Hindi Hinahamak ni Jehova ang Isang Pusong Bagbag
“Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na kalooban; ang isang pusong bagbag at may pagsisisi, Oh Diyos, ay hindi mo hahamakin.”—AWIT 51:17.
1. Ano ang pananaw ni Jehova sa mga sumasamba sa kaniya na nagkakasala nang malubha ngunit nagsisisi?
MAAARING ‘takpan [ni Jehova] ang kaniyang sarili ng isang bunton ng alapaap, upang huwag makaraan ang anumang panalangin.’ (Panaghoy 3:44) Subalit ibig niyang ang kaniyang bayan ay makalapit sa kaniya. Kahit na kung ang isa sa mga sumasamba sa kaniya ay magkasala nang malubha ngunit nagsisisi, natatandaan ng ating Ama sa langit ang mabuting ginawa ng taong iyon. Kaya, si apostol Pablo ay nakapagsabi sa kapuwa mga Kristiyano: “Hindi liko ang Diyos upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa kaniyang pangalan.”—Hebreo 6:10.
2, 3. Ano ang dapat isaalang-alang ng Kristiyanong matatanda sa pakikitungo sa nagkasalang mga kapananampalataya?
2 Dapat ding isaalang-alang ng Kristiyanong matatanda ang mga taón ng tapat na paglilingkod sa Diyos ng kapuwa mga mananampalataya. Kasali na rito ang banal na paglilingkod ng mga nagsisisi na nakagawa ng maling hakbang o nagkasala pa nga nang malubha. Ang Kristiyanong mga pastol ay tumitingin sa espirituwal na kapakanan ng mga nasa kawan ng Diyos.—Galacia 6:1, 2.
3 Ang isang nagsisising nagkasala ay nangangailangan ng awa ni Jehova. Gayunman, higit pa ang kailangan. Ito’y niliwanag ng mga salita ni David sa Awit 51:10-19.
Isang Malinis na Puso ang Kailangan
4. Bakit nanalangin si David na bigyan siya ng isang malinis na puso at isang bagong espiritu?
4 Kung ang isang nag-alay na Kristiyano ay nasa isang masamang espirituwal na kalagayan dahilan sa kasalanan, ano ba ang maaaring kailanganin niya bukod sa awa at pagpapatawad ni Jehova? Bueno, si David ay nagmakaawa: “Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Diyos, at ilagay mo sa loob ko ang isang bagong espiritu, na may katatagan.” (Awit 51:10) Maliwanag, ito’y hiniling ni David dahilan sa kaniyang natalos na naroon pa rin sa kaniyang puso ang katutubong hilig na magkasala nang malubha. Maaaring tayo ay hindi naman napasangkot sa mga uri ng kasalanan na nagsilbing silo kay David may kaugnayan kay Bath-sheba at Uriah, ngunit kailangan natin ang tulong ni Jehova upang maiwasan ang pagpapadala sa tukso na gumawa ng anumang malubhang pagkakasala. Isa pa, maaaring tayo’y personal na nangangailangan ng tulong ng Diyos upang alisin sa ating puso ang makasalanang mga hilig gaya ng pagnanasa sa pag-aari ng iba at pagkapoot—mga krimen na may kaugnayan sa pagnanakaw at pagpatay.—Colosas 3:5, 6; 1 Juan 3:15.
5. (a) Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng isang malinis na puso? (b) Ano ang nais ni David nang siya’y humiling ng isang bagong espiritu?
5 Isang kahilingan ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod ay magkaroon ng “isang malinis na puso,” samakatuwid nga, ang kalinisan ng motibo o hangarin. Pagkatanto na siya’y hindi nagpakita ng gayong kalinisan, idinalangin ni David na linisin ng Diyos ang kaniyang puso at iayon iyon sa banal na mga pamantayan. Nais din ng salmista ang isang bago, matuwid na espiritu, o hilig ng isip. Siya’y nangailangan ng isang espiritu na tutulong sa kaniya na mapaglabanan ang tukso at kumapit nang mahigpit sa mga batas at simulain ni Jehova.
