Ang Pangmalas ng Bibliya
Pagpapahiram at Paghiram ng Salapi sa Pagitan ng Magkaibigan
“ANG BALAKYOT AY NANGHIHIRAM AT HINDI NAGBABAYAD, NGUNIT ANG MATUWID AY NAGPAPAKITA NG LINGAP AT NAGBIBIGAY NG MGA KALOOB.”—AWIT 37:21.
“HUWAG manghihiram, ni magpapahiram; sapagkat karaniwang naiwawala nito ang salapi at ang kaibigan.” Gayon ang isinulat ng mandudulang Ingles na si William Shakespeare, anupat inuulit ang isang napakatagal nang karunungan. Tiyak naman, iilang salik lamang ng ugnayan ng mga tao ang maaaring kasimpanganib ng panghihiram at pagpapahiram ng salapi. Kahit pa nga sa pinakamaingat na mga plano at pinakatapat na mga intensiyon, hindi laging lumalabas nang ayon sa inaasahan ang mga bagay-bagay.—Eclesiastes 9:11, 12.
Baka bumangon ang mga kalagayan na maaaring maging mahirap o imposible para sa nangutang na magbayad sa kaniyang mga pagkakautang. O baka kailanganin agad ng nagpahiram ang salaping ipinautang. Gaya ng ipinakita ni Shakespeare, kapag nangyari ang gayong mga bagay, nanganganib ang mga pagkakaibigan at ugnayan.
Sabihin pa, baka naman may makatuwirang dahilan ang indibiduwal para manghiram ng salapi. Maaaring maisip niya ito bilang ang tanging paraan kapag napaharap sa pinansiyal na kagipitan na bunga ng malubhang aksidente o pagkatanggal sa trabaho. Hinihimok ng Bibliya yaong mga may kakayahan na tulungan ang mga nangangailangan kung nasa kalagayan silang gawin ito. (Kawikaan 3:27) Maaaring kalakip dito ang pagpapahiram ng salapi. Kung gayon, paano dapat malasin ng mga Kristiyanong nasasangkot sa gayong kasunduan ang kanilang mga obligasyon?
Mga Simulaing Dapat Isaalang-alang
Ang Bibliya ay hindi isang aklat na giya sa pananalapi. Hindi nito tinatalakay ang lahat ng detalye na kaakibat ng pangungutang o pagpapautang. Nakasalalay na sa nasasangkot na mga indibiduwal ang mga usaping gaya ng kung kinakailangang magpatubo o hindi o kung gaano kalaki ang patutubo.a Gayunman, naglalaan ang Bibliya ng maliwanag at maibiging mga simulain na dapat pumatnubay sa mga saloobin at paggawi ng sinumang nangungutang o nagpapautang.
Isaalang-alang ang mga simulain na kumakapit sa nangungutang. Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘huwag magkautang kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa.’ (Roma 13:8) Bagaman ang simulaing binabanggit dito ni Pablo ay may malawak na kahulugan, tiyak na ang payo niya ay isang babala laban sa pagkakaroon ng utang. Kung minsan, mas maigi pa ang walang pera kaysa may-utang sa iba. Bakit? Ipinaliliwanag ng Kawikaan 22:7 na “ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram.” Dapat matanto ng nangutang na hangga’t hindi nababayaran ang utang, mayroon siyang obligasyon. Ayon sa simulain, ang mga kikitain niya ay hindi lubusang kaniya. Ang pagbabayad ng kaniyang utang nang naaayon sa mga napagkasunduan ay nararapat na may pangunahing dako sa kaniyang buhay, kung hindi, maaaring bumangon ang mga suliranin.
Halimbawa, kapag lumilipas ang panahon nang hindi nagbabayad sa itinakdang oras, maaaring mainis ang nagpautang. Ang mga bagay na ginagawa ng nangutang gaya ng pamimili ng mga damit, pagkain sa mga restawran, o pagbabakasyon ay maaaring pagdudahan ng nagpautang. Baka magkaroon ng sama ng loob. Ang kaugnayan nila at kahit pa nga ng mga pamilya nila ay maaaring masira o masahol pa. Maaaring maging gayon ang masaklap na bunga kung ang nangutang ay hindi tumupad sa kaniyang salita.—Mateo 5:37.
Subalit paano naman kung ang nangutang ay biglang mahadlangan sa pagtupad ng kaniyang pananagutan dahil sa isang kalagayang wala siyang magawa? Kinakansela ba nito ang kaniyang utang. Hindi naman gayon. Sinasabi ng salmista na ang taong matuwid “ay sumumpa sa kaniyang ikasasama, at gayunma’y hindi siya nagbabago.” (Awit 15:4) Sa gayong kalagayan, ang isang maibigin at matalinong bagay na dapat gawin ng nangutang ay ang ipaliwanag kaagad sa nagpautang ang situwasyon. Sa gayon, maaari silang magkasundo sa ilang pagbabago sa mga kaayusan. Tinitiyak nito ang kapayapaan, at makalulugod ito sa Diyos na Jehova.—Awit 133:1; 2 Corinto 13:11.
Ang totoo, isinisiwalat ng isang tao ang maraming bagay hinggil sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng paraan niya sa pag-aasikaso ng kaniyang mga pagkakautang. Ang isang malamig na saloobin sa pagbabayad ay nagbabadya ng kawalan ng malasakit sa iba. Sa katunayan, ang isang tao na may gayong saloobin ay nagpapamalas ng kasakiman—inuuna ang sariling mga pagnanais at kagustuhan. (Filipos 2:4) Isinasapanganib ng isang Kristiyano ang kaniyang katayuan sa Diyos kung kusa siyang tumatanggi sa pagbabayad ng kaniyang pagkakautang, at ang mga ikinikilos niya ay maaaring magbadya ng isang sakim at balakyot na puso.—Awit 37:21.
Ang Nagpapautang
Bagaman ang malaking pananagutan ay nakasalalay sa nangungutang, may mga simulain din na kumakapit para sa nagpapautang. Ipinakikita ng Bibliya na kung nasa kalagayan tayo upang tulungan ang mga nangangailangan, dapat nating gawin ang gayon. (Santiago 2:14-16) Subalit hindi naman nangangahulugan iyan na ang indibiduwal ay obligado na magpautang ng salapi, kahit pa nga isang kapatid sa espirituwal ang nangungutang. “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli,” ang sabi ng Bibliya.—Kawikaan 22:3.
Sa pagkaalam at pagkaunawa ng pinakatiyak na mga silo na nasasangkot sa pagpapautang at pangungutang, maingat na isasaalang-alang ng isang tao na may matalinong unawa ang anumang kahilingan ng pag-utang sa kaniya. Makatuwiran ba ang kahilingan? Napag-isipan na bang mabuti ng nangungutang ang bagay na ito? Ang nangungutang ba ay totoong organisado at may magandang reputasyon? Handa ba niyang lagdaan ang isang dokumento kung saan binabalangkas ang mga kasunduan? (Ihambing ang Jeremias 32:8-14.) Talaga bang handa siyang magbayad?
Hindi naman ito nangangahulugan na dapat tanggihan ng isang Kristiyano ang isang nangangailangang indibiduwal na waring posiblemg mapanganib na pautangin. Ang personal na obligasyon ng isang Kristiyano para sa iba ay hindi lamang sa mabubuting paggawi sa negosyo. “Subalit ang sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan at gayunma’y ipinipinid ang pintuan ng kaniyang magiliw na pagkamadamayin sa kaniya, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos?” ang tanong ni apostol Juan. Oo, ang mga Kristiyano ay dapat na “umibig, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 Juan 3:17, 18.
Sa ilang mga pagkakataon maaaring ipasiya ng isang indibiduwal na huwag magpautang ng salapi sa kaniyang kapatid na nangangailangan. Baka piliin niyang magbigay ng kaloob o mag-alok ng ibang maitutulong. Sa gayunding simulain, kapag bumangon ang mga suliranin sa kaayusan ng pagpapautang, maaaring piliin ng nagpautang ang kumilos nang may-kaawaan. Maaari niyang isaalang-alang ang nabagong mga kalagayan ng nangutang at palawigin ang palugit ng pagbabayad, bawasan ang pagkakautang, o maaari pa ngang kanselahin na ito nang lubusan. Ang mga ito’y personal na pagpapasiya na dapat gawin ng bawat indibiduwal para sa kanilang sarili.
Dapat na isaisip ng mga Kristiyano na ang Diyos ay nagmamasid sa lahat ng bagay at pinagsusulit niya tayo sa ating paggawi at kung paano natin ginagamit ang ating mga kayamanan. (Hebreo 4:13) Ang payo ng Bibliya na hayaang ang lahat ng ating “mga gawain ay maganap nawa na may pag-ibig” ay tiyak na kumakapit sa pagpapahiram at paghiram ng salapi sa pagitan ng magkaibigan.—1 Corinto 16:14.
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa pagpapatubo ng interes sa mga utang, pakisuyong tingnan ang Oktubre 15, 1991, na isyu ng Ang Bantayan, pahina 25-8.
[Larawan sa pahina 18]
“Ang Tagapamalit ng Pera at ang Kaniyang Maybahay” (1514), ni Quentin Massys
[Credit Line]
Scala/Art Resource, NY