamtamang bilang na naipasasakamay ni Gene ay mahigit na 300 magasin buwan-buwan. Paano niya ginagawa ito? Ganito ang kaniyang paliwanag:
“Una, manalangin kay Jehova na pagpalain niya ang iyong pamamahagi ng magasin. Ikalawa, maging positibo, nakangiti at palakaibigan. Ikatlo, makibagay at makiayon, at humanap ng isang bagay na hindi matututulan ng maybahay. Ikaapat, pumidido ka ng sapat na dami ng mga magasin para sa buong buwan. Ako’y may malaking pidido, sapagkat ito’y nagbibigay sa akin ng isa pang pangganyak. Ikalima, gumugol ng isang gabi sa sanlinggo para sa pamamahagi ng mga magasin, sapagkat lalong maraming mga tao ang nasa tahanan sa panahong iyan at sila’y relaks na. Ikaanim, magsimula ka ng isang ruta sa magasin, kahit na iyon ay maliit lamang.”
Pagpapasimula ng Isang Ruta sa Magasin
17. (a) Sa anong bahagi ng ating pagpapatotoo sa pamamagitan ng magasin maikakapit ang simulain sa Gawa 15:36? (b) Sa mga bansa na may palsong serbisyo sa koreo, ano ang isang paraan na magagamit ng mga mamamahayag upang makapagpasakamay ng mga magasin?
17 “Mag-ingat ng wastong rekord na kung saan ka nakapagpasakamay ng mga magasin at pagkatapos ay regular na dalawin mong muli ang isang paraan upang maparami ang mga magasin na ipamamahagi,” ang sabi ni Ollie, na nakapaglingkod sa Aprika sa bansa ng Burkina Faso. “Ako’y nagkaroon ng 15 katao sa aking ruta sa magasin. Palibhasa’y ang Burkina Faso ay hindi naman isang sangay na may palimbagan at kung saan hindi sigurado ang serbisyo sa koreo, malimit na kung tanggapin ng mga Saksi ang kanilang mga magasin na ipamamahagi ay bungkus-bungkos, baka apat-apat o lima-lima nang minsanan.” Ganiyan ba rin sa inyong bansa? Kung ganiyan din, ano ang maaaring gawin upang mapagtagumpayan ang hamon na ito sa pagpapasakamay ng mga magasin? “Puwede kang humawak sa iyong kamay ng mga kopya ng bawat labas, at ayusin na parang korteng abaniko at anyayahan ang taong interesado na piliin kung alin ang ibig niyang basahin,” ang mungkahi ni Ollie. “Kadalasan, kaniyang kinukuha ang lahat ng mga magasin.”
‘Manatiling Laging Napupukaw ng Isang Mainam na Bagay’
18. Sa anong mga pitak ng kamakailang mga report ng paglilingkod sa larangan lalung-lalo nang makapagbibigay ng komendasyon, at ano ang dapat nating bigyan ng lalong malaking atensiyon?
18 Kayong mga mamamahayag ng Kaharian ay nakatulong upang sumulong nang husto ang dami ng mga suskripsiyon sa kapuwa magasin. Kayo’y dapat bigyan ng komendasyon dahil sa inyong sigasig sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa ganitong paraan. Kapuri-puri rin ang pagsulong sa dami ng mga magasin na naipasakamay. Gayunman, marahil ay makapagbibigay tayo ng higit pang atensiyon sa atin-ating mga naipapasakamay na mga magasin. Sa kabila ng lalong puspusang paggawa sa teritoryo, umurong ang naipapasakamay na dami ng mga magasin ng bawat mamamahayag. Yamang tayo’y namumuhay sa dulo na ng panahon ng kawakasan, hindi kaya tayo maaaring maging lalong higit na ‘napupukaw ng mainam na bagay’ ng Kaharian sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga magasin?—Awit 45:1; 1 Pedro 4:7.
19. Sa pamamagitan ng anong dalawang paraan maitataguyod natin ang katotohanan ng Kaharian?
19 Si Kristo na taglay ang kaluwalhatian sa Kaharian ay nakasakay patungo sa tagumpay sa pagpapabanal sa pangalan ng kaniyang Ama at sa pagbabangong-puri ng Kaniyang pansansinukob na soberanya. (Apocalipsis 6:2) Gamitin natin ang ating mga dila at ang nilimbag na pahina upang ibalita ang kaniyang pagdating. Sana’y maging tapat tayo sa pagtataas ng ating mga tinig kasama ng uring pinahirang bantay samantalang ito’y nakikiisa kay Kristo sa pagtataguyod ng katotohanan ng tatag na Mesianikong Kaharian ng Diyos. Oo, ipamahagi natin nang malawakan Ang Bantayan at ang Gumising!—mga magasin na gumaganap ng isang mahalagang bahagi samantalang ang ating Hari ay ‘sumasakay alang-alang sa katotohanan.’—Awit 45:4.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang “mainam na bagay” na dapat pumukaw sa iyong puso?
◻ Ang ‘pagsakay [ni Kristo] alang-alang sa katotohanan’ ay nagdadala ng anong mga resulta?
◻ Sa anong diwa Ang Bantayan at Gumising! ay nagsisilbi “alang-alang sa katotohanan”?
◻ Paano tayo makapagbibigay ng higit pang atensiyon sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng magasin?
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
PAGPAPASAKAMAY NG MGA MAGASIN
Sinubukan Mo na Ba?—
◆ Pagpapatotoo sa bahay-bahay
◆ Pagpapatotoo sa lansangan
◆ Pagpapatotoo sa lugar na kalakalan
◆ Pagpapatotoo sa ruta ng magasin
◆ Pagpapatotoo kung gabi
◆ Pagka tinanggihan ang alok na aklat
◆ Sa mga pagdalaw-muli
◆ Pagdalaw sa dating mga estudyante sa Bibliya
◆ Pagka naglalakbay o namimili
◆ Pagka nakikipag-usap sa mga kamag-anak, kamanggagawa, kapitbahay, kamag-aral, o mga guro