UBAN
Ang pagkakaroon ng uban o pagputi ng buhok ay dahil sa pagkaunti ng mga sangkap na nagbibigay ng kulay sa buhok bilang resulta ng mga pagbabago sa kemistri ng katawan. Sa mangilan-ngilang kaso ay maagang pumuputi ang buhok, ngunit kadalasan nang kaakibat ito ng pagtanda. Kaayon ng huling nabanggit na kalagayan ang paglitaw sa Bibliya ng pandiwang Hebreo na siv (maging ubanin) at, mas malimit, ng pangngalang Hebreo na seh·vahʹ (mga uban, pagiging may-uban, katandaan). (Ru 4:15; 1Sa 12:2; 1Ha 2:6, 9; Job 15:10; Aw 71:18) Sina Abraham, Gideon, at David ay nabuhay hanggang sa “lubos na katandaan [seh·vahʹ].”—Gen 15:15; 25:8; Huk 8:32; 1Cr 29:28.
Kinikilala ng Bibliya kapuwa ang kagandahan ng kabataan at ang karilagan ng katandaan. “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan, at ang karilagan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.” (Kaw 20:29) Lalo nang totoo ang huling binanggit kung ang mga indibiduwal na ito ay sumasamba at naglilingkod kay Jehova. “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kaw 16:31) “Yaong mga nakatanim sa bahay ni Jehova, . . . uunlad pa rin sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban.” (Aw 92:13, 14) Hindi sila pababayaan ng kanilang Diyos. (Isa 46:4) Ito ang kautusan ni Jehova: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda.”—Lev 19:32.
Ang pagiging may-uban, o pagputi ng buhok, ay walang kaugnayan sa kasarian ng mga indibiduwal; ni isang salik man dito ang natural na kulay ng buhok, gaya ng dilaw, itim, o pula. Matagal nang kinikilala na ang pagputi ng buhok ay hindi kayang pigilan o lunasan ng tao o ng siyensiya ng medisina. Itinawag-pansin ni Jesu-Kristo ang bagay na ito matapos niyang sabihin na hindi natin dapat ipanumpa ang ating ulo.—Mat 5:36.
Hindi lamang nitong makabagong panahon natuklasan ang pantina sa buhok, sapagkat noon ay gumagamit na nito ang mga Griego at ang mga Romano. Ayon kay Josephus, sinasabing tinitina ni Herodes na Dakila ang kaniyang dumaraming uban upang ilihim ang kaniyang katandaan.—Jewish Antiquities, XVI, 233 (viii, 1).