Napakahalaga ang Banal na Espiritu
6. Bakit nagsumamo si David na huwag alisin sa kaniya ni Jehova ang banal na espiritu?
6 Pagka nakadarama ng kawalang-pag-asa dahilan sa ating mga kamalian o gawang masama, ating madarama na tayo’y halos itatakwil na lamang ng Diyos at babawiin sa atin ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Ganiyan ang nadama ni David, sapagkat siya’y nagsumamo kay Jehova: “Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at ang iyong banal na espiritu Oh huwag mong bawiin sa akin.” (Awit 51:11) Nadama ng nagsisisi at mapagpakumbabang si David na dahil sa kaniyang mga kasalanan ay hindi na siya karapat-dapat maglingkod kay Jehova. Ang pagpapaalis sa isa sa harapan ng Diyos ay mangangahulugan ng pagkawala ng kaniyang pagsang-ayon, ng kaaliwan, at pagpapala. Upang si David ay maipanumbalik sa dating espirituwalidad, kailangan niya ang banal na espiritu ni Jehova. Kung ito ay sumasakaniya, ang hari ay makapananalangin na bigyan siya ng banal na patnubay upang makalugod kay Jehova, makaiwas sa kasalanan, at makapamahala nang may karunungan. Palibhasa’y may kamalayan sa kaniyang mga pagkakasala laban sa Tagapagkaloob ng banal na espiritu, angkop na nagmakaawa si David na ito’y huwag alisin sa kaniya ni Jehova.
7. Bakit dapat nating ipanalangin na bigyan tayo ng banal na espiritu at mag-ingat na huwag pighatiin iyon?
7 Kumusta naman tayo? Tayo’y dapat manalangin na bigyan tayo ng banal na espiritu at kailangang mag-ingat na huwag pighatiin iyon dahil sa hindi pagsunod sa patnubay niyaon. (Lucas 11:13; Efeso 4:30) Kung hindi, maiwawala natin ang espiritu at hindi natin maipakikita ang bigay-Diyos na bunga niyaon na pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. Ang kaniyang banal na espiritu ay lalung-lalo nang babawiin sa atin ng Diyos na Jehova kung tayo’y patuloy na magkakasala sa kaniya at hindi magsisisi.
Kagalakan ng Pagliligtas
8. Kung tayo’y nagkasala ngunit nais natin na magkaroon ng kagalakan ng pagliligtas, ano ang kailangang gawin natin?
8 Ang isang nagsising makasalanan na nakararanas ng panunumbalik sa espirituwal na kalagayan ay maaaring muling magalak sa paglalaan ni Jehova ng kaligtasan. Palibhasa’y pinananabikan ito, si David ay humiling sa Diyos: “Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas, at harinawang alalayan mo ako ng isang nagkukusang espiritu.” (Awit 51:12) Anong kagila-gilalas nga na magalak sa tiyak na pag-asa ng pagliligtas ng Diyos na Jehova! (Awit 3:8) Pagkatapos na magkasala sa Diyos, hinangad ni David ang panunumbalik ng kagalakan ng Kaniyang pagliligtas. Noong bandang huli, si Jehova ay naglaan ng kaligtasan sa pamamagitan ng haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Kung tayo bilang nag-alay na mga lingkod ng Diyos ay nagkasala nang malubha subalit nagnanais na maibalik sa atin ang kagalakan ng pagliligtas, tayo’y kailangang magkaroon ng isang saloobin ng pagsisisi at huwag magpabaya sa ating kasalanan hanggang sa punto na maging pagkakasala iyon laban sa banal na espiritu.—Mateo 12:31, 32; Hebreo 6:4-6.
9. Ano ang hinihiling ni David nang kaniyang hingin sa Diyos na alalayan siya ng “isang nagkukusang espiritu”?
9 Hiniling ni David na alalayan siya ni Jehova ng “isang nagkukusang espiritu.” Maliwanag, ito’y tumutukoy, hindi sa pagkukusa ng Diyos na makatulong o sa kaniyang banal na espiritu, kundi sa hilig ng isip na nagpapakilos kay David. Nais ni David na alalayan siya ng Diyos sa pamamagitan ng pagtuturo sa kaniya ng espiritu ng pagkukusa na gawin ang matuwid at huwag mahulog minsan pa sa pagkakasala. Ang Diyos na Jehova ay patuloy na umaalalay sa kaniyang mga lingkod at ibinabangon yaong mga nasusubasob dahilan sa sari-saring pagsubok. (Awit 145:14) Anong laking kaaliwan na matanto ito, lalo na kung tayo’y nagkasala ngunit nagsisisi at nais nating maglingkod kay Jehova nang buong katapatan magpakailanman!
Turuan ng Ano ang mga Mananalansang?
10, 11. (a) Ano ang maaaring ituro ni David sa mga mananalansang na Israelita? (b) Ang mga makasalanan ay matuturuan ni David pagkatapos lamang na gawin niya ang ano?
10 Kung ipahihintulot iyon ng Diyos, walang pag-iimbot na hinangad ni David na gumawa ng isang bagay na magpapakita ng kaniyang pagpapahalaga sa awa ni Jehova at tutulong sa iba. Taglay ang damdamin ng pananalangin na nauukol kay Jehova, ang nagsisising hari ay sumunod na nagsabi: “Ituturo ko sa mga mananalansang ang iyong mga daan, upang ang mga makasalanan ay mangahikayat na manumbalik sa iyo.” (Awit 51:13) Papaano matutulungan ng nagkasalang si David ang mga mananalansang ng Kautusan ng Diyos? Ano kaya ang maaaring sabihin niya sa kanila? At anong kabutihan ang magagawa nito?
11 Sa pagpapakita sa mga mananalansang na Israelita ng mga daan ni Jehova sa pag-asang mailihis sila sa isang masamang landas, maaaring banggitin ni David kung gaano kasama ang kasalanan, ano ang ibig sabihin ng pagsisisi, at kung papaano tatanggap ng awa ng Diyos. Pagkatapos maranasan ang hirap ng hindi pagsang-ayon sa kaniya ni Jehova at ng isang nagkasalang budhi, tiyak na si David ay magiging isang mahabaging tagapagturo sa nagsisi, may bagbag na pusong mga makasalanan. Mangyari pa, magagamit niya ang kaniyang halimbawa upang turuan ang iba pagkatapos lamang na matanggáp niya ang mga pamantayan ni Jehova at tanggapin ang Kaniyang pagpapatawad, sapagkat ang mga tumatangging pasakop sa mga kahilingan ng Diyos ay walang karapatan na ‘magpahayag ng mga palatuntunan ng Diyos.’—Awit 50:16, 17.
12. Papaano nakinabang si David sa pagkaalam na tinubos siya ng Diyos buhat sa salang pagbububo ng dugo?
12 Sa pag-ulit ng kaniyang mga hangarin sa naiibang anyo, sinabi ni David: “Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Diyos na Diyos ng aking kaligtasan, anupat ang aking dila ay umawit nang may kagalakan tungkol sa iyong katuwiran.” (Awit 51:14) Ang salang pagbububo ng dugo ay may hatol na kamatayan. (Genesis 9:5, 6) Kaya ang pagkaalam na ang Diyos ng kaniyang kaligtasan ang tumubos sa kaniya buhat sa salang pagbububo ng dugo may kaugnayan kay Uriah ay magbibigay kay David ng katahimikan ng puso at isip. Kung magkagayon, ang kaniyang dila ay aawit nang may kagalakan tungkol sa katuwiran ng Diyos, hindi ng kaniyang sarili. (Eclesiastes 7:20; Roma 3:10) Hindi mapapawi ni David ang kaniyang nagawang imoralidad o maibabalik ang buhay ni Uriah, kung papaano sa kasalukuyan ay hindi maisasauli ng isang tao ang kapurihan ng isang taong kaniyang hinikayat sa gawang masama o kaniyang maisasauli ang buhay ng sinumang kaniyang pinaslang. Hindi ba iyan ang dapat nating pag-isipan pagka tayo ay napapaharap sa tukso? At anong laki ng dapat na maging pagpapahalaga natin sa awa ni Jehova na ipinakita sa atin sa katuwiran! Sa katunayan, ang pagpapahalaga ang dapat mag-udyok sa atin na akayin ang mga iba pa sa Bukal na ito ng katuwiran at kapatawaran.
13. Tanging sa ilalim ng anong mga kalagayan magagawa ng isang makasalanan ang wastong pagbubuka ng kaniyang mga labì upang purihin si Jehova?
13 Walang makasalanan na wastong mabubuka ang kaniyang mga labì upang purihin si Jehova maliban sa ang Diyos ang maawaing magbuka ng mga iyon, wika nga, upang salitain ang Kaniyang mga katotohanan. Kaya si David ay umawit: “Oh Jehova, bukhin mo ang aking mga labì, upang ang aking sariling bibig ay magsaysay ng iyong kapurihan.” (Awit 51:15) Pagkatapos na maginhawahan ang kaniyang budhi dahilan sa pagpapatawad ng Diyos, si David ay mauudyukan na turuan ang mga mananalansang ng mga daan ni Jehova, at kaniyang malayang maipagbubunyi Siya. Lahat ng mga pinatawad sa kanilang mga kasalanan gaya ni David ay dapat magpahalaga sa ipinakita sa kanila ni Jehova na di-sana-nararapat na awa, at nararapat na kanilang samantalahin ang bawat pagkakataon na salitain ang katotohanan ng Diyos at ‘ihayag ang kaniyang kapurihan.’—Awit 43:3.
Ang Tinatanggap ng Diyos na mga Hain
14. (a) Anong mga hain ang hinihiling ayon sa tipang Kautusan? (b) Bakit maling isipin na ating matutumbasan ang patuloy na paggawa ng masama sa pamamagitan ng paggawa ng ilang mabubuting bagay?
14 Nakamit ni David ang matalinong unawa na nag-udyok sa kaniya na magsabi: “Sapagkat ikaw [Jehova] ay hindi nalulugod sa hain—kung hindi ay bibigyan sana kita nito; wala kang kaluguran sa buong handog na susunugin.” (Awit 51:16) Kahilingan ng tipang Kautusan na maghandog sa Diyos ng mga haing hayop. Subalit ang mga kasalanan ni David na pangangalunya at pagpatay, na ang parusa’y kamatayan, ay hindi maaaring pagbayaran ng gayong mga hain. Sapagkat kung maaari, hindi niya ipagkakait ang anuman upang makapaghandog ng mga hayop na hain kay Jehova. Kung walang taos-pusong pagsisisi, ang mga hain ay walang kabuluhan. Maling isipin samakatuwid na ating matutumbasan ang patuloy na paggawa ng masama sa pamamagitan ng paggawa ng ilang mabubuting bagay.
15. Ano ang saloobin ng isang taong nag-alay na may bagbag na kalooban?
15 Isinusog ni David: “Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na kalooban; ang isang pusong bagbag at may pagsisisi, Oh Diyos, ay hindi mo hahamakin.” (Awit 51:17) Sa kaso ng isang nagsisising nagkasala, ang tinatanggap na “mga hain sa Diyos ay isang bagbag na kalooban.” Ang gayong tao ay walang saloobing manlaban. Ang puso ng isang taong nag-alay na may bagbag na kalooban ay lubhang nalulungkot sa kaniyang pagkakasala, nagiging mapagpakumbaba dahilan sa pagkadama sa di-pagsang-ayon ng Diyos, at nahahandang gumawa ng anuman upang muling kamtin ang banal na pagsang-ayon. Tayo’y hindi makapaghahandog sa Diyos ng anumang may halaga hanggang hindi tayo nagsisisi sa ating mga kasalanan at ibinibigay sa kaniya ang ating mga puso sa bukud-tanging debosyon.—Nahum 1:2.
16. Papaano minamalas ng Diyos ang isang tao na nabagbag ang puso sa kaniyang pagkakasala?
16 Hindi tumatanggi ang Diyos sa isang hain na gaya ng isang bagbag at nagsisising puso. Kung gayon, sa kabila ng anumang kahirapan na napapaharap sa atin bilang kaniyang bayan, huwag tayong padala sa kawalang-pag-asa. Kung tayo’y natisod sa paglakad sa landas ng buhay sa isang paraan na sumasamo ang ating puso ng paghingi ng awa sa Diyos, may natitira pa ring pag-asa. Kahit na kung tayo’y nagkasala nang may kabigatan ngunit nagsisisi, hindi hahamakin ni Jehova ang ating bagbag na puso. Tayo ay kaniyang patatawarin salig sa haing pantubos ni Kristo at isasauli tayo sa Kaniyang biyaya. (Isaias 57:15; Hebreo 4:16; 1 Juan 2:1) Gayunman, tulad ni David tayo’y dapat manalangin na mapasauli sa atin ang pagsang-ayon ng Diyos at hindi ang makaiwas sa kinakailangang saway o pagtutuwid. Pinatawad ng Diyos si David, ngunit kaniya ring pinarusahan.—2 Samuel 12:11-14.
Pagkabahala sa Dalisay na Pagsamba
17. Bukod sa pagsusumamo ng paghingi ng kapatawaran sa Diyos, ano ang dapat gawin ng mga makasalanan?
17 Kung tayo’y nakagawa ng isang mabigat na kasalanan, tiyak na ito’y lubhang liligalig sa atin, at ang isang pusong may pagsisisi ay magpapakilos sa atin na tayo’y humingi ng kapatawaran sa Diyos. Gayunpaman, tayo’y manalangin din alang-alang sa iba. Bagaman inasahan ni David ang kaniyang muling pagbabalik sa kalugud-lugod na pagsamba sa Diyos, walang pag-iimbot na ang iba ay hindi niya kinaligtaan sa kaniyang awit. Kasali rito ang ganitong pakiusap kay Jehova: “Sa iyong kabutihang-loob ay gawan mo ng mabuti ang Sion; harinawang itayo mo ang mga pader ng Jerusalem.”—Awit 51:18.
18. Bakit ang nagsising si David ay nanalangin ukol sa Sion?
18 Oo, inasam-asam ni David ang pagsasauli sa kaniya ng pagsang-ayon ng Diyos. Gayunman, dalangin din ng mapagpakumbabang salmista na ‘sa kabutihang-loob ay gawan ng Diyos ng mabuti ang Sion,’ na kabiserang lunsod ng Israel, ang Jerusalem, na kung saan umasa si David na magtatayo ng templo ng Diyos. Ang malubhang mga kasalanan ni David ang nagbanta ng panganib sa buong bansa, sapagkat lahat ng mamamayan ay kaypala nagdusa dahilan sa kasalanan ng hari. (Ihambing ang 2 Samuel, kabanata 24.) Ang totoo, ang kaniyang mga kasalanan ay nagpahina sa “mga pader ng Jerusalem,” kung kaya ngayon ay nangangailangan na muling itayo.
19. Kung tayo’y nagkasala ngunit pinatawad, ano ang angkop na ipanalangin?
19 Kung tayo’y nagkasala nang mabigat ngunit pinatawad na ng Diyos, angkop na ipanalanging sa papaano man ay ayusin ang anumang pinsala na nagawa ng ating iginawi. Baka nadulutan natin ng upasala ang kaniyang banal na pangalan, maaaring nakasira sa kongregasyon, at malamang na nagdulot ng dalamhati sa ating pamilya. Ang ating mapagmahal na Ama sa langit ay makapag-aalis sa anumang upasala na idinulot sa kaniyang pangalan, makapagpapatibay sa kongregasyon sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, at makaaaliw sa puso ng ating mga mahal sa buhay na umiibig at naglilingkod sa kaniya. Kasangkot man o hindi ang kasalanan, mangyari pa, ang pagbanal sa pangalan ni Jehova at ang kapakanan ng kaniyang bayan ang dapat na laging ikinababahala natin.—Mateo 6:9.
20. Sa ilalim ng anong mga kalagayan malulugod si Jehova sa mga hain at mga handog ng Israel?
20 Kung muling itinayo ni Jehova ang mga pader ng Sion, ano pa ang mangyayari? Umawit si David: “Kung magkagayon ay malulugod ka [si Jehova] sa mga hain ng katuwiran, sa handog na susunugin at sa buong handog; kung magkagayo’y maghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana mismo.” (Awit 51:19) Taos-pusong hinangad ni David na siya at ang bansa ay magtamasa ng pagsang-ayon ni Jehova upang makasamba sa Kaniya sa nakalulugod na paraan. Kung magkagayon ay malulugod ang Diyos sa kanilang mga handog na susunugin at sa buong mga handog. Magiging ganito nga sapagkat ang mga ito ay magiging mga hain ng katuwiran na handog ng nag-alay, taimtim, at nagsisising mga tao na nagtatamasa ng pagsang-ayon ng Diyos. Bilang pasasalamat sa awa ni Jehova, sa kaniyang dambana ay maghahandog sila ng mga toro—ang pinakamagagaling at pinakamamahalin na hain. Sa ngayon, ating pinararangalan si Jehova sa pamamagitan ng pagdadala sa kaniya ng pinakamagaling na mayroon tayo. At sa ating mga handog ay kasali ang ‘mga batang toro ng ating mga labi,’ mga hain ng papuri sa ating maawaing Diyos, si Jehova.—Oseas 14:2; Hebreo 13:15.
Naririnig ni Jehova ang Ating mga Pagdaing
21, 22. Ang Awit 51 ay may anong mga aral para sa ating kapakinabangan?
21 Ang taos-pusong panalangin ni David na nasusulat sa Awit 51 ay nagpapakita sa atin na tayo’y dapat tumugon sa ating kasalanan na taglay ang isang tunay na kaloobang nagsisisi. Ang awit na ito ay mayroon ding maririing aral para sa ating kapakinabangan. Halimbawa, kung tayo’y nagkasala ngunit nagsisisi, tayo’y makapagtitiwala sa awa ng Diyos. Subalit, tayo’y dapat na mabahala lalung-lalo na tungkol sa anumang upasala na maaaring naidulot natin sa pangalan ni Jehova. (Aw 51 Talatang 1-4) Tulad ni David, tayo’y makadudulog sa ating Ama sa langit sa paghingi ng awa salig sa ating minanang pagkamakasalanan. (Aw 51 Talatang 5) Tayo’y dapat magsalita ng katotohanan, at tayo’y kailangang humingi ng karunungan buhat sa Diyos. (Aw 51 Talatang 6) Kung tayo’y nagkasala, dapat tayong magsumamo kay Jehova na linisin tayo, bigyan ng isang pusong malinis, at isang matatag na kalooban.—Aw 51 Talatang 7-10.
22 Buhat sa Awit 51 makikita rin natin na hindi natin dapat payagan ang ating sarili na maging manhid sa pagkakasala. Kung ating gagawin iyon, ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, ay aalisin ni Jehova sa atin. Gayunman, kung sumasaatin ang espiritu ng Diyos, tayo ay magtatagumpay ng pagtuturo sa iba ng kaniyang mga daan. (Aw 51 Talatang 11-13) Kung tayo’y magkasala ngunit magsisi, tayo ay papayagan ni Jehova na magpatuloy ng pagpuri sa kaniya sapagkat hindi niya hinahamak ang isang pusong bagbag at may pagsisisi. (Aw 51 Talatang 14-17) Ang awit ding ito ay nagpapakita rin na hindi dapat mapatutok sa ating sarili lamang ang ating mga panalangin. Bagkus, dapat nating ipanalangin ang pagpapala at espirituwal na kapakanan ng lahat ng nakikibahagi sa dalisay na pagsamba kay Jehova.—Aw 51 Talatang 18, 19.
23. Bakit ang Awit 51 ay dapat magpakilos sa atin na magpakatibay-loob at magkaroon ng maaliwalas na pag-asa?
23 Ang makabagbag-damdaming awit na ito ni David ay dapat mag-udyok sa atin na magkaroon ng tibay-loob at maaliwalas na pag-asa. Tinutulungan tayo nito na huwag isipin na wala nang pag-asa kung sakaling matisod tayo sa kasalanan. Bakit? Sapagkat kung tayo’y nagsisisi, ang awa ni Jehova ang makapagliligtas sa atin sa kawalang-pag-asa. Kung tayo’y nagsisisi at lubusang nakatalaga sa ating mapagmahal na Ama sa langit, kaniyang pinakikinggan ang ating daing na tayo’y kahabagan. At anong laking kaaliwan na malaman na hindi hinahamak ni Jehova ang isang pusong bagbag!
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit nangangailangan ang mga Kristiyano ng isang malinis na puso at ng banal na espiritu ng Diyos?
◻ Ano ang maituturo ng isang taong nagsisisi sa mga sumasalansang sa kautusan ni Jehova?
◻ Papaano minamalas ni Jehova ang isang pusong bagbag at nagsisisi?
◻ Anong nakaaaliw na mga aral ang nasa Awit 51?
[Larawan sa pahina 15]
Ikaw ba ay nananalangin na bigyan ka ng banal na espiritu at nag-iingat na huwag pighatiin iyon?
[Larawan sa pahina 17]
Magpakita ng pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kagandahang loob ni Jehova sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang katotohanan